X

Isang Hindi Makalimutang Aral mula kay Jim Carrey: Gawin mo ang Pangarap Mo

English Version (Click Here)

“Do what you love” o gawin mo ang pangarap mo ay isang aral na itinuturo ng mga life coaches at, kahit kaunti lang ang magsasabing gawin mo ito agad, ito’y kailangan mo pa ring simulan.

Noong nakaraang buwan, pinag-usapan namin ng kaibigan ko ang tungkol sa pagbabago ng career at ikinuwento niya sa akin na pangarap din niyang magsulat. Hindi nga lang niya ito magawa dahil hindi niya maiwanan ang siguradong suweldo mula sa isang office job. Naiintindihan ko naman dahil, kahit single pa rin kami, mag-isa lang siya sa apartment at marami siyang kailangang bayaran habang ako naman ay nakatira pa kasama ang aking pamilya. Nag-invest din ako kada sahod nitong nakaraang anim na taon kaya ang mga investments ko ay nagbibigay sa akin ng kaunting pera.

Dahil sa pag-uusap naming iyon, naalala ko tuloy ang commencement speech ni Jim Carrey sa Maharishi University of Management at ang kanyang “do what you love” or gawin mo ang pangarap mo lesson (Mahahanap mo ang full video at transcript dito sa www.mum.edu):

(Isinalin ko na sa Tagalog)

Napakarami sa atin ang pumipili ng ating landas dahil sa takot at tinatawag lang natin itong pagiging praktikal. Ang tunay na pangarap natin ay mukhang imposible at katawa-tawang gustuhin kaya hindi na natin ito hinihiling. Sinasabi ko sa iyo, ako ang prueba na pwede mo nga itong hilingin sa mundo – please! (palakpakan) At kapag hindi ito nangyari agad, ito’y dahil ginagawa pa ng mundo ang sa akin. Party size ito! (tawanan)

Ang tatay ko pwede sanang maging magaling na komedyante, pero hindi siya naniwala na kaya niya ito kaya pinili niya ang konserbatibong landas. Kumuha siya ng maingat na trabaho bilang isang accountant, at noong 12 years old ako, tinanggal siya sa trabaho at  kinailangang gawin ng pamilya namin ang lahat ng aming makakaya para mabuhay.

Napakarami kong natutunan mula sa tatay ko, ang isa na doon ay pwede kang mabigo sa ayaw mo, kaya bakit hindi mo na lang subukang gawin ang pangarap mo (doing what you love).”

 

Magtagumpay sa Kinaaayawan ng lahat:

May isa pa nga pala akong idadagdag doon: Bukod pa sa pagkabigo sa ayaw mo, pwede ka ring magtagumpay bilang isang biguan. Ano ang ibig-sabihin noon? May mga taong “nagtatagumpay” at “nabubuhay” bilang pulubi, magnanakaw, drug addict, at lasinger, pero hindi sila maituturing “matagumpay” o “successful.”

May iba ring nabubuhay at magaling sa corporate ladder o sa trabaho. Nagtratrabaho sila sa nakakapagod at nakakabagot na trabahong ayaw nila pero tinitiis na lang dahil natatakot silang sumubok ng ibang landas o career. Inuubos nila ang buhay nila sa overtime at trabaho sa weekends, sumuko na sila pangarap nila, at wala na sila sa buhay ng pamilya nila dahil kailangan nilang patuloy na magtrabaho para makapagbayad ng bills.

 

Pwede kang Mabigo sa AYAW mo:

Napakarami sa atin ang natatakot umalis sa sigurado at sa madali, at ok lang iyon. Kung pinagsisisihan naman natin ito at wala tayong ginagawa para magbago, wala tayong karapatan magreklamo. Tiisin natin ang pinili natin, o magsikap tayo para umasenso.

Pwede mong gawin ang pangarap mong gawin at mabigo, at pwede mo ring gawin ang ayaw mo at MABIGO PA RIN. Walang garantisado sa buhay at pati ang “safe” at “secure” na landas ay pwede pa ring magdala ng kapahamakan. Kung may pagkakataon pa ring mabigo kahit ano pang piliin mo, bakit hindi mo pag-isipan ang sinabi ni Jim Carrey at subukan mong simulan ang pangarap mo?

