X

Paano Mag-Aral at Matuto ng Bagong Kakayahan

English Version (Click Here)

May iisang paraan para malaman kung alam mo talagang gawin ang isang bagay, at ito ay kapag madalas mong gamitin ang kakayahang iyon at palagi mo siyang nagagawa nang maayos. Ang ibang tao iniisip na dahil lang nakapagbasa sila ng ilang dosenang blog articles o nanood sila ng ilang dosenang training videos sa YouTube, “eksperto” na sila sa isang bagay (tulad ng mga YouTube “martial arts experts” sa mga internet forums). Hindi ganoon ang buhay at wala pa ring makakatalo sa tunay na experience.

May mga kakayahan ka bang gustong matutunan tulad ng business, investing, writing, graphic design, engineering, o iba pa? Pagkatapos matuto mula sa mga qualipikadong eksperto, narito ang ilang mga payo para makasigurado kang natutunan mo talaga ang isang bagay.

Paano Mag-Aral Matuto ng Bagong Kakayahan

  1. Alamin mo kung gaano ka talaga kagaling (o kasama)

Tulad ng maraming tao, nakapanood ako ng ilang movie kung saan, sa isang punto, may peligro o disaster na nangyayari at inililigtas ng bida ang kanilang minamahal, kaibigan, o kapamilya. Dahil nakita ko kung paano nila ginagawa ito, iniisip ko na kaya ko ring gawin ang lahat ng iyon.

Nadiskubre ko lang na wala pala talaga akong alam noong sumama ako sa isang two-day first aid at basic life support (BLS) training (April 14-15, 2018). Ang mga instructors ay search and rescue at disaster relief experts na may higit 13 years experience at marami silang naituro sa amin tungkol sa mga dapat gawin kapag may seryosong emergency, tulad ng kung paano mag-assess ng kondisyon ng biktima, bandaging, splints, pagtransport ng pasyente, CPR, at marami pang iba. Sa huling bahagi ng training, binigyan nila kami ng test na simulated disaster na may ilang “biktima” (mga actors) na nangangailangan ng rescue at transport. Kahit “easy” simulation lang ito, napakahirap pa rin. May panahon nga kaming mag-usap at magplano, pero nagkaproblema pa rin kami sa pag-assign ng mga tao para magtransport ng pasyente. Nagkaproblema ako sa patient assessment, SAMPLE history, at pagkuha ng vital signs. May ilang pagkakamali din ako sa CPR, at muntik ko nang itransport ang isang “pasyenteng” walang malay (na hindi namin alam may spinal injury pala).

Buti na lang hindi ko itinuloy ang pagtransport. Ang pagligtas ng mga tao ay mukhang napakadali sa mga movie.

May apat na lebel ng competence o pagkadalubhasa. Unconscious incompetence, conscious incompetence, conscious competence, at unconscious competence, at lahat tayo ay nagsisimula sa unconscious incompetence. Hindi tayo magaling sa simula at hindi natin alam na hindi pala tayo ganoon karunong (unconscious incompetence). Katulad lang nito noong nagsimula akong magmaneho at hindi pa ako magaling, tapos ang 12-year old na pinsan ko sinabi siya na lang daw ang magmaneho dahil akala niya mas magaling siya kahit wala siyang nakuhang kahit anong driving lesson kahit kailan. Lahat tayo nagsisimula sa ganoon at sa unang training lang natin nalalaman na hindi pala tayo magaling (conscious incompetence). Pagkatapos ng practice, kaya na natin kapag nagcoconcentrate tayo (conscious competence), at kapag ipinagpatuloy natin nagiging dalubhasa tayo at kaya na natin itong gawin automatically o hindi na kailangan pagisipan pa, tulad ng kung paano magdrive ang taxi driver (unconscious competence).

Huwag mong kakalimutan ito. Gaano man natin isipin na magaling tayo, LAHAT tayo ay nagsisimula sa unconscious incompetence. Kapag lang pinag-aralan at GINAWA natin ang isang bagay natin nalalaman kung gaano tayo kagaling o KASAMA. Ang tunay na experience ay makatatalo sa ating kamangmangan.

