English Version (Click Here)
Alam natin na ang pagkilos at pagreact ng ibang tao ay sumasang-ayon sa kung paano natin sila tratuhin, ngunit iilan lang sa atin ang nakakaunawa na ang pagiisip natin tungkol sa ibang tao ay nakaaapekto rin sa pagtrato nila sa atin. Kahit gumagana minsan ang pambobola at pagbibigay ng mga regalo (suhol), madalas pwedeng pumalya ang ganoong kaplastikan dahil nakukutoban ito ng iba. Kung nais nating gumanda ang pagtrato sa atin ng ibang tao, narito ang isang napakahalagang aral tungkol sa sikolohiya o psychology na kailangan nating matutunan.
Noong unang panahon sa Greece…
…sa isla ng Cyprus, doon namumuhay ang kanilang hari na nagngangalang Pygmalion. Bukod sa pagiging hari, siya rin ay isang dalubhasang eskultor. Isang araw, naisipan niyang mageskulto ng isang istatuwa mula sa garing o ivory. Itong istatuwang ito ay simbolo mula sa kaniyang imahe ng perpektong babae. Noong natapos niya ang kanyang obra maestra, sobrang ganda ng istatuwang kaniyang ginawa na nahulog ang kaniyang damdamin. Araw araw niya itong inalagaan na parang ito ay tunay na babae.
Isang araw, sa fiesta ni Aphrodite na diyosa ng pag-ibig, palihim na hiniling ni Haring Pygmalion na magkaroon siya ng asawang katulad ng kaniyang nilikhang istatuwa. Pag uwi niya sa kaniyang palasyo, hinalikan niya ang istatuwa at naramdaman niyang mainit-init ang labi nito. Noong hinalikan niya ito uli, naramdaman niyang ito ay malambot, tulad ng labi ng isang tao. Binuhay pala ni diyosang Aphrodite ang istatuwa, at ito ay naging perpektong babae. Ikinasal sila ni Pygmalion at bumuo sila ng pamilya. Ang babaeng istatuwa ay kilala ngayon sa pangalang Galatea.
Ang alamat na iyon ay ginamit na inspirasyon ng mga modernong sikolohista para pangalanan ang dalawang konsepto tungkol sa sa mga self-fulfilling prophecies: Ang Pygmalion Effect, at ang Galatea Effect. Eto ang kanilang depinisyon ayon sa Oxford:
(Dagdag kaalaman: Ang mga self-fulfilling prophecies ay ang ating mga hula tungkol sa kinabukasan na, namamalayan man natin o hindi, tayo mismo ang nagpapatupad.)
Paano Baguhin ang Pagtrato sa Iyo: Ang Galatea at Pygmalion Effect
Pygmalion Effect (Psychology)
The Pygmalion effect is “a self-fulfilling prophecy whereby people tend to behave the way others expect them to.” (Tagalog: Ang Pygmalion effect ay isang self-fulfilling prophecy kung saan ang mga tao ay madalas kumikilos ayon sa ekspektasyon o inaasahan ng iba.)
Sa madaling salita, kung inaasahan mo na magiging mabuti ang asal o gawain ng ibang tao, malamang ganoon ang mangyayari. Sa kabilang dako naman, kung inaasahan mong hindi mabuti ang asal o pagkilos ng iba, edi malamang hindi rin mabuti ang mga gagawin nila. Noong 1968 may mahalagang study o research tungkol dito na ipinatupad ng dalawang researchers na sina Robert Rosenthal at Lenore Jacobson. Sa study na iyon, pumunta sila sa isang elementary school at binigyan nila ng IQ tests ang mga estudyante. Pagkatapos noon, sinabi nila sa mga teachers ang pangalan ng mga batang tinaguriang “intellectual bloomers” (i.e. mga batang magiging mas matalino). Pagkalipas ng isang taon, isinagawa nila uli ang parehong IQ test. Habang tumaas ang scores ng lahat ng bata, ang mga estudyanteng tinaguriang “intellectual bloomers” ang may mga pinakamalaking improvement o pagtaas ng scores.
Heto ngayon ang sorpresa: Ang mga estudyanteng tinaguriang “intellectual bloomers” ay pinili lang sa bunutan (random). Ang titolong iyon ay hindi pala nakabase sa resulta ng IQ test o sa kanilang talento. Sa madaling salita, ang mga estudyanteng INAASAHAN ng mga guro na magiging mas matalino ay talagang naging mas matalino. Ang ekspektasyon o pagaasa lang ng mga guro ang nagpataas sa katalinuhan ng mga bata.
Dagdag kaalaman: Pwede mong basahin ang iba pang detalye ng study na iyon sa link na ito: https://simplysociology.com/pygmalion-effect.html
Galatea Effect (Psychology)
The Galatea effect is “when expectations function as self-fulfilling prophecies with positive consequences”. (Tagalog: Ang Galatea effect ay kapag ang mga bagay na inaasahan mo ay nagiging self-fulfilling prophecies o pangyayari na may mabuting kinahihinatnan.)
