*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
English Version (Click Here)
Sabi nga naman, ang iyong mga habits o nakasanayang gawain ang magiging basehan ng iyong kinabukasan, kaya kapag gusto mong magtagumpay sa buhay, kailangan mo ng mga good habits o mga magandang gawi. Sa nakaraang buwan, nabasa ko ang napakagandang libro na Atomic Habits ni James Clear. Kahit madalas hindi ko pinapansin ang mga aklat na mukhang inoverstock ng isang tindahan, noong binasa ko ito doon ko nalaman kung bakit ito’y inirerekomenda nila. Napakabuting libro nga nito at napakaraming kapaki-pakinabang at mahahalagang aral ang nakasulat dito.
Siyempre, hindi sapat ang pagbabasa lamang kung hindi mo naman gagamitin ang iyong mga natutunan, kaya sa mga aral na natutunan ko sa libro, sinusubukan ko ang habit stacking, 2 minute rule, at ang pagpapabuti ng iyong kapaligiran. Napakarami pang aral ang nakasulat sa libro, pero sa article na ito, ang susuriin natin ay ang huli kong nabanggit na leksyon dahil ito ang isa sa pinakamadali at isa rin sa pinakamahalaga.
Your habits change depending on the room you are in and the cues in front of you. Environment is the invisible hand that shapes human behavior.
James Clear
(Pagsasalin: Ang iyong mga nakasanayan ay nagbabago ayon sa lugar na kinalalagyan mo at mga palatandaang nasa harapan mo. Ang ating kapaligiran ay parang hindi nakikitang kamay na nagmamanipula ng ating mga gawain.)
Ang iyong mga aksyon at desisyon ay umaayon sa iyong kapaligiran
Nananahimik ka sa library o silid-aklatan, ikaw ay umiinom at sumasayaw sa mga club, nagtratrabaho ka sa iyong opisina, at nagiingat ka kapag ika’y nasa delikadong lugar tuwing gabi. Totoo naman na depende sa lugar na iyong kinalalagyan, magiiba ang iyong pagkilos at paggalaw, at iyon ang isang paraan kung paano nagiiba ang iyong mga aksyon at desisyon ayon sa iyong kapaligiran.
May iba ring paraan kung paano naaapektohan ng iyong kapaligiran ang iyong mga desisyon at gawi, at gagamit tayo ng ilang halimbawa para dito. Kunwari gusto mong maging mas-healthy or mas malusog, pero puro sitsirya lang ang pagkain sa bahay niyo. Gusto mong maging mas malakas ang iyong katawan, pero wala kang gamit para makapag-exercise at wala ring gym sa lugar niyo. Gusto mong pag-aralan kung paano maging mas-mabuting tao, paano mag-invest ng pera, o paano maging mas mabuting leader o pinuno, pero wala ka pang binibiling libro tungkol sa mga iyon.
Sa palagay mo ba magtatagumpay ka sa mga bagay na iyon na gusto mong gawin? Siyempre hindi. Sa kasamaang palad, madalas nagkakaganoon ang buhay nating lahat. Napapadpad tayo sa ganoong kalagayan dahil iyon ang madali. Ginaya lang din natin ang nauuso, ginaya natin ang mga bagay na ginagawa ng mga nakakasama natin, at pinagpatuloy lang natin ang mga dati na nating nakasanayan kahit hindi na sila nakabubuti para sa atin.
Until you make the unconscious conscious, it will direct your life and you will call it fate.
Carl Jung
Sabi ni Carl Jung, isang kilalang psychologist, kung hindi natin ginawang conscious (nasa harap ng isipan) ang subconscious (mga hindi natin naiisip), pamumunuan nito ang ating buhay at tatawagin natin itong tadhana. Sa madaling salita, kung kung hindi natin susuriing mabuti ang mga gawain nating hindi natin pinagiisipan, ang mga gawaing iyon, nakabubuti man sa atin o nakasasama, ang magiging basehan ng ating kinabukasan. Ang masama doon, kasama doon ang ating mga bisyo o bad habits nasumisira sa buhay natin.
