English Version (Click Here)
(Pagsasalin sa Tagalog: Kung hindi mo pagiisipan ang unconscious, pamumunuan nito ang buhay mo at iisipin mong iyon ang kapalaran mo.)
Ang lahat ng gawain natin at ang buong pagkatao natin, ang ating mga tagumpay at pagkabigo, kaligayahan at desperasyon, ay magmumula sa kung paano natin ginagamit ang ating isipan. Habang kaya nating kontrolin ang karamihan sa ating mga pinagiisipan, ang bahagi ng ating isipan na hindi natin kayang direktang kontrolin ang may pinakamalaking epekto sa ating buhay. Iyon ang tinatawag na subconscious, at sa sobrang halaga nito, sinabi ni Carl Jung na isa sa pinakakilalang psychologist sa mundo na ito ang magiging basehan ng ating kapalaran. Kahit hindi man natin ito kayang kontrolin nang direkta, pwede natin itong maimpluwensiyahan at pagbutihin para mas gumanda ang kalagayan ng ating buhay.
Bakit ko isinulat itong article na ito? Kahit alam ng karamihan sa America at U.K. ang tungkol sa subconscious, hindi ganoon karaming tao sa Pilipinas ang nakakaunawa dito. Ang iniisip pa nga ng iba, ang mga mental at psychological disorders tulad ng depression at anxiety ay kaartehan o pagdradrama lamang, at kailangan lang magdasal ng pasyente para gumaling. Hindi ganoon iyon. Sila’y kasing lubha ng high blood at diabetes, pero sila’y mga sakit na nakaaapekto sa mga neurochemicals sa utak. Kung hindi kayang pababain ng pagdadasal ang iyong cholesterol o magpatubo ng naputol na paa o kamay, hindi rin ito direktang gamot sa mga sikolohikal na sakit tulad ng depresyon, anxiety, autism, at iba pa.
Ngayong napagusapan na natin iyon, simulan na natin ang aral!
Ano ang Subconscious Mind? – Isang Maikling Aralin
Una, Ano nga ba ang Conscious Mind?
Sa basics ng psychology, ang isipan ng tao ay madalas hinahati sa dalawang kategorya: ang conscious at ang subsconsious. Bago natin talakayin ang subconscious, kailangan muna nating alamin ang conscious mind. Sa pinakasimpleng salita, ang conscious mind ay ang iyong pangkasalukuyang pagiisip at kamalayan.
Ang aksyon na pagbabasa mo sa article na ito at ang pagintindi sa mga aral dito, iyon ang gawain ng iyong conscious mind. Tuwing kinakailangan mong magdesisyon at pinagiisipan mo ang mga pwedeng pagpilian at ang mga kahihinatnan nila, gawain iyon ng iyong conscious mind. Kung ikaw ay nagfofocus sa iyong trabaho, conscious mind mo rin iyon. Sa madaling salita, kung kailangan mong pagisipan ang isang bagay, iyon ang aksyon ng iyong conscious mind.
Kung ikukumpara mo ito sa isang smartphone, ang conscious mind ay ang touchscreen habang ang subconscious naman ang mga apps at microchips sa loob. Kung ikukumpara mo sa isang PC o computer, ang conscious mind ay parang ang monitor, keyboard, at mouse, habang ang subconscious naman ay ang CPU at mga nakainstall na programs.
Ngayong may paguunawa na tayo tungkol sa conscious mind, pwede na nating talakayin ang mga pangunahing kaalaman tungkol sa subconscious mind na namamahala sa lahat ng ibang gawain o function ng ating isipan.
DISCLAIMER: Ang subconscious mind ay isang NAPAKALAWAK na paksa kaya patawad kapag may mga pagkakamali at pagkukulang dahil sa pagpapaikli ko sa paksang ito para ito ay maging mas madaling maintindihan.
Ano ang Subconscious Mind?
Hindi ito kumpletong listahan, pero ito ang ilang mga bagay na bumabahagi sa iyong subconscious o mga bagay na pinamamahalaan ng iyong subconscious.
