English Version (Click Here)
Ang isang bagay na kinaaayawan ko ay ang mga taong nagsasabi na mangmang, tamad, o walang kwenta ang mga mahihirap. Hindi nila ito sinasabi ng lantaran, pero mahahanap mo sila kapag may nagpost ng mga inspiring rags to riches (mahirap nagsikap magpayaman) stories. Sila ang mga nagsasabi na “yumaman lang sila dahil maswerte sila” at “imposibleng yumaman ang mahihirap dahil wala silang edukasyon, oportunidad, kakayahan, atbp.” Sila rin ang nagsasabi na “walang kwenta ang magsikap” o “marami ang nagsisikap pero mahirap pa rin” at walang mabuting solusyong ibinibigay.
Marami sa mga ganoon ang nagkakamali sa interpretasyon ng mga inspiring posts at iniisip nila na ang ibig-sabihin ng mga ito ay “naghihirap ang mga mahihirap dahil sa ginagawa nila” o “ang pagsisikap ay gumagana para sa iba, pero para sa karamihan ito’y walang kwenta.” Sila ay napakabuting halimbawa kung paano ang pag-iisip at pananaw ay nakaaapekto sa ating mga nakikita sa mundo: habang ang karamihan sa atin ay nakakakita ng pagkukuhanan ng inspirasyon (“Kung nagawa nila , kaya rin natin!”), nakikita nila ang mga iyon bilang panlalait (“Maswerte lang ang mga yumaman pero tayo ay mabibigo kaya huwag na lang nating subukan!”).
Kahit mabuti ang intensyon nila sa pagsasabi ng mga problemang kinakaharap ng mga mahihirap, sa pagtutol sa mga inspiring posts nakasasama lamang ang ginagawa nila. Ang nagagawa lamang nila ay pinapahina nila ang loob ng mga mahihirap dahil sinasabi nila na hindi sila makakaahon mula sa kahirapan, at nasasabi rin nila na ang mga mahihirap ay masyadong mahina at kaawa-awa na hindi nila kayang magsikap para yumaman kung walang magbibigay sa kanila ng limos.
Huwag magdala ng Palusot: Magbigay ng INSPIRASYON at ipakita mo ang paraan para UMAHON
“Ang bulsang walang laman ay hindi nakapipigil sa kahit sino. Ang walang lamang puso’t isipan lang ang nakakagawa noon.” – Norman Vincent Peale
May kasabihan na “kapag gusto, maraming paraan. Kapag ayaw, maraming dahilan.” May mga nagsasabi na, “realistically,” napakahirap ng mga problemang kinakaharap ng mga mahihirap. REALISTICALLY din, ang bawat hadlang at problema ay may maraming solusyon, at naniniwala ako na kaya nilang gamitin ang talino nila para hanapin ang tamang solusyon para sa kalagayan nila at magagamit nila ang mga ito kapag natutunan nila ang tungkol dito.
Ang mahihirap ay hindi makakuha ng edukasyon.
May mga scholarships (gaya ng nakuha ng dating batang-kalye na si Rusty) at government programs na makatutulong sa mga mahihirap (TESDA’s Student and Scholarship Assistance programs). Hindi nga ito palaging available, pero andiyan sila para sa mga nangangailangan. Pwede silang paulit-ulit sumubok hanggang makapasok sila, o pwede nilang subukan ang ibang landas na hindi ganoong nangangailangan ng pormal na edukasyon kagaya ng pagnenegosyo.
Ang mga mahihirap ay walang pera o kapital para magsimula.
May ilang banko na nagbibigay ng micro financing loans para sa negosyong magagamit para makabuo ng pangkabuhayan. Ang kailangan lang nila ay isang mabuting business plan at magtanong sa mga bangko tungkol sa kung saan sila qualified. Kung hindi ito pwede, marami namang bangkong iba at pwede rin silang humingi ng tulong mula sa kanilang mga kaibigan at kapamilya. Bukod pa roon, pwede rin silang mag-ipon ng kinikita nila mula sa trabaho hanggang magkaroon sila ng kapital para sa negosyo.
Masyadong mahirap umahon mula sa kahirapan.
