X

Management and Leadership Skills: Ilang aral para sa Career Success

Management and Leadership Skills: A Few Short Lessons for Career Success

English Version (Click Here)

Kamakailan lang nanghingi ng ilang lessons tungkol sa mga natutunan ko sa ilang taon ko bilang isang Team Leader ang isa sa mga managers namin, at hiningi rin niya ang ilan mga natutunan ko sa mga librong nabasa ko.

Hindi ko sasabihing expert ako at alam ko ang lahat ng management and leadership skills sa mundo, pero naisip ko lang…

Marami sa natutunan ko mula sa mga karanasan ko at sa mga nabasa ko (sa mga librong isinulat ng mga magagaling na leader at manager) ay makakatulong sa mga nagsisimula pa lang.

Ang isang malaking bahagi ng pagiging isang Leader ay ang succession at coaching (o pagturo sa mga kasunod natin), at responsibilidad nating ituro ang mga nalalaman natin sa mga mangangailangan nito.

Masayang maging Leader, at ito ang ilang mga aral na ibabahagi ko sa iyo.

Part 1: Pagtrabaho

Layunin at Tungkulin

Alamin kung ano ang Kailangan.

Kapag alam mo ang layunin at tungkulin mo, pwede mong ibuhos ang lahat ng kakayahan mo para makamit ang mga ito. Kapag hindi mo alam, magsasayang ka ng oras sa mga HINDI mo dapat gawin at makakalimutan mo ang mga KAILANGAN mong gawin. Ang isa sa pinakamahalagang management and leadership skills na alam ko ay ang pag-alam ng mga mahahalagang bagay at kung paano mo pamumunuan ang koponan mo para makamit ito.

Basta magawa natin ang mga mahahalagang bagay, ok lang na maging malaya ang mga tauhan mo. Kahit masarap maglagay ng mga patakarang magbabawal ng maraming bagay para pilitin silang mag-”focus” sa trabaho, ang katotohanan ay papahirapan mo lang sila ng hindi kailangan.

Mas-magaling magtrabaho ang mga kasama mo kapag malaya sila at alam nila ang kanilang mga tungkulin.

 

80/20 Rule (The Pareto Principle)

20% lang ng mga ginagawa mo (ang mga mahahalagang bagay) ang nagbibigay ng 80% ng mga results mo. Ang nalalabing 80% ay halos walang kwenta. Itigil o ipasa mo sa iba ang mga iyon at gawin mo lang ang mahalagang 20%.

Gamitin mo ito para maging mas-Productive ka kahit binabawasan mo ang oras mo sa pagtrabaho.

 

Efficient at Effective

“Pipiliin ko ang tamad para gawin ang mahirap na trabaho. Ito’y dahil ang tamad ay makakahanap ng madaling paraan para magawa ang mga iyon.” – Bill Gates

Padaliin mo ang lahat ng kailangang gawin.

  1. Maghanap ka ng mga shortcuts: Bilang isang halimbawa, ilagay mo ang mga kailangan sa isang file kaysa mag-send ka ng iba-ibang email at iba-ibang files na kailangan pang i-download isa-isa. Pag-aralan mo at hanapin mo ang mga shortcut kagaya ng “copy-paste” at mga formula. Maraming paraan para padaliin ang mga gawin, at isa dito ang…
  2. Pag-alis sa mga hindi kailangan: Bilang isa pang halimbawa, pwede mong pilitin ang mga tauhan mong gumawa ng 2-page form sa lahat ng ginawa nila sa trabaho, pero kapag isang sentence lang ang kailangan, edi walang kwenta ang mahabang form. Sinasayang mo lang ang oras nating lahat (ang oras ng empleyado, at ang magbabasa ng report).

Alalahanin mo ito:

Pwede kang maging BUSY… pero hindi PRODUCTIVE. Hindi sa kung gaano ka nagpagod sa trabaho ang batayan ng galing mo kundi sa dami ng mahahalagang bagay na natapos mo.

Hindi kailangang maging perpekto ang ginagawa natin, pero mas-kailangan na ito’y tapos.

 

Kapag nagkamali, HANAPIN ANG NAKATAGONG ARAL

Nakakalungkot mang sabihin, pero kahit gaano karaming kabutihan ang ginawa mo, kapag magkamali ka lang ng isang beses, magagalit sa iyo ang lahat. Bahagi ng buhay ang pagkakamali, pero makakahanap ka ng mga nakatagong aral sa lahat ng ito.

Pag-aralan mo ang mga pagkakamali mo para maging mas-magaling ka sa susunod. Itanong mo kung paano mo ito maiiwasan at kung ano ang mas-mabuti mong magagawa.

