English Version (Click Here)
*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
Palagi tayong nakakaisip gumastos. May mga sale at discounts, luxury goods o luho, at magagandang kagamitang hindi naman talaga natin kailangan. May napakagandang bagong mga damit sa tindahan. Nariyan ang tindahang nagbebenta ng paborito mong pagkain. Nariyan din ang magandang headphones, earrings, o accessory na nagugustuhan mo… at may pera ka naman para sa kanilang lahat. Hindi naman masamang bilihin ang iilan sa mga ito diba?
Pagkatapos ng ilang shopping trips, napapansin mo na halos wala na palang laman ang wallet mo at sakto na lang ang laman ng iyong savings account sa bangko para mabuhay hanggang sa susunod na suweldo.
Nariyan palagi ang tukso para tayo ay gumastos at mayroon palagi tayong mga bagay na gustong bilhin. Pwede nga tayong magbudget, pero madalas mapapagastos tayo nang sobra at masisira lang ito. Ano ang dapat nating gawin?
Sa librong Dollars and Sense ni Dan Ariely, may istratehiyang ginamit ang isang sinaunang bayani ng Griyego para makatakas sa sakuna, at pwede natin itong gamitin para makatipid ng pera at tumigil sa sobra sobrang paggastos. Tinawag itong “Ulysses contracts” ni Dan, at ito ay mga istratehiya para maiwasan natin ang mga dadating na tukso.
Paano Magtipid ng Pera Gamit ang Istratehiya ng isang Greek Hero
Malamang narinig mo na o pwersahang ipinabasa sa iyo noong high school ang Odyssey, isang sinaunang Greek epic na isinulat ni Homer. Ito ang isa sa pinakakilala at popular na piesa ng sinaunang literatura (ancient literature) at ito ay tinuturo sa napakaraming paaralan ngayon (pero hindi siguro ito ganoon kakilala sa Pilipinas).
Ang bida sa epic na ito ay si Odysseus (sa wikang Latin, tinatawag siyang Ulysses) at sa isang bahagi ng kanyang paglalakbay, kinailangan nila ng mga tauhan niyang dumaan sa isang mapanganib at mabatong baybayin na punong puno ng mga halimaw. Ang mga halimaw na iyon ay tinatawag na sirens (dito nanggaling ang salitang sirena), na kalahating-ibon, at kalahating magandang babae, at ang mahiwagang boses at pagkanta nila ay umaakit sa lahat ng mga nakakarinig nito na tumalon sa dagat para puntahan nila. Dahil doon, napakarami ang mga biktimang nalulunod sa mabatong baybaying iyon.
Ano ang ginawa ni Odysseus para protektahan ang kaniyang sarili pati ang kaniyang crew ng mga mandaragat? Inutusan niya ang kanyang mga alagad na itali siya sa mast o palo ng kanilang barko at sabi niya kahit gaano pa man siya sumigaw at magmakaawa, hindi nila dapat siyang pakawalan (gusto kasi niyang marinig ang kanta ng mga sirens o sirena). Inutos din niya sa kanyang crew na pasakan o lagyan nila ng beeswax (pagkit ng kandila) ang kanilang mga tenga para hindi nila marinig ang kanta ng mga sirena.
Noong naglayag sila sa tabi ng baybayin, natukso nga si Odysseus ng kanta ng mga sirena at ninais niyang tumalon mula sa barko (at malunod), pero wala siyang magawa dahil nakatali siyang maigi sa barko. Dahil doon, nakapaglayag sila ng mapayapa sa mabatong baybayin at hindi sila napeligro at namatay.
Ang itsratehiya ng “Ulysses contract”
Uulitin ko na una ko itong nabasa sa librong Dollars and Sense ni Dan Ariely, at sa sobrang simple nito, depende sa kung paano mo ito iintindihin at gagamitin ang payo ay madali mo itong mapapagana. Tulad ng kung paano iniligtas nina Odysseus ang kanilang mga sarili sa pagtali sa kanya sa barko at sa paglalagay ng kandila sa tenga, pwede kang gumamit ng kaparehong istratehiya para magtipid ng pera.
Ang kailangan mo lang gawin ay maghanap ng paraan para maging “imposible” (o napakahirap) para sa iyo na magsayang ng pera. Narito ang ilang halimbawa:
- Babaan mo ang limit ng iyong mga credit cards. Mahirap nga namang mabaon sa halos P500,000 na utang na may mataas na interest kapag ang limit ng lahat ng iyong cards ay nasa P30,000 lang.
- Gumamit ka ng debit kaysa sa credit. Hindi ka nga naman puwedeng gumastos ng higit sa iyong kinikita at mabaon sa utang kapag nauubos ang laman ng iyong debit account.
- Gumamit ka ng cash sa lahat ng iyong mga transaksyon. Mararamdaman mo ang “sakit” ng pagbabayad (isa pang aral mula sa libro ni Dan Ariely), at mas mapapansin mo ang perang nawawala sa iyong pitaka. Iilan lang ang makatutumbas sa sakit na mararamdaman mo kapag napapansin mong unti unting nauubos ang iyong pera sa pitaka.
- Bawasan o limitahan mo ang perang dala mo. Bukod sa pagiging proteksyon laban sa malaking kawalan kapag nanakaw ang iyong pitaka (tulad ng mga taong dala palagi ang buong sahod nila sa buwan na iyon sa kanilang pitaka), mapipigilan din nito ang sobrang paggastos. Mahirap nga namang magsayang ng P5,000 sa walang kwentang bagay kapag ang dala mo lang ay P500 (perang sapat lang sa commute at pambili ng pagkain).
- Pagkatapos mong tanggapin ang iyong sahod o sweldo, ilagay mo ang perang naibudget mo sa mga secure at nakatagong sobre o bank account. Tatakan mo sila ng paggagamitan nila, tulad ng “investment account/retirement” (agad mo itong ilagay sa investment account mo), “insurance payment”, “utility bills”, “tuition para sa mga anak”, “emergency fund”, “travel”, o iba pa at ikandado mo ito. Mas mahirap nga namang gastusin ang pera pag alam mo kung ano ang isasakripisyo mo kapag sasayangin mo ito (may ibang aral tungkol sa earmarking strategy na ito sa libro ni Dan Ariely).
- Baguhin mo ang iyong commute o schedule para hindi mo na madalas madadaanan ang mga paborito mong shopping malls o shopping websites. Hindi ka nga naman matutuksong gumastos at magsayang ng pera kapag iniiwasan mo ang mga lugar kung saan madalas kang gumastos.
Marami pang ibang paraan para mapigilan mo ang pagsasayang ng pera, at iilan lang ang mga halimbawang iyon. Subukan mong mag-isip ng iba pang paraan para makatipid ng pera. Subukan mo lang silang gawin ng ilang araw o ilang linggo at mapapansin mong nakasanayan mo na silang gawin.
Sa pagbabawas mo ng pagsasayang ng pera sa mga walang kwentang gastusin at pagshopping, mas dadami ang pera mo para sa mga bagay na tunay na mahalaga sa buhay. Subukan mo lang magsanay sa paunti-unting mabubuting pagbabago at balang araw mapapansin mo ang mabuting pagdadatnan nito.
Dito muna tayo magtatapos. Gusto mo bang matuto pa ng iba pang mabubuting aral? Basahin mo lang ang mga links sa ibaba!