X

Sampung Bagay na Kailangan Mo Para Magtagumpay sa Buhay

English Version (Click Here)

Isipin mo ang isang treasure chest na puno ng ginto’t dyamante at nakakandado ito gamit ang isang combination lock. Kailangan mong hanapin ang tamang kombinasyon ng mga numero, mga bagay na kailangan mong gawin, upang makuha ang kayamanan sa loob. Katulad lang noon ang pagsisikap para sa tagumpay.

Ang buhay ay punong puno ng kayamanan o treasure chests na tinatawag nating mga oportunidad para magtagumpay sa buhay. Kailangan mong piliin ang tamang kahon at saka mo pagsikapang alamin ang code na kailangan para makamit ang kayamanan. Sa pagsisikap umasenso at magtagumpay sa buhay, narito ang sampung bagay na nararapat mong alalahanin upang makamit mo ang iyong mga pangarap.

Sampung Bagay na Kailangan Mo Para Magtagumpay

1. Goals o Layunin/Pangarap

Una sa lahat, kailangan mo ng goal o pangarap na gusto mong makamit. Kung wala kang natatanging layunin, magiging katulad ka ng isang barkong nawawala sa dagat, sumasabay lang sa mga alon hanggang ikaw ay lumubog.

Kung wala kang pangarap, malamang matutulad ka sa karamihan na nagtratrabaho lang para makakain at mabuhay. Tulad ng mga nalulunod, nagaaksaya sila ng lakas para lang lumutang, hindi nalalaman na kapag naifocus nila ang lakas nila sa isang direksyon, makakarating sila sa napakalapit na tabing-dagat na naglalaman ng kayamanan o treasure chest.

 

2. Wisdom o Karunungan

Kung gusto mong magtayo ng isang mansion ng mag-isa, kailangan mong matutunang magdisenyo ng bahay, maghalo ng konkreto, maglapag ng hollowblocks, mag-ukit ng kahot, magayos ng bakal, at marami pang iba. Kapag ayaw mong pag-aralan lahat ng iyon, bayaran