X

Paano Maging Mas Confident: Tatlong Prinsipyong Pwede Mong Aralin Ngayon

English Version (Click Here)

* Ang article na ito ay may mga affiliate links.

Ang pagkakaroon ng confidence o kumpiyansa sa iyong sarili ay nakapagbibigay ng mga bagong posibilidad, lakas ng loob para gamitin ang mga oportunidad sa paglitaw nila, at lumalaki ang pagkakataon mong magtagumpay sa mga balak mong gawin. Sa kasamaang palad, habang tayo ay nagkakamali at pumapalya sa iba’t ibang bagay (wala nga naman sa atin ang perpekto) at habang pinapahiya at dinidismaya tayo ng ibang tao, natututo tayong matakot magkamali, nawawalan tayo ng tiwala sa sarili nating kakayahan, at nananatiling mahina ang ating loob.

Paano tayo magiging mas confident? Paano natin makukuha ang uri ng tapang o lakas ng loob na makapagbibigay sa atin ng napakaraming tagumpay sa buhay? Narito ang tatlong paraan para magawa mo iyon.

Una, isang NAPAKAHALAGANG BABALA: 
Ang confidence o kumpiyansa ay HINDI recklessness o kawalang-ingat. Ang tunay na confidence ay nagmumula sa kaalaman at karunungan at ito ay nagdudulot ng mabubuting resulta. Ang recklessness o kawalang-ingat naman ay nagmumula sa ignorance o kamangmangan, at iyon ay nagdudulot ng kahihiyan at kapahamakan. Sa ibang salita, ang confidence ay ang eksperto na nagsanay sa sarili ng ilang dekada upang maging dalubhasa at umiiwas sa gulo (pero nananalo sa mga paligsahan). Ang recklessness naman ay ang asal-kalyeng mangmang na nagkukunwaring matapang, mahilig makipag-away sa ibang tao, at nabubugbog naoospital.

Paano Maging Mas Confident: Tatlong Prinsipyong Pwede Mong Aralin Ngayon

1. Maghanap ng Kaalaman

Naaalala mo pa ba kung ano ang naramdaman mo noong unang araw mo sa bagong paaralan, ang unang araw mo sa bagong trabaho, o kahit ang pinakauna mong interview habang naghahanap ng trabaho? Madalas ninenerbyos tayo o nababahala kapag napasok tayo sa mga kakaibang sitwasyon tulad ng mga iyon, o kapag napilitan tayong gawin ang isang bagay na hindi pa narin nararanasan. Kahit pwede naman tayong sumulong na lang at matuto mula sa trial and error (matuto sa ating mga pagkakamali), ang isang paraan para makakuha ng kaunting lakas ng loob ay kapag pag-aaralan natin kung ano ang mga dapat gawin.

Naaalala ko noong bata pa ako, takot na takot akong gumamit ng gas stove dahil iniisip ko baka magkamali ako, magka-gas leak dahil sa akin, at masunog ko ang buong bahay. Noong ipinakita sa akin ng aking ina kung aling mga pihitan ang kailangang galawin at kung paaano sindihan ang stove, doon ko nalaman na napakadali lang pala nito, at dahil doon nasanay akong magluto nang mag-isa.

Iyon ang unang paraan para magkaroon ng confidence kapag may bago kang gagawin. Kapag ipinakita sa atin kung paano gawin ang isang bagay, pag nakita natin na ligtas at posible ito para sa atin, mas maeenganyo tayong subukan ito. Gamitin mo ang prinsipyong iyon. Kapag mag gusto kang subukan, manood ka ng mga video o magbasa ka tungkol dito. Kapag nalaman mo kung paano gawin ang isang bagay, malamang makakakuha ka ng tapang at lakas ng loob para subukan din ito.

2. Maging Dalubhasa

Ang pagkatakot ay ang pinakamalaking hadlang sa ating confidence o tiwala sa sarili, pati na rin sa kakayahan nating umaksyon. Halimbawa, kung takot na takot ka sa matataas na lugar at kung sa trabaho mo kailangan mong mag-rappel (bumaba gamit isang lubid) mula sa isang helicopter o sa gilid ng isang gusali, magiging confident ka bang gawin iyon? Malamang hindi.

Paano mo malalagpasan o mamamanage ang iyong pagkatakot? Ikinuwento ng dating FBI special agent at SWAT Team Commander na si Joe Navarro kung paano niya nakumpleto ang kanyang FBI SWAT Rappel Master Course kahit sobrang takot na takot siya sa matataas na lugar (fear of heights).

