English Version (Click Here)
“Think you are weak, think you lack what it takes, think you will lose, think you are second class – think this way and you are doomed to mediocrity.” – David J. Schwartz, The Magic of Thinking Big
(Isipin mong mahina ka, na ika’y may pagkukulang, na ika’y matatalo, na ika’y second class lamang – mag-isip kang ganito at ikaw ay isusumpa sa pagiging mababang uri ng tao.)
Mga dalawang linggo na ang nakalipas, inimbita ako ng kaibigan ko sa Ninja Academy sa Las Pinas para magpractice ng parkour. Kung hindi mo alam kung ano iyon, isipin mo kung paano tumatakbo ang mga tao para umiwas sa mga obstacles o hadlang sa mga action movies. Panoorin mo saglit itong video na ito para malaman mo kung ano ang itsura noon:
Hindi lang astig na kakayahan, marami ka ring ibang matututunan sa parkour (at ibang sports) kapag ikaw ay nag-isip ng mabuti. Ito ang ilan sa mga aral na matututunan mo mula sa ilang oras ng pagsasanay:
Limang Aral sa Buhay mula sa Parkour Training
1. May gusto ka bang matutunan? Maghanap ka ng magaling na Coach o Guro
Gusto mong tumalon, magdive, magvault, umakyat, at magflip gaya ng mga masters, pero sa mga bars, pader, weights, plataporma, trampoline at lahat, malamang hindi mo alam kung saan o paano ka magsisimula. Masama pa doon, kapag sinubukan mong gawin ang ginagawa ng mga propesyonal ng hindi ka handa o hindi mo natutunang mabuti ang mga basics, baka ikaw ay mapinsala. Yun ang tinutukoy ni Warren Buffett noong sinabi niya na “ang pahamak ay nagmumula sa hindi mo pag-alam sa ginagawa mo.”
Ito ang dahilan kung bakit mahalagang maghanap ng mabuting guro o coach. Kaya nilang ituro sa iyo ang mga basic o pangunahing galaw at mga ensayo na balang araw magagamit mo para magawa ang mga magagandang stunts na ginagawa ng mga propesyonal. Pwede ka rin nilang pagsabihan at itama kapag ikaw ay nagkakamali para hindi mo masaktan ang iyong sarili.
Halimbawa, yung kong vault ko (magdive sa ibabaw ng obstacle ng nauuna ang ulo at kamay) ay masyadong maiksi at ako’y palaging napapatid at nahuhulog. Salamat naman na ang kaibigan ko (at parkour teacher) na si Marioni ay napansin na nawawalan ako ng momentum o bilis dahil humihinto ako para talunin ang obstacle kaysa tumakbo at magdive palusong gamit ang “punch takeoff”.
Ngayon, hindi lang sa parkour training nakakatulong ang isang magaling na coach o guro. Kapag may gusto kang matutunan, maiiwasan mo ang masakit at mamahaling trial and error kapag pinag-aralan mo ang ginagawa ng mga propesyonal. Pag-isipan mo lang. Paano kung natutunan mo kung paano nagiinvest sa stocks sina Warren Buffett o Benjamin Graham? Paano kung natutunan mo kung paano mamumo at magmanage ng isang kumpanya gaya ni Jack Welch, ang dating CEO ng G.E.? Paano kung matutunan mo ang personal finance o mabuting paghawak ng pera mula sa mga taong kagaya nina Robert Kiyosaki, T. Harv Eker, at iba pang kagaya nila? Ikaw ang bahala. Sabi nga, “kapag handa ang mag-aaral, lilitaw ang guro.” Kapag gusto mo talagang matuto, doon ka makakahanap ng magaling na guro.
2. Ang Tagumpay ay nangangailangan ng Pagsasanay
May kasabihan, “kailangan mong matutong maglakad bago ka makatakbo.” Bago ka makagawa ng sequence gaya ng kong vault, triple backflips, at front flip patungo sa precision landing, kailangan mo munang matutunan at masanay sa mga basic movements. Kailangan mong matutunan magsprint, lumundag, magdive, tumalon, at igalaw ang katawan mo para kontrolin ang iyong momentum bago mo magawa ng maayos ang sequence. Ang tagumpay at galing ay makakamit lamang gamit ang madaming oras pag-aaral, dedikasyon, at napakaraming pagsasanay. Ito’y para sa lahat ng bagay sa buhay, mula sa pagbubuo ng mabubuting relationships at pati na rin sa tagumpay sa buhay at pagpapayaman o financial success.
