*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
English Version (Click Here)
Ang malubhang pagkasakit dahil sa Covid-19 ay hindi lamang isang malaking abala o gastusin, ito rin ay pwedeng ikamatay ng mga mahihina ang resistensya at ng mga nakatatanda. Dahil napakabilis kumalat nitong coronavirus na ito, mabuti nang gawin natin ang lahat ng ating makakaya para bawasan ang panganib at manatiling malusog.
Malamang nabasa mo na itong mga payong ito sa social media, pero mabuti nang alalahanin sila. Isipin mo, hindi lang ang iyong kalusugan ang mapapahamak kundi pati na rin ang kalusugan ng iyong mga magulang at mga lolo’t lola.
3 Paraan para Protektahan ang Iyong Sarili Mula sa Covid-19 Coronavirus
1. Gawin ang Social Distancing
Hindi man ito ganoon ka-praktikal para sa mga mahihirap na blue-collar workers at mga nagtratrabaho sa informal economy, ito pa rin ay dapat nating subukan ayon sa ating makakaya. Simple lang ang idea nito: kunwari, kung ayaw mong tamaan ka ng ligaw na bala, edi iwasan mo ang mga lugar kung saan may mga barilan. Kung gusto mong iwasan ang sakit na kumakalat sa maraming tao, edi bawasan mo ang pakikisalamuha mo sa mga grupo ng tao.
Lumabas ka lamang kapag kinakailangan, ikansela ang mga hindi mahahalagang pagtitipon, at bawasan ang pakikisalamuha mo sa mga grupo ng tao. Sa ganitong paraan, binabawasan natin ang risk na makuha ang sakit mula sa mga infected na wala pang sintomas, at binabawasan din natin ang risk na ikalat ang sakit kapag infected na pala tayo.
2. Pangalagaan ang iyong kalinisan: Maghugas ng kamay nang may sabon at mag-disinfect nang madalas!
Naalala ko dati sa highschool biology na ang mga viruses ay hindi tunay na “living thing” o “buhay” na bagay tulad ng mga bacteria. Hindi sila kumakain o lumalaki, at sila’y isa lamang nucleic acid (DNA/RNA) na nakabalot sa isang coat (fat at protein). Dahil doon, wala akong masyadong alam tungkol sa kung paano sila “talunin”. Natuwa ako noong nabasa ko itong article ni Pall Thordarson: “The science of soap – here’s how it kills the coronavirus”.
Nakakatuwang basahin ang article na iyon, pero ang buod nito ay ang mga amphiphiles ng sabon ay nakakapagpabilis ng pagkasira ng lipid (fat) layers ng viruses. Kaunting paghuhugas lang ang kailangan mo at nawawasak ang viruses. Matutong maghugas ng kamay gamit ang sabon at mag-disinfect nang madalas! Kung gusto mong maging mas-secure, maligo ka rin at magshampoo at magsabon ng katawan pag-uwi mo pagkatapos mong lumabas ng bahay.
3. Ang huling payo, palakasin mo ang iyong resistensya!
Madalas ako dating magbasa tungkol sa mga herbs at phytochemicals, traditional medicine, at health. Marami na rin akong natutunan tungkol doon, pero hindi ako nagsusulat tungkol sa mga iyon dito sa YourWealthyMind.com dahil ayaw kong masyadong marami ang topics dito. Baka magsulat ako tungkol sa kalusugan sa isa ko pang blog, OneAdventurer.com.
Kahit kaya nating bawasan ang risk na maexpose tayo sa paggamit ng social distancing at kalinisan, ang pinakahuli nating pananggala ay ang immune system ng ating katawan. Hindi man natin kaya ang 100% protection sa mga napakalalang mga sakit, dapat subukan pa rin nating palakasin ang ating resistensya. Ang matatag na kalusugan ay hindi lang magproprotekta sa atin, pero pwede rin nitong bawasan ang mga pinakamalalang sintomas at pabilisin ang paggaling natin mula sa sakit.
Immunity, when optimized, can ward off infection; and if infection does occur, it is much more likely to have a harmless outcome.
— Joel Fuhrman, M.D., Super Immunity
(Translation: Ang immunity, kapag pinalakas, ay nakakahadlang sa impeksyon; at kung magkaroon man ng impeksyon, mas madalas na hindi malala ang magiging resulta nito.)
