X

Self-Improvement Basics: Paano Gamitin ang Feedback Upang Humusay sa Kahit Anong Bagay

English Version (Click Here)

*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.

Sa librong The One Minute Manager nina Ken Blanchard at Spencer Johnson, naituro nila na “feedback is the breakfast of champions”. Ang feedback (o tugon na galing sa ibang tao o sa mundong ikinagagalawan mo) ay almusal ng mga kampeon. Kung pangarap mong maging mas matagumpay sa buhay, kailangan mong maghanap palagi ng feedback. Kailangan malaman mo kung kailan mabuti ang nagagawa mo at kung kailan naman hindi, at saka ka mag-adjust. Sa pagdaan ng panahon, ang patuloy na pagbabago at pagpapabuti sa gawain mo ay makakapagpahusay sa iyong mga kakayahan at nagpapataas ito ng pagkakataon mong magtagumpay sa mga gusto mong gawin, ito ma’y sa iyong personal life, financial life, mga relationships, negosyo, career, o iba pa.

Self-Improvement Basics: Paano Gamitin ang Feedback Upang Humusay sa Kahit Ano

Ayon sa dictionary, ang feedback ay impormasyon mula sa mga reaksyon sa isang produkto o pagsasagawa ng isang tao sa isang bagay, at ito ay ginagamit para humusay. May positibong feedback na nagsasabi sa ating kapag tama ang ginagawa natin, at negative feedback naman kapag hindi. Kung pangarap nating gumaling o humusay, kailangan nating gamitin pareho.

Maraming iba’t ibang pwedeng pagmulan ng feedback, pero minsan mahirap itong suriin kung hindi natin nakasanayang pansinin ang mga pinagkukuhanan nito. Narito ang ilang halimbawa ng kung saan ka pwedeng makakuha ng feedback.

 

Feedback Mula sa Sarili

Nakaramdam ka na ba ng pagsakit o pagkirot habang nageensayo o nagtratraining? Ang sakit sa mga muscles habang nagbubuhat ng weights ay pwedeng sinyales na maayos ang pagensayo mo sa iyong muscles, pero ang malubhang pagsakit sa iyong mga joints o kasu-kasuan ay napakasamang sinyales at pwedeng sinasaktan o naiinjure mo na pala ang sarili mo dahil sa mali maling porma o techniques.

Paano naman ang kalusugan mo? Ang pag-akyat ng mataas na hagdan o pagjogging ng ilang minuto nang hindi nawawalan ng hininga ay mabuting sinyales, pero ang pagkapagod sa sandaliang paglalakad o pagkakaroon ng mataas na blood sugar o cholesterol ay masasama.

Ang iyong “instincts”, “gut feelings”, o “kutob” ay pwede ring pagmulan ng napakahalagang feedback. May kinuwestyon ka na bang tao at naramdaman mo na baka nagsisinungaling sila? Naglakad ka na ba sa isang mapanganib na lugar at nakapansin ng mga kahina-hinalang tao sa paligid mo o mga taong sumusunod sa iyo? Ang iyong subconscious mind ay nagbibigay ng mga warning signals kapag may mga kahina-hinala o panganib sa paligid mo at napakabuti kapag hindi mo ito babalewalain.

Kung gusto mong matutunan pa ang tungkol dito, subukan mong basahin ang mga librong Left of Bang nina Patrick Van Horne at Jason A. Riley at Spy Secrets That Can Save Your Life ni Jason Hanson. Inirerekomenda kong basahin mo ang mga ito dahil kasama rin sa self-improvement ang pagprotekta sa iyong sarili mula sa iba’t-ibang uri ng panganib sa buhay.

 

Feedback Mula sa Sarili Mong Resulta

Tulad ng pagreview ng iyong grades sa iskwelahan, ang pagbabalik-tanaw sa mga nakamit mo sa buhay ay isa pang mahalagang pwedeng pagkuhanan ng feedback. Matagal ka na bang ipit sa pangkasalukuyan mong posisyon o sahod sa kumpanya? Isang uri ng feedback iyon. Pwedeng hindi ka nagsisipag kaya hindi tumataas ang iyong sahod, pwede ring toxic o masama ang mga tao sa iyong kasalukuyang pinagtratrabahuhan kaya hindi ka umaasenso, o pwede ring may iba pang dahilan. Kamusta naman ang iyong mga relationships? Madali ka bang nakakakuha ng mga kaibigan, o iniiwasan ka ng mga tao? Nagugustuhan ka bang makasama ng iba, o nakikipagusap lang sila saglit tapos naghahanap ng excuse para umalis? Nagugustuhan ka ba ng mga tao dahil tapat ka, o iniiwasan ka ba nila dahil ikaw yung tipong “madaling makalimot” sa mga utang at tumatawag lang sa iba kapag may kailangan ka?