Gaya ng sinabi ni Leonardo Da Vinci, “Ibinibigay sa atin ng Diyos ang lahat at ang presyo nito ay pagsisikap.” Handa ka bang magbayad nito?
3. Mabibigo ka… ng MADALAS.
May kasabihan, “ang bawat master ay dating disaster.” Sa simula, lahat tayo ay hindi magaling sa lahat ng bagay, kaya huwag kang mahihiya kung ikaw ay nabigo o napatid sa mga una mong pagsubok. Naalala ko noong lumundag at nagflip ako mula sa trampoline papasok sa foam pit natamaan ng tuhod ko ang aking labi, nagvault at nadapa bago bumagsak at humampas ang mukha ko sa sahig (madalas iyong mangyari), at naalala ko din noong nagdive roll ako at napinsala ang aking balikat. May isang beses din na lumundag ang kaibigan ko mula sa plataporma para kumapit sa malayong pader, at noong sinundan ko siya mahina ang talon ko, hindi ako nakakapit, at bumangga ako sa pader ng napakalakas. Ikinuwento din sa akin ng kaibigan ko yung isang beses na nahulog siya ng napakalakas sa sahig na nasipa niya ang likod ng kaniyang ulo.
Ang pagkabigo ay natural na bahagi ng buhay, at hindi mo dapat hayaang mapigilan ka noon. Papalya minsan ang iyong pagtalon, madudulas ka, at masasaktan ka ng madalas… ipapasa ka sa mga promotions, mawawalan ka ng ibang kliente, at pwedeng magsara ang iyong negosyo, pero ayos lang iyon. Pwede kang umulit-ulit hanggang ikaw ay magtagumpay.
4. Ang Pag-aalangan ay nagdudulot ng Pagkabigo
Ang isang kaibigang nakasama namin sa huling training ay marunong na ng basics ng parkour, pero sa hindi namin alam na dahilan, hindi niya ito magamit mabuti noong araw na iyon. Sa bawat pagtakbo niya para subukan magvault o magflip mula sa trampoline, hihinto siya bigla at minsan napapatid sa huling segundo. Nangyayari naman iyon sa ating lahat. Sa akin naman, iyon ang dahilan kung bakit hindi ko pa sinusubukan ang front at backflip sa concrete, at kung bakit hindi ko pa rin magawang tumalon sa malalim na tubig (hindi pa ako magaling lumangoy). Ang takot ay nandiyan para layuan natin ang mga bagay na makakasakit o makakapatay sa atin.
Pero paano nga naman kapag nagsetup ka na ng pads at safety equipment para iwasan ang pagkapinsala at hayaan kang magsanay ng isang kakayahan ng walang risk o panganib? Kung nag-aalinlangan ka pa rin, subukan mo ito:
TAKBUHIN MO AGAD AT GAWIN MO!
Huwag ka nang magisip at TAKBUHIN MO LANG. Parang tumatakbo ka lang para tumalon sa mababaw na swimming pool. Kapag hindi mo na pinag-iisipan at hindi ka na nag-aalala, magagawa mo ang isang bagay ng buong buo ang puwersa AT GALING. Hindi ka matatali ng pagkatakot kapag ikaw ay nakafocus, at magiging mas mabuti ang pagkakataon mong magtagumpay. Ulit ulitin mo lang at mawawala ang iyong takot. DOON ka na makakafocus sa pagiging mas magaling at sa pagsasanay ng iyong kakayahan.
Ang isa pang ginagawa ko kapag ako ay nag-aalinlangan, sinusubukan kong gawin ang pinakanakakatawang failure (tandaan: safety first!). Matapos ang isang dosenang pagkabigo, may kaunting improvement at madalas magtatagumpay ako ng isa o dalawang beses. Pwede mo iyong subukan. Gawin mo lang ng patawa, at ikaw ay isang beses magtatagumpay. Ang lakas ng loob na makukuha mo sa unang tagumpay na iyon ay lubos na nakakatuwa.
