English Version (Click Here)
Sino ba naman ang magaakala, diba? Sino ang makakaisip (bukod kay Bill Gates) na magkakaroon ng ganito kalalang pandemya na pipigil sa ilang mga bansa, magpapalugi ng libo libong negosyo, at mawawalan ng trabaho at hanapbuhay ang milyon milyon.
Habang nagbigay ng suporta ang gubyerno ng Pilipinas sa mga hindi makapaghanapbuhay gamit ang ilang social amelioration programs (SAP o “ayuda”), sa kasamaang palad, madalas hindi ito sapat.
Sa ngayon, kahit nagbalik na ang ilang negosyo dahil sa general community quarantine (GCQ) ngayong Hunyo, mukhang hindi pa rin nagflaflatten ang curve at marami pa rin ang hindi makapaghanapbuhay, tulad ng mga jeepney at bus drivers, atbp. Hindi rin ganoon karami ang mga tao sa labas at karamihan sa mga maliliit na negosyo na nakikita ko ay naghihirap ngayon. Marami rin ang nagsarado na nang tuluyan.
Nakakalungkot talaga.
Sino nga ba naman ang magaakala na mangyayari ito, di ba? Ako hindi ko rin inakala.
May dahilan kung bakit palaging sinasabi ng mga personal finance instructors na mag-ipon ka ng isang “emergency fund”, at ipinakita nitong pandemic o pandemyang ito kung bakit.
Bakit Kailangan Nating Gumawa ng Emergency Fund Account
Ano ang Emergency Fund?
Ang emergency fund ay savings account o ipon na may sapat na pera para sa tatlo hanggang anim na buwan ng gastusin (pagkain, kuryente, tubig, atbp.). Itong ipon na ito ay iba sa iyong savings at investments na para sa pag-asenso at retirement.
Ano ang ibig sabihin ng ipon na sapat para sa tatlo hanggang anim na buwang gastusin? Sabihin natin gumagastos ka ng P5,000 para sa pagkain at P5,000 para sa kuryente, tubig, internet, at iba pang gastusin buwan buwan (P10,000 lahat lahat). Kailangan mong mag-ipon hanggang mayroon kang P60,000 sa isang bank account na hindi mo gagalawin kung walang malubhang emergencies na kailangan mong harapin, tulad ng pagkawala ng trabaho, may namatay sa pamilya, o may pandemya tulad nito.
Habang mukhang mahirap ngang mag-ipon ng ganoong halaga, pagdaan ng panahon makakaipon ka ng ganoon kung nagsimula ka ngayon. Hindi nga ito masaya sa simula kung hindi ka pa sanay, pero ang resulta nito ay magiging handa ka para sa mga oras na may ganitong sakuna. Sa buhay, mayroon talagang mga problema at sakuna na mangyayari. Ang tanong lang ay “kailan?” at “handa ka ba?”.
Paano magsimulang mag-ipon
Tulad ng pag-iipon para sa iyong pagretiro, ang pinakamabisang payo para mag-ipon ng emergency fund ay kunin ang 10% ng iyong kita pagkakauha mo nito, ilagay mo ito agad sa iyong emergency fund, at “kalimutan” mo na ito.
Kung palagi mong aalalahanin na mayroon kang “extra” na pera, malamang baka maisip mong gastusin ito. Isipin mong “nagastos na” o wala na ang perang iyon. Parang nai-downpayment mo na para sa iyong 100th birthday party.
Simulan mong mag-ipon ngayong buwan o sa susunod mong sahod at ipagpatuloy mo. Sa pagdaan ng panahon, makakaipon ka ng napakalaking halaga para ikaw ay mabuhay nang maayos sa panahon ng sakuna.
