English Version (Click Here)
Noong bumibisita kami sa aming mga lolo’t lola (sumakabilang-buhay na sila noon pa), nakikita ko ang ilan naming mga kapitbahay naglalaro ng mahjong, baraha, at yung makulay na dice game (tinatawag itong “casino” ng kakilala ko) sa kalsada. Nakakatuwa naman talaga ang mga larong iyon, pero kapag may pera nang itinataya, nakakaadik ito dahil sa risk (panganib) at posibleng pagkapanalo. Mananalo ka at matatalo (pero mas madalas kang matalo), pero ang posibilidad na manalo ka nang maaraming pera ay maghihikayat sa iyong magsugal pa.
Sa kasamaang palad, pag nagpatuloy ka mas lalo ka lang mawawalan ng pera. Alam naman natin kung paano nakakasira ng buhay ang pagsusugal.
Maraming rules ng psychology ang gumagana pagdating sa pagsusugal, at ito ang dahilan kung bakit napakadaling mawala ang perang pinaghirapan mo dahil sa isang dealer sa casino, lotto, “gacha” game, o iba pang uri ng sugal, pero sa ngayon paguusapan natin ang isa. Ito ang tinatawag na “gambler’s fallacy”.
Kung ayaw mong mawalan ng pera sa mga laro na kailangan ng swerte, sa investing, at sa iba pang desisyon sa pera na parang ganoon, ito ang isa pang aral na kailangan mong matutunan.
Coin flips:
Sa tamang coin flip gamit ang ordinaryong barya, madalas lalabas ang kara (heads) nang 50% at krus (tails) 50%. Kung nag-flip ka ng barya sampung beses, malamang makakakuha ka ng limang kara at limang krus.
Ngayon, isipin mo ito:
- Nag-flip ka ng coin, krus ang lumabas.
- Inulit mo, at krus uli ang lumabas.
- Sa pangatlong beses, krus nanaman!
Dahil puro krus ang nakuha mo, malamang kara naman ang makukuha mo sa mga susunod diba?
MALI, at iyon ang halimbawa ng gambler’s fallacy.
Ano ang Gambler’s Fallacy?
Ayon sa Investopedia, nangyayari ang fallacy na ito kapag inisip mo na ang isang random event ay mas madalas o mas madalang mangyayari dahil sa mga nakaraang resulta. Mali ang pagiisip na ito dahil ang mga nakaraang resulta ay hindi nakaaapekto sa mga susunod na random na pangyayari.
Sa madaling salita, ano mang resulta na nakuha mo ay hindi makaaapekto sa mga susunod mong makukuha (sa larong nakadepende sa pagkaswerte).
Gamit ang halimbawa ng coin flips, hindi ka madalas makakakuha ng tatlo, apat, lima, o anim na krus nang sunod sunod, pero ang pagaakalang siguradong kara naman ang susunod dahil dapat 50:50 ang coin flips ay isang pagkakamali. Ang susunod mong flip ay 50:50 pa rin, kaya may 50% chance ka pa ring makakuha uli ng krus.
Iba pang halimbawa sa buhay
Isipin mo rin kung gaano karaming manunugal ang nagkakamali nang ganito. May mga natatalo palagi pero nagpapatuloy pa rin dahil, tulad ng halimbawa natin sa barya at umaasa na mananalo at kara naman ang lalabas “sa susunod”. Iniisip nilang susuwertehin sila bigla at mababawi nila ang mga pagkatalo nila… hanggang maubos ang kanilang pera.
Sa kabilang dako naman, may mga sinusuwerte palagi at inaakala nilang magpapatuloy ang pagkaswerte nila… hanggang biglang maubos ang pera nila sa ilang mga masasamang taya.
Alin man sa dalawa, sa mga casino at sugalan, hindi pabor sa atin ang chances at, sa napakaraming paglalaro, tayo ay matatalo at SILA ang mananalo.
Nangyayari din ito sa mga videogame na may lottery o “gacha” system kung saan nagbabayad at nagsusugal ka para makuha ang isang rare character, weapon, costume, o iba pang bagay sa laro. Pwede mong makuha ang gusto mo sa mga una mong bunot, pero madalas gagastos ka ng napakarami bago mo makuha ang gusto mo. Minsan, hindi mo pa rin makukuha ang gusto mo gaano pa man karami ang ginastos mo, tulad ng sa Fate/Grand Order.
Sa gambling fallacy, pwedeng magkamali ka at mag-isip ayon sa overall o pangkalahatang chance mong manalo ayon sa balak mong gastusin. Halimbawa, kung may 1% chance kang makuha ang isang ultra rare o pambihirang na character, baka isipin mong “sigurado” makukuha mo ito kapag bumili ka ng 100 tickets. Pwede nga itong mangyari sa isipan natin… hanggang pumalya tayo sa totoong buhay.
Tandaan mo na sa mga larong iyon, kung ang unang 99 na bunot mo ay pumalya, ang susunod mong bunot ay 1% chance pa rin. Kahit bumili ka pa ng mga tickets, 1% pa rin ito sa bawat bunot mo. Kahit may safety net na magbibigay sa iyo ng gusto mo kapag gumastos ka ng nakatakdang halaga, malamang gagastos ka pa rin ng napakalaki. Madalas hindi ito sulit.
Investing:
Ang isa sa pinakamadalas na disclaimer o babalang nakikita ko sa mga mutual funds ay ang mga salitang ito:
Past performance is no guarantee of future results.
Sa Tagalog: Ang dating kinita o resulta ay hindi basehan ng magiging kita sa darating na panahon.
Madalas itinataguyod ng mga mutual funds at investments ang kinita nilang pera sa mga nakaraang taon para mahikayat kang mag-invest sa kanila. Kailangan mong mag-ingat dahil kahit maganda ang performance o resulta nila dati, hindi ito guarantee o kasiguraduhan na MAGPAPATULOY ang maganda nilang resulta at kita sa mga susunod na taon.
Ang kita sa investment ay madalas magdedepende sa galaw ng market at sa galing ng management ng business o fund na pinopondohan natin, kaya mahalaga ang matatag na *fundamentals ng investment. Mayroon pa ring swerteng kailangan dahil walang kahit sino sa atin, kahit ang pinakamagagaling na financial professionals pa, ang makakasabi kung ano ang mga darating na market trends at kalamidad nang may 100% na kasiguraduhan.
(Note: Kung hindi mo alam ang pagkakaiba ng fundamental analysis at technical analysis, iclick mo ang link na ito upang matutunan mo!)
Alalahanin mo lang na bilang investors, ang magagawa lang natin ay magdesisyon ayon sa ating research.
Ngayong may mas marami ka nang nalalaman tungkol sa gambler’s fallacy at kung paano ito nakaaapekto sa atin, pwede mo nang bawasan ang epekto nito sa buhay mo at bawasan din ang mga pagkakataong mawalan ka ng pera, oras, at pagod dahil dito.
Sana ay nagustuhan mong basahin at matuto mula sa article na ito! Kung gusto mo pa ng iba, sundan mo kami sa Facebook at Twitter gamit ang mga buttons sa gilid!
View Comments (0)