Ang iyong mga resulta sa buhay, mga nakamit mo, mga hindi mo pa nakakamit, at mga pagkakamaling palagi mong nagagawa, ay mga napakahalagang bagay na pwedeng pagkuhanan ng feedback, at matutuklasan mo dito kung ano ang mga mabuti mong nagagawa sa buhay pati na rin ang mga gawain mong hindi epektibo. Matutunang basahin ang mga sinyales na nakikita mo, at saka mo baguhin ang iyong mga gawain at nakasanayang gawin.

 

Feedback Mula sa Iyong Paligid

Minsan makikita natin sa ating paligid kung mabuti ang nagagawa natin sa buhay, o may mangyayaring masama. Bilang isang halimbawa, suriin mo ang iyong bahay. May mga tumutulo ba sa iyong mga tubo? May tumutulo ba sa iyong kisame tuwing umuulan? Bumabagal ba o nagcracrash ang iyong phone o computer? Ang mga warning signs sa buhay ay mabuting pagkukuhanan ng feedback at dapat ayusin mo na ang mga maliliit na problema bago sila maging seryosong emergency.

Bukod pa roon, pagmasdan mo ang mundong ikinagagalawan mo. May mga biglaang pagbabago ba sa iyong pinagtratrabahuhan? Bumababa ba ang kita ng iyong pinapasukang kumpanya dahil sa produkto ng ibang kumpanya? Mukha bang nagiging problemado ang iyong mga boss kapag kinakausap ka nila o kinakausap nila ang team mo? Pwede iyong sinyales na nanganganib ang iyong trabaho at dapat maghanda ka na para sa posibleng emergencies. Isang halimbawa lang iyon. Marami ka pang pwedeng mapansin sa buhay, at dapat matutunan mong basahin ang ibig sabihin ng mga sinyales na napapansin mo.

Feedback Mula sa Mga Propesyonal

Naaalala mo pa ba noong kumukuha ka pa ng tests sa iskwelahan? May points ka sa bawat tamang sagot, at wala sa bawat maling sagot. Kapag sinuri mo ang iyong scores, makikita mo kung gaano ka kagaling o kung gaano ka hindi magaling sa mga subjects mo. Sa puntong iyon, trabaho ng iyong mga guro na turuan ka upang maging magaling ka sa mga bagay tulad ng pagbabasa, pagsusulat, math, at iba pa, at trabaho mo rin na mag-aral upang maging mahusay sa mga iyon at tumaas ang iyong mga scores.

Malamang hindi ka ganoon kagaling sa pagbabasa, pagsusulat, at math noong nagsimula ka pa lang (tulad noong kindergarten), pero habang nagprapractice ka, naging mahusay ka na at kaya mo nang magfunction o mabuhay sa ating lipunan. Isipin mo lang paano kung magshoshopping ka sa palengke nang hindi marunong magbilang ng sukli o hindi ka marunong magbilang at alamin kung sapat nga ba ang pera mo para bilihin ang gusto mong makuha? Napakalaking problema iyon. Salamat naman at itinuwid o ikinorrect ka ng iyong mga guro kapag nagkakamali ka at nagbibigay sila ng points at papuri kapag tama ang nagagawa mo.

Hindi lang sa iskwelahan tayo pwedeng matuto ng mga bagong kakayahan o pwedeng pagkuhanan ng feedback. Marami ring ibang lugar at tao kung saan pwede tayong matuto o magpaturo. Kung gusto nating maging dalubhasa sa sports, papakinggan natin ang itinuro ng ating mga coaches. Kung gusto nating alagaan ang ating kalusugan, makikinig tayo sa mga sinasabi ng mga doktor, nutritionists, at personal trainers. Kung gusto nating umasenso sa ating career, negosyo, at iba pa, makikinig tayo sa mga eksperto sa mga bagay na iyon.

 

Feedback Mula sa Mga Customers

Kamakailan lang, palagi akong sumasagot ng mga surveys sa resibo sa mga coffee shops para makakuha ng libreng pagkain. Itinatanong madalas ng mga survey kung ano ang inorder ko, gaano kalinis ang shop, paano ako kinausap ng mga empleyado, at iba pa. Kahit malamang ito’y mga technique para gawing repeat customers ang mga tao, ito rin ay mabuting paraan para malaman ng mga stores kung paano nila pagbubutihin ang kanilang mga sarili. Sabagay, kung ang isang libong tao ay nagbigay ng mababang rating sa cleanliness o linis ng isang shop, malamang kailangan na nilang kumuha ng mga full-time janitors.