 

  1. Gamitin mo ang natutunan mo

May kasabihan, “I hear and I forget, I see and I remember, I do and I understand.” Narinig ko at nakalimutan ko, nakita ko at naaalala ko, ginawa ko at naiintindihan ko. Subukan mong manood ng ilang laban sa boxing o MMA o manood ka ng martial arts movies at maiimagine mo ang sarili mo na kayang gawin ang mga ganoong suntok at sipa. Kung hindi ka pa nakasali sa isang martial arts club, iniisip mo madali mo silang magagawa diba? Kapag tayo ay bata pa o hindi pa natin nasusubukang sumuntok, inaakala natin na kaya rin nating makasuntok o makasipa na kasing bilis at kasing lakas ng mga artista at mga pro fighters na napapanood natin.

Doon lang sa unang araw na nakasali tayo sa isang martial arts training class, sa unang beses na sinubukan nating sumuntok at sumipa sa isang punching bag, at sa unang beses na nakipag-sparring o nakipaglaban tayo sa ibang tao na nalalaman natin kung gaano kakulang ang ating galing. Nandoon tayo dati sa “unconscious incompetence” kung saan akala natin kaya natin pero hindi naman pala, at ngayon nasa “conscious incompetence” stage na tayo kung saan nalaman nating hindi naman pala tayo magaling.

Sabi ko nga, kapag ginawa na natin ang isang bagay doon lang natin ito naiintindihan. Kapag may isang bagay tayong gustong matutunan, kailangan nating gawin ito (at hindi magbasa basa o manood lamang). Gusto nating matutong maginvest sa stocks? Ang pagbabasa ng libro tungkol sa investing ay ibang iba sa pagtingin sa ilang-daang stock graphs at pag-unawa sa company information para tignan kung mabuti nga na pagpuhunan o mag-invest sa isang kumpanya.

Ang kaalamang natutunan lamang sa libro ay hindi makakatalo sa tunay na experience.

 

  1. Ipagpatuloy ang pagpractice

Sabi ng iba, kapag may bago kang natutunan kailangan ipractice mo uli ito sa loob ng 24 oras kung gusto mong pabugtihin ang pagkakaalala mo sa paggawa nito. Kung hindi ka nagpractice, makakalimutan mo ito sa pagdaan ng mga araw, linggo, at buwan. Isipin mo lang, kapag sumali ka dati sa boy o girl scout noong grade school malamang natutunan mong magtali ng bowline knots o clove hitches sa mga puno. Kaya mo pa ba silang gawin? Malamang hindi na kapag hindi ka nagpractice.

Kapag may bago kang natutunan at ayaw mong makalimutan ito, KAILANGAN mong magpractice nito nang madalas. Ito ang dahilan kung bakit sa outdoor organization na sinalihan ko at nag-organize ng first aid at BLS training kinakailangan ng mga miyembro na sumali sa ganoong kurso taon taon (at magpractice ng knot tying sa bahay—nagprapractice ako ngayon habang isinusulat ko ito).

Walang makakatalo sa experience sa paggawa ng isang bagay… bukod sa experience na nakuha sa paggawa nito ng matagal. Ang isang bagay para malaman mo kung magaling ka nga sa isang bagay ay kapag nagagawa mo ito ng mabuti madalas sa matagal na panahon.

 


Paano maging DALUBHASA

Ang tatlong payo sa itaas ang pangunahing kailangang malaman kapag nagaaral ka ng bagong bagay at ang paggawa ng ikatlo ay makakatulong sa iyong gumaling. May isa ka pang kailangang matutunan kapag gusto mong maging dalubhasa.

“Kaizen.” Ito ay isang salita mula sa Japan at ang ibig sabihin nito ay “walang katapusang pagpapabuti” o “never ending improvement.”

Madalas itong gamitin sa negosyo pero magagamit mo ito sa kahit anong kakayahan, gawain, o aspeto ng iyong buhay. Kapag gusto mong maging isa sa pinakamagaling sa isang bagay o sport, kailangan mong ipagpatuloy ang pagpapabuti sa iyong kakayahan. Basahin at pag-aralan mo ang ginagawa ng mga eksperto at ang mga bagay na bago nilang natututunan, subukan mong gamitin ang mga aral na iyon, at maghanap ka ng mga paraan para pagbutihin ang iyong sarili. Huwag mong kakalimutan na kayang kaya mong mas gumaling pa.

Walang nakakatalo sa experience? Ang paggamit ng kaalaman at nakuhang experience ng iba ay baka mas makabubuti pa dito, lalo na kapag natutunan mong gamitin ang mga ito ng mabuti.

