X

Ang Alamat ng Kayamanan sa Bundok

English Version (Click Here)

*Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang.

Noong unang panahon, mayroong isang mahiwagang kahon na nakakapagbigay ng kayamanang nagkakahalaga ng higit sampung milyong piso sa kahit sino mang makakarating dito. Kahit isang beses lamang ito nakakapagbigay ng kayamanan bawat tao, hindi ito nauubusan ng laman kaya mayroon itong kayamanang pwedeng maibigay para sa lahat ng tao.

Sa kasamaang palad, ang kahong iyon ay nakalagay sa isang malayong bundok sa hilaga, at napakalayo nito sa lahat ng mga siyudad.

Ang alamat at lokasyon ng kahong iyon ay alam ng napakarami, at ang impormasyon tungkol dito ay ikinakalat mismo ng mga nakarating dito at nakatanggap ng kayamanan. Ang kwentong ito ay tungkol sa mga taong ngayon lang nakaalam sa alamat na iyon.

Ang ilan sa mga nakarinig sa alamat ay nagmamay-ari ng kotse at truck, pati na rin magandang kagamitan pambundok. Ginamit nila ang mga sasakyan nila at narating nila ang mahiwagang kahon sa loob lamang ng iilang araw ng pagmamaneho at paglalakbay.

Ang iba walang kotse pero may pambayad naman sila para sa bus o sa tren na papunta sa bundok. Mas-natagalan sila bago nila narating ang kayamanan at hindi komportable ang paglalakbay, pero nakamit pa rin nila ito.

Napakarami naman ang walang kotse at walang pambayad sa bus… kaya naglakad na lang sila. Araw araw, paisa-isang kilometro, naglakad sila sa tabi ng daan, tumawid sa mga bukid at gubat, umakyat at bumaba ng mga lambak at bundok, at lumangoy para makatawid ng mga ilog. Ilang oras silang naglakad araw araw sa ilalim ng mainit na araw pati na rin tuwing may ulan at bagyo. Kahit inabot sila ng ilang buwan o ilang taon sa paglalakad, hindi sila tumigil at narating din nila ang kanilang layunin. Sa dulo ng kanilang paglalakbay, nakatanggap din sila ng kayamanan.

May pang-apat pang grupo. Alam nilang mahirap ang paglalakbay at alam nilang matagal bago sila makarating sa bundok na may kayamanan… kaya hindi na nila sinubukan. Nakita nga nila ang kanilang mga kaibigan at kapamilya na nagtagumpay sa paglalakbay, pati ang mga naglakad ng ilang buwan o taon para maakyat ang bundok. Sa kasamaang palad, hindi nila inisip na kaya pala nila itong gawin. Kaysa sumubok pagsikapan at lakbayin ang bundok, nabuhay na lang silang kontento sa kakaunting mayroon sila at dahil doon hindi na sila umasenso.

 

Sabihin mo sa akin ngayon… alin ka sa mga taong iyon?

 

Malamang naintindihan no ang aral sa kwentong ito. Ang mahiwagang kahon na iyon na nagbibigay ng kayamanan ay tinatawag na “tagumpay”, at ang pagsisikap para makamit ito ay halos palaging nangangailangan ng mahabang panahon. Madalas ilang taon o dekada. Marami nang nakakakamit ng tagumpay sa buhay, at marami na rin ang nagturo sa iba ng ginawa nila para makamit ito gamit ang mga libro o guides na isinulat nila. Para sa ilang ipinanganak na maraming pribilehiyo at oportunidad sa buhay, ang paglalakbay ay madalas mas-mabilis at mas-komportable. Para sa iba naman, ito’y napakahirap at nangangailangan ng ilang dekadang pagpupunyagi. Alin man doon, ang mahiwagang kahon ng tagumpay ay nariyan para sa lahat ng nagsisikap para makamit ito.

 

Susubukan mo bang maglakbay para makamit ang kayamanan at tagumpay?

 


Hindi nga pala nagtatapos doon ang kwento.

May ikalimang grupo na hindi rin sumubok maglakbay patungo sa bundok at kumuha ng kayamanan. Ang mga ito naman ay hindi nakontento sa pagtambay lamang sa lansangan at manghingi ng barya. Sinubukan nilang gumawa ng mga bagay na pwede nilang ipagpalit sa kayamanan.

Ang ilan ay pumitas ng prutas sa gubat at ibinenta ito sa palengke.

Ang iba nagputol ng kahoy o kumuha ng kawayan para gumawa ng kasangkapan sa bahay.

Ang iba, gumamit ng kahoy, buhangin at bato para magtayo ng bahay at mansion.

Ang iba natutong magtanim at magsaka ng mga gulay at nagbenta sila sa palengke.

Ang iba rin natutong magluto ng gulay at karne para gumawa ng masasarap na pagkain.

Ang iba natutong gamitin ang kanilang mga kakayahan para kumita ng kayamanan. Ang ilan gumuhit at gumawa ng mga painting, ang iba lumikha ng musika at tumugtog sa mga magagarang piesta, at ang iba natutong tumulong at magmanage ng mga negosyo o kumpanyang itinayo ng mga pumunta sa bundok para sa kanilang kayamanan (ang mga tawag doon ay manager at CEO).

Napakaraming gumawa ng iba-iba pang bagay para kumita pero pareho lang ang resulta. Pinagsikapan nila ang kanilang kayamanan sa sarili nilang paraan.

Ano ang ginagawa mo para kumita ng kayamanan?

May isa pa nga palang bahagi sa kwento na kailangan mo ring malaman.

Ang ilan sa mga nagsikap para sa kanilang kayamanan, ito ma’y mga sumakay sa kotse o sa bus, mga naglakad ng ilang buwan o taon sa mapanganib na lugar, o gumawa ng mga bagay na pwede nilang ibenta para kumita ng kayamanan, may isa pa silang ginawa gamit ang kayamanang pinagsikapan nila.

Bumili sila ng kotse at kagamitan para sa paglalakbay at ibinigay nila ito sa kanilang mga anak at apo. Ito’y para madali nilang makamit ang kayamanang nararapat para sa kanila. Ang ilan, nagbigay din ng kaunting pamasahe para sa mga walang pambili para makatulong sa kanilang kapwa. Huwag mong kalilimutan na ang “kotse” ng unang grupo ay PINAGSIKAPAN muna ng kanilang mga magulang at ninuno. Ang pribilehiyong iyon ay hindi lumilitaw mula sa wala.

 

Sana natuwa ka sa kwento kong ito. Huwag mong masyadong pag-isipan ang economic implications ng kwento dahil ito’y para maituro lang sa iyo ang ilang aral na makakatulong sa iyong buhay. Ang mahiwagang kahon ng kayamanan ay naghihintay para sa iyo. Kailan mo susubukang kunin ang tagumpay na nararapat para sa iyo?

Kung sa palagay mo makakatulong din ito sa iba, ishare mo lang ito sa Facebook!

Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.