Iba pang kailangang pag-isipan:
1. Magtago ng emergency cash sa bahay.
Akala ko dati itong payo na ito ay dahil minsan nasisira ang system ng bangko, nagiging offline ang mga ATM, at nagiging mahirap magwithdraw. Hinding hindi ko naisip na magkakaroon ng panahong hindi tayo makalabas dahil sa isang pandemya. Tandaan rin natin, may mas malala pang mga sakuna na pwedeng mangyari, tulad ng mga lindol at bagyo na pwedeng sumira sa power grid (kuryente) ng ating siyudad. Sabi nga “cash is king”, kaya mabuting maghanda tayo.
2. Ipunin ang iyong emergency money sa isang bank account na may credit o debit card, at itago mo ito.
Inuulit ko, itago mong mabuti ang card para sa iyong emergency fund para hindi mo ito gastusin kung hindi kinakailangan. Kailangan may credit o debit card ka (sana walang annual fees) para sa mga cashless purchases online. Para sa pandemyang ito, mahalaga ito para makabili ka ng pagkain o iba pang supplies online para maipadeliver mo ito sa iyong bahay.
3. Pag-aralan mo ang mobile at online banking, pati kaunting cybersecurity.
Kung gusto mong magbayad ng bills dito sa Pilipinas, hindi mo na kailangang lumabas pa para pumila sa pinakamalapit na BayadCenter branch. Pwede mo na itong gawin online kapag alam mo kung paano. Buti na lang marami nang bangko ang nakipagpartner sa BayadCenter kaya malamang pwede mo nang bayaran ang mga bills mo sa kanilang website o app. Subukan mong pag-aralan ang mga ito para matutunan (o tawagan mo ang iyong bangko para magpaturo) kung paano bayaran ang iyong bills online!
Isang babala: Dahil nagiging mas popular na ang online banking, magiging mas madalas na ang mga scams o “modus” na tumatarget sa mga mas matatanda at mga hindi bihasa sa paggamit ng internet. Kung nagsesend sa iyo ng cybersecurity tips ang iyong bangko, BASAHIN MO ANG MGA ITO. Mas mabuti na ito kaysa mawalan ka ng ilang daang libong piso dahil hindi mo alam na scammer pala ang kausap mo at hindi isang “customer service representative”.
Ilang payo tungkol sa basic online security:
- Huwag mong sabihin ang iyong One-Time PINs (OTP) kahit kanino. Ang nagtatanong sa iyo nito ay malamang isang scammer.
- Huwag mong sasabihin kahit kanino ang iyong credit card number at ang CCV sa likod ng iyong credit o debit card. Minsan iyon na lang ang kailangan ng mga scammer para gamitin ang iyong card at gastusin ang iyong pera online.
- Kung tinawagan ka ng isang “customer service representative” gamit ang isang di kilalang number, mag ingat ka kung tinanong nila ang iyong mother’s maiden name, address, telephone number, at iba pang detalye para sa kahit anong dahilan, kahit “pag-update ng iyong records”. Ang mga totoong customer service representatives ay gumagamit ng mga impormasyong iyon para kumpirmahin ang iyong identity sa phone at online transactions. Kung sinabi mo ito sa isang scammer, pwede nilang gamitin ang impormasyong ito pata tumawag sa bangko, magpanggap na ikaw, at subukang pasukin ang iyong account para nakawin ang iyong pera.
- Kung may di mo kilalang representative na tumawag, itigil mo ang call at itanong mo sa bangko (gamit ang phone number nila sa website) kung representative nga nila ito, tapos sabihin mo sa kanila na tawagan ka nila uli kung totoo ito.
Sana nakatulong ang mga payo ko dito. Ang mga seryosong problema tulad nitong pandemya, mga bagyo, lindol, kawalan ng trabaho, pagkamatay ng miyembro ng pamila, atbp. ay nangyayari paminsan minsan. Ang pagkakaroon ng ipon para sa mga emergencies ay napakalaking tulong para hindi ka malubog sa problemang pinansyal.
Sana ay manatili kang ligtas sa panahong ito, at sana kung sinundan mo ang mga payo dito ay mayroon ka nang sapat na pera para sa mga susunod na pagsubok sa buhay.
View Comments (0)