 

“Paano mo kakainin ang isang elepante?”

…Paisa-isang kagat lang.

Alam ito ng aking mga dating katrabaho. Sinasabi namin ito palagi kapag napakaraming kailangang tapusin.

Kapag may mabigat kang trabaho, simulan mo ito gamit maliliit na hakbang. Matatapos rin ito. Huwag mong sirain ang sarili mo sa pagpilit sa imposible.

Palagi namang magkakatrabaho, mga report na kailangang tapusin, sako ng semento na kailangang buhatin, mga tickets at calls na kailangang sagutin, atbp. Tapusin mo ang makakaya mo sa ngayon at ituloy mo na lang sa susunod. Ipasa mo sa iba kung kailangan.

Ano man ang kailangang gawin, matatapos mo rin.

 

RESULTS, not TIME SPENT. Resulta, hindi sa Tagal ng Oras na ginamit.
Mas-pipiliin ko na makapagpahinga ang mga tauhan ko kapag natapos nila ang kailangan nilang gawin kaysa makita silang NAGPAPANGGAP NA NAGTRATRABAHO dahil natatakot sila mga boss nila.
Accomplish More, Do Less.

 

Part 2: People

“Candor” o Katapatan ng salita sa iyong Koponan

Hindi ko maalala kung saan ko ito unang nabasa, pero ang pagiging open sa iyong koponan ay isa sa pinakamahalagang kailangan mong gawin para sa mga tauhan mo. Napakataas nito sa mga pangangailangan ng mga empleyado mula sa kanilang mga kumpanya.Si Jack Welch, ang dating CEO ng General Electric (GE) ay nagsulat tungkol dito sa libro niyang “Winning” (Mahalagang libro ito, lalo na sa mga bagong leaders/managers).

Kausapin mo ang mga tauhan mo at ipaalam mo sa kanila ang lahat ng nalalaman mo tungkol sa trabaho, sa estado ng opisina, atbp. (maliban lang sa mga classified information). Nararamdaman nila ang tiwala mo sa kanila kapag pinagkakatiwalan mo sila ng impormasyon, pero magiging masama ang tingin nila sa iyo kapag naramdaman nilang may itinatago ka.

Magbigay ka rin ng “preview” kaysa gulatin mo sila sa mga bad news o biglaang pagbabago.

Tandaan: MALALAMAN DIN NILA IYON, at MAGAGALIT SILA DAHIL ITINAGO MO ITO. Mag-ingat ka sa “Workers vs. Managers” na atmosphere. Nakakasama sa buong opisina ang mapag-aping tsismis ng magkabilaang panig.

Kapag tapat ka sa koponan mo, mararamdaman nila ang tiwala mo… at pagkakatiwalaan ka rin nila sa mga nalalaman nila.

KAKAILANGANIN mo ang feedback nilang iyon.

“Ang mga taong walang impormasyon ay hindi magiging responsable para sa tamang gawain. Ang mga taong mayroong impormasyon at napipilitang maging responsable sa tamang gawain.” – Ken Blanchard, John P. Carlos, at Alan Randolph “Empowerment Takes More Than a Minute

 

Makinig sa mga Feedback at Suggestions

Magaganap lamang ito kapag tapat ka at bukas ang puso ng koponan mo sa iyo.

MAKINIG ka at isulat mo ang sinasabi nila kung ayaw mo itong makalimutan at mawala ang oportunidad para maging mas-magaling na leader.

Kahit medyo imposible ang gusto nilang mangyari, sinasabi ko kung bakit mahirap ito pero kinokolekta at ipinapasa ko pa rin sa management ang sinabi nila. Sinisigurado ko rin na sa kanila ang karangalan kapag mabuti ang feedback nila (“Sabi ni [name] , mabuting ganito ang gawin natin.”) dahil ang pagnakaw ng karangalan at nakakasama. Madalas din ipinapagawa at ipinapasend ko sa kanila ang mga email dahil sa dahilang iyon.

Sinasabi ko rin sa mga tauhan ko na “Kapag wala kang sinabi, walang mangyayari at walang magbabago. Kahit hindi ko ito masisigurado, kung gusto mo ng pagkakataong gumanda ang kalagayan natin, sabihin mo sa akin at titignan natin ang magagawa natin tungkol dito.”

