*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
English Version (Click Here)
“If you think education is expensive, try ignorance.” (Kung tingin mo mahal ang edukasyon, subukan mo ang kamangmangan) — Robert Orben
Mayroong nagtanong sa Quora “What one sentence can change the world if every human being would live by it?” (Anong isang sentence/pangungusap ang makakapagpabago sa mundo kung isinabuhay ito ng bawat tao?), at ito ang sagot ko (na isinalin ko sa Tagalog dito):
“May isa akong pilosopia sa buhay at binuo ko ang aking website sa ideang ito:
‘Kaya mong makamit ang halos kahit anong pangarap mo sa buhay kapag natutunan mo kung paano!’
Gusto mong mapromote at umasenso sa iyong career? Pag-aralan mo ang mas-mabuting leadership at management skills.
Gusto mong umasenso ang iyong negosyo? Mag-aral ng product development, marketing skills, “growth hacking,” atbp.
Gusto mong kumita pa sa stocks at investing? Pag-aralan mo kung paano pumili ng mabubuting kumpanya, paano mag-invest ng long-term, kailan dapat magtrade, atbp.
Kung gusto mong gumaling sa isang bagay, malamang mayroon nang nagtagumpay dito. Pag-aralan mo ang ginawa nila! Pag-aralan mo ang mga istratehiyang gumana para sa kanila PATI ang mga pagkakamali nilang dapat mong iwasan… saka mo gamitin ang mga natutunan mo sa sarili mong buhay.”
Kakaiba nga na may hindi sumang-ayon doon. *Kinontra nila na napakarami daw ang mga “oportunistang nagbebenta ng pekeng pag-asa” at ang kahirapan ay hopeless o wala nang pag-asa. Naiintindihan ko naman siya. Napakaraming spammers sa internet na puro mga recycled o plagiarized content at napakaraming “investment advisors” ang nanloloko para makakuha ng pera, pero HINDI ako sumasang-ayon sa sinabi niyang wala nang pag-asa ang kahirapan. Maraming nagsusulat ng libro at guides tungkol sa kung paano palaguin ang mga tanim ng mga mahihirap na magsasaka, recipe books para sa gustong magsimula ng malilit na karinderia (marami akong nahanap sa mga bookstores), guides at financial assistance sa mga maliliit na negosyo (mga proyekto nina Muhammad Yunus), at marami pang iba.
Ang pagtuturo sa mga tao kung paano magsikap, kumita ng pera at makaahon sa kahirapan ay MAS-MABUTI kaysa sa pagsasabi sa mga mahihirap na “mahirap ka kaya wala kang pag-asa at ang kaya mo lang gawin ay magdusa at mamatay.”
Doon sa susunod niyang comment lumabas ang totoong dahilan kung bakit niya ako pinuna:
Ayaw lang niya na ako (at mga bloggers, manunulat, authors, at mga coaches katulad ko) ay kumikita sa aking blog.
*Malas at nawala bigla ang comment niya.
Magkano ang Edukasyon?
Gusto ko sanang itanong, “sinong nagturo sa iyong magbasa? Sino ang nagturo sa iyong magsulat? Sino ang nagturo sa iyong magbilang, mag-add, magsubtract, at magmath?” Malamang natutunan niya ito sa iskwelahan salamat sa mga gurong sumusweldo dahil sa kanilang trabaho.
Ngayon, kailangan nating alalahanin na ang iskwelahan ay hindi naninigurago ng trabaho o tagumpay sa buhay. Maraming graduates ang walang trabaho at marami ring hindi maayos ang kanilang finances. Ang mga paaralan ba ay nagbibigay ng “pekeng pag-asa”? Dapat bang sirain silang lahat?
Hindi.
Mahalaga ang mga paaralan dahil nagtuturo sila ng mga bagay na pwede mong GAMITIN para magtagumpay. Hindi ka nga naman makakapagbilang ng sukli kapag hindi ka marunong magbilang, at hindi mo mababasa at mapipirmahan ang employment at property contracts kung hindi ka marunong magbasa o magsulat. Pwede mong pasalamatan ang iyong mga guro para sa mga iyon, at malamang hindi mo natutunan ang mga iyon kung hindi sinusuweldohan ang iyong mga guro.