Siya nga pala, huwag mong isipin na sa parkour training lang ikaw mabibigo kapag ikaw ay nag-alangan. Sabi ni Suzy Kassem, ang “pag-aalinlangan ay nakakapatay ng mas-maraming pangarap kaysa sa pagkabigo.” Malamang sinubukan mo nang matuto ng isang bagong sport, magsimula ng mabubuting habits, magbigay ng speech o talumpati, personal finance, o iba pang bagay. Nagbasa ka na ng libro, nanood ng instructional videos, at sumama sa training seminars, pero nag-aalangan ka pa rin dahil natatakot ka sa pagkabigo. Kung ito’y kailangan mong gawin para magtagumpay, huwag ka nang mag-alinlangan! Takbuhin mo lang at gawin mo ang lahat ng iyong makakaya! Magiging mas-mataas ang pagkakataon mong magtagumpay.
5. Ang Pagsasanay ay nakakatalo ng Pagkatakot
Kapag ang mga baguhan ay nakaranas ng kanilang unang paglagpak o kapag sila’y napatid sa isang vault at bumagsak ng malakas, sila’y makakaisip na “magpahinga sandali”… at sumuko na lang at hindi na susubok pang muli. Hindi ko maalala kung saan ko ito nabasa, pero ito’y isang payo na natutunan ko para gumaling sa mga masakit o mapanganib na sports (nakatulong ito ng husto noong muntik na akong malunod habang nagsusurfing):
Kung ikaw ay nabigo at natatakot, yun ang panahon kung kailang kailangan mong ulitin ito agad. Huwag mong hayaang kumapit ang takot at maging permanenteng hadlang sa iyong isipan. Kapag hindi mapanganib ang gagawin mo at hindi ka napinsala, ulitin mo lang. Subukan mo ng isang dosenang beses para sigurado. Ang nabatak na muscle sa binti ay gumagaling sa loob ng isang linggo, pero ang pagkatakot at pag-aalinlangan ay pwedeng mamalagi sa iyong isipan habang buhay.
Alalahanin mo na halos lahat ng bagong karanasan o gawain ay nakakatakot sa simula, pero habang nagsasanay ka ito’y mabilis magiging normal (oo, magiging “normal” o “madali” ang triple backflips at somersaults kapag ikaw ay nagsanay). Naaalala mo ba yung unang beses na sumakay ka ng bisikleta? Ang unang beses na nagsalita ka sa harap ng klase? Ang unang beses na ikaw ay lumangoy? Ang unang beses kung kailan ka nagmaneho ng kotse? Unang araw sa iskwelahan o trabaho? Malamang ikaw ay natatakot, nag-aalala, at baka ikaw ay nakagawa ng ilang pagkakamali, pero habang nagsanay ka, saka ka naging magaling.
Kapag ikaw ay pumalya o nasaktan, huwag mong hayaang sakupin ka ng pagkatakot o pagkahiya. Ulitin mo lang, galingan mo, at malamang ikaw ay GAGALING DIN.
“Once you learn to quit, it becomes a habit.” (Kapag natuto kang sumuko, makakasanayan mo ito)
– Vince Lombardi
Kagulat-gulat ang matututunan mo tungkol sa iyong sarili matapos ang ilang oras ng parkour training at kaunting pagmumuni-muni. Kaya mo bang lumabas sa iyong comfort zone o nakasanayan para matutunan ang bagong kakayahan? Handa ka bang magpatuloy kahit paulit ulit kang nabibigo, nasasaktan, o napapagod? Handa ka bang harapin ang iyong kinatatakutan ay magpatuloy hanggang ikaw ay magtagumpay? Magsanay ka lang, at malalaman mo kung hanggang saan ang kaya mo… at kung paano ka mas-gagaling pa.
“What keeps so many people back is simply unwillingness to pay the price, to make the exertion, the effort to sacrifice their ease and comfort.” (Ang nakahahadlang sa napakarami ay ang pag-aalinlangan nila sa pagsisikap, sa paggawa ng pagpilit, ang pagsakripisyo ng madali at komportable.)
– Orison Swett Marden