Anong magagawa natin tungkol sa mga iyon? Madalas kasi mahirap simulan ang mga good habits o mabubuting gawi. Kakailanganin mo ng matibay na paghahangad o willpower, pero sa panahon ngayon madalas tayo’y parating pagod o abala sa ating trabaho at mga responsibilidad sa buhay.
Buti na lang, may mas madaling paraan para matutunan ang mga good habits at iyon ang mas madaling paraan para baguhin ang iyong buhay.
Kaya nating pagbutihin ang ating mundo upang maging mas matagumpay
Sa isang kabanata ng kanyang libro, ikinuwento ni James Clear ang isang proyekto ni Anne Thorndike sa Massachusetts General Hospital. Alam nating nakabubuti sa ating katawan ang pag inom ng mas maraming tubig, di ba? Ginusto ni Anne na gawin ng mas maraming tao ang healthy na desisyong iyon. Nagtagumpay siya sa proyektong iyon, at hindi niya kinailangang gabayan ang mga tao o maglagay ng mga karatula o mga paunawa.
Anong ginawa niya? Simple lang. Dinamihan niya ang mga lagayan ng bote ng tubig sa cafeteria. Sinigurado niyang may mga bote ng tubig sa lahat ng refrigerator doon, at may mga basket o takuyan ng bote ng tubig sa tabi ng mga lagayan ng ibinebentang pagkain. Ano ang naging resulta? Bumaba ang dami ng nabentang softdrinks nang 11.4%, at dumami ang nabentang bote ng tubig nang 25.8%. Kusang pinili ng mga tao ang mas healthy o mas nakabubuting gawain noong pinarami niya ito.
Ano ang pwede nating matutunan mula dito? Sa kaunting pagpapabuti sa ating kapaligiran, kusa nating gagawin ang mga mas mabuting desisyon. Sa madaling salita, kaya nating baguhin ang ating mundo upang maging mas matagumpay sa buhay.
If you want to make a habit a big part of your life, make the cue a big part of your environment.
James Clear
(Pagsasalin: Kung gusto mong pahalagahan sa iyong buhay ang isang mabuting gawain, pahalagahan mong maigi ang “cue” o senyales nito sa iyong kapaligiran.)
Paramihin ang mabubuting opsyon, itago naman ang mga nakasasama
Anong good habits ang nais mong matutunan? Ang kaunting pagbabago at pagpapabuti sa iyong kapaligiran ay lubos na makatutulong sa iyong makamit ang iyong mga gusto sa pagdaan ng panahon. Heto ang ilang halimbawa ng mga bagay na pwede mong gawin sa iyong tahanan o lugar na kinalalagyan.
Kung nais mong maging mas healthy o mas malusog:
- Maglagay ng mas masustansyang pagkain (prutas, mga mani, pasas, atbp.) sa gitna ng iyong mesa o sa inyong kusina.
- Itago ang mga sitsirya sa mga matataas na aparador o sa iba pang mahirap na puntahang lugar.
- Maglagay ng mga bote ng tubig sa pangharapang pwesto sa loob ng iyong ref, at itago ang mga softdrinks sa may likod.
Kung nais mong maging mas matalino at mas maalam:
- Ilagay mo ang librong nais mong pag-aralan sa mga paborito mong tambayan sa bahay, tulad ng sa ibabaw ng iyong keyboard, sa paborito mong pwesto sa sofa, atbp. Mababasa mo na ito nang mas madalas (basta hindi ka magpapaabala sa ibang bagay).
- Itago mo ang iyong mga paborito at pinakamahahalagang mga libro sa paborito mong lugar, at palagi mong alalahanin na buksan ang mga ito para basahin nang ilang sandali.
