X

Wealth 101: Magfocus sa Iyong Net Worth, Hindi Lang sa Iyong Sahod

*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.

English Version (Click Here)

Ang isa sa pinakamahalagang aral tungkol sa pagyaman at pag-asenso ay ito: Ang pag-asenso mo ay hindi nakabase sa iyong kinikita, kundi sa natitira sa iyong kita.

May kuwento sa librong The Richest Man in Babylon kung saan tinanong ng isang matalino (at mayamang) tao kung ano ang trabaho ng mga tinuturuan niya para ilarawan ang isang mahalagang aral. Nakita niyang mayroon doong manunulat, may isang butcher (nangkakatay ng karne), at marami pang ibang trabahador. Iba iba ang kanilang sahod, pero ang mga pitaka nila ay pare-parehong walang laman. Hindi sila umaasenso.

Hindi ba dapat ang mga kumikita ng mas mataas ay dapat may mas maraming ipon kumpara sa iba? Bakit hindi? At bakit makikita rin natin ito sa karamihan sa atin ngayon?

Ipagpatuloy mo lang ang pagbabasa para matutunan mo kung bakit, at para malaman mo rin ang solusyon.

Magfocus sa Iyong Net Worth, Hindi Lang sa Iyong Sahod

Hindi sa laki ng iyong kinikita…

Kung itatanong mo sa mga trabahador kung ano ang gusto nila, marami ang magsasabig gusto nila ng pisikal na gantimpala (tulad ng karagdagang pera). Ayon kay Kiyosaki, ang may akda ng Rich Dad, Poor Dad, iniisip ng karamihan na ang karagdagang pera ay makakaresolba ng lahat ng kanilang problema sa pera. Dahil doon, hinahangad nila palagi ang salary raise, promotion, o mas mataas na posisyon sa ibang kumpanya.

Ang karagdagang pera ay makakaresolba nga naman ng ilang problema, pero sa kasamaang palad, kapag hindi natin nagamit mabuti ang pera wala rin naman tayong mabuting mapapala. Katulad lang ito ng pagpapahiram ng pera sa isang manunugal (o isang shopping addict).

Often, the more money you make the more money you spend; that’s why more money doesn’t make you rich – assets make you rich.


Robert Kiyosaki

(Pagsasalin: Madalas, kapag mas mataas ang kita mo mas mataas din ang paggastos mo; kaya hindi ka yayaman sa karagdagang pera – assets ang magpapayaman sa iyo.)

Isipin mo ito. Gaano karaming tubig ang maiipon mo sa isang timba kung mayroong napakalaking butas sa ilalim nito? Kahit kaya ng gripo niyong maglabas ng litro litrong tubig bawat segundo, lalabas lang ito sa butas ng timba at mauubos din agad ang laman nito. Hindi makakatulong ang pagkuha ng mas malaking gripo, pero parang ganoon ang pagiisip ng tao pagdating sa pagpapayaman.

Iniisip nila na ang mas malakas na daloy ng tubig, mas malaking sahod, ay makakaresolba sa lahat ng problema. Hindi nila maintindihan na ang problema ay nasa maling paggamit ng pera. Kung hindi sila matututo ng mabubuting financial habits o paraan sa paghahawak ng pera at tapalan ang mga “butas” sa kanilang pitaka, hindi makakatulong ang karagdagang sahod.

Dadating din ang panahon kung saan matutuyot ang “gripo ng pera”, tulad ng kawalan ng trabaho, pagkabaldado, pagtanda at pagretiro, o iba pang dahilan. Kung hindi sila naghanda, edi may napakalaki silang problema.


…kundi sa NAIIPON MO! Palakihin mo ang iyong net worth!

Kaysa magsikap para lang palakihin ang iyong sahod na pwedeng maglaho sa pagbabago ng mga sitwasyon, pagsikapan mo ring palakihin ang iyong net worth.

Ano ang net worth? Ito ang kalahatan ng halaga ng iyong mga assets kapag binawasan mo ng halaga ng iyong mga liabilities. Sa madaling salita, iyo ang halaga ng lahat ng ari arian mo, menos lahat ng iyong mga utang.

Mabuti naman talaga ang malaking sahod dahil makakabili ito ng mas magandang kabuhayan. Sa kasamaang palad, hindi ito nakasisigurado ng pagyaman at pagasenso. Isipin mo, ano ang halaga ng mataas na sahod sa mga taong mahilig mag-ubos ng pera sa pagsusugal buwan buwan sa casino? Mayroon ding mga lasinggero na naguubos ng pera sa alak, at shopping addicts na nagwawalgas ng pera sa mga mamahaling luho at gamit na di naman nila kailangan. Mayroon ding mga nauubusan ng pera dahil palagi silang nagpapahiram ng pera sa mga “kaibigan” na palaging “nangangailangan” ng pera at mga nangungutang pero laging “nakakalimutan” magbayad (sa totoo, ginagamit lang nila ang pera para sa mga bisyo at luho nila).


Hindi lang dapat pagpapalaki ng sahod ang inaatupag.

Bukod sa tuksong walgasin ang pera sa mga luho, ano ang mangyayari sa iyo kapag nawalan ka ng trabaho o nabaldado ka tapos wala kang insurance o ipon sa bangko? Paano rin kung may ilang daang libo kang utang dahil sa inabuso mo ang pag-utang gamit ang iyong credit card?

May napakalaking problema ka kung ganoon.

Sa kabilang dako naman, kung may milyon milyon ka sa iyong investment portfolio, marami kang naipong pera para sa mga emergencies (sapat sa pagpapaospital at pagapaopera), may sapat kang insurance, at kakaunti o wala kang utang, edi mas mabuti ang posisyon mo. Pwede mong kunin ang insurance benefits, gamitin ang iyong emergency fund, at marami ka ring investments na magagamit para mabuhay ng komportable. Mas mabuti ang buhay mo kapang ang mga investments mo ay kumikita rin ng pera para sa iyo dahil sa rental income, dibidendo, capital appreciation, at iba pa.

Kung natuto ka ng mga mabubuting financial habits, hindi mo rin hihilahin pababa ang iyong pamilya (at mga kaibigan) sa kawalan ng pera at pagkabaon sa utang. Bukod pa doon, may iiwan ka pang yaman para sa iyong asawa, anak, at mga apo kapag sumakabilang-buhay ka na.

Kaysa sa pagpapalaki lang ng sahod ang pagtutuonan mo ng pansin, isipin mo rin ang pagpapalaki ng iyong net worth. Matutong mag-ipon ng pera, magbayad ng utang, pumili at mag-invest sa mga mabubuting assets o investments, at sanayin mo ang sarili mo na gawin ito palagi!

Sa ngayon, basahin mo ang iba naming isinulat tungkol sa paghahawak ng pera dito:

Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.