 

Magbigay Palagi ng Feedback

“Feedback is the breakfast of champions.” – Ken Blanchard

Bago mo laitin o pagalitan ang isang tao, siguraduhin mo na perpekto ka. Ito’y para sa kung paano mo pag-usapan ang mga tauhan mo… at mga boss mo. Nagkakamali tayong lahat, at palagi tayong magkakamali kung walang magsasabi sa atin.

Kapag nagkamali ang mga tauhan mo, SABIHIN MO AGAD. Dapat pribado din ang usapan niyo. Huwag na huwag mong pagagalitan ang tauhan mo sa harap ng maraming tao dahil magagalit sa iyo ang lahat ng nasa opisina. Nakita ko na itong nangyari at napakasama nito.

Kapag nagbibigay ka rin ng corrective feedback, piliin mong mabuti ang mga salitang sasabihin mo. Mas-mahalaga pa doon, piliin mong mabuti ang INTENSYON MO. Alalahanin mo na higit sa 70% ng komunikasyon ay non-verbal. Kung ang intensyon mo ay manlait o maglabas ng galit, walang papansin sa kung ano man ang gusto mong sabihin – sisirain mo lang ang tiwala sa iyo ng mga tauhan mo.

Kung mabuti ang intensyon mo at mabuti ang pagkasabi mo, tatanggapin nilang mabuti ang feedback mo.

 

Spirit of Goodwill o Tapat na Kalooban

“Hindi pa ako nakakahanap ng tao na, ano mang taas ng posisyon, ay hindi nagtrabaho at nagsikap ng mas-mabuti kapag pinapakitaan ng kagandahang-loob kaysa kapag palaging pinupuna.” – Charles Schwab

Mas-magaling magtrabaho ang mga tao kapag pinapakitaan sila ng kagandahang-loob kaysa puro pagpuna lamang. Madalas ang mga manager ay gumagawa ng “iwanan siya pero parusahan kapag nagkamali” sa pamumuno.

Gumawa man ng ilang-libong kabutihan ang koponan mo, pero magkamali sila ng ISANG beses lang, magagalit sa inyo ang lahat sa management.

Hindi nakabubuti iyon.

Alalahanin mo ang aral na ito ni Ken Blanchard at Spencer Johnson sa “The One Minute Manager”:

“Ang susi sa pagpapagaling sa mga tao ay ang pagpansin sa mga mabubuting nagagawa nila.”

Kapag gumawa ng mabuti ang mga tauhan mo, puriin mo sila!

Kapag nakagawa sila ng maayos (pero hindi pa perpekto), tulungan mo kung paano sila mas-gagaling pa (ang intensyon mo ay para tumulong at hindi manlait). Matututunan nilang gawin ito ng mas-mabuti.

Tratuhin mong mabuti ang koponan mo at tratratuhin ka rin nilang mabuti (pati na rin ang trabaho nila).

 

Part 3: You, The Leader and Manager

Layunin at Tungkulin (Part 2)

Pareho lang ito sa part 1. Ang koponan mo ay may sariling layunin at tungkulin na kailangan niyong gampanan at madalas ito’y mas-malaki sa kakayahan ng bawat-isang miyembro. Bilang leader o namumuno, kailangan nating ayusin ang kakayahan at kaalaman ng koponan natin para magawa ang lahat ng kailangan nating gawin.

 

HUWAG mong gawin ang LAHAT

Isang pagkakamali ay ang pag-iisip na bilang “leader,” kailangan tayo ang gagawa ng lahat ng kailangan at mga utusan laman ang ating koponan.

Hindi ito ang dahilan kung bakit ipinagkaloob sa iyo ang responsibilidad na mamuno.

Uulitin ko, ang tungkulin natin ay mamuno at magmanage ng mga tauhan natin para magawa ang kailangan nating gawin, at kaya ng koponan nating gawin ang higit pa sa magagawa natin mag-isa.

 

Kaparehong Standards para sa Iyo at mga Tauhan Mo

“Ang disiplinadong koponan ay gumagaya lang sa disiplinadong leader.” – John Wooden

Parehong standard ang ibigay mo sa sarili mo at sa mga tauhan mo.

Halimbawa, kapag ipinagbawal mo ang pagpunta sa mga websites kagaya ng Facebook o YouTube pero IKAW MISMO gumagamit nito… malalalaman ng lahat ang pagkukunwari mo.

“Set a good example” at susundan ka rin nila.

 

Coaching: Ang Pagiging Leader ay Pagiging Guro

Isa sa tungkulin ng mga leader ay ang pagturo sa mga tauhan natin ng mga kakayahan at kaalaman na kailangan para magawa nilang mag-isa ang kailangan nilang gawin.