Ayon kay Joe, nagsimula ang training o pagsasanay sa pagtatali ng 18 iba’t ibang knots o pagbuhol ng lubid hanggang kaya na nilang magtali kahit nakapikit, o kahit nasa ilalim ng tubig sa gabi. Nakasalalay nga naman ang kanilang buhay sa husay nila sa kakayahang iyon. Nagpatuloy ang kanilang pagsasanay sa pag-akyat ng lubid at rappelling, hanggang sila’y nagrarappel pababa ng gusaling anim na palapag ang taas. Ginawa nila ito nang face up (nakatayo), face down (nakapatiwarik), gamit isang carabiner o d-ring para kontrolin ang pagbaba sa lubid, atbp.

Nagulat si Joe dahil noong may confidence na siya sa kanyang kakayahang magtali ng mga knots o buhol sa lubid, hindi na siya sobrang takot sa matataas na lugar. Salamat sa mahusay na pagsasanay sa kontroladong training program na iyon, natutunan niyang i-manage ang kaniyang pagkatakot sa matataas na lugar.

Sometimes that’s what attenuating fear is all about: validating the fear and then managing it through step-by-step repetition and structured practice.

— Joe Navarro, Be Exceptional

(Pagsasalin sa Tagalog: Minsan yun lang pala ang pagpapawalang-bisa sa pagkatakot: pag-alam sa kinatatakutan at pagsupil dito gamit ang paunti-unting paguulit-ulit at maalam na pagsasanay.)

Gusto mo bang maging mas-confident sa mga ganoong sitwasyon? Alamin mo ang tungkol sa mga bagay na iyong kinatatakutan, at paunti unti, sanayin mo ang sarili mo doon hanggang ikaw ay maging dalubhasa. Sa ikasampu, ika-isangdaan, o ika-isanlibong beses na ginawa mo ang bagay na kinatatakutan mo, ikaw ay mayroon nang tunay na confidence o lakas ng loob. Bakit? Dahil isa ka nang eksperto dito! Habang ang baguhan ay ninenerbyos, ikaw na isang dalubhasa ay may matatag na kumpiyansa sa iyong kakayahan.

Nothing is difficult or easy in itself. You make it  difficult or easy on yourself. There’s nothing you can’t learn to do, if you really want it. If you want to do it, nothing is difficult. If you don’t want to do it, nothing is easy.

— Sifu Shi Yan Ming, The Shaolin Workout

(Pagsasalin sa Tagalog: Walang bagay ang mahirap o madali. Ikaw ang magiging basehan kung ito ay mahirap o madali para sa iyo. Wala kang hindi pwedeng matutunang gawin kung talagang ginusto mo. Kung gusto mo, walang mahirap. Kung ayaw mo, walang madali.)

3. Magtiwala/Manampalataya

May gusto ka bang gawin na napakahirap, tulad ng pag-alis sa trabahong kinaaayawan mo, pagsisimula ng maliit na negosyo, o kahit subukan man lang kausapin ang isang babae o lalaki na natitipuan mo? Malamang may naramdaman kang takot. Kung katulad ka ng karamihan sa atin, napipigilan kang umaksyon dahil sa pagkatakot na iyon. Paano ka magkakaroon ng confidence sa mga ganoon sitwasyon?

Sabi ni Willian James, ang ating pagtitiwala sa simula ng isang hindi tiyak na proyekto ang kaisaisang bagay na nakakapanigurado ng ating tagumpay dito (“our belief at the beginning of a doubtful undertaking is the one thing that insures the successful outcome of your venture”). Makatotohanan ang sinabi niyang iyon. Kung iisipin mo nga naman, mas mabuti ang ating mga aksyon kapag naniniwala tayong kaya nating magtagumpay. Sa kabilang palad naman, bumabagal tayo, nagaalangan, at nalalagpasan ng oportunidad kung iniisip nating papalya lang tayo.

Paano natin makukuha ang uri ng confidence na nagmumula sa paniniwala o pananampalataya? Ang isang paraan ay ang pagtiwala sa isang mas nakatataas na kapangyarihan.

Paalala: Gagamit ako ng Kristiyanong pamamaraan dito, pero pwede mong gamitin ang prinsipyong ito kahit ano pa man ang relihiyon mo. Ilagay mo ang iyong pagtiwala sa isang kapangyarihang mas nakatataas sa iyo (ang Panginoon, Allah, ang Tao sa Taoism, ang Universe, Karma, atbp.). 