 

Bukod sa blog na ito, mayroon din akong isa pang halimbawa sa paggamit ko ng kaizen. Dati kontento na ako sa “anime style” drawings hanggang naisip kong magseryoso dito. Noong nagsimula ako sa aking art stream, nakita ko na malayo pa sa gawa ng mga tunay na propesyonal ang nagagawa ko at kailangang kailangan kong gumaling. Ang pagpractice ng paulit ulit sa nakasanayang anime art style ay hindi makakapagpabuti sa gawa ko at kinailangan kong matutunan ang mga bagong techniques. Ngayon pinagaaralan ko na ang mga bagay tulad ng composition, value control, paano magcompose ng focal points, mas detalyadong musculature at anatomy, at marami pang iba. Dahil doon, gumagaling ako ng paunti unti, pero obvious naman na marami pa akong kailangang matutunan lalo na kapag gusto kong magdrawing bilang isang propesyonal.

Kinailangan ko rin nga palang matutunang ipromote o imarket ang aking gawa gamit ang social media tulad ng Instagram at Twitter para makakuha ng supporters at Patrons. Ang Kaizen ay hindi lang sa pagpapabuti sa iisang kakayahan. Ito din ay pagaaral ng kahit anong bagay na makatutulong sa kakayahang iyon at marami pang iba.


Panahon na para gamitin mo ang aral dito!

Anong mga kakayahan ang gusto mong matutunan?

Gusto mo bang matutong tumugtog ng electric guitar? Bumili ka ng isa, magbasa at manood ng online tutorials o magpaturo ka sa isang qualipikadong instructor, at magpractice ka nito araw araw. Pagkatapos magpractice ng basics, pagaralan mo ang ilang kanta at subukan mo itong tugtugin. Magpatugtog ka ng iba ibang kanta hanggang gumaling ka at huwag na huwag kang titigil sa pagpractice. Pagkatapos noon, ipagpatuloy mo ang pagaaral at alamin mo ang mga ibang techniques tulad ng fast ascending and descending licks, tapping licks, tremolo/”trem” picking, “whammy bar” techniques, at iba pa, at saka magpractice ka gamit ang mga iyon.

Gusto mo bang matutong maglaro ng ahedres o chess? Basahin mo ang mga patakaran o rules at manood ka ng mga tutorial videos. Magdownload ka ng chess app para sa iyong smartphone o computer at magpractice. Makipaglaro ka sa ibang tao. Pagbutihin mo ang iyong sarili sa pagbabasa ng mga libro tungkol dito. Panoorin mo ang mga laban ng world champion chess players at pag-aralan mo kung bakit ganoon ang mga galaw na pinili nila. Pagisipan mong mabuti kung bakit nila ginawa ang mga galaw na iyon. Pagkatapos noon, makipaglaro ka sa ibang tao at subukan mong gamitin ang mga bago mong natutunan. (Ito rin ang ginagawa ko dahil pinagaaralan kong maglaro ng shogi.)

Gusto mo bang matutong mag-invest sa rental properties? Magbasa ka ng mga libro tungkol sa basics, makipagusap ka sa mga real estate agents na makakatulong sa iyo, at kumuha ka ng loans para makabili ka ng mga properties at ayusin ito para ipaupa. Pagkatapos makapagestablish ng isang property, bumili ka ng isa pa, at isa pa, at isa pa. Pagbutihin mo ang kakayahan mo sa pagpapatayo ng mga mas malalaki at mas magagarang proyekto tulad ng apartments at iba pa.

Huwag mo itong kakalimutan: Kapag gusto mong matutunan ang isang bagay, kailangan mong pagaralan ang basics, gawin ito ng tunay, magpractice, at maghanap ka palagi ng paraan para pagbutihin ang iyong kakayahan. Kung hindi, masasayang lang ang panahon at pagod na ginamit mo sa pagaaral nito. Sabi nga naman, hindi ka kumikita dahil sa kaalaman mo. Ikaw ay kumikita dahil sa mga ginagawa mo.


Sana nagustuhan mo ang aral dito sa article na ito! Kung nais mong makapagbasa pa ng iba, i-click mo lang ang “Like” button sa YourWealthyMind Facebook Fanpage sa ibaba!
Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.