Kahit gusto kong magsulat tungkol sa mga bagay tulad ng mga isothiocyanates, allicin (garlic), ang synergistic effects ng mga phytochemicals tulad ng curcumin (turmeric) at piperine (black pepper), mga pagkain ng mga pinakahealthy na tao sa mundo at iba pang ganoong mga bagay, malamang kakailanganin ko ng isang article para sa bawat isa noon. Paguusapan lang muna natin ang mga basics dito.
Narito ang ilang mga health tips mula sa ilang mga librong nabasa ko tungkol sa health at nutrition:
- Damihan ang pagkain ng mga prutas at gulay. Huwag mong paniwalaan ang mga post na kailangan mo lang uminom nitong isang essential oil o tableta o isang herbal juice. Ang kalusugan ay nanggagaling sa iba-ibang mga pagkain. Ang mga prutas at gulay ay naglalaman ng napakaraming antioxidants at phytochemicals na hindi lang nagproproteka sa iyong cells mula sa oxidative damage (antiOXIDANTS nga diba?), naglalaman din sila ng iba ibang nutrients na kailangan ng iyong katawan at immune system para gumana nang maayos. Para maging mas malusog, kumain ka ng iba-ibang klase ng prutas at gulay, pati na rin iba ibang mga herbs at spices.
- Bawasan ang stress. Bilang isang psychology graduate, napag-aralan ko ang ilang mga bagay tungkol sa kung paano ang stress ay nakakabawas ng iyong resistensya. Ito ay isang dahilan kung bakit madalas nagkakasakit ka kapag nastress ka sa trabaho o nagkaroon ka ng traumatic experience. Gumamit ka ng iba-ibang paraan para bawasan ang iyong stress levels, tulad ng tamang pagtulog, mag-siesta kung kailangan, mag-meditate, atbp., at malamang mas-bubuti ang iyong kalusugan.
- Bawasan ang kinakain mong junk food/sitsirya. Ang mga preservatives, sweeteners, at iba pang synthetic additives sa mga junk food o sitsirya ay pwedeng makasama sa iyong katawan. Hindi man natin sila pwedeng iwasan, pwede pa rin naman nating bawasan ang kinakain nating sitsirya at palitan ito ng mga mas masustansyang pagkain.
Ang pinakamabuting kombinasyon, ayon kay Dr. Joel Fuhrman, ay mga cruciferous vegetables (cabbage, broccoli, kale), kabute/mushrooms, at sibuyas/onions at bawang/garlic.
Ang mga cruciferous vegetables ay may mga isothiocyanates na nagpapalakas sa interferon response ng iyong katawan kaya ang immune system mo ay magiging mas mabilis at mas mabisa sa pagsalakay sa mga viruses. Ang mga mushrooms o kabute naman ay nagpapalakas sa mga NKT cells na sumusugod sa mga cells na infected na ng mga virus. Ang mga allium vegetables naman (bawang, sibuyas, scallions, chives, atbp.) ay may mga organosulfur compounds na humahadlang sa infection at nagpapabuti sa iyong immune function. Iyon ang pinaikling buod ng mga ginagawa ng mga gulay na iyon (at hindi ko pa tinalakay ang mga anti-cancer effects nila), kaya kung gusto mong matuto pa, dapat mabasa mo ang libro ni Dr. Joel Fuhrman.
Tandaan: Kumain ng mas maraming prutas at gulay, magbawas ng stress, at bawasan ang pagkain ng mga sitsirya!
May kasabihan, “an ounce of prevention is better than a pound of cure”. Ang kaunting pag-iwas ay mas makabubuti pa sa napakaraming lunas. Hindi man natin kayang iwasan nang husto ang impeksyon at sakit, pwede pa rin nating bawasan ang mga pagkakataong mahawa tayo. Para protektahan ang ating sarili at ang mga mahal natin sa buhay, kailangan nating subukan ang social distancing, good hygiene o paglinis ng katawan, at palakasin ang ating resistensya at kalusugan. Abala nga ito sa simula, pero mas mabuti ito sa atin kaysa kung hindi natin ito ginawa.
Dito na muna tayo magtatapos. Kung gusto mong matuto pa tungkol sa health o kalusugan at sa iyong immune system, subukan mong basahin ang mga librong ito sa ibaba. Nabasa ko na silang lahat at lubusan kong inirerekomenda sila.
View Comments (0)