X

Paano Iwasan ang Pagpapaliban o Procrastination

English Version (Click Here)

Ang isa sa pinakamahalagang bahagi ng pagiging productive ay ang pagsisimula ng mga nararapat na gawain. Sa kasamaang palad, marami sa atin ang pumapalya doon. Gustuhin man nating tapusin ang isang mahalagang bagay, may ilang daang ibang gawain na kumakain sa ating oras. Malamang alam mo iyon. May proyekto kang kailangang tapusin sa loob ng isang linggo at kaya mo itong tapusin ngayon. Alas-dyis pa lang ng umaga sa Sabado kaya marami ka pang panahon, binuksan mo na ang computer mo para magtrabaho… pero naubos mo lang ang buong araw kakabrowse sa internet o pagtsismis sa Facebook.

Inulit ulit mo iyon buong linggo hanggang napansin mong bukas na pala ang deadline. Ngayon kailangan mo nang magmadali at sa ganoong kalidad ng trabaho mahirap nang makakuha ng mataas na marka. Alam ko ganoon ako noong ako ay estudyante pa, at alam ko ring hindi ko dapat makasanayan iyon pagtanda ko. Malamang ganoon din ang naiisip mo kapag ikaw ay mahilig magprocrastinate.

Paano mo pipigilan ang sarili mo sa pagsasayang ng oras? Narito ang ilang payo mula kay Napoleon Hill na pwedeng makatulong sa iyo. Hindi lang pala ito para sa iyong mga gawain sa iskwelahan o trabaho. Pwede mo rin itong gamitin sa iyong mga pangarap o layunin sa buhay.

Paano Iwasan ang Pagpapaliban o Procrastination

Pinag-usapan natin ang dahilan kung bakit ang initiative o pagkukusa, ang kakayahang tumapos ng mga bagay ng hindi pinagsasabihan, ay napakahalaga. Ito ang pangunahing sangkap ng leadership, at ang leadership o kakayahang mamuno (hindi lang sa ibang tao kundi pati na rin sa sarili mo) ay isa sa pinakamahalagang sangkap ng tagumpay.

 

1. Gumawa ka ng mahalagang bagay araw araw

Gumawa ka ng isang bagay na kailangan mong gawin kahit walang nagsasabi sa iyong gawin iyon. Ano ang mga pinakamahahalaga mong gawain? Sa aking weekly checklist, kailangan kong magsulat ng article draft, magproofread ng gawa ko, magbasa ng libro, manood ng tutorials, magpractice ng drawing para sa aking stream, atbp. Dahil ako ay self-employed, wala akong boss o supervisor na naguutos sa akin. Kailangan kong pwersahin ang sarili kong magtrabaho dahil kung hindi, wala akong matatapos at wala akong kikitain.

Ano ang kailangan mong trabahuhin? May mga report o project ka bang kailangan tapusin sa pagdating ng ilang linggo? Ano ang mga kailangan mong gawin para unti unti silang tapusin? Ilista mo ang pinakamahahalaga mong gawain sa trabaho at tapusin mo sila paisa isa. Mauubos din yan at magiging mas maluwag ang panahon mo para sa pahinga kumpara sa pagpanic at pagtrabaho buong gabi.

Siya nga pala, dito makakatulong ang pitong productivity habits na ito, kaya basahin mo ito susunod!

 

2. Gumawa ka ng mabuti kahit hindi ka babayaran

Maghanap ka ng mabuting bagay na hindi mo palaging ginagawa, at gawin mo kahit hindi ka makakatanggap ng bayad mula dito. Ang karamihan ay umaaksyon dahil makakatanggap sila ng pera o pabor mula sa iba. Malamang hindi mo gagawin ang trabaho mo ngayon kung hindi ka kumikita mula dito at maraming bagay sa iyong trabaho ang hindi mo gagawin dahil wala naman ito sa iyong nakalistang responsibilidad. Dito mo makikita ang halaga ng “going the extra mile” habit ni Napoleon Hill. Kapag mas marami kang matulunging bagay na ginagawa, magiging mas mahalaga ka para sa iyong boss at katrabaho.