May ibang landas na mas-mahirap sa iba, at totoo ito kapag hindi mo pa nakukuha ang kailangang skills at experience. Kung hindi mo pa siya magawa ngayon, bakit hindi mo pag-aralan ang kailangan mo para maging magaling dito? Bakit hindi ka magsimulang mag-practice ngayon? Bakit hindi mo ayusin ang iba-ibang aspeto ng buhay mo para maging mas-madali ito? Pwede mong isipin na mabibigo ka… o pwede mong subukan ng paulit-ulit hanggang magtagumpay ka.

Paano magsimula?

Kung inspired ka baka pwede mo itong subukan agad dahil malamang magkakaroon ka ng lakas ng loob para magtagumpay, pero kapag may pamilya kang sinusuportahan at mga bills na binabayaran, baka mabuting huwag mo muna itong gawin full-time. Malamang kailangan mo munang maghanda ng maayos, paunti-unti itong simulan, at saka ka mag-build ng momentum.

Una, alamin mo ang pangarap mo: Kung naging bilyonaryo ka na at hindi mo na kailangan pang magtrabaho, ano ang gagawin mo sa oras mo? Kapag napag-isipan mo na, itanong mo sa sarili mo kung paano ka kikita ng pera mula rito. Mahilig ka ba sa painting? Magpractice ka at magbenta ka ng artwork. Mahilig ka bang magtravel? Subukan mong magtrabaho bilang tour guide. Mahilig ka bang magsulat? Subukan mong magsulat ng libro o magblog. Kailangan ito’y isang kinahihiligan o layunin na magugustuhan mong gawin buong buhay mo dahil kung hindi, mawawalang ka ng inspirasyong kailangan para magtagumpay.

Ikalawa, ihanda mo ang lahat. Subukan mong pag-aralan pa ang gusto mo habang wala ka sa opisina: mag-painting ka sa weekends o sumali ka sa art classes, pag-aralan mo kung paano magsulat ng blog at kumuha ng mga kliente ang mga travel guides, at pag-aralan mo pang mabuti ang pangarap mong gawin.

Bukod pa sa pagkuha ng kakayahan at kaalaman, pwede mo ring ayusin ang finances mo. Sa sitwasyon ko, nagbasa ako tungkol sa personal finance at investing noong sampung buwan matapos akong mag-graduate. Ginamit ko ang natutunan ko kaya nag-ipon at nag-invest ako sa mga assets sa anim na taon kong pagtratrabaho. Ang lahat ng ginawa kong iyon ay nagbigay sa akin ng kaunting passive income na nagagamit ko ngayon para magsulat ng blog full-time.

Finally, SIMULAN MO LANG! Lahat tayo ay may 24-hours kada araw at sa paggamit nito natin malalaman kung magtatagumpay tayo o hindi. Maraming naiipit sa preparasyon at sa pag-aaral at nakakalimutan na nilang magsimula. Ang lahat ng kaalaman sa mundo ay hindi makakatulong kung hindi mo ito gagamitin para maglikha ng mahahalagang bagay. Kapag may nahanap ka nang pangarap gawin, simulan mo ito sa libre mong oras at sa weekends para makakuha ka ng mastery at experience. Kapag natutunan mo nang kumita mula rito at lumaki ito hanggang magagamit mo na ito para makabayad ng bills, subukan mo na itong gawin full-time!

Sa aking sitwasyon, nagsimula akong magsulat pagkauwi ko sa bahay at sa weekends. Matapos ang ilang buwan, natutunan ko na marami pala akong free time sa opisina dahil mabilis kong natatapos ang trabaho, kaya imbis na ubusin ko ang mga oras na iyon sa facebook at paglalaro ng mobile games gaya ng iba, naisip kong gamitin na lang ang oras ko sa mas-mahalagang bagay kagaya ng pagsusulat. Doon nagsimula ang lahat para sa akin noong 2014.

Ang isa ko pa palang kaibigan ay mahilig umakyat ng bundok kaya nagsimula siyang sumali sa mga weekend mountaineering trips. Matapos ang sandaling panahon, dahil regular siyang sumasali, tumutulong na siya sa mga guides. Mga isang taon pa ang nakalipas, sumali na siya sa isang travel company at naging regular na guide siya tuwing weekends. Napapasyalan niya ang pinakamagagandang bundok sa bansa natin… AT binabayaran pa siya para dito!

“Sa pagbabalik-tanaw mo sa buhay, ang iisipin mo ba’y ‘Sana ginawa ko’ o ‘Mabuti nagawa ko’?” – Zig Ziglar

Kung mayroon ka nang pera para masuportahan ang pamilya mo at gawin ang lahat ng pangarap mo, paano mo gagamitin ang nalalabi mong panahon sa buhay?
Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.

View Comments (0)