Kung nais mong mag-exercise nang mas madalas:
- Gumawa ka ng ischedule para mag-exercise, at sa mga araw na iyon kaysa nakatago ang mga gamit mo sa garahe o sa aparador, ilabas mo ang mga gagamiting damit at gamit pang-ensayo at ilagay sa gitna ng iyong kwarto, sa gilid ng daanan sa loob ng bahay, o sa ibang lugar kung saan palagi mo silang matatanaw para maalala mo sila palagi.
- Ilagay mo ang iyong gamit sa lugar kung saan ikaw ay namamalagi. Pwede kang mag dumbbell curls habang nanonood ng YouTube o TV, o gumamit ng grip strength trainers habang nagiiscroll sa internet.
- (Note: Nagawa ko rin ito nang hindi ko nahahalata. Palagi kong naaalala na mag-practice tuwing umaga dahil nasa likod lang ng aking kama ang aking bokken/kahoy na espada. Bubunutin ko lang sila bago ako lumabas para mag-ensayo at simulan ang aking araw.)
Kung nais mong gawin ang mga bagay na natutunan mo (hal. mga self-improvement o productivity tricks):
- Isulat mo ang iyong mga natutunan sa mga index cards o sticky notes/post-its at idikit mo sila sa lugar kung saan ka nagtratrabaho.
- Maglagay ng mga quote cards o reminders/paalala sa tabi ng iyong computer monitor.
- Magdikit ng mga checklist malapit sa iyong pinagtratrabahuhan.
Ang pangunahing prinsipyo dito ay kung nais mong matutunan ang isang good habit o mabuting gawain, ilagay mo ito sa lugar kung saan PALAGI mo itong matatanaw, at kung saan gagamitin mo ito nang kusa. Para sa mga bad habits o mga bisyo naman, kung nais mo silang pigilan, kailangan mo silang itago o gawin mong mahirap silang kunin o puntahan.
This is the secret to self-control. Make the cues of your good habits obvious and the cues of your bad habits invisible.
James Clear
(Pagsasalin: Ito ang sikreto ng disiplina. Gawin mong obvious o madaling matanaw ang mga palatandaan ng iyong mabubuting gawi, at itago mo ang mga bagay na nagpapaalala sa iyong mga bisyo.)
Ayon sa iyong mga layunin at pangarap na gusto mong makamit, kung nais mong magkaroon ng mga mabuting pagbabago sa iyong buhay, ang isa sa pinakamadaling paraan para makamit ang mga iyon ay ang pagpapabuti ng iyong kapaligiran. Pagisipan mong mabuti ang iyong mga pinahahalagahan sa buhay, tapos saka mo isipin ang mga pagbabago na pwede mong gawin sa iyong tahanan at pinagtratrabahuhan. Kahit ang mga maliliit na improvements o pagpapabuti (tulad ng paglagay ng gamit na pang-exercise sa tabi ng iyong kama) ay makakapagbigay ng napakalaking pagbabago sa kalidad ng iyong buhay sa pagdaan ng panahon. Siyempre nga naman, kung ang mabuting opsyon ay palaging nariyan, edi mas bubuti ang iyong mga resulta sa buhay habang tumatagal dahil kusa mong gagawin ang mabubuting desisyon.
Hindi ba mabuti nang subukan natin iyon?
In the long run, we become a product of the environment that we live in. To put it bluntly, I have never seen someone consistently stick to positive habits in a negative environment.
James Clear
(Pagsasalin: Sa matagal na panahon, tayo ay nagiging produkto ng mundong ginagalawan natin. Sa madaling salita, wala pa akong nakikitang tao na puro mabuti ang gawi habang nabubuhay sa masamang kapaligiran.)
Gawin mong madali ang mabubuting desisyon at kusa mo silang gagawin nang mas madalas. Pagdaan ng panahon, sila’y magiging automatic na sa iyo. Sila ang magiging good habits na makapagbibigay sa iyo ng matagumpay na kapalaran.
View Comments (0)