- Automatic body functions / Awtomatikong punsyon ng iyong katawan
- Sleep and dreaming / Pagtulog at mga panaginip
- Memories / Alaala
- Instincts, reactions, and innate preferences / Instinct, reaksyon, at ibang likas na pagkiling
- Mental disorders
- Fears, including traumas and phobias / Pagkatakot, kasama dito ang mga trauma at phobia
- Intuition and pattern recognition / Kutob at pattern recognition
- Mastered skills / Mga kakayahang ikaw ay naging dalubhasa na
- Habits o mga nakasanayan
- Thought patterns: Self-identity, limiting beliefs, cultural norms / Mga pamamaraan ng pagiisip
Heto ang mga pinasimpleng kahulugan ng mga iyon
- Automatic body functions – Ang kusang pagtibok ng iyong puso, paghinga, iyong blood pressure, digestion ng iyong bituka, reflexes at napakarami pang automatic na function ng iyong katawan ay subconsciously pinamamahalaan ng iyong utak. Hindi mo nga naman kailangang pagisipan na patibukin ang iyong puso, o piliting huminga ang iyong baga diba? Sila’y nangyayari nang kusa.
- Sleep and dreaming / Pagtulog at panaginip – Pinamumunuan din ng iyong subconscious ang iyong mga panaginip at kung paano nagfufunction at nagpapahinga ang iyong katawan habang ikaw ay natutulog.
- Memories o alaala – Pwede mong alalahanin ang iyong mga alaala gamit ang iyong conscious mind, pero ang mga alaala mismo ay nakatago o nakaimbak sa iyong subconscious.
- Instincts, reactions, and preferences / mga instinct, reaksyon, at likas na pagkiling – Ang ilan sa ating mga reaksyon at pagkiling ay automatic at biological. Ang ilang halimbawa: Natitipuan nating mga tao ang mga matatamis, maaalat, at fatty o matatabang pagkain dahil mahalaga ito sa ating mga ninuno para mabuhay sa kagubatan (at magkapareho pa rin ang katawan natin sa mga ninuno natin sa gubat). Gusto rin natin ang mga magaganda at gwapong mga babae at lalaki dahil pwede silang maging kasintahan. Nandidiri naman tayo kapag nakakakita tayo ng balat na may sakit o kapag nakakakita at nakakaamoy tayo ng nabubulok na pagkain dahil pwede tayong mahawa o magkasakit dahil sa mga iyon.
- Mental disorders – Depression, anxiety, autism, dementia, mental retardation, schizophrenia, bipolar disorder, at iba pa ay mga totoong sakit. Hindi sila kaartehan lamang tulad ng inaakala ng ibang mga matatandang pinoy, at hindi sila mawawala dahil sa pagdadasal lamang. Uulitin ko na tulad ng diabetes at sakit sa puso, sila’y mga totoong sakit na madalas mangangailangan ng treatment at gamot. Ang karamihan sa mga mental disorders ay tunay na pisikal o neurochemical na diperensya sa utak na mangangailangan ng therapy at iba’t ibang gamot.
- Fear o pagkatakot, mga trauma at phobia – Halos lahat ng mga nabubuhay na bagay ay may survival instinct (ang likas na kagustuhang umiwas sa mga bagay na makakapatay sa atin), at ang instinct na iyon ay lumalabas bilang pagkatakot. Likas na kinatatakutan natin ang mga bagay na makakasakit o makakapatay sa atin, tulad ng pagkahulog mula sa matataas na lugar, mga makamandag na ahas, mga gagamba, mga insekto, pagkalunod, mga marahas na kriminal, atbp. Hindi natin pinagiisipang matakot. Kusang nangyayari ang lahat ng iyon kapag may kailangan tayong katakutan.