Tama nga ang sinabi ni Henry Ford: “whether you think you can or you think you can’t, you’re right”. Kung iniisip mo na kaya mo, o iniisip mo na hindi mo kaya, tama ka. Ano man ang pinaniniwalaan ng isang tao tungkol sa kanyang sarili ay may epekto sa kaniyang mga gawain at sa mga resultang makukuha niya sa buhay. Ang atleta na seryosong naniniwala na kaya niyang mapanalunan ang gold medal at ninanais niya talagang mapanalunan ito ay mageensayo nang mas matindi at mas madalas kumpara sa isang tao na gusto lang ang medal pero iniisip nilang matatalo lang sila sa pinaka simula. Ang empleyadong naniniwala na mapropromote sila ay malamang magiging mas masipag sa trabaho at magiging mas magaling sa pakikipagugnayan sa kanyang mga boss, kliente, at katrabaho kumpara sa ibang empleyado na kontento na sa kanilang posisyon at ayaw lang nilang masisante.
Whether you think you can or you think you can’t, you’re right.
Henry Ford
(Tagalog: Kung iniisip mo na kaya mo, o iniisip mo na hindi mo kaya, tama ka.)
Baguhin mo ang iyong expectations, baguhin mo ang iyong mundo
Ang isang pangunahing realidad sa buhay ay ang katotohanan na ang ating mga pinagiisipan ay lumilitaw sa ating mga salita at gawa. Dahil doon, tulad ng tinatawag nating “karma”, sila ang nagiging batayan ng kung paano magreact ang mga tao sa atin. Ang ating pagiiip ay nakaaapekto sa ating pagkadalubhasa sa ating trabaho o negosyo, at naaapektohan din nila ang mga tao sa paligid natin. Malamang, kung kinamumuhian natin ang isang tao at lagi natin silang sinisimangutan o binabastos, aba malamang baka tayo masuntok sa mukha. Ang realidad na hindi natin napapansin ay kahit subukan man nating itago ang ating pagkagalit at masasamang pinagiisipan, sila’y lumilitaw pa rin sa ating body language at sa ating mukha. Mararamdaman ito ng ibang tao, at dahil doon magiging masama rin ang pagtrato nila sa atin.
May nakilala ka na bang mapang-abusong boss o amo na may favorite sa iyong opisina at nakukutoban mo na kinamumuhian ka niya nang walang rason? Hindi man niya ito direktang sabihin, nararamdaman mo ito sa kung paano ka niya tratuhin. Malamang naiistress ka o natatakot ka kapag sila’y nasa paligid, at hindi ka makapagtrabaho nang maayos. Dahil doon, mas lalo silang naiinis sa iyo (iyon ang isang halimbawa ng self-fulfilling prophecy). At paulit ulit iyon nang parang siklo. Kung pagiisipan mo ito nang mabuti, ang masamang boss na iyon ay magiging IKAW kapag may negatibo kang paniniwala o pagiisip tungkol sa ibang tao, at maaapektohan nito ang mga tao sa paligid mo.
Kapag ayaw mong ganoon ang mangyari sa iyong career, business o negosyo, sa iyong pamilya, at iba pa, edi mabuti nang baguhin mo ang mga idea at asal na inaasahan mo sa iba at pagbutihin mo ang mga iyon. Sa ganoong paraan, mas mabubuting resulta ang makakamit mo (Pygmalion Effect).
Ang isang halimbawa sa aking buhay kung saan ginagamit ko itong payong ito tungkol sa positibong ekspektasyon at kapag may kailangan akong asikasuhing papeles mula sa gubyerno (mga lisensya o clearance na kailangan kong irenew, buwis na kailangang bayaran, atbp.). Inaasahan ko na ako ay tratratuhing mabuti ng mga empleyado nila kaya maayos ko rin silang tratuhin, at madalas matulungin naman sila. Normal pa rin ang pagdaloy ng proseso, pero mas maayos ang aking pinagdadaanan. Malamang hindi magiging ganoon kaginhawa ang aking pagdadaanan kapag papasok ako doon nang nakasimangot at mukhang galit kung inaasahan ko na puro abala ang aking mararanasan.
Isang katotohanang kasing halaga ng epekto ng ating mga pinagiisipan at pinaniniwalaan tungkol sa ibang tao ay ang epekto ng mga iyon sa ating sarili. May popular na comic na lumilitaw kapag naisearch mo sa internet ang “Pygmalion effect”, at nakalarawan dito ang isang siklo tungkol sa paniniwala ng isang babae sa kaniyang kagandahan. Dahil sa natanggap niyang papuri, inaalagaan niya ang sarili niya at ginagawa niya ang mga gawain ng mga magagandang babae (paggamit ng makeup, pagsuot ng magagandang damit, atbp.), at dahil doon mas marami ang pumupuri sa kanya at mas lalo niyang nakukumpirma na maganda siya. At paulit ulit lang ang siklong iyon.