Payo ni Florence Scovel Shinn, maghanap ka ng mabuting kasabihan na nagcli-“click” o nananatili sa iyong isipan. Ang kasabihan na nakapagbibigay sa iyo ng pagkaunawa, kumpiyansa, at pananampalataya. Ulit ulitin mo ito hanggang maramdaman mong nawawala ang iyong pagkatakot at pagdududa sa sarili, lalo na kapag kailangan mo ng kaunting confidence sa oras na iyon. Narito ang ilang mga talata sa bibliya na nahanap ko na palaging inuulit sa iba’t ibang self-help books:

  • “What things soever ye desire, when ye pray, believe that ye receive them, and ye shall have them.” (Mark 11:24)
    • Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Ang lahat ng mga bagay na inyong idinadalangin at hinihingi, ay magsisampalataya kayo na inyong tinanggap na, at inyong kakamtin.
  • “If you have faith… nothing shall be impossible unto you.” (Matthew 17:20)
    • Kung kayo’y may pananampalataya… walang bagay ang hindi ninyo magagawa.
  • “If God be for us, who can be against us?” (Romans 8:31)
    • Kung ang Dios ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?
  • “I can do all things through Christ which strengthens me.” (Philippians 4:13)
    • Ang lahat ng ito’y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo.

Magtiwala ka. “Throw your heart over the bar and your body will follow”. Ihagis mo ang iyong puso sa ibabaw ng rehas at susunod ang katawan mo, sabi ng isang kilalang trapeze artist sa libro ni Norman Vincent Peale. Patatagin mo ang iyong loob at damdamin, at gawin mo lang! Tumawag ka. Isend mo ang email. Magtanong ka lang sa front desk. Kung umayaw sila, edi hindi lang tama para sa iyo ang oportunidad na ito. Palagi namang may iba pa para sa iyo kung maghahanap ka lang. Baka nga rin hindi nakabubuti sa iyo ang landas na ito at may iba pa palang mas maganda. Kahit ano pa man, magtiwala ka lang na magiging maayos din ang lahat sa huli.

Fear is the most powerful of all thoughts with one exception, and that exception is faith. Faith can always overcome fear. Faith is the one power against which fear cannot stand. Day by day, as you fill your mind with faith, there will ultimately be no room left for fear.

— Norman Vincent Peale, The Power of Positive Thinking

(Pagsasalin sa Tagalog: Ang pagkatakot ang pinakamalakas na idea maliban sa isa, at ang isang iyon ay ang pananampalataya. Ang pananampalataya ay palaging magwawagi laban sa pagkatakot. Ang pananampalataya ang kaisaisang kapangyarihan na hindi kinakaya ng pagkatakot. Sa pagdaan ng mga araw, habang pinupuno mo ng pananampalataya ang iyong isipan, mawawalan ng lugar ang pagkatakot.)

Kung ikaw ay nagkaroon ng kumpiyansa o confidence sa sarili mo at sa nakatataas, magiging mas magaling ka sa paghahanap at paggamit ng mga oportunidad pati na rin sa pagwawagi laban sa mga hadlang sa buhay. Kung iisipin mo nga naman, sino ang makakapigil sa iyong makamit ang mga pangarap mo kung naniniwala kang magwawagi ka balang araw, hindi ba?

Balikan natin ang mga aral:

  1. Maghanap ng kaalaman. Mapapasawalang bisa mo ang pagkatakot sa mga bagay na hindi mo alam (fear of the unknown), at magkakaroon ka ng lakas ng loob para umaksyon dahil alam mo na ang mangyayari.
  2. Magsanay upang maging dalubhasa. Maglaan ka ng oras para sa planado at kontroladong pagsasanay, at kapag naging dalubhasa ka na, magiging kasing confident ka na tulad ng mga eksperto.
  3. Magtiwala sa isang kapangyarihang mas nakatataas sa iyo. Alalahanin mo na kahit ano pa man ang mangyari sa buhay, kapag ikaw ay may pagtiwala o pananampalataya, magiging maayos din ang lahat.

Mahirap nga naman talagang mapasawalang-bisa ang ilang dekada ng kahinaan ng loob at biglang maging confident, pero ang tatlong aral na nabasa mo dito ay may ilang mga prinsipyong pwede mong gamitin para magsimula. Kakailanganin mo pa ring magpunyagi, pero kung pinagsikapan mo ito, sulit na sulit ang gantimpalang iyong makakamit.

Dito na muna tayo magtatapos. Sana natuwa ka sa iyong mga natutunan dito sa article na ito at sana magagamit mo ang mga aral na ito. Kung gusto mo ng karagdagang kaalaman, basahin mo lang ang mga librong inirerekomenda namin sa ibaba!

Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.

View Comments (0)