- Intuition o kutob at pattern recognition – Habang kaunting impormasyon lang ang kayang suriin ng conscious mind, higit na mas marami ang kaya ng subconscious. Bilang halimbawa, naaalala mo ba yung ilang beses na napansin mong nagsisinungaling ang kausap mo, o noong nahalata mong nangangaliwa ang iyong boyfriend or girlfriend? Madalas tatawagin iyong “kutob” (“gut feeling” o “intuition” sa wikang ingles), pero iyon ang isang kakayahan ng iyong subconscious mind. Habang madalas ang mga salita lang ang kayang suriin ng conscious mind, kayang pansinin ng subconscious ang mga maliliit na pagkibot ng kanilang mata, mga munting galaw ng kanilang katawan, ang panandaliang pagkakaba sa kanilang boses, ang mga alaala mo tungkol sa kanilang karaniwang pagkilos, at marami pang iba. Kung may napansing kakaiba o delikado ang iyong subconscious, ipaparamdam niya na may mali at kailangan mo pang suriin ang sitwasyon.
- Bukod pa doon, pwede ka ring balaan ng iyong subconscious kapag may mapanganib sa paligid mo. Halimbawa, habang abala ang iyong conscious mind sa ATM, napapansin ng subconscious mo na pinagmamasdan ka ng isang grupo ng binata sa isang sulok ng parking, at napapansin nito ang pagkilos nilang nagsasabi na may masama silang binabalak (gusto ka nilang holdapin). Pakinggan mo ang iyong kutob, lalong lalo na kapag binabalaan ka nito na may panganib. Pwede nitong iligtas ang buhay mo.
- Siya nga pala, paborito ko rin ang mga aralin tungkol sa self-defense. Kung gusto mong palawakin ang iyong kaalaman tungkol dito, pwede mong basahin ang mga librong Left of Bang ni Patrick Van Horne at Jason A. Riley at ang librong Spy Secrets That Can Save Your Life ni Jason Hanson. Maraming napakahalagang aral sa mga librong iyon na pwedeng magligtas sa buhay mo.
- Reticular activating system – Alam mo kung paano kahit maingay sa lugar naririnig mo pa rin ang pangalan mo kapag tinawag ka, o kung paano napapansin mo ang mga pulang kotse sa kalsada kapag gusto mong bilangin ang mga pulang kotse? May napakahalagang bahagi ang iyong utak na tinatawag na reticular activating system (R.A.S.) at ito ang nagsasala ng impormasyong nakakarating sa iyong utak at kamalayan. Mahalagang malaman mo ang tungkol doon dahil ito ang dahilan kung bakit kapag nagtakda ka ng mga layunin o may nais kang makamit, hahayaan ng R.A.S. na makarating sa iyong conscious mind o kamalayan ang mga bagay na makakatulong sa iyo, tulad ng mga job openings at recruitment agencies na hindi mo napapansin hangga’t bigla kang nangailangan ng bagong trabaho.
- Mastered skills o mga kakayahang naging dalubhasa ka na – Kapag may bago kang pinagaaralang kakayahan, kailangan mo itong pagtuonan ng pansin para hindi ka magkamali o pumalya. Sa pagpatuloy mo sa gawain, nagiging dalubhasa ka doon at magagawa mo siya nang hindi na pinagiisipan. Ang isang madaling halimbawa ay pagsipilyo, pero kaya mong maging dalubhasa sa mas komplikadong gawain tulad ng pagmamaneho ng kotse o pagsagawa ng isang martial arts workout routine. Kung gagawin mo sila hanggang sila’y maging bahagi ng iyong pang-araw araw na ischedule, sila’y magiging habit o gawain na iyo nang nakasanayan.
- Habits o mga nakasanayan – Malamang hindi mo na pinapansin ang iyong mga pang-araw araw na ischedule ng gawain. Gigising ka, iinom ng kape, kakain ng almusal, maliligo, papasok sa trabaho, at iba pa, at kusa mo na silang ginagawa nang hindi mo na pinagiisipan, ayon sa pagkakasunod-sunod na kinasanayan mo na. Sa simula, malamang kinailangan mong pagisipan ang bawat hakbang, pero noong nasanay kana, naging awtomatiko na sila. Sa kasamaang palad, tulad nang kung paano naging awtomatiko ang mga regular mong gawain, ang mga bisyo ay naging awtomatiko rin. Kung hindi mo susuriin ang mga subconscious na habits na iyon o hindi mo itatakdang matuto ng mas mabubuting habits, hindi mo mapapabuti ang iyong sarili.