Patibayin mo ang loob nila at hayaan mo silang gumaling sa gawain nila. Hayaan mo silang magdesisyon, magkamali, matuto, at magtagumpay sa mga ito.

Paano Magturo

“Narinig ko at nakalimutan ko. Nakita ko at naaalala ko. Ginawa ko at naiintindihan ko na.” – Confucius

Ginagawa ko ito kapag may bagong empleyado o trainee. Una, ipinapakita ko kung paano gawin ang isang bagay, tapos pipilitin ko silang gawin ito habang tinutulungan ko sila. Sabi ng Ken Blanchard, hayaan mo silang magsimula ng “approximately right” (mabuti, pero hindi perpekto) at magbigay ng positive feedback hanggang magawa nila ito ng “exactly right” o tamang-tama.

Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga ng unang 2-3 months ng pagtuturo. Kapag natutunan nilang gawin ang kailangan nila ng maayos, hindi mo na sila kailangang bantayan palagi. Mas-magaling magtrabaho ang mga tao kapag hindi sila nasasakal sa pagbabantay.

Kapag gumagaling, lumalakas ang loob. Kapag tinuruan mo silang mabuti, hindi na nila kailangang palaging magtanong sa iyo kung mabuti ba ang nagawa nila.

Tandaan: Hayaan mo silang gumawa ng sarili nilang desisyon, magkamali, matuto, at magtagumpay sa kanilang mga gawain.

“Kapag tinapos ng pinakamagaling na pamuno ang tungkulin niya, sasabihin ng mga tuhan niya ‘Kami lang ang gumawa nito.’” – Lao Tzu

 

Ang Magaling na Koponan ay magaling pa rin… kahit wala ang Pamuno

Hindi ko maalala kung saan ko nahanap ito, pero naaalala ko ito palagi:

“A team that falls apart when the leader is gone is a terrible team.” (“Hindi maayos ang koponan na nasisira kapag nawala ang pamuno.”)

Bakit? Dahil hindi tunay na koponan o “team” ang ganoon. Ang grupong ganoon ay tinatawag na “boss at mga tigasunod” lamang.

Kapag matibay at sanay ang koponan mong gawin ang lahat ng kailangan nila kahit wala ka, edi mabuti kang leader at manager. Isang mabuting nagagawa ng pagsasanay sa koponan mo para maging malaya ay makakaalis ka ng opisina ng maaga at marami kang panahon para gawin ang kailangan mong gawin (efficiency and productivity!).

Ang isa pang mabuting nagagawa ng tamang pagsasanay? Tinuturuan mo ang koponan mo ng responsibilidad, independence, marami pang kakayahan at kaalaman, at hinahayaan mo silang lumaki at maging mas-mabuting tao.

Siya nga pala, kapag nagdududa ka sa pagtiwala sa mga tauhan mo, itanong mo sa sarili mo kung bakit ka pagkakatiwalaan ng LEADER MO.

 

Hindi makapagpahinga? Masyadong maraming ginagawa at emergency?

Sanayin mo ang koponan mo at turuan mo silang harapin ang kahit anong tungkulin at emergency… kahit wala ka. Ito ang tinuro ni Jack Canfield (“The Success Principles) tungkol sa mga “emergencies” kapag nagpapahinga ka:

“Ang katotohanan ay karamihan sa mga emergency ay hindi naman talaga mahalaga. Ito’y mga empleyado, katrabaho, at kapamilya na wala o hindi nabigyan ng tamang pagsasanay, responsibilidad, o authoridad para harapin ang mga unexpected na sitwasyong lumilitaw.

Kailangan mong maglagay ng tamang boundaries, itigil ang pagligtas sa iba, at magtiwala ka na kaya nilang gawin ang lahat ng kailangan.

Kapag sinanay mo ang employer mo, tauhan, at katrabaho mo na huwag kang iistorbohin sa Free Days (bakasyon) mo, pinupuwersa mo silang maging matatag.  Pinupuwersa mo rin silang mas-gumaling at magpalakas ng loob.”

 

“Ako lang ang Magaling!” – MALI!

Tandaan mo ito: Kapag namatay ka ngayon sa sakit o masagasaan ka ng kotse, may papalit sa iyo na makakagawa rin ng trabaho mo. Patuloy ang pagdaloy ng buhay. Huwag mong isipin na ikaw ang pinakamagaling sa lahat at ikaw lang ang makakagawa ng trabaho mo. Kaysa isipin mo kung gaano ka ka-“importante,” magsikap ka na lang na turuan o magcoach sa koponan mo para magawa nila ang kailangan niyong gawin kahit wala ka.