May dalawa tayong palaging pagpipilian: Pwede tayong magsikap para sa pagkakataong makamit ang masaganang buhay… o manatili sa nakasanayan at isumpa ang ating mga anak at apo sa kahirapan. Kapag pangarap natin, makakahanap tayo ng maraming paraan.
Walang oportunidad.
Totoo, kapag nanatili tayo sa gitna ng Sahara desert o sa gitna ng Payatas at Tondo, malamang mahirap makahanap ng customers sa ating tindahan o lugar na pwedeng pagtrabahuhan… pero kung pumunta tayo sa lugar kung saan may mga customers at oportunidad para hanapin sila, matatagpuan natin sila at tayo’y makakagawa rin ng sarili nating oportunidad.
Yumaman ang mga mayayaman dahil maswerte lamang sila.
Sa palagay ko, ito ang PINAKAMASAMANG idea sa lahat. Ano ang sinasabi nito sa mahihirap? Na hindi sila maswerte kaya mananatili silang mahirap HABANG BUHAY at wala silang magagawa tungkol dito. Iisipin rin nila na kahit walang masyadong halaga ang ginagawa nila, baka balang araw sila’y swertehin at biglang maging milyonaryo. Sige, isipin mo na ang isang pulubi ay biglang “sinuwerte” at BOOM, limang segundo lang hindi niya namalayang nagtayo na pala siya ng international company. Hindi nangyayari ang swerte kapag hindi ka nagsikap para dito. Hindi ka makakashoot ng 3-point shot kung hindi mo ishoshoot ang basketball, at hindi ka makakabuo ng million-dollar business kung hindi ka nagsimulang magnegosyo. “Swerte” ang tawag natin sa ilang taong paghihirap at pagsisikap na hindi natin nakita.
Yumaman ang mga mayayaman sa pag-aabuso ng mga trabahador.
Binabawi ko yung huli kong sinabi. ITO ang isa sa pinakamasamang idea sa lahat at ikinuwento ko na ito sa “rich vs poor” myth. Ang implikasyon naman nito ay ang pagpapayaman ay pag-aabuso sa iba kaya mas-mabuting maghirap na lang. Mali iyon: Ang mga tao ay yumayaman dahil sa pagbuo o paggawa ng mahahalagang bagay, at lahat tayo’y binabayaran ayon sa halagang ibinibigay natin. Ang magsasakang nakapagbibigay ng sampung sako ng bigas ay mas-maliit ang kinikita sa magsasakang nakapagbibigay ng isang daang sako. Ang janitor na nagwawalis ay mas-maliit ang kinikita kumpara sa doktor na nakapagliligtas ng ilang-dosenang pasyente. Ang trabahador na naghahalo ng semento at naglalatag lang ng hollowblocks ay mas-maliit ang kinikita sa boss niyang umaarkila ng isang daang trabahador para magbuo ng mga bahay para sa isang libong pamilya. Iba-iba ang kinikita nating lahat, pero tayo’y binabayaran ng tama ayon sa halagang ginagawa natin. Kung inaabuso ka ng boss mo, gawin mo ang ginagawa ng karamihan: Umalis ka at maghanap ng ibang trabaho o magsimula ka ng sarili mong multinational corporation.
Pagpapahina ng Loob: Subukan mong sabihin sa pulubi na sila’y walang kwenta, tamad, o mangmang
Subukan mong sabihin ito sa isang pulubi: “Mananatili kang mahirap dahil mangmang ka, wala kang makukuhang oportunidad sa buhay kahit kailan, at hindi ka magtatagumpay dahil ibang tao ang maswerte at kayo ng mga anak mo ay mananatiling mahirap habang panahon.” Kapag may nangmamaliit sa mga inspiring “rags to riches” post o article tungkol sa pagpapayaman at nagsasabing imposible ito para sa karamihan, yun ang mensaheng kanilang ibinibigay.
May halaga din ang pagkwento tungkol sa mga problemang kinakaharap ng mga mahihirap dahil nakakahanap tayo ng mga solusyon, pero kapag lagi lang nating ikinukuwento ang mga iyon sa mga mahihirap, hindi tayo nakakatulong. Bakit? ALAM NA NILA ANG MGA PROBLEMA NILA, at mas-alam nila ito kumpara sa atin! Ang HINDI nila alam, ang mga bagay na MAGAGAWA nila para magsikap magpayaman MALIBAN sa mga problema ang mga makakatulong, at yun ang kailangan nating ituro.