- Thought patterns: Self-identity, limiting beliefs, cultural norms, atbp. – Ang mga habits ay hindi lang puro pisikal na gawain, pero narron din sa mga bagay na nakasanayan nating isipin. Ano ang madalas mong iniisip kapag wala kang ginagawa? May kumpiyansa ka ba sa sarili mo? Mabilis mo bang naibabalik ang iyong lakas ng loob kapag ikaw ay pumalya? Magaling ka bang humarap sa stress? Ano ang madalas mong ginagawa bilang katuwaan kasama ng mga kaibigan mo? Paano mo ipinapakita sa mga kapamilya mo na mahal mo sila? Ano ang mga paniniwala mo tungkol sa pera? Palagi ka bang nagiisip ng paraan para kumita ng karagdagang pera? Ang lahat ng mga ideang katulad noon na hindi mo na sinusuri dahil nasanay ka na sa kanila ay bahagi rin ng iyong subconscious.
Pinamumunuan ng Iyong Subconscious ang Buhay Mo
Ang mga huling bahagi tungkol sa iyong mga habits o nakasanayan at ang iyong pamamaraan ng pagiisip (mental habits) ang ilan sa pinakamahahalagang paksa na nais kong talakayin. Sa opinyon ko, sila ang dahilan kung bakit sinabi ni Carl Jung na kung hindi mo susuriin ang iyong mga subconscious na pinagiisipan at nakasanayan, pamumunuan nila ang buhay mo at ang mga bunga ng mga ito ay aakalain mong “tadhana”.
Bilang halimbawa, kahit sino sa atin ay magugulat kapag tayo’y nakatanggap ng diagnosis na mayroon tayong sakit sa baga… pati ang mga mahilig manigarilyo. Magugulat din ang kahit sino kung nakatanggap sila ng diagnosis na mayroon silang sakit sa atay… kahit sila’y mga lasinggero. Madalas hindi iniisip ng mga tao ang kanilang mga bisyo hanggang lumitaw ang masasamang kahihinatnan nito, at madalas, sa oras na iyon, huli na ang lahat. “Tadhana” na kasi. Sa kabilang dako naman, kung sinanay mo ang sarili mo na matutong kumain ng masusustansyang pagkain, mag-exercise, at alagaan ang iyong sarili, malamang magiging mas masaya ang kalagayan mo at hindi ka magdurusa dahil sa napakaraming sakit sa pagtanda mo.
Iba pang halimbawa? Kung ikaw ay palaging nagsusugal at palagi mong ginagasta ang lahat ng iyong kinikita, edi balang araw gigising ka na lang sa kinabukasang puro problema sa pera. Kung nasanay ka naman na mag-ipon at mag-invest, palagi kang updated sa insurance, at palagi kang nagbabasa para madagdagan ang iyong kaalaman tungkol sa mga iyon, edi malamang mas masaya ang iyong retirement at hindi magiging ganoon kalala ang iyong pangangailangan sa pera.
Ang iyong mga thought habits o mga nakasanayang pag-isipan ay mahalaga din. Ano ang pananaw mo tungkol sa iyong sarili? May kumpiyansa ka ba sa iyong sarili at sa iyong mga kakayahan? Pinagtiyatiyagaan mo lang ba ang mayroon ka, o may ambisyon ka para pagbutihin ang iyong katayuan sa buhay? Sumusuko ka ba agad kapag may humahadlang sa iyo, o mabilis ka bang magpursiging muli kahit ikaw ay pumapalya, at nagpapatuloy ka hanggang magtagumpay ka sa nais mong makamit?
Kailan mo huling pinagisipang mabuti ang mga bagay na iyon? Kailan mo huling pinagisipang pagbutihin ang iyong mga personal na kakulangan? Kailan mong alalahanin na ang mga subconscious thought patterns o mga ideang nakapaloob nang malalim sa iyong puso’t isipan na hindi mo madalas sinusuri ay magiging basehan ng iyong lebel ng pag-asenso sa buhay.
