English Version (Click Here)
Minsan, mahirap magisip ng bagong idea. Kahit ayos lang namang ulit-ulitin ang mga template o lumang idea, pwede itong maging hindi komportable o nakakabagot gawin. Normal naman ang pagkakaroon ng art block o writer’s block at ako mismo ay palaging nakakaranas nito. Paano ko ito nalalagpasan? Narito ang ilang payo na natutunan ko tungkol sa kung paano mag brainstorm ng mga idea.
Paano Mag Brainstorm ng Mga Idea: Ilang Simpleng Payo Para sa Mga Manunulat, Pintor, at Iba Pang Manlilikha
-
Scribbles: Gumawa ng mga burador, pamagat, o mga guhit
Madalas ko itong ginagamit sa art. Kung wala akong maisip na gustong idrawing o iguhit, gumagawa muna ako ng mga blankong katawan o poses o mga tipak ng kulay sa isang blankong canvas at tinitignan ko kung ano ang pwede kong gawin mula doon. Minsan may lumilitaw na idea at ang pangunahing sketch o guhit ay nagiging kumpletong piesa. Kung hindi naman iyong nangyari at pinabayaan ko na lang ang sketch, practice o pageensayo pa rin ito kaya hindi nasasayang ang effort o pagsisikap.
Ginagamit ko rin ito sa pagsusulat. Kung wala akong maisip na article, naglilista ako ng mga salita o maliliit na idea hanggang may mahanap akong gusto kong isulat. Madalas, kapag sinimulan ko na ang draft o burador, ang maliit na idea ay pwedeng humaba sa ilang libong salita kapag naglagay na ako ng mga references at halimbawa.
-
Itanong mo kung ano ang kailangan ng iba, o mag-isip ka kasama ng ibang tao
Ito ang isa sa mas epektibong paraan para makakuha ng idea at inirekomenda ito ni Napoleon Hill sa kanyang payo tungkol sa paggawa ng “mastermind group”. Limitado ang maiisip natin mula sa ating kakaunting kaalaman at karanasan, pero kapag isang grupo ang nagiisip ng sabay, dumarami ng husto ang mga idea dahil sa iba-ibang karunungan at karanasan ng mga miyembro. Mas epektibo ito kapag ang grupo ay may mabubuting pinuno at nagkakaisa sila para sa isang mabuting layunin.
Paano ko naman ito nagagamit? Bukod sa pagtatanong sa mga kaibigan at pamilya (tulad ng mga viewers ko sa aking art stream), itinatanong ko rin sa sarili ko kung ano ang mga kakailanganin ng mga tao. Isang paraan para masagot ko iyon ay ang pagtingin sa kung ano man ang isinesearch ng mga tao sa Google at Bing gamit ang kanilang Keyword Planner at Webmaster tools. Naghahanap ako hanggang may makita akong gusto kong isulat.
-
Magbasa ng mga libro o pagmasdan mo ang gawa ng iba para makahanap ng inspirasyon
Ito ay isa pang paraang ginagamit ko kapag wala akong maisip na bago. Kung wala akong maisip habang nag-iisa, tinitignan ko ang gawa ng iba para makahanap ng inspirasyon. Dahil nga limitado ang aking karanasan at kaalaman, sinusubukan kong matuto mula sa karanasan at kaalaman NG IBA mula sa kanilang mga kasulatan o iginuhit! Madalas, nakakahanap ako ng insight o ideang nagugustuhan ko at saka ako nagsusulat o gumuguhit.
-
Mag-isip sa isang tahimik na lugar
Sa karanasan ko, ang mga karaniwang abala at trabahong ginagawa araw araw ay nakahahadlang sa paghahanap ko ng mga bagong idea. Kapag nasa bahay o opisina ako, minsan nahihirapan akong mag-isip ng mga bagay na gusto kong iguhit o isulat. Ano ang ginagawa ko sa mga panahong iyon? Lumalabas lang ako, naghahanap ng tahimik na lugar kung saan ako pwedeng magrelax, at saka ko hinahayaang maglikha ang isipan ko ng mga bagong idea.
-
Magpahinga muna at hayaang magtrabaho ang isipan
Minsan, hindi talaga lumalabas ang mga bagong idea kahit ano pa man ang gawin natin, kaya huwag na lang nating pilitin. Habang nagiistress tayo tungkol doon, mas lalo nating hinahadlangan ang isipan natin sa paglikha ng bago. Magpahinga tayo sandali at magrelax. May darating ding bagong idea sa ating isipan.
Kailangan lang nating hayaan ang ating subconscious mind na magtrabaho mag-isa.
Isang huling payo: Magdala ng notebook o kuwaderno!
May kasabihan, “the palest ink is stronger than the best memory”. Ang pinakamaputlang tinta ay mas-matibay pa sa pinakamatatag na alaala. Kapag nakakuha tayo ng bagong idea, nananatili ito sa ating short-term memory sa loob ng 15 hanggang 30 na segundo. Kung hindi nati ito nailagay sa ating long-term memory, malamang mawawala lamang ito.
Gaano katatag ang alaala mo kapag nakakuha ka ng isang million-dollar life-changing idea?
Pwede kang maglaan ng ilang segundo para isulat ito, o pwede mong hayaang maglaho ito habang buhay. Mahirap magbakasakali sa ganitong sitwasyon.
Ito ang dahilan kung bakit mayroon ako palaging dalawang notebooks o kuwaderno (at mayroon din akong note-taking apps sa aking cellphone). Ang isa ay para sa articles na gusto kong isulat, at ang isa ay para sa mga bagay na naisip kong gawin at iba pang ideas.
Dahil isinusulat ko ang mga naiisip ko agad, sinisigurado kong wala akong mahalagang makakalimutan. Pinapatatag din nito ang habit ng pagsusulat ng mga bagay para hindi ko makalimutan ang mga ito. Gumagana ito para sa akin, kaya malamang baka gumana rin ito para sa iyo.
Anim na payo tungkol sa kung paano mag brainstorm ng mga idea:
- Magsulat o gumuhit ng iba’t-ibang bagay.
- Magtanong sa iba o mag-isip kasama ang iba.
- Magbasa ng mga libro o tumingin sa gawa ng iba para sa inspirasyon.
- Pumunta sa tahimik na lugar para mag-isip.
- Magpahinga at hayaang lumitaw ang mga idea.
- Magdala ng notebook o kuwaderno!