Pwede mong paulit-ulit sabihan ang unemployed na sundalo na mahirap makahanap ng trabaho kapag sa military ka nanggaling… o pwede mo siyang bigyan ng ideang magnegosyo at magbenta ng pagkain gaya ng puto at kutsintang ibinebenta ni Cerilo Delfin.
Pwede mong paulit-ulit sabihin sa jeepney driver ang mga problemang kinakaharap niya at kung paano wala na siyang iba pang magagawa sa buhay dahil sa maliit niyang kita… o pwede mo siyang turuang maghawak ng pera para yumaman balang-araw.
Pwede mong paulit-ulit ikwento sa mahirap na tricycle driver ang kanyang mga paghihirap sa buhay araw-araw at kung gaano kahirap mabuhay sa maliit na kita… o pwede mong sabihin sa kanya na pwede rin siyang mag-deliver at magbenta ng pagkain mula sa kanyang sasakyan para kumita pa gaya ng ginawa ni Noel Ramirez (Go Negosyo: Joey Concepcion’s 100 Inspiring Stories of Small Entrepreneurs “Tagumpay Mula sa Kahirapan”).
Pwede mong sabihin sa batang-kalyeng sumisinghot ng rugby na mananatili siyang mahirap… o pwede mo siyang bigyan ng inspirasyon para makapasok sa scholarship gaya ng ginawa ni Rusty at mag-aral ng mabuti para makakuha ng mas-mabuting oportunidad sa buhay.
Pwede mong sabihin sa bata na, dahil mahirap siya, siya’y malamang magiging katulong o labandera laman sa kalsada… o pwede mo siyang bigyan ng inspirasyon para mag-aral ng mabuti at mag-graduate ng may honors upang makapagsikap at makamit ang mas-mabuting kabuhayan para sa kanyang pamilya gaya ng ginawa ng sarili kong ina.
Pag-isipan ang mga Problema at yun lang ang makukuha natin… Pag-isipan ang mga Oportunidad at…
Kapag mas-madalas nating pinag-uusapan ang mga problemang kinakaharap ng mga mahihirap at kung gaano kahirap makahanap ng mabuting pangkabuhayan, mas-pinahihina natin ang kanilang pagtitiwala sa kanilang mga kakayahan pati na rin sa kanilang abilidad na matuto ng mga bagong kakayahan at talento.
Sa mga nagmamaliit sa mga inspiring posts ng pagsisikap at pagpapayaman, ito ang nais kong ipahiwatig sa kanila: “Pwede mong isipin na IMPOSIBLENG makamit ng mga mahihirap ang mas-mabuting pamumuhay, pero itago mo na lang iyon sa sarili mong isipan. Pwede mong isipin na imposible ito para sa iyo, pero para sa mga naghihirap at gustong makaahon mula sa kahirapan, huwag mo nang sirain ang kanilang mga pangarap at pababain sila kasama mo.”
Alam ko na, para sa isang pulubi, mahirap hanapin ang landas na magbibigay ng kasaganaan, pero ang alternatibo ay manatili sa pagdurusa at paghihirap. Ang isa sa pinakamabuti nating pwedeng gawin ay bigyan sila ng inspirasyon mula sa mga kwento at paraan na ginamit ng mga nagtagumpay mula sa kahirapan upang matutunan at magaya nila ang tagumpay na nakamit ng iba.
Naniniwala ako na, mahirap man o mayaman, mayroon tayong kakayahan na lampasan ang ating mga problema at pagkabigo… pero magagawa lang natin iyon kapag nakuha natin ang kaalamang kailangan, ang inspirasyon para magsimula, at ang lakas ng loob para magpatuloy maliban sa lahat ng hadlang na ating haharapin.
Ito ang isang dahilan kung bakit ang mga bloggers kagaya ko ay patuloy na nagsusulat. Huwag mong kalilimutan: Ideas change lives.