Kung ikaw ay isang negosyante o business owner, hindi lang sa pagbigay ng survey ka makakakuha ng feedback mula sa iyong mga customers. Pagmasdan mong mabuti kung ano ang mga binibili ng mga tao, kailan sila bumibili, at gaano kadalas. Baka mabuting ilagay mo sa harapan ang mga mabebenta at mataas ang kita na mga bagay. Sa mga hindi mabenta, baka mabuting magbigay ka ng discount kapag ikaw ay may sales.

Pagmasdan mo ring mabuti ang reaksyon ng mga tao kapag may binago ka sa mga produkto mo. Itaguyod mo ang mga benepisyo kung nagugustuhan ito ng mga tao, o baguhin mo kapag hindi ito nagustuhan. Ang pagbaba ng sales at profits ay isa ring mahalagang feedback, at dapat alamin mo kung bakit. Ito ba’y dahil sa isang bagong rival na kumpanya sa negosyo, mga empleyadong tinatamad magtrabaho dahil hindi ka ganoon kahusay na leader, o may iba pa bang dahilan?

Kung tumataas ang sales o benta, alamin mo rin kung bakit. Ito ba’y dahil may kakaibang gamit sa produkto mo tulad ng kung paano pwedeng gamitin ang coke para panlinis ng sink o lababo? Subukan mong ipromote iyon, tulad ng pagpost nito bilang viral video sa mga sites tulad ng Twitter at Facebook.

Ang pagsusuri sa mga habits ng iyong mga customers at pagpapahusay ng iyong negosyo ayon sa gusto nila ay isang napakabuting paraan para pagbutihin ang iyong operations at pataasin ang iyong kinikita. Kung gusto mong matutunan ang mentality ng paghahanap ng pinakamabuting paraan para pagbutihin ang iyong negosyo, subukan mong basahin ang librong Growth Hacker Marketing ni Ryan Holiday.

 

Tandaan: Hindi Lahat ng Feedback ay Nakabubuti

Kukuha ka ba ng medical checkup mula sa isang lasinggero sa lansangan kaysa sa isang totoong doktor? Ipapatingin mo ba ang iyong building plans sa isang abugado kaysa sa mga architects at engineer? Malamang hindi.

Hindi lahat ng feedback ay nakabubuti. Minsan hindi alam ng tinatanungan mo ang kailangan mong malaman at mali ang mga sagot nila, minsan may mga taong gusto lang mambatikos at saktan ka, at minsan din ang mga tao ay nagbibigay ng maling idea para gumalaw ka ayon sa kagustuhan nila. Sabi nga, ang mga tao na nasa sales ay palaging sasabihing oo kapag tinanong mo sila kung kailangan mo ba talaga ang produkto nila.

Bukod pa doon, minsan ang interpretasyon o pagkakaintindi natin sa mga bagay ay pwedeng magkamali. Halimbawa, kung iba ang nabigyan ng promotion ng boss mo, hindi naman ito palaging dahil masamang tao ang boss mo o niloloko ka ng iyong mga katrabaho. Posibleng kahit mahalaga ka pa ring empleyado, ang napromote na katrabaho ay mas mabuti para sa posisyon kumpara sa iyo.

 

Ang lahat ng ating gawain ay may consequence o natatanging kalalabasan. Pwede nating baguhin ang ating gawain, pero hindi natin pwedeng baguhin ang kalalabasan ng mga gagawin natin. Diba nga, ang pagtanim ng palay ay magbibigay ng bigas, at ang pagtatanim ng nakakalasong halaman ay magbibigay ng lason.

Kung gusto nating makuha ang mga resultang gusto natin, kailangan natin palaging suriing mabuti ang feedback o short-term na resultang nakukuha natin mula sa mga ginagawa natin, at saka natin tignan kung ito’y patungo pa rin sa pangarap nating makamit. Kung gusto nating humusay hanggang makuha natin ang mga pangarap natin, kailangan siguraduhin nating naroon pa rin tayo sa tamang landas.

Dito na muna tayo magtatapos. Sana nag-enjoy ka sa article na ito! Kung gusto mong matuto pa ng iba, tignan mo lang ang iba naming articles sa link na ito!
Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.