“Ang pinakamagaling na nagagawa ng mga leader ay ang mga nangyayari kapag wala na sila. Ang pinakamagagaling na leader ay nag-aalis ng pangangailangan ng iba sa kanila.” – Myles Munroe

 

Lakas at Kahinaan

Kapag ginagawa ng mga tao ang mga bagay kung saan sila magaling (at halos palagi nilang gustong gawin iyon), mas-maayos at mas-mabilis sila sa mga iyon.

Kapag ginagawa ng mga tao ang mga bagay kung saan hindi sila magaling, kabaliktaran ang nangyayari: Hindi maayos ang gawa nila, mas-mabagal sila, at hindi nila gagalingan ang pagtrabaho dito.

Mahalaga nga na matutunan ang lahat ng kailangan sa trabaho, pero kaysa gawin palagi ang lahat ng trabaho, tinuro nina Marcus Buckingham at Curt Coffman (First, Break All the Rules: What the World’s Greatest Managers Do Differently) na mas-mainam na gawin ng mga tao ang mga bagay kung saan sila magaling at mag-manage ka para ma-cover ang mga kahinaan nila.

 

May kakilala akong sumusubok ipagawa ng pantay-pantay ang lahat ng gawain sa lahat ng mga tauhan niya para maging mas-“well-rounded” o “versatile” sila.

Sa tingin ko, MASAMA iyon. Bakit?

Pinipilit mo ang mga tao mo na bawasan ang paggawa sa mga gusto nila at pinipilit mo rin silang gawin ang mga ayaw nila.

Ano ang resulta noong “holistic” approach na iyon?

Mas-mababa ang kalidad ng gawa ng koponan mo… at maiinis sila sa iyo.

 

Ang mga Leader ay Responsable sa mga Pagkatalo at Pagkakamali

Naalala mo noong sinabi ko na palakasin mo ang loob ng koponan mo para magdesisyon para sa mga gawain? Siguro tinanong mo rin “Paano kapag nagkamali sila?

Ito ang sagot ko: Kapag may masamang nangyari, kunin natin ang responsibilidad at maghanap tayo ng paraan para ayusin ito. Konsultahin mo rin ang koponan mo sa gagawin mo pero kunin mo rin ang responsibilidad sa mangyayari doon: mabuti man o hindi.

Kapag nagtagumpay kayo, ibigay mo ang karangalan sa kanila. Huwag mong agawin ang karangalan – sa koponan dapat iyon, hindi lang sa “leader” lamang.

Kapag nagkamali kayo, HUWAG kang MANISI NG IBA. Ito ang PINAKAMASAMANG magagawa mo bilang isang leader. Kunin mo ang responsibilidad (minsan, kahit hindi niyo naman talaga kasalanan)!

Mag-concentrate ka sa pag-aayos ng problema kaysa magsayang ka ng oras sa pagsusulat ng “perfect excuse letter.” Nangyari na ang ano mang nangyari. Ang magagawa niyo na lang ay pag-aralan kung paano ito maiiwasan at paano kayo mas-gagaling pa.

 

Mula sa “Leadership Gold” ni John Maxwell: “Ang Pinakamalaking Pagkakamali Mo ay ang Hindi Pagtanong Kung Saan Ka Nagkakamali.”

Pati ako nahihirapan dito.

Dapat komportable sa iyo ang koponan mo para maging tapat sila sa iyo (candor), at mangyayari lang iyon kapag alam nilang mabuti ang kalooban mo sa kanila (spirit of goodwill) at hindi ka magagalit o magiging defensive kapag nakarinig ka ng hindi mo gusto (pero feedback na kailangan).

Kapag nagkamali ka o may masama kang nagawa, ALAM IYON NG KOPONAN MO. Ikaw lang ang Hindi Nakakaalam, at hindi mo ito malalaman kung natatakot sa iyo ang koponan mo o hindi ka nila nirerespeto. Kapag hindi mo nakuha ang feedback nila, magkakamali ka palagi (habang iniisip mo na mabuti ang ginagawa mo) at mawawalan ka ng oportunidad para mas-gumaling pa bilang isang leader.

 

Gamitin mong Mabuti ang Oras Mo

Kapag pinadali mo ang gawain ng koponan mo, tinuruan mo silang maayos para magawa nila ang lahat ng kailangan, at binigyan mo sila ng sapat na tiwala at responsibilidad para gumawa ng sarili nilang desisyon, magkakaroon ka ng ILANG ORAS ng free time kada araw.

Saan mo ginagamit ang mga oras na iyon?

