X

Pagkaswerte at Kamalasan… At Paano Tumigil sa Pag-aalala

English Version (Click Here)

Ang kamalasan ay hindi palaging kasunod ng pagkaswerte, at ang pagiging masuwerte sa sa isang bagay ay hindi direktang magdudulot ng kamalasan sa iba. Kung sinuwerte ka, hindi ka dapat magsayang ng oras pagaalala sa kung ano mang “darating” na masama. Mabuting magpasalamat na lang sa natanggap na biyaya, at magsaya!

Ang buhay ay parang isang “wheel of fortune”. Minsan nasa tuktok tayo ng mundo at napakasaya sa isang panahon, pero baka tayo ay dudurugin ng kamalasan sa kasunod na oras. Gayunpaman, magiging ganoon na ba parati ang tadhana? Ang malas ba ay palaging susunod sa kasiyahan?

Susuwertehin at Mamalasin?

Naisip ko itong idea na ito dahil nakakuha ako ng isang napakaswerteng bunot sa Fate/Grand Order, isang game na nilalaro ko sa aking phone. Matapos kong gamitin ang lahat ng aking resources sa laro, sa isang huling desperadong single roll, natalo ko ang napakababang 0.7% chance at nakuha ko ang pinakagusto kong character sa larong iyon. Excited ako noong nakuha ko siya, pero biglang nangamba ako nang husto pagkatapos ng ilang minuto.

Naisip ko, “kung sinuwerte at masaya ako ngayon, malamang baka makakatanggap ako ng bad news mamaya”. Siguro magiging mas malala ang problema ng pamilya namin sa lupa. Siguro ang isang kamag-anak ko ay mapipinsala, magkakasakit, o mas malala pa. Baka makakatanggap kami ng isang trahedya kung saan. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari, pero hindi ko mapigilan ang pag-aalala ko sa kung ano mang darating na kamalasan sa madaling panahon.

Pinag-isipan ko pa ito at unti unti kong nakita na wala naman talagang katuturan ang pag-aalala kong iyon. Diba nga, kung sinuwerte ka sa isang bagay, ibig sabihin ba noon MAMALASIN ka agad? Alam naman natin na ang buhay ay puno ng kasiyahan at kalungkutan, pero kung masaya ka sa isang oras, hindi ibig sabihin noon na magkakaroon ka agad ng katumbas o mas-malalang trahedya pagkatapos. Isipin mo rin. Ang pagkaswerte ba ay NAGDUDULOT ng kamalasan?

SIYEMPRE HINDI! Kaya BAKIT ako nagaalala?

Ang buhay ay puno ng mga problema at solusyon; kasiyahan at kalungkutan; tagumpay at trahedya. Ang ibang “masayang” aksyon ay nagdudulot nga ng “kalungkutan” (tulad ng pangungutang para makapagbayad sa isang masayang bakasyon pero nasasakal ka naman sa laki ng inutang, o pagsusugal sa casino at uuwi nang walang pera), madalas din naman hindi sila magkaugnay sa isa’t isa.

Tayo ay sinusuwerte at minamalas, pero madalas sila’y hindi nagiging sanhi ng isa’t isa. Kung nagkaroon tayo ng promotion o pay increase, konektado ba iyon sa pagkamatay ng iyong lolo o pagkakasakit ng iyong anak? Hindi. Ang mga problema ay nangyayari kapag gusto nilang mangyari, at ganoon din ang mga tagumpay na nakakamit at pinagsisikapan natin. Ganoon talaga ang buhay.

Kaya bakit natin kailangang mag-alala tungkol sa darating na mga kamalasan kung sinuwerte tayo saglit? Makatutulong ba itong pag-aalala sa sitwasyon, o iniistress lang ba natin ang ating sarili? Pag-isipan nga natin iyong mabuti.


Ito ang aral natin sa araw na ito:

Kung ikaw ay sinuwerte, magsaya ka at magpasalamat! Huwag tayong magsayang ng oras sa pag-aalala sa darating na trahedya ayon sa ating imahinasyon at maging mapagpasalamat na lang tayo sa mga biyaya. Sa kabilang dako naman, kung ikaw ay minamalas nang husto, tandaan mo rin na hindi ito magtatagal at makakaisip ka rin ng mga solusyon. Tuloy pa rin ang buhay kahit ano ang mangyari.


The blessing of the Lord makes one rich, and He adds no sorrow with it.

— Proverbs 10:22 NKJV

(Pagsasalin: Ang biyaya ng Diyos ay nagbibigay ng kasaganaan, at wala siyang isinasabay na kalungkutan dito.)


Kailangan nga naman talaga nating maghanda para sa mga posibleng sakuna (hal. gumawa ng emergency fund, bumili ng insurance, mag-ipon at mag-invest ng pera para makapagretiro, magsulat ng will para sa ating mga anak at apo, atbp.), hindi natin dapat hayaang maging hadlang ang ating pag-aalala sa pag-enjoy natin sa buhay ngayon.

Sana nagustuhan mo ang maikling aral na ito! Kung gusto mong makapagbasa ng marami pang iba, tignan mo ang article list namin dito!

Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.

View Comments (2)