(Ang article na ito ay naglalaman ng mga affiliate link.)
English Version (Click Here)
Hindi ko alam kung bakit, pero para sa akin kapansin-pansin ang pamagat ng libro na Personality isn’t Permanent (ni Dr. Benjamin Hardy, PhD). Hindi ko muna ito binili, pero nanatili ito nang matagal sa aking isipan. Buti na lang, pagdaan ng ilang buwan, may malaking discount at naging mas mura ang digital Kindle version nito kaya nabili ko siya agad.
Tama nga ang kutob ko. Mayroon ngang napakahalagang aral doon tungkol sa ating personal growth at self-improvement (pagpapabuti sa ating pagkatao) at natuwa ako nang husto dahil sa mga natutunan ko doon.
Ang pangunahing punto ng librong iyon, kung babasahin mo ang pamagat niya, ay nagbabago ang ating personality o pagkatao habang nagdadaan ng panahon. Kung iisipin mo, totoo naman diba? Ilang matatanda na nagtratrabaho na ngayon ang kapareho pa rin noong nasa high school sila? Ilang mga taong nasa kwarenta anyos na ngayon ang pareho pa rin ang pagkatao noong bente anyos pa lang sila? Malamang kakaunti lamang. Ang mahiyaing introvert ay pwedeng maging matatag na pinuno, at ang mahilig magparty at walang bahala sa buhay ay pwedeng maging mas mapag-isip na intelektwal. Halata naman na ang mga tao ay magiging mas-mature habang tumatanda diba?
Gayunpaman, pag-isipan mo ito.
Ilan ang nagkaroon ng masamang ugali dahil sa trauma na nangyari noong sila ay bata pa? Ilan ang mga na-bully noong kanilang kabataan kaya sila’y naging sobrang mahinhin, o naging mapang-abuso sa trabaho? Ilan ang bumagsak sa mga tests sa iskwelahan, napagalitan ng sobra, naisip sa sarili na “hindi talaga ako matalino” at naitatak ito sa kanilang utak? Ilan ang hindi makasabay sa kanilang mga kaibigan sa sports kaya tumatak ang “hindi talaga ako magaling” sa kanilang self-image o paningin sa sarili? Ilang mga mapang-abusong mga magulang ang naging ganoon dahil inabuso din sila noong sila’y bata pa?
Kung mayroon tayong mga masasamang karanasan at mga trauma katulad ng mga iyon, pinipigilan kaya nila tayong subukan ang ilang panibagong bagay, tulad ng mga mabubuting gawain at libangan (habits and hobbies), na makakapagpabuti nang husto sa ating buhay? Pinipigilan kaya nila tayong magsimula dahil iniisip natin na ang mga epekto ng mga masasamang karanasang iyon ay bahagi na ng ating pagkatao (personality) habang-buhay (permanent)?
Iyon ang pinakamahalagang aral sa librong iyon tungkol sa ating psychology. Nagbabago tayo habang nagdadaan ang panahon, at pwede nating KONTROLIN ang mga pagbabagong iyon. Pwede nating piliin kung anong bahagi ng ating pagkatao ang gusto nating baguhin at pagbutihin. Walang permanente sa ating pagkatao o personality, lalong lalo na ang ating mga masasamang asal at trauma.
Pwede tayong maging mas-confident/malakas ang loob, mas mapagbigay, at mas mature kung ginusto natin. Pwede tayong maging disiplinado at mas matapang upang tayo ay magtagumpay sa mga pinapahalagahan natin sa buhay, tulad ng ating mga career/trabaho, relationships, kalusugang pisikal at emosyonal, at marami pang iba.
Bago natin magawa iyon, kailangan nating isipin kung anong klaseng tao ang gusto nating maging. Kailangan nating seryosohin at pagplanuhang mabuti ang ating magiging pagkatao sa ating kinabukasan.
[Read more…]