Madali nga naman iyong isipin. Ang isang tao na confident o malakas ang loob—ang isang tao na may mataas na ekspektasyon sa sarili—ay kikilos sa paraang makikita mong may confidence nga siya. Kaya niyang harapin nang diretso ang mga tao, magsasalita siya nang malakas at mas klaro, at siya rin ay mas madalas sumulong tuwing may pagsubok at oportunidad. Dahil sa pagkilos niya, iniisip ng mga tao na siya’y mas kaakit-akit, at mas madalas siyang makakakuha ng mga oportunidad dahil iniisip ng mga tao na mas kaya niyang magtagumpay.
Sa kabilang dako naman, ang isang tao na walang tiwala sa kaniyang sarili o mahina ang kaniyang loob ay maglulugmok lamang sa isang sulok, parang natatakot kapag nakikipag-usap, at madalang humarap sa ibang tao. Pwede niyang subukang magsuot ng magarang damit, pero ang kaniyang pagkatakot at mga insecurities ay mararamdaman ng iba mula sa kaniyang pagkilos at paggalaw. Mararamdaman iyon ng mga tao sa paligid at iisipin nilang medyo nakakasuklam siya. Iisipin nilang hindi niya kakayaning magtagumpay, kaya iiwasan siya ng mga tao na nagbibigay ng mga oportunidad. Kung iisipin mo, walang ng talagang kwenta kung sasayangin mo ang isang oportunidad sa isang tao na papalya lang dito.
Kung ito man ay sa iyong trabaho, negosyo, kalusugan, libangan, o kahit ano pa mang gawain na nais mong maging mas mahusay, kailangan mong magsimula sa paniniwala sa sarili mong kakayahan. Gawin mo man ito sa affirmations o sa practice at pagkadalubhasa, kumbinsihin mo ang sarili mo nang husto na ikaw ay matagumpay. Sa pagdaan ng panahon magiging mas mabuti ang iyong mga resulta.
Alam mo yung kasabihang “fake it ‘till you make it” (magpanggap ka hanggang magtagumpay ka)? Kung sineryoso mo iyon nang husto, edi hindi iyon peke. Ang iyong faith o paniniwala, lakas ng loob, at seryosong pagpupunyagi ang makakapagbigay sa iyo ng tagumpay.
Believe you can and you’re halfway there.
— Theodore Roosevelt
(Tagalog: Paniwalaan mong kaya mo, at tapos mo na ang kalahati ng iyong kailangan.)
Mga huling paalala:
- Walang shortcuts sa buhay. Magandang simula ang paniniwala sa iyong sarili at sa kabutihan ng iba, pero walang kahit ano sa buhay ang talagang garantisado. Kailangan mo pa ring magsikap: mag-aral at magpakadalubhasa. Bukod pa doon, kung may malalim kang psychological trauma, pwede rin nitong masabotahe ang iyong pagsisikap.
- Ang paniniwala sa kabutihan ng iba ay hindi senyales na kailangan mong magpaabuso. Katumbas nito ang pagkain ng masusustansyang pagkain. Asahan mo na mabuti ang kahihinatnan ng gawaing iyon, pero kailangan mo pa ring itapon ang mga panis o bulok na pagkain. Hindi mo kailangan ng mapang-abusong mga tao sa iyong buhay.
- Bukod pa doon, huwag ka ring maging paranoid o masyadong matatakutin. Mabubuti ang karamihan ng mga taong iyong makikilala, pero kailangan mo pa ring mag-ingat palagi dahil paminsan minsan may mga taong masasama.
Mahalaga ang iyong pagiisip. Naaapektohan nito ang iyong mga pagkilos, namamalayan mo man sila o hindi, at dahil doon naaapektohan nila ang pagtrato sa iyo ng mga tao (at mga pangyayari sa buhay). Dahil hindi maiiwasan ang pangangailangang makiusap at makipag-ugnayan sa ibang tao, kailangan mong suriin ang epekto ng iyong pagiisip hindi lang sa iyong mga gawain kundi pati na rin sa mga taong iyong nakakasalamuha. Kung nais mong umasenso, kung nais mong tratuhin ka nang mas maayos, at kung nais mong maging mas mabuti ang mga taong iyong pinamumunuan, edi pagbutihin mo ang iyong paniniwala o mga ekspektasyon.
Ang mga positibong ekspektasyon ay nakapagbibigay ng positibong resulta.
Dito na muna tayo magtatapos. Salamat sa iyong pagtangkilik, at sana marami kang natutunan mula sa article na ito! Kung gusto mong matutunan ang iba pang mga aral, tignan mo lang muna ang iba naming mga articles sa link na ito!
- Paano mo nakakamit ang iyong Inaasahan: Kung bakit Self-Fulfilling Prophecy ang Buhay
- May Problema? Subukan mo ang Possibility Thinking Game!
- Paano Maging Mas Mabuting Leader Gamit ang “Commander’s Intent”