X

Ano ang Assets at Liabilities? (at Paano Yumaman, Ayon kay Kiyosaki)

*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.

English Version (Click Here)

Kapag nakapagbasa ka na ng mga bagay tungkol sa personal finance o sa tamang paghahawak ng pera, malamang may narinig ka na tungkol sa librong Rich Dad, Poor Dad, ang best-selling book ni Robert KiyosakiPara sa akin, napakabuting libro nito at dapat basahin mo ito, lalo na kapag hindi pinaguusapan ang pera ng mga magulang at kaibigan mo habang lumalaki ka. May isang aral doon na hindi ko makalimutan at dapat mo ring matutunan ito:

Rule One. You must know the difference between an asset and a liability and buy assets. Poor and middle class acquire liabilities, but they think they are assets. An asset is something that puts money in my pocket. A liability is something that takes money out of my pocket.
— Robert Kiyosaki

Translation: Ang ikaunang payo. Kailangan alamin mo ang pinagkaiba ng asset at liability at bumili ka ng assets. Ang mga mahihirap at middle class ay kumukuha ng liabilities, pero akala nila assets ang mga ito. Ang asset ay isang bagay na naglalagay ng pera sa bulsa ko. Ang liability ay nagtatanggal ng pera mula sa bulsa ko.

Ano Nga Naman ang Assets at Liabilities?

Magsimula tayo sa teknikal na depinisyon ng assets at liabilities.

Ang asset, ayon sa diksyonaryo ni webster, ay isang “advantage, resource”, o isang mahalagang bagay na pagmamay-ari natin. Sa investopedia, “an asset is a resource with economic value that an individual, corporation or country owns or controls with the expectation that it will provide future benefit.” Ang asset ay isang bagay na may halaga na pagmamay-ari at kontrolado ng isang tao, korporasyon o bansa dahil may maibibigay itong benepisyo. Ang asset ay bagay na may kwenta. Pwede itong pagmulan ng pera o makabawas sa paggastos.

Sa kabilang dako naman, ang liability ay isang bagay na nagbibigay ng pinsala o kawalan, isang bagay na ating pananagutan, o isang utang, ayon sa diksyonaryo ni webster. Sa investopedia, ang liability ay pinansyal na utang o obligasyon na nagaganap habang tumatakbo ang negosyo. Ang liability ay utang o disadvantage (sagabal). Madalas, ang pagkuha ng liabilities ay natural sa pagnenegosyo, tulad ng pagkuha ng bank loan para bumili ng mga bagay na makakapagpalaki sa iyong negosyo.

Sa madaling salita, ang asset ay mahalaga, habang ang liability naman ay utang na, depende sa katayuan mo, ay pwedeng maging mabuti o masama ayon sa kung paano mo ito gagamitin.

Iba ang paggamit ni Robert Kiyosaki sa mga salitang iton. Para sa kanya, ang asset ay nagbibigay ng pera at nagpapayaman sa iyo. Ang liability naman ay nagbabawas ng pera at nagpapahirap sa iyo. Para yumaman, sabi ni Kiyosaki kailangan mong matutunang bumili o pagpuhunan ang mga assets.

Halimbawa ng mga Assets… at ang MALAKING PAGKAKAMALI ng Maraming Tao

Rich people acquire assets. The poor and the middle class acquire liabilities that they think are assets.

— Robert Kiyosaki

Ang mga mayayaman ay bumibili ng assets. Ang mga mahihirap at middle class ay bumibili ng liabilities na akala nila ay assets.

Ang salitang assets ay madalas tungkol sa mga bagay katulad ng mga stocks, bonds, real estate, mutual funds, businesses, mahahalagang bagay na pwede mong ibenta, at marami pang iba. Ang stock ng mabuting kumpanya na tumataas ang halaga sa pagdaan ng panahon at nagbibigay din ng dibidendo, isang piraso ng lupa o real estate na tumataas ang halaga o lupang tinayuan mo ng popular na rental property o paupahan, isang mabuting mutual fund na lumalaki ang halaga dahil pinapatakbo ito ng mabubuting managers, isang negosyo na palaging kumikita, isang orihinal na antique na binili mo nang mura at naibenta mo ng mas mahal sa isang auction. Ang mga iyon ay mabubuting halimbawa ng mga assets.

Uulitin ko lang, kahit ang mga bagay katulad ng mga stocks, bonds, real estate, mutual funds, businesses o iba pa ay madalas tinatawag na “assets”, hindi lahat ay tunay na assets na pwedeng pagkakitaan.