Ikaw ang pipili: Gamitin mo ang mga oras na iyon sa paglalaro ng walang kwentang mobile games, panonood ng walang katuturang videos para matawa, atbp… o pwede mo itong gamitin sa mas-mahahalagang bagay, gaya ng pag-aaral kung paano ka magiging isang mas-magaling na leader.

“Ginagawa ng mga nagtatagumpay ang pinakamahahalagang bagay na pwede nilang gawin sa lahat ng oras; hindi ito ginagawa ng mga talunan sa buhay.” – Tom Hopkins

 

John Maxwell: “Keep Learning to Keep Leading”

Sa tingin ko, ito ang PINAKAMAHALAGANG Life Principle na natutunan ko.

Mahalaga ito dahil ito’y magbubukas ng LAHAT ng ibang bagay sa buhay. Natutunan ko ang lahat ng naisulat ko dito dahil sa prinsipyong ito.

Magiging mas-magaling kang leader, manager, investor, writer, millionaire, billionaire, o kahit ano pa mang pangarap mo AT HIGIT PA… KAPAG NATUTUNAN MO KUNG PAANO.

“Kaizen”  (改善)

Natutunan ko ang salitang ito sa “The Success Principles” ni Jack Canfield. Ang ibig-sabihin ng “kaizen” ay “improvement.” Bawat araw, bawat sandali, gumawa ka o pag-aralan mo ang mga bagay na magpapabuti at magpapagaling sa iyo (do something to make yourself a better person).

Sa pagdaan ng araw, linggo, buwan, taon, at dekada, malayo ang mararating mo. Mas-magaling ka sa iba na “matanda lang pero walang kaalaman at karunungan (old in years and without wisdom).”

“Sa pagkatao, ang mga lahat ay pare-pareho; sa gawain, sila ay nagkakaiba ng lubos.” – Confucius

 

Pahinga

Matapos magtrabaho ng matagal, magpahinga ka.

Mawawalan ka ng focus kapag hindi ka nagpapahinga, at ito’y magdudulot ng mas-maraming pagkakamali. Kapag nakatapos ka ng mabigat na gawain, magpahinga ka. Kapag may malaki kang problema at hindi ka makahanap ng solusyon, magpahinga ka rin.

Papahingahin mo ang isipan mo at makakabalik ka ng may mas-malinaw na isipan.

Kapag malinaw ang isipan mo, doon lang lilitaw ang pinakamahalagang idea mo.

 

LifeWork (Parang Homework… pero para sa tagumpay mo sa buhay!):

Note: Inuulit ko, hindi ko sasabihing experto ako sa leadership at management, at kakaunti lang ang listahan kong ito.

Ang mga naisulat ko dito ay ang mga natutunan ko hanggang sa panahon kung kailan ko isinulat ang article na ito. Pwedeng mas-marami ang nalalaman mo, mas-magaling kang leader kaysa sa akin, at marami kang nalalaman na mas-mabuti kaysa sa naisulat ko dito, pero nagbabakasakali ako na may matatagpuan kang mahalaga dito.

Marami pa akong kailangang maranasan, pero sinisigurado ko sa iyo na ibabahagi ko ang mga natututunan ko para sa iyo dito sa YourWealthyMind.com.

 

Ang isang dahilan kung bakit sinimulan ko itong blog na ito ay dahil walang ibang matutulungan ang kaalaman mo kung hindi mo ito ituturo sa iba, at mapapaasenso mo ang mundo kapag itinuro mo sa iba ng mga mahahalagang aral na nalalaman mo.
Anong mga leadership skills at management principles ang natutunan mo sa buhay?
Ipaalam mo sa ating lahat dito sa comments!
Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.

View Comments (10)

  • Hi,

    This is NJ. May I talk to you regarding these tips? Is it possible if we can invite you to do a talk with this module?

    I look forward to hearing from you.

    Thank you.

    • Hello Nyca! I'm more of a writer so I'll have to decline on giving a talk. I'll be happy to answer your questions here though so feel free to just ask me here.

  • Thank you sa mga tips sir, parehas po tayo ng stado sa tingin ko ngaun ndi pa din alam ang lahat at maaring my mas magaling pa na leader, hihingi sana ako ng tips papaano magiging masaya at mas productive ang isang team. mga incentives strategies mga activities po. at mga tips tungkol sa mga pala absent na mga tao. salamat po

    • Hello Eds!

