English Version (Click Here)
“Jealousy does not protrude its forked tongue at the artist who produces a commonplace painting”, sabi ni Napoleon Hill. Ang inggit ay hindi umiimik laban sa pintor na gumagawa ng ordinaryong larawan. Kung ikaw ay nagsikap at naging eksperto o leader, malamang makakakuha ka ng mga haters at kritisismo.
Ito ang dahilan kung bakit kailangan mong masanay sa mga kritiko at pagpuna, lalo na kapag pangarap mong umasenso at maging marangal na tao.
Pagkakaroon ng Haters: Isang Negatibo sa Pagiging Leader
Napansin mo ba na kapag may baguhan na nagdradrawing, sila’y pinupiri ng mga tao kahit hindi naman maganda ang nagawa nila? Maririnig mo ang mga “maganda ah”, pero hindi mo madalas maririnig ang mga “pangit yan” kahit totoo naman. Madalas, magalang naman ang mga tao.
Sa kabilang dako naman, kapag nagiging dalubhasa na ang isang pintor, mas madalas mo nang makikita ang iba na itinuturo ang mga mali sa kaniyang ginawa. Nakikita ko ito sa social media kung saan maraming tao ang nagbibigay ng hindi magandang “constructive criticism” sa comments section ng mga pintor o digital artists na sinusundan ko (tulad nina Sakimichan at iba pa). Pinupuna nila ang itsura ng ilang bahagi, tulad ng laki ng hips sa drawing o masyado daw maliit ang mga kamay at iba pang detalye kahit ito naman ang kagustuhan ng pintor.
Ang mga comments na ganoon ay malamang nakakaapekto sa mga baguhan, pero sanay na ang mga beterano at nagagamit nila ito para mas gumaling pa. Ang mga beterano rin ay marunong umiwas sa mga walang kwentang pagpuna.
Malamang ganoon din ang magiging karanasan mo kapag ikaw ay naging isang leader o pinuno sa iyong field o trabaho.
Ang mga leader ay patuloy nagpupunyagi… ano pa man ang sabihin ng iba
Ang gawain mo bilang leader ay tumulong sa mga tao para magawa nila ang mga kinakailangang gawin. Sa kasamaang palad, hindi palaging sasang-ayon ang mga tao sa mga iniisip mo. Halimbawa, gusto ng iba ng puting pintura sa pader, yung iba naman gusto gray o kulay abo, at yung iba naman ay iba namang kulay ang gusto. Piliin mo ang isang kulay, at magagalit sa iyo ang iba. Hindi mo kayang pasayahin lahat ng tao.
Iyon ang kabayaran kapag ikaw ay umasenso at nagsimulang mamuno. Ikaw ay magiging responsable sa mga mas malalaki at mas mahahalagang bagay, at kailangan mong ipagpatuloy ang iyong trabaho kahit ikaw ay magkamali at mabigo, at kahit ikaw ay inaatake at pinupuna palagi dahil dito.
A real leader cannot be slandered or damaged by lies of the envious, because all such attempts serve only to turn the spot-light on his ability, and real ability always find a generous following.
— Napoleon Hill
Ang tunay na leader ay hindi pwedeng siraan ng mga kasinungalingan ng mga inggitero, dahil ang lahat ng ganoong gawain ay nagbibigay lamang ng pansin sa kanyang kakayahan, at ang tunay na galing ay nakahahanap palagi ng napakaraming tagahanga.
Isang huling disclaimer o babala:
Huwag kang magkakamaling isipin na ang mabuting negative feedback (negatibong katugunan) ay kritisismo. Gamitin mo ang mga ito para pagbutihin ang iyong sarili, lalong lalo na kapag ikaw ay nagkakamali at hindi na mabuti ang ginagawa mo. Sa kabilang dako naman, tandaan mo rin na ang pagiging popular ay hindi palaging palatandaan na mabuti pala ang ginagawa mo. Tandaan, kahit ang mga diktador at mamamatay-tao tulad nina Adolf Hitler at iba pang pinuno ng kriminal ay mayroon ding mga tigasunod at tigahanga.
Ang pangunahing aral dito ay kailangan mo pa ring gawin ang tama, mga bagay na kailangang magawa, kahit ano pa man ang sabihin ng iba. Magsisilabasan ang mga kritiko kapag ikaw ay naging leader o pinuno, kaya dapat maghanda ka at masanay ka na sa kanila.
Do what you feel in your heart to be right – for you’ll be criticized anyway. You’ll be damned if you do, and damned if you don’t.
— Eleanor Roosevelt
Ayon sa iyong puso, gawin mo ang naiisip mong tama – dahil pupunahin ka pa rin naman. Kamumuhian ka kapag ginawa mo, pero kamumuhian ka pa rin naman kung hindi mo ginawa.