Think you are weak, think you lack what it takes, think you will lose, think you are second class – think this way and you are doomed to mediocrity.
— David J. Schwartz
(Pagsasalin sa Tagalog: Isipin mong mahina ka, isipin mong hindi mo kaya, isipin mong matatalo ka, isipin mong ika’y mababang nilalang — kung ganoon kang mag-isip edi ika’y magiging talunan lang sa buhay.)
Paano Ayusin ang Iyong Subconscious (at Iyong Tadhana) Para Magtagumpay
Matapos makapagbasa ng napakaraming libro tungkol sa self-help, self-improvement, leadership, at iba pa, ang pinakamahalagang aral na natutunan ko mula sa kanilang lahat ay ang katotohanan na kahit ano pa man ang ating kalagayan sa buhay, may kakayahan tayong pagbutihin iyon ayon sa paggamit natin ng ating isipan.
Ang mga unconscious na gawain nating nakasisira sa ating buhay, ang ating mga bad habits at bisyo, ay natutunan natin kung saan. Natutunan natin sila mula sa maling pagpapalaki, mga normal sa ating kultura, peer pressure o pagpipilit mula sa ating barkada, paulit ulit na maling desisyon, atbp. Buti na lang, kung nais talaga natin, pwede nating alisin ang ating mga bisyo kung papalitan natin sila ng mga mas makabubuting gawain.
The greatest revolution of our generation is the discovery that human beings, by changing the inner attitudes of their minds, can change the outer aspects of their lives.
— William James
(Pagsasalin sa Tagalog: Ang pinakamahalagang rebolusyon sa ating henerasyon ay ang kaalaman na tayong mga tao, kapag papalitan natin ang ating attitude o saloobin, ay pwede nating baguhin ang panlabasang kalagayan ng ating buhay.)
Hindi man natin kayang kontrolin ng direkta ang ating subconscious, pwede naman natin itong maimpluwensiyahan at pagbutihin gamit ang ating conscious mind o pagiisip. Pwede tayong matuto ng mga bagong gawain, pwede natin baguhin ang ating mga pinagiisipan, at pwede nating ulit ulitin ang ating mga mabubuting desisyon hanggang sila’y maging habits na atin nang nakasanayan. Sa madaling salita, pwede tayong maglagay ng mga mabubuting bagay sa ating subconscious.
Pwede nating pag-aralan ang mas mabubuting gawain at habits tulad ng pagsasanay kumain ng mas masusustansyang pagkain at regular na pageexercise. Pwede tayong magbasa ng mabubuting mga libro para matuto ng mas nakabubuting kaalaman at idea. Pwede nating pag-aralan ang tungkol sa pagapabuti sa ating career at negosyo. Pwede nating matutunan ang mas maayos na time management at goal setting. Pwede nating pag-aralan kung paano maging mas mabubuting mga magulang o maging mas mabuting leader. Pwede nating pag-aralan kung paano makapagtipid pa ng pera at kung paano mag-invest sa mas mabubuting assets o investments. Pwede nating pag-aralan kung paano maging mas-confident o mas matibay ang loob. Ilang halimbawa lang iyon, pero malamang nauunawaan mo na ang nais kong ipahiwatig. Napakaraming bagay ang pwede nating pagdesisyonan para pagbutihin ang ating buhay.
Kung nais nating umasenso, kailangan nating suriin ang mga bagay na hindi na natin pinagiisipan, at pag-isipan nating baguhin at pagbutihin ang mga ito. Sa pagpapatuloy at paguulit-ulit natin sa mga mabubuting desisyong iyon, sila’y magiging good habits at thought patterns o paraan ng pagiisip na makakapagbigay sa atin ng kasiyahan at tagumpay sa buhay.
(Pagsasalin sa Tagalog: Ano man ang nakatatag sa iyong damdamin ay nakaukit nang malalim sa iyong subconscious, at lumilitaw ito sa iyong kalagayan sa buhay. Kung nakumbinsi kang ikaw ay isang talunan, ikaw ay magiging talunan hanggang maiukit mo sa iyong subconscious ang pananalig na ikaw ay magiging matagumpay.)