Isipin mo ang dalawang magkatulad na empleyado. Pareho silang masipag sa trabaho, pero ang isa ay paminsan minsan nananatili ng matagal sa opisina para tulungan ka sa trabaho at minsan nagshashare sila ng pagkaing niluto nila para sa mga kasamahan niya. Matulungin ang mga bagay na iyon at hindi naman siya binabayaran para doon, pero ginagawa pa rin niya. Yun ang dahilan kung bakit malamang makakatanggap siya ng mga rekomendasyon para sa promotions at pay increase. Bakit hindi mo rin subukan gumawa ng ganoon sa iyong trabaho o negosyo? Tumulong ka sa iba nang wala kang inaasahang gantimpala.

Isa pang benepisyo nitong habit na ito? Makakahanap ka ng oportunidad para gumawa ng mabuti at kumita mula dito. Nalaman mo na gusto ng mga tao ang mga sandwiches na niluto mo? Magbenta ka ng pagkain! Nalaman mo na gusto ng mga tao ang pamamaraan mo sa pagsusulat ng emails at articles? Subukan mo mag-freelance writing! Madalas hindi mo malalaman iyon kung hindi mo muna sila sinubukan ng libre.

 

3. Ituro mo ito sa iba

Sa napakaraming propesyon katulad ng art, cooking, martial arts, at iba pa, ang isa sa pinakamabuting paraan para maging dalubhasa sa isang bagay ay ang pagtuturo nito sa iba. Sa paggawa mo nito, magiiba ang pananaw mo sa gawain mo at saka mo matututunan ang mas maraming bagay tungkol dito. Ito ang dahilan kung bakit ang isang paraan para iwasan ang procrastination ay ang pagtuturo nitong mga payong ito sa iba.

May isa pang dahilan kung bakit sisipag ka sa pagtrabaho kapag itinuro mo ito sa iba. Naiisip mo ba kung pinagsasabihan mo ang ibang tao na kumain ng healthy na pagkain at magexercise sila araw araw kahit hindi mo naman ginagawa iyon? Malamang naiisip mo pagtatawanan ka dahil isa kang hipokrita. Para iwasan ang kahihiyang iyon, sisipagin kang sundin ang sarili mong payo (ako rin apektado nito).

 

Hindi mo ito pwedeng iwasan. Aanihin natin ang ating itinanim, at kapag nagtanim tayo ng hangin aanihin natin ang ipo ipo. Gaano pa man natin gustong sisihin ang ekonomiya, mga magulang, ang business sector, ang ating lokasyon, o iba pa, kailangan nating tanggapin na ang lahat ng nakamit natin ngayon ay magmumula sa lahat ng mga nagawa natin dati.

Kung pangarap mong tumigil sa pagpapaliban, kailangan mong sanayin ang sarili mo na umaksyon kahit hindi ka inuutusan o binabayaran, at kailangan mo ring ituro ang payo na ito sa iba. Pwede kang magsimula sa maliliit na bagay, pero ang mahalaga ay magsimula ka. Lalaki rin ang pagasensong nakakamit mo.

Winners almost always do what they think is the most productive thing possible at every given moment; losers never do.

— Tom Hopkins

(Ang mga nananalo ay palaging ginagawa ang mga pinakamainam na gawain bawat oras; ito’y palaging hindi ginagawa ng mga talunan.)

 


Gusto mong matutunan ang iba pang mga mabubuting payo? Basahin mo lang ang iba naming isinulat tungkol sa productivity dito!

7 Easy Steps para maging mas-Productive sa Pagtrabaho

Sampung Success Quotes sa Productivity at Focus

Mayroon ka bang Leadership Habit?

Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.