X

Huwag magpa-Abuso sa Iba – Isang Aral Mula sa Tatlong Pabula

English Version (Click Here)

Magkaiba ang mga nangangailangan ng tulong, at mga gustong abusuhin ang iyong kagandahang loob. Ang masama dito ay ang mga mapang-abuso ay madalas nagpapanggap bilang taong nangangailangan ng tulong. Isinulat ko ito sa panahon ng krisis (ang Covid-19 pandemic), pero kailangan natin itong alalahanin sa panahon ng kapayapaan at kasaganaan.

Noong tinignan ko ang aking silid na naglalaman ng maraming libro, nahanap ko ang isang librong naglalaman ng mga pabula ni Aesop (“The Dolphins, the Whales and the Gudgeon”, Penguin Little Black Classics). May ilang kuwento doon na nakakuha sa aking pansin dahil naiuugnay ko ang mga aral nito sa karanasan ng aking pamilya. Yun ang dahilan kung bakit nais ko silang ibahagi sa iyo ngayon, kaya basahin mo lang ang mga kuwento sa ibaba para matutunan mo ang nilalaman nila.


“The Ploughman and the Frozen Snake”

(Ang Mag-aararo at ang Nagyelong Ahas)

Isang araw ng taglamig, may magsasakang nakatagpo ng isang ahas na naninigas dahil sa lamig ng panahon. Naawa siya dito kaya pinulot niya ang ahas at inilagay niya sa loob ng kanyang damit. Noong nainitan na ang ahas, nagbalik ito sa kanyang likas na katangian at tinuklaw nito ang taong tumulong sa kanya.

Noong naramdaman ng magsasaka na mamamatay na siya, lubos siyang nagsisi at sinabi niya sa sarili: ‘Ito nga ang nararapat sa akin, dahil naawa ako sa isang napakasamang nilalang.’

Pinapakita ng pabulang ito na ang kasamaan ng pagkatao ay hindi nagbabago kapag pinakitaan mo ng kabutihan.

Ang Aral: Ang mga masasamang tao ay mananatiling masama kahit pinapakitaan mo sila ng kagandahang-loob.


Sa Pilipinas, may tinatawag tayong “utang na loob”. Kung may tumulong sa iyo, kailangan tulungan mo rin sila kapag sila’y nangangailangan. Nakabubuti ito dahil mas gaganahan ang mga taong tulungan ang isa’t isa kapag sila’y nagkakaproblema.

Sa kasamaang palad, may mga tao na aabusuhin lang ang iyong kagandahang-loob tapos maghahanap lang palagi ng palusot kapag may nanghingi sa kanila ng tulong. Mayroon ding mga nangaabuso sa konseptong ito at magbibigay sa iyo ng kakapiranggot na tulong, pero manghihingi ng sobra sobrang kapalit pagdating ng panahon.


“The Man Bitten by a Dog”

(Ang lalaking kinagat ng aso.)

May isang lalaki na kinagat ng aso at siya’y naglakbay nang malayo para maghanap ng makakapagpagaling sa kanyang sugat. May nagsabi sa kanya na ang kailangan lang niyang gawin ay punasan ang sugat ng tinapay at ibigay ito sa asong kumagat sa kanya. Sinagot siya lalaki:

‘Kung ginawa ko yon, kakagatin ako ng lahat ng aso dito.’

Katulad noon, kung pinagbigyan mo ang kasakiman ng isang tao, pinupukaw mo siyang ipagpatuloy ang pananakit sa iyo.

Ang Aral: Kung pinayagan mo ang isang tao na abusuhin ka, tinutukso mo siyang abusuhin ka pa.


Kung ikaw ay mabuting tao, iisipin mong mabubuti rin ang mga makakasalamuha mo. Sa kasamaang palad, hindi patas ang mundo. Kahit IKAW ay mabuti, marami ang hindi. Bukod sa mga mang-aabuso ng iyong kabutihan, mayroong mga magaakalang nararapat lang na pagsilbihan mo sila porke’t pinakitaan mo sila ng kagandahang-loob.