      Oo nga naman, mahirap talagang ma-"master" ang pagiging isang leader. Kailangan experienced sa pakikitungo sa iba, at kailangan experienced din sa pagbabasa ng mood at personalidad ng mga tao. Para sa kung paano maging mas-masaya at mas productive ang isang team, mahirap din pong iestimate kung alin ang gagana. Isang naiisip ko, basta dapat yung leader naglelead by example. Isa sa mga pagkakamali ko dati, kahit tip kong magdelegate ng trabaho sa pwedeng makagawa, napasobra ata at halos dinelegate ko lahat para wala na akong masyadong gagawin kundi mga lead duties lang (hindi na ako nakikishare sa trabaho nila). Hindi clear yung job description namin noon kaya nastress yung team ko.

      For incentives at strategies, magdedepende ata yan sa style ng company mo. Alam ko sa mga sales companies, may mga commission percentage bonus, paid vacations kung may certain quota, vacation leave bonus sa iba, etc. Sa position ko dati, bawal akong gumawa ng mga ganoon. Ang main "incentives" ko na lang ay magbigay ng holidays sa mga magagaling (24-7 kami dati, kasama holidays kailangan may tao) or ilagay ang mga taong gusto ng holiday double pay sa days na gusto nila.

      As for sa pag-absent ng mga tao, nangyayari po madalas sa amin yun. Kapag rainy season, marami di makapasok dahil sa baha, November to December, ubosan ng mga Vacation Leave at Sick leave (isang "solution", kapag may unclaimed VL at SL, magiging cash). Sa system namin dati, naglagay na lang kami ng system na kailangan at least may 2 per shift para kung may mag-absent man, at least may taong gagawa ng trabaho. Inter-team din ang agreement, so kung walang tao sa isang team, at least may mga tao sa ibang team na pwedeng makagawa ng mga kailangan. Isa pa pong naiisip ko, kung mahirap magfile ng Vacation leave or leave without pay kasi hindi pinapayagan... mas madalas magkaroon ng mga "sudden emergencies" (daw) kung saan di sila makakapasok. Sabi ko din may scheduled "at least 2 per shift" kami sa system. Sila sila naguusap in secret kung sino ang "may emergency" sa ilang days at kung sino naman ang tatao sa shift. Kinakausap rin nila ako tungkol sa mga yun kasi they trust me at nagcocoordinate naman kaming lahat. Mahirap higpitan ang ganyan, kasi mas lalo ka nilang iiwanan.

      Yun yung sa company at situation namin. Hindi ko alam ang situation mo at di ko kilala yung mga team members mo so baka rin hindi gumana yung tips at system namin sa inyo. Hopefully may ideas kang nakuha, pero malamang makakaisip ka rin ng paraan.

  • Hi po sir..im dolor madami po akong natutunan kung paanu maging isang mabuting leader actually. Po isa ako dating operator naging leader at nag acting jr.supv.pero sa kasamaang palad during that. Time na stress. Ako in handling proper sa team di po kya may problem. Din mentor ko kasi sabi sa adds mo kapag di maayos ang information. Walang mayos n magagawa..eh panu rin kapag di mo rin gusto yung characters. Ng team prang nakakasawa ng paulit ulit mo silang sabihan.yung maghahandle. K ng mga lalaki at age of 17 18 years old.

    • Hello Dolor,

      Mahirap nga pong problema yan, kapag hindi maayos o ayaw ayusin yung information (at siguro pati na rin communication) sa loob ng team. Mas lalong hihirap kapag hindi kayo magkakasundo ng team members. Naranasan ko din yan dati, yung ayaw makinig sa mga utos. Nagagawa naman nila yung karaniwang trabaho na kailangan, pero yung mga extra o ibang gawain parang ayaw o kinakalimutan.

      Noong nangyari sa akin yun, ako na lang ang gumawa kahit napakatagal bago ko natapos. Sa karanasan ko kasi, kinaya ko naman gawin. Magkaiba case o karanasan natin kaya hindi ko alam kung praktikal para sa iyo na solohin yung gawaing iyon, o iassign/delegate mo sa mga specific members ang responsibilidad. Kung kailangan talagang ulit ulitin, edi ulit ulitin ang pagsabi o gumawa ng checklist per week or month tapos iremind na lang paulit ulit (Dapat tapusin ang trabaho kapag sinabi mo, kasi kung hindi, baka insubordination na iyon). Sa karanasan ko din, yung mga matagal na sa trabaho mahirap pagsabihan at utusan ng bagong mga gawain na kailangan ng mga mas matataas na boss, pero yung mga mas bago o new hires, ok naman sa kanila so pwede mong idelegate ang ibang trabaho sa kanila.