Huwag Bayaran ang mga Guro?
Kahit ang ibang guro ay nagtuturo ng libre, kakaunti lang ang gumagawa noon. Huwag mong kalilimutan na ang mga guro ay mga tao rin, at kailangan nila ng pera para kumain at mapakain ang kanilang mga pamilya. Kung hindi sila binabayaran, malamang aalis sila para gumawa ng ibang trabaho.
Isipin mo na lang ang mundong mas-kakaunti ang mga engineers na gumagawa ng ligtas na daanan at tulay, mas-kakaunting doktor na nagliligtas ng buhay, at mas-kakaunting mga propesyonal na nagpapatakbo ng mundo dahil wala nang mga gurong nagtuturo ng kaalaman sa susunod na henerasyon.
Inuulit ko na hindi garantisadong makapagbibigay ng mabuting resulta ang kaalaman, pero ang KAWALAN ng kaalaman ay maninigurado ng kakaunti, kung mayroon man, na MABUTING resulta (hahayaan mo ba ang kahit sino na magperform ng heart surgery sa iyo?).
May mga taong nagtuturo ng language at grammar, math, geometry, engineering, medicine, architecture, art and design, at iba pang mga subjects, at mayroon ding kagaya ko na nagtuturo ng self-improvement and self-development, leadership and management, personal finance, success, at iba pa.
Walang garantisadong ibinibigay ang kaalaman, pero mas-marami kang oportunidad na mahahanap at magagamit kapag mas-marami kang nalalaman.
“Many times the reading of a book has made the fortune of a man.” (Napakaraming pagkakataon kung saan ang pagbabasa ng libro ay nagbigay ng tagumpay.) — Ralph Waldo Emerson
Baka pwede kang Magturo
Ito’y malaking punto sa The Millionaire Messenger: Make a Difference and a Fortune Sharing Your Advice ni Brendon Burchard (i-Click mo ang link para makita ang libro):
LAHAT tayo’y mayroong maituturo.
Magaling ka ba sa pagmamanage ng mga empleyado? Natutunan mo ba ang mga bagay na dapat gawin at dapat iwasan sa mga team meetings? Natuto at nagprapractice ka ba ng martial arts? Marunong ka bang lumangoy? Marunong ka ba ng rock climbing? Nagtagumpay ka ba sa pag-invest sa stocks, bonds, at real estate? Nasubukan mo na bang magtanim at may mga payo ka ba sa pagpaparami ng ani? Nagtayo at nagmanage ka ba ng negosyo ng ilang taon at may mga payo ka ba para sa mga entrepreneur na nagsisimula pa lamang?
May mga taong nangangailangan ng kaalaman at experience na nakuha mo, at ang mga payo mo ay pwedeng maging basehan ng tagumpay o pagkatalo ng iba. May mga taong pwedeng umasenso dahil sa mabuting payong naituro mo sana, at marami ding nakaahon sana mula sa pagkalugi at pagkatalo dahil sa babalang naibigay mo sana.
Sino nga ba ang nakakaalam? Kahit ano pa man, wala kang matutulungan kung itinago mo lang ang kaalaman at karunungan mo.
Kahit kaya mong magturo ng libre, mas-kakaunti ang oras mo para dito dahil kailangan mo paring magtrabaho para kumita ng pera. Pwede ka rin namang maglaan ng mas-maraming oras sa pagtuturo at makatulong sa mas-marami sa pagtuturo ng classes, pagsusulat ng mga libro at articles, paggawa ng instructional videos, at iba pa… at tamang kumita ka ng pera mula dito. Kapag mas-marami kang natutulungan sa buhay, mas-malaki ang kikitain mo.
“Goods in the storehouse are useless until somebody takes them out and puts them to the use they were meant for. That applies to what man stores away in his brain, too.” (Ang kagamitan sa tinggalan ay walang kwenta hanggang may kumuha at gumamit nito sa tamang paraan. Ito’y totoo rin sa ano mang laman ng isipan ng isang tao.) — Thomas J. Watson