Tandaan mo, sabi ni Kiyosaki ang mga assets ay PINAGKAKAKITAAN. Ano ang itatawag mo sa “hot” o popular na bagong stock na binili mo pero bumagsak ang presyo dahil wala palang kwenta ang kumpanya?

Paano naman ang mga stocks at Forex currency pairs na tinatrade mo pero nagkakamali ka at nawawalan ka lang ng pera?

Paano naman yung nauusong mutual fund na inirerekomenda ng kaibigan mo pero bumagsak lang ang presyo noong hindi na ito uso?

Ano ang itataag mo sa lupa na binili mo nang mahal pero hindi mo ito mapaupahan at ibinenta mo ito ng palugi dahil masama ang lokasyon nito at palagi ring binabaha ang lugar?

Paano naman ang usong “investment” na ponzi scheme o pyramid scam lang pala?

HINDI iyon assets. Liabilities sila. Tandaan, ang assets ay pinagkakakitaan, ang liabilities ay gastusin lamang. Ito ang ibig sabihin ni Kiyosaki noong sinabi niya na ang mga mayayaman ay bumibili ng assets habang ang mga mahihirap at middle class ay bumibili ng liabilities na akala nila ay assets. Ano pa ang iba pang halimbawa ng mga liabilities?

  • Gumastos ka para bumili ng damit at bumababa ang halaga nito kapag ito ay naluluma. Ang mga damit ay madalas liabilities.
  • Gumastos ka para bumili ng cellphone, at bumababa ang halaga nito dahil maraming lumalabas na mas bago at mas magandang modelo, at gumagastos ka pa din ng pera dahil kailangan mong magbayad ng kuryente at load. Ang phone ay liability.
  • Gumastos ka ng malaki para bumili ng kotse, bumababa ang halaga dahil sa depreciation, at gumagastos ka pa rin dahil sa gasolina, maintenance, pagpapagawa, at parking. Ang kotse ay liability.

Obvious na karamihan sa binibili natin ay mga liabilities. Kapag gumagastos tayo ng mas maraming pera dito, mas marami ang nawawalang pera sa atin pagdaan ng panahon.

Mas Malaking PAGKAKAMALI…

May naaalala akong lumang shampoo o beauty product na commercial at sabi dito dapat “mag invest” ka sa buhok mo sa pagbili ng produkto nila. Para namang sa pagbili at paggamit ng produkto nila ay dadami ang pera mo. (Hint: Hindi iyon mangyayari.) Hindi iyon “investment”. Panloloko lang iyon.

Pag may naguusap tungkol sa mamahalin o dekalidad na produkto, nirerekomenda muna nila ang mga mas murang brand, tapos “mag iinvest” ka na dapat sa mga mas-mamahalin o high quality na brands. Hindi ako sang ayon sa ganoon dahil hindi ko ginagamit basta basta ang salitang “investment”. Ang “investment” nga naman ay dapat pinagkakakitaan. Sang ayon ako na mabuti din ang pagbili ng mga bagay na nakakapagpasaya sa iyo… pero may hangganan. Hindi mo dapat sayangin ang LAHAT ng pera mo sa mga bagay na hindi naman nakakapagpabuti ng husto sa iyo. Kailangan mong alalahanin na kapag mas marami kang pera na sinayang, mas bababa ang iyong buhay pinansyal.

Isipin mo lang din.

  • Investment ba ang pagbili ng kotseng nagkakahalaga ng limampung milyong piso kung ang kotseng nagkakahalaga ng limandaang libo ay kasing ganda at kasing buti din nito?
  • Investment ba ang pagbili ng relong nagkakahalaga ng limampung milyong piso kung ang relong nagkakahalaga ng limang libo ay kasing ganda at mas epektibo pa?
  • Investment ba ang paggastos ng limampung milyong piso sa isang high thread-count business suit kung nakakapagbenta at nakakaclose ka pa rin ng deals habang suot mo ang isang suit na limang libong piso lamang?

Hindi.

Iyon din nga pala ang pangunahing aral sa libong The Millionaire Next Door nina Stanley at Danko. Basahin mo iyon para matutunan ang pinakamalaking sikreto ng mga tunay na milyonaryo.

Huwag kang magkakamaling pangatwiranan ang pagsasayang ng pera sa mamahaling luho at tawagin itong “investment”. Kung ang luho ay hindi nagpapabuti sa iyong kinikita o sa kalidad ng iyong buhay, liability lamang ito.