      Anyway, yun lang ang mga nagawa ko dati. Hindi ko alam kung magagawa mo iyon sa team mo, pero pwede mo ring subukan. Kung ayaw talaga, last resort ay maghanap na ng ibang trabaho (yun ang ginawa ko noong ayaw ko na talaga sa kumpanya ko dati, pero hindi ito para sa lahat. Depende sa line of work mo, baka mahirap talagang maghanap ng bagong mapapasukang kumpanya).

      Yun lang ang naiisip kong mga tips ngayon. Kung may tanong ka pa, icomment mo lang dito at susubukan kitang sagutin habang kaya ko. Thank you Dolor!

      Regards,
      Ray Lucero
      YourWealthyMind.com

  • New supervisor lang po ako may ginawan ako ng DA nagalit sa akin ung employee tapos lahat na sila halos galit kinausap ko ung ibang team ko may team ako na nag sabi na iba daw ako mag approach ano gagawin ko.kakausapin ko ba sila isaisa sa retailer ako nag wowork ano po ung pina ka best na gagawin ko at para mabago ko din kong may Mali sa akin

    • Hello Rosita,

      Mabuti po iyan. Lahat po tayo nagkakamali, at mabuti nang subukan nating itama ang mga pagkakamali natin.
      Sana mabuti ang kahinatnan ng pakikipagusap mo sa mga team members mo. Mahirap gawin ang mga ganyang bagay, pero kailangan yan kapag gusto nating maging mas mabuting leader.

      Regards,
      Ray L.
      YourWealthyMind.com

  • hi po,
    isa po akong staff, not leader not manager
    based on what i am experiencing now, lagi ako mali sa paningin ng manager ko.. hinahanapan nya ako ng butas, hanap tlga sya ng mali then if may makita sya maliit lang na pagkakamali ay big deal sa kanya as in lahat ng ngyari before sasabihin nya pa, yung puro kamalian ang tinatak nya sa name ko.. pero ung tama at magandang nagagawa ko sa kanya lang ung papuri,. toxic na ko sa kanya, di ako makapagwork ng maayos kc lagi sta nakalook forward sa mali ko (by d way di ako nag iisa haha nakakatawang isipin na 2 kmi sa branch na ginaganito) kaming matagal ang pinupuntirya nya, i dont know kung bakit mas nameet pa daw nung 3 new staff ung expectations nya sa work kaysa sa amin, sa amin na stress sa work dhil loaded kmi ung tipong ndi na namin alam dapat unahin, kmi na ndi na dapat utusan dahil nagkukusa kmi, samantalang ung mga baguhan na after gawin ung specific task nakahawak na sa fone panay facebook, youtube, etc. yung tipong may work pa nadapat gawain ay hindi pa gagawin hanggat walang magmamando.. ang unfair lang, so sad kc may kinikilingan si manager.. nagpapaopen forum sya sa amin then kpg sinabi mo naman s kanya status ng work namin kesyo para alam nya gagawin but nag end up reklamador kmi haha not working, napasama pa kami.. wala sya isang salita, at isa pa dapat ba na sinungaling ang manager? haha para stay safe sya

    sorry if ang haba ng comment

    salamat sa pagshare ng infos, it really helps

    • Hello po,

      Napakahirap talaga yang ganyan. Kapag naitatak na sa isipan niya na ayaw niya sa iyo, mahirap iyon baguhin. Mas mahirap pa kung nagiging toxic na yung work environment.
      Mabuti kung pasimple paunti unti mong naipapakita sa kaniya yung mga nagagawa mo hoping na magbago yung pagtrato niya sa iyo, pero kung hindi, mahirap pilitin.

      Normally dapat ikinukuwento iyan sa Human Resources department, pero based on my experience, unless magaling sa diplomacy at neutral talaga yung HR (hindi kampi sa boss na toxic), baka mapahamak ka lang lalo.

      Ang pwedeng mangyari, magrequest kang ilipat sa ibang boss kung pwede. Bukod pa doon, kung toxic at hindi mo na talaga kaya yung masamang pagtrato sa iyo ng boss mo, this might be a sign na dapat lumipat ka na sa ibang company. It's a risk though, kasi mahirap maghanap ng bagong trabaho these days, unless maayos yung job market sa industry mo. Another alternative, hopefully yung boss mo naman ang magresign at lumipat.

      Di ko masyadong alam ang situation mo, pero ikaw ang makakahanap ng best solution sa kalagayan mo ngayon.

      I hope that helps, and sana maging mas mabuti ang situation mo sa work in the coming months.

      Regards,
      Ray L.
      YourWealthyMind.com