X

Ang Limang Batas ng Pera: Ilang Payo Tungkol sa Pag-Asenso

English Version (Click Here)

Ang librong The Richest Man in Babylon ni George S. Clason ay ang isa sa pinakapopular na libro tungkol sa pera at personal finance at irerekomenda ko ito. Buti na lang, ito’y itinuturing nasa public domain kaya medyo madali nang makahanap ng libreng digital na kopya nito online.

Sa palagay ko, ang isa sa pinakamabuting katangian ng librong iyon ay kahit na ito’y tungkol sa isang komplikadong paksa tulad ng paghahawak ng pera o money management, gumagamit ito ng mga simpleng kuwento para ituro ang napakaraming mahahalagang aral tungkol sa pagyaman at pag-asenso. Ang isang mahalagang kabanata dito ay tungkol sa “five laws of gold” o ang limang batas ng pera. Ang limang payo na iyon ang tatalakayin natin dito, kaya ipagpatuloy mo lang ang pagbabasa upang matutunan mo ang mga ito!

Ang Limang Batas ng Pera

Unang Batas: “Ang pera ay madaling mapunta sa mga nag-iipon ng 10% ng kanilang kinikita upang makabuo ng estado para sa kanilang kinabukasan at pamilya.”

Isipin mo na parang isang sakahan o farm ang iyong lebel ng pag-asenso sa buhay. Kung pangarap mong magkaroon ng masaganang ani, kailangan mo munang MAGTANIM. Katulad noon, kung gusto mong yumaman, kailangan mong mag-invest ng pera para paramihin ito. Sa kasamaang palad, ang alam lang ng marami sa atin ay ubusin ang mga butong kinikita natin at wala tayong itinitira para itanim. Inuubos natin ang mga sahod natin at wala nang itinitira para gamitin para umasenso at yumaman.

Ang isa sa pinakamahalaga at pinakamabisang payo tungkol sa paghahawak ng pera ay “pay yourself first”. Mag-ipon muna. Huwag mo nang hintayin na may matira pa sa sahod mo para makapag-ipon. Kumuha ka muna sa sahod mo at IPUNIN o itago mo ito. Iyan ang unang hakbang sa pag-asenso.


Ikalawang Batas: “Ang pera ay nagtratrabahong mabuti at kontento para sa matalinong among gumagamit dito ng mabuti at ito’y dumadami gaya ng mga halaman at hayop sa sakahan.”

Ang pag-iipon ay ang unang hakbang sa pag-asenso, at ang pag-aaral kung paano pagtrabahuhin ang pera sa negosyo o sa investments ay ang susunod dito. Kung hindi mo itinanim ang mga buto, ito ay matutuyo ay mabubulok lamang, at kung hindi mo ininvest ang pera, mababawasan lang ang halaga nito dahil sa inflation. Isipin mo na lang kung gaano karami ang mabibili mo sa isang daan o isang libong piso sa nakaraang limampung taon. Wala na itong masyadong mabibili kumpara noon.

Pwede mong gamitin ang iyong ipon para magsimula ng negosyo, o pwede mo itong iinvest sa stocks, bonds, mutual funds, real estate at iba pang assets para dumami ang pera mo.


Ikatlong Batas: “Ang pera’y kumakapit sa proteksyon ng maingat na among nagiinvest nito ayon sa payo ng mga magaling maghawak ng pera.”

Hindi ko alam sa iyo, pero noong kakalabas ko pa lang sa bumbunan ng aking ina, wala akong kaalaman tungkol sa pera at investment noon. Ang alam ko lang noong sanggol pa ako ay kumain, matulog, umiyak, at dumihan ang aking lampin (diapers). Malamang ikaw rin ganoon.

Wala sa atin ang ipinanganak na may alam na tungkol sa pera. Unti unti natin itong natutunan habang lumalaki tayo. Sa kasamaang palad, ang hangganan ng kaalaman ng karamihan ay kumita ng sahod at gumastos. Iilan lang ang mga natutong magsikap para “yumaman” at magkaroon ng sapat na pera at kasangkapan para mabuhay nang masaya at masagana.