Uulitin ko, ang mga mayayaman o mga umaasenso ay bumibili ng TUNAY na assets. Ang iba, nagsasayang lang ng pera sa pagbili ng napakaraming liabilities na akala nila ay assets.

Heto ang Sikreto: Halos Lahat ng Bagay ay Pwedeng Maging Asset… Kung Marunong Kang Gumamit Nito nang Mabuti

Naaalala mo ba noong sinabi natin na ang mga damit, cellphone, kotse, at iba pa ay liabilities lamang dahil nagbabawas sila ng pera mo? Isipin mo naman ito:

  • Ang isang damit ay liability… maliban kung matutunan mong ibenta ito ng mas mahal o pinapabuti nito ang iyong trabaho (isipin mo ang accessory vests ng mga propesyonal na photographers, o safety gear ng mga minero.)
  • Ang cellphone ay liability… maliban kung gamitin mo ito araw araw para tumawag sa mga kliente at magbenta.
  • Ang kotse ay liability… maliban kung isa kang taxi driver at ginagamit mo ito para kumita.
  • Ang computer ay liability… maliban kung ginagamit mo ito sa isang online business tulad ng isang tindahan o isang blog.
  • Ang isang kagamitan sa bahay ay liability… maliban kung ito’y isang antique at naibenta mo ito nang mas mahal.
  • Ang isang drawing tablet at photoshop subscription ay liabilities… maliban kung kumikita ka bilang isang artist o illustrator online (katulad ko).

Naiintindihan mo na malamang ang aral dito.

Kung hindi ka kumikita mula dito, ito’y kagamitan mo sa trabaho, o ibinebenta mo ito sa mas malaking halaga, madalas isa lamang itong liability.

Pag-asenso o Pagyaman

Natutunan ng mga yumaman kung ano ang mga assets at natutunan nilang bumili ng mga assets at investments na kumikita ng pera. Habang bumibili sila ng mas maraming assets, lumalaki ang kita nila at ginagamit nila ang kinikita nila para bumili pa ng mas maraming assets upang kumita pa ng mas MARAMING pera. Nagdadagdag at nagdadagdag ito sa pagdaan ng panahon at doon sila mas yumayaman at umaasenso.

Kung pangarap nating umasenso, kailangan nating gawin ang ginagawa ng mga mayayaman o mga taong asensado na. Kailangan nating pag-aralan kung ano ang mga assets at bumili o mag invest sa mga ito!

Tandaan lang natin, kailangan nating matutunang bumili ng TUNAY na assets, hindi mga liabilities na akala lang natin ay assets (tulad ng stocks ng walang kwentang kumpanya o mga walang kwentang investments). Paano natin ito magagawa? Paano natin malalaman ang pagkakaiba nila? Kailangan lang nating pag-aralan ang ginagawa ng mga mayayamang propesyonal at eksperto at gawin din natin ito. Marami nga naman sa kanila ang mga nagsulat na ng mga libro at articles tungkol sa kanilang mga natutunan at karanasan. Daanan mo lang ang business at investing section ng bookstore.

May isa pa nga pala akong tanong para sa iyo.

Ano ang ituturin mo sa isang P500 na librong pwedeng magturo sa iyo para kumita ng ilang libo o ilang milyong piso sa pagdaan ng panahon?

Pag-isipan mo lang iyon sandali. Ngayon pag-isipan mo din, kailan ka huling nagbasa ng isang libro tungkol sa personal finance, investing, career, business, o self-improvement?


Sana nagustuhan mo ang aral dito sa article na ito! Kung nais mong makapagbasa pa ng iba, i-click mo lang ang “Like” button sa YourWealthyMind Facebook Fanpage sa ibaba!
Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.

View Comments (4)

  • Hi po..itatanong ko lng sana kung anong tawag sa sasakyang pampasada pero hinuhulugan dahil ito ay utang..itonba ay liability or asset?.salamat

    • Hello po Zen,

      Sa opinyon ko po at sa itinuro ni Robert Kiyosaki, kapag ginagamit po ang isang bagay para kumita ng pera, ito po ay asset. Ang pagkuha ng loan para sa sasakyang pampasada ay halos katumbas na rin ng pagkuha ng loan para magtayo ng negosyo, kaya kapag kumikita ka rito, pwede mo nang sabihing "asset" ito*.

      *Note: Iyon ay ayon lang sa classification na ginagamit ni Kiyosaki. Siyempre, tandaan lang na iba ito sa classifications sa Accounting dahil iba ang rules sa GAAP or "generally accepted accounting principles".

      Regards,
      Ray L.
      YourWealthyMind.com