Naaalala mo noong sinabi ko na ramdam ng pamilya ko ang mga aral na iyon? Kung may reputasyon ka bilang isang mapagbigay at matulunging tao katulad ng aking ina, malamang nararanasan mo ang ganitong pagtrato ng iba sa iyo.

Isang gabi may matatanggap kang chat message mula sa isa mong kakilala o kamag-anak na ilang buwan o ilang taon mo nang hindi nakakausap. Makikipagtsismis muna sila saglit, tapos mabilis rin nilang ipapakita kung bakit talaga sila tumawag. Kailangan nila ng “tulong”, at umaasa sila na “makakahiram” sila ng pera sa iyo (pero malamang makakalimutan ka nilang bayaran). Tutulungan mo sila, magpapasalamat sila, at mawawala uli sa buhay mo.

Pagdaan ng sandaling panahon, manghihingi nanaman sila uli, tapos manghihingi uli, at manghihingi uli nang paulit ulit, at hindi nila maiisip na inuubos nila ang oras at pera na para dapat sa iyo at sa pamilya mo. Masahol pa doon, hindi sila nag-iisa. Malamang may marami kang mga kakilala na nanghihingi sa iyo ng “kaunting” pera, at kung kinuwenta mo silang lahat, malaking bawas sila sa perang pinagsikapan mo.

Para silang mga anay. Habang ang isa o dalawa ay hindi ganoon kalaki ang magagawang pinsala, pag dumami sila sisirain nila ang iyong bahay. Sa sitwasyong ito, sinisira ng mga mapang-aabusong tao ang iyong kinabukasan sa pamamagitan ng pakaukaunting paghingi at pangungutang.

Makinig ka lang muna sa amin at iwasan mo ang ganoong mga tao. Mayroong mga tapat at mabubuting tao na minamalas lang at tunay na nangangailangan ng tulong, pero mayroon ding iba na naghahanap lamang ng mga makakapitan para iresolba ang mga problema nila na sila mismo ang may gawa.

Paano mo naman iiwasan ang mga mapang-abuso? Ito ang isa pang pabula na may mahalagang aral.


“The Trodded-on Snake and Zeus”

(Ang tinapak-tapakang ahas at si Zeus.)

Ang isang ahas, bugbog dahil maraming beses siyang tinapakan ng mga tao, ay pumunta kay Zeus para magreklamo. Ang sabi ni Zeus: ‘kung tinuklaw mo lang ang unang tumapak sa iyo, hindi ka na sana susubukang tapakan ng kasunod.’

Ayon sa pabulang ito, ang mga pumalag sa unang sumubok na saktan sila ay nagiging kakila-kilabot sa ibang susubukan sana silang saktan.

Ang Aral: Huwag mong payagang abusuhin ka ng iba. Pumalag ka at protektahan mo ang iyong sarili dahil kung hindi, may ibang susubok na abusuhin ka.


Mahalagang tulungan ang mga nangangailangan, pero kailangan din nating mag-ingat at iwasan ang mga gustong umabuso sa ating kagandahang-loob. Iwasan mo ang mga taong alam mong hindi tapat, tulad ng mga tao na nangungutang pero “nakakalimutan” palaging magbayad, o mga tao na mayroon palaging bagong cellphone at gadgets at magagandang damit pero palaging may problema sa pera (habang nagpaparamdam na tulungan mo dapat sila).

Mabuti ngang tumulong (lalo na kapag kutob mong makatotohanan ang rason nila), pero kung may paulit ulit na nanghihingi ng tulong, mag-ingat ka na. May kasabihan, “the road to hell is paved with good intentions”. Ang daan patungo sa impiyerno ay puno ng mabuting balak. Habang iniisip natin na nakakatulong tayo sa iba, minsan pinapahamak pala natin sila dahil sinusuportahan lang pala natin ang kanilang mga bisyo.

Sana manatili sa iyo ang aral dito. Habang mabuting alagaan ang mga naghihirap, dapat mag ingat tayo nang husto sa mga taong mapang-abuso at naghahanap ng mga bago nilang mabibiktima.

Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.