Saan natin ito matututunan? Pwede natin ito matutunan mula sa mga nakagawa na ng mga pangarap nating gawin. Kung gusto nating matutong yumaman mula sa negosyo, alamin natin ang mga ginawa ng mga magagaling na negosyante. Kung gusto nating yumaman sa pag-asenso sa ating mga careers, pwede nating alamin ang mga ginawa ng mga pinakamahusay na propesyonal sa ating trabaho. Kung gusto nating yumaman at umasenso mula sa investing, kailangan nating aralin ang ginawa ng mga pinakamahusay na investors at traders sa mundo.

Kailangan nating alamin ang kanilang mga payo, basahin ang kanilang mga isinulat na libro, at gamitin ang kaalaman kung nararapat ito para sa mga sitwasyon natin.


Ikaapat na Batas: “Ang pera’y lumalayas mula sa mga nag-iinvest nito sa mga negosyo o mga bagay na hindi nila naiintindihan at sa mga bagay na hindi pinapahintulutan ng mga taong gumagamit nito nang mabuti.”

Sabi ni Warren Buffet, ang isa sa pinakamagaling na investors sa mundo, “risk comes from not knowing what you’re doing”. Ang panganib ay nagmumula sa hindi mo pag-intindi sa ginagawa mo. Sa madaling salita, kung hindi mo tunay na naiintindihan ang ginagawa mo sa pera mo o hindi mo gamay nang husto ang bagay na iniinvestan mo, malamang baka mapahamak ka.

Kung hindi mo pa alam kung paano hanapin ang mga mabubuting assets at negosyong magiging magandang investment, baka hindi mo alam nailagay mo pala ang pera mo sa PALPAK na negosyo. Mas malala pa doon, pwedeng mawala ang pera mo sa mga obvious na scam o panloloko.

Wala sa atin ang ipinanganak na eksperto. Kailangan nating alamin ang mga kailangan nating malaman at umaksyon nang tama.


Ikalimang Batas: “Ang pera ay nilalayasan ang mga sumusubok gamitin ito para kumuha ng imposibleng kita, sa mga sumusunod sa payo ng mga manloloko at mandaraya, at sa mga nagtitiwala sa sariling kamangmangan at emosyonal na kagustuhan sa pag-invest.”

May kasabihan, “if it sounds too good to be true, then it probably is”. Kung mukhang sobrang ganda ng isang bagay na parang hindi na ito kapani-paniwala, malamang hindi nga ito totoo. Sa kasamaang palad, marami ang hindi nakakaalam kung ano ang lebel ng “sobrang ganda na kadudaduda na ito”, at madalas ang kanilang greed o katakawan ang magpapatakbo ng kanilang desisyon. Halimbawa, may isang “investment” na dodoblehin ang pera mo nang walang risk? Mukhang maganda! Sige pasok! … tapos mananakawan ka lang.

*Note: Madalas nasa 12% o mas mababa pa ang pwedeng makuha sa stock market, at pwedeng mas mataas o mas mababa pa ito nang husto. May risk palagi, at kapag may nangako sa iyo ng malaking kita at walang risk, malamang baka scam o modus lang iyan.

Ang pinakamabuting proteksyon laban sa mga scams o panloloko ay kaunti pang kaalaman. Kung marami kang alam tungkol sa mga lehitimong investments at alam mo kung paano maghanap ng mga maayos na assets, madali mong mapapansin ang mga hindi magandang investments at scams kapag nakita mo sila.


  • Matutong mag-ipon.
  • Matutong mag-invest o magnegosyo.
  • Aralin ang ginagawa ng mga eksperto.
  • Intindihin mo nang husto ang ginagawa mo.
  • Huwag mong hayaang mascam o maloko ka dahil sa katakawan mo.

Iyon ang limang simpleng payo tungkol sa pera at pagyaman na kailangan mong alalahanin palagi.

Tatapusin na muna natin ang aral dito. Kung may mga tanong ka, isulat mo lang sa comments section sa ibaba!

Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.

View Comments (0)