English Version (Click Here)
Ang pinakamahalagang dokumento na kailangan mong kuhanin para sa iyong sarili ay ang iyong birth certificate. Ito ang pangunahing dokumento para sa iyong identidad at kailangan mo ito para makuha ang iba pang napakahalagang mga bagay tulad ng iyong passport, SSS UMID, driver’s license, at iba pa. Buti na lang, hindi mo na ngayon kailangang pumunta sa pinakamalapit na Philippine Statistics Authority (PSA)* branch. Pwede ka nang mag-order ng kopya ng iyong birth certificate, pati na rin ang birth certificates ng iyong mga anak, online.
Pwede mong makuha ang iyong birth certificate mula sa dalawang online sources:
- PSA Helpline – https://psahelpline.ph/
- PSA Serbilis – https://www.psaserbilis.com.ph/Default.aspx
*Trivia: Ang mga birth certificates ay dating nasa National Statistics Office (NSO), pero ang organisasyong iyon ay naging bahagi na ngayon ng PSA.
Paano Kumuha ng Birth Certificate Online mula sa PSA
Mga dapat alalahanin:
- Kailangan mo ng valid government-issued ID para makuha ang iyong birth certificate kapag ipinadeliver na ito. Kung wala ka pang ID, pwede mong pakiusapan ang iyong mga magulang para mag-order para sa iyo at makukuha nila ito gamit ang kanilang valid IDs.
- Noong isinulat ko ito (May 2021), wala pang suffix selection (“Jr.”, “Sr.”, atbp.) sa website kapag nagta-type ka sa mga forms. Gayunpaman, noong ang isang kamag-anak ko ay nag-order at natanggap ang kaniyang birth certificate, mayroon nang tamang suffix na “JR” ang pangalan ng tatay niya. Kung hindi ka sigurado at ayaw mong magbakasakali, pwede rin namang pumunta ka na lang sa isang PSA branch para kumuha ng birth certificate.
- Noong isinulat ko ito, kakailanganin mong magbayad ng P365 para sa isang kopya ng iyong PSA birth certificate. Kasama na sa halagang iyon ang delivery at iba pang gastusin. Alalahanin mo rin na pwedeng tumaas ang presyo na kailangan mong bayaran pagdaan ng panahon.
Paano kunin ang iyong birth certificate mula sa PSA:
- Pumunta sa https://psahelpline.ph/
(Note: Pwede ka ring pumunta sa https://www.psaserbilis.com.ph/Default.aspx. Sa ngayon, psahelpline lamang ang nasubukan ko kaya wala muna akong masasabi tungkol sa psaserbilis.) - Pindutin ang “Order Now” sa taas at piliin ang “Birth” para sa iyong birth certificate. Basahin at i-accept ang terms and conditions at privacy policy, pundutin ang check box, at pindutin ang continue.
- Pwede mo ring makuha ang iyong marriage certificate, CENOMAR, o death certificate ng isa mong kamag-anak sa website na ito kung kinakailangan.
- Piliin kung kanino ang kukunin mong certificate. Kung kukunin mo ang sarili mong certificate, pindutin ang “Self”.
- Kung wala kang valid ID para ma-claim ang iyong certificate pero meron naman ang mga magulang mo, pwedeng sila na lang ang mag-order para sa iyo. Kailangan lang nilang pindutin ang “son” o “daughter” sa options.
- I-type ang kinakailangang impormasyon sa bawat page:
- Iyong sex o kasarian, pangalan, araw ng kapanganakan, atbp. Ipapakumpirma sa susunod na page kung tama ang spelling ng lahat ng impormasyong inilagay mo.
- Pangalan ng iyong ama (may check box kung hindi mo alam ang pangalan ng iyong ama).
- Maiden name ng iyong ina (pangalan niya bago siya ikinasal).
- Iyong lugar ng kapanganakan. Itatanong rin dito kung nairehistro ka nang late o sa tamang panahon.
- Sa susunod na pahina, itatanong kung bakit ka kukuha ng birth certificate.
- Itatanong sa susunod na pahina kung may ginawang legitimization sa iyo. Kung gusto mong magbasa pa tungkol dito, i-click mo itong link na ito patungong PSA.
- Sa susunod na pahina, dito mo isusulat ang iyong delivery information. Dito mo ilalagay ang iyong address, cellphone number, at email address. Dito ipapadala ng PSA ang iyong birth certificate, at dito ka rin tatawagan ng delivery personnel.
- Makukuha mo ang iyong reference number sa susunod na page, sa iyong cellphone sa text messages o SMS, at sa iyong email.
- Ang huling kailangan mong gawin ay bayaran ang iyong birth certificate. Kunin mo ang iyong reference number at piliin ang paraang nais mong gamitin para magbayad:
- Credit card, GCash, PayMaya, sa 7-eleven o Palawan Pawnshop, sa mga bangko tulad ng mga BancNet ATMs, Metrobank, BPI, BDO, o sa Dragonpay.
- Pindutin ang paraang nais mong gamitin at sundin ang mga tagubilin o instructions.
- Pagkatapos mong magbayad, idedeliver ng PSA ang iyong birth certificate sa iyong address sa loob ng ilang araw o ilang linggo. Tandaan na kailangan mong ipakita sa magdedeliver nito ang iyong ID! Dapat nasa loob ng envelope ang iyong birth certificate at ang resibo ay naka-stapler dito.
At dito na tayo nagtatapos! Iyon ang paraan para makuha mo ang iyong birth certificate nang hindi mo na kailangang umalis pa sa iyong bahay.
May mga tanong ka pa ba tungkol dito? May nagbago ba sa sistema nila? Sabihin mo lang sa mga comments sa ibaba!