X

Paano Yumaman? (Higit sa Stocks, Bonds, at Mutual Funds)

*Ang post na ito ay naglalaman ng mga affiliate links.

English Version (Click Here)

Malamang itinanong na natin sa ating sarili kung paano yumaman at naghanap tayo ng mga libro at articles para sa sagot. Malamang, nahanap natin ang “mag-ipon ng kaunting pera at mag-invest” at kung paano ang pag-invest sa mga stocks, bonds, at mutual funds sa mahabang panahon ay makakapagpayaman sa atin balang araw (itinuturo ko iyon sa iba kong articles). Ang kailangang itanong naman natin ngayon ay iyon lang ba ang dapat nating pagpuhunan?

Ituloy pa natin ang ideang ito. Ang karamihan ba ng mga mayayaman yumaman dahil doon lamang? Sabi ng isang bestselling author at researcher na nagsurvey at naginterview ng ilang-daang milyonaryo, hindi.

“Paano yumaman?”

Kung gusto mong matutunan kung paano magsikap at magpayaman, ang pinakamagandang paraan para dito ay ang pagtatanong sa mga yumaman na. Itanong mo kung paano sila yumaman at pag-aralan mo kung ano ang ginagawa nila sa buhay gamit mga survey at imbitahin mo sila para sa interviews at focus groups. Huwag mong limitahan ang pag-aaral mo sa mga milyonaryo lamang at isama mo rin ang mga DECAMILLIONAIRES, mga taong higit $10 MILLION (oo, dollars) ang net worth.

Ano ang malalaman mo?

Nagsikap ba sila ng 40 years para ilagay ang lahat ng pera nila sa stocks, bonds, at mutual funds? Sabi ni Thomas J. Stanley, ang may-akda ng ilang libro gaya ng “The Millionaire Next Door” and “The Millionaire Mind” at isa sa pinakapopular na researcher ng mga mayayaman sa America, hindi ito totoo. Kaysa pagpuhunan ang mga iyon lamang, naghanap at nagfocus sila sa mas-mahalagang bagay:

“Almost all millionaires will tell you that the seed of their wealth is their vocation.”
Halos lahat ng mga milyonaryo sasabihin nila na ang buto ng kanilang kayamanan ay ang kanilang vocation.

Ano nga ba ang vocation? Iyon ang iyong main career o business. Ang iyong pangunahing paraan ng pagkita ng pera ang dapat mong pagpuhunan. Ito rin ang ibig sabihin ni Robert Kiyosaki, ang may-akda ng “Rich Dad, Poor Dad” noong sinabi niyang “mind your own business.” Bukod pa doon, sabi rin ni Thomas J. Stanley, kailangan piliin mo ang vocation na tama para sa iyo. Hanapin at piliin mo ang trabaho o negosyong gusto mong gawin (kaysa manatili ka sa trabahong kinaaayawan mo).

Kahit pwede kang maging milyonaryo balang araw sa pagkita at pag-iipon ng ilang sentimo kada araw, mas-madaling mag-invest at yumaman kapag nagsikap ka sa iyong career o negosyo para kumita ng ilang daan, libo, o milyon linggo linggo.

Pagpuhunan mo muna ang iyong negosyo o career, ang mga bagay na kontrolado mo (ang mga stocks at iba pang assets ay kontrolado ng market, hindi ikaw), at SAKA ka mag-invest sa negosyo ng iba (mga stocks/equities).

  

Pagpuhunan mo ang iyong Sarili (at Vocation):

Ikaw ba’y empleyado? Magbasa ka ng libro at articles para matutunan mo kung paano mamuno at magmanage ng mga koponan/team, paano maging mas-magaling sa pakikipagtungo sa iyong kapwa, o paano umasenso sa iyong career upang mapromote at tumaas ang sweldo. Pumasok ka sa night school para matuto ng mas-mabuting mga skills at mag-apply ka sa mas-mabuting posisyon sa ibang kumpanya. Pag-aralan mo kung paano mag-ipon ng pera, magbayad ng utang, at mag-invest para kumita ng karagdagang pera. Pag-aralan mo kung paano magtayo ng side business.

Ikaw ba’y isang self-employed na propesyonal? Pag-aralan mo ang pinakabagong trends at technological advancements sa iyong propesyon. Pag-aralan mo kung paano magmarket ng iyong kakayahan para mahanap ka ng mas-marami at mas-mabuting kliente. Pag-aralan mo kung paano gumawa ng magandang website kung saan makikita ng iba ang impormasyon tungkol sa iyo. Pag-aralan mo kung paano mag-organize ng koponan o team para hindi mo na kailangang gawin ang lahat, gaya ng kung paano ang isang doktor ay magpapalaki ng kanyang clinic para gumawa ng ospital kung saan nagtratrabaho ang iba pang doktor, o kung paano ang isang attorney ay pwedeng magsimula ng sarili niyang law firm.

Ikaw ba’y may sariling negosyo? Alamin mo ang mga paraan para pagandahin o pagbutihin ang iyong mga produkto. Pag-aralan mo kung paano gumawa ng online shop kung saan pwede kang magbenta sa ibang bansa. Pag-aralan mo ang mas-magandang suppliers at distribution systems. Pag-aralan mo kung paano gamitin ang mga websites gaya ng Facebook, Pinterest, at mga forums para ipromote ang iyong negosyo at makahanap ng mas-maraming mga customers.

(Ang pormal na edukasyon [galing sa paaralan] ay makapagbibigay ng panghanapbuhay; ang self-education o kusang pag-aaral ay makapagbibigay ng pag-asenso o pagyaman.)

Mag-aral at Kumita

Gaya ng kung paano mabagal sa simula ang pagpapayaman gamit ang investing pero bumibilis ang pag-asenso sa pagdaan ng panahon, ang pagpuhunan sa iyong sarili gamit ang self-education at ang pagpuhunan sa iyong vocation ay nagdadala ng kayamanan at oportunidad na hindi mo nakita o alam gamitin dati. Ang isang bakanteng lote ay mukhang walang laman para sa karamihan, pero para sa isang tao na natutong mag-real estate, ito’y pwedeng maging townhouse o apartment na nagbibigay ng passive income sa mahabang panahon. Ang isang stock ay puro numero at titik lamang sa dyaryo hanggang matutunan mo kung paano mag-invest dito para kumita ng yaman sa pagdaan ng panahon.

Hindi ko sinasabing kalimutan mo ang stocks, bonds, at mutual funds (o iba pang investments gaya ng real estate, precious metals, antiques, forex, atbp.). Ang sinasabi ko lamang ay dapat pagpuhunan mo muna ng higit ang iyong sarili HABANG nag-iinvest ka sa iba. Ang mga negosyo at investment ay pumapalya, pero ang kakayahan mong matuto at ang kaalamang nakamit mo ay mananatiling iyo.

Gaya ng sibasabi palagi nina Jack Canfield, Brian Tracy, at John Maxwell, kailangan mong mag-aral pa para kumita ng mas-marami. Walang hanggan ang mga posibilidad pati na rin ang iyong potensyal kapag natutunan mong palaging paunlarin ang iyong sarili at mag-aral pa.

“Wealth is more often the result of hard work, perseverance, and most of all self-discipline.” – Thomas J. Stanley

(Ang kayamanan ay madalas resulta ng pagsisikap, tiyaga, at higit sa lahat, disiplina.)

 

Ngayon itatanong ko na sa iyo: Paano mo pauunlarin ang iyong sarili? (Ang mga idea mo ay makakatulong sa iba, kaya magcomment ka sa ibaba!)

 


Sana nagustuhan mo ang aral dito sa article na ito! Kung nais mong makapagbasa pa ng iba, i-click mo lang ang “Like” button sa YourWealthyMind Facebook Fanpage sa ibaba!
Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.

View Comments (2)

  • Hello po,my trabaho po ako dati natanggal po ako bigla dahil contractual lang ako at mula noon naging self employed n ako nagbusiness pero dahil sa kakulangan ng puhunan di rin nagtagal. Ngaun nabaon na po Ko sa utang. Nagaapply po ako ng ibang trabaho pero di na po ako nakakapasok. Ano po gagawin ko?

    • Hello Robert,

      Naku napakahirap na problema po iyan, pero magagawan din ng paraan. Kung hindi na po marevive ang dating business edi yun nga po, hanap isa pang trabaho para mabayaran utang.

      Di ko po alam mga skills niyo so kayo po bahala pumili ng papasukan. Buti po sana kung makahanap kayo ng online na trabaho, pero normal work ok na basta may income. Ang magandang tip ko lang po sa ganyan ay kapag nasa interview na dapat proud at confident po kayo kapag pinaguusapan niyo ang dating business kahit nagclose na kasi napakahalagang experience po iyon. Dahil naranasan niyo na pong magpatakbo o gumawa ng business, parang mas madali na po kayong magkakaintindihan ng may ari ng kumpanya dahil pinoproblema niya ang problema ng business owners.

      One more tip po. Marami po akong nababasa na stories at statistics tungkol sa pagiging entrepreneur. Kapag mas marami po kayong nasubukang negosyo, kahit nalugi, mas tataas ang chance na maging successful ang kasunod (eto link sa article, at may nabasa rin akong ganyan mula kay Robert Kiyosaki kaso nakalimutan ko lang kung saan galing).

      Yun lang po ang masasabi ko ngayon. Good luck and God bless po sa paghahanap ng trabaho. Sana makahanap rin po kayo agad.

      Regards,
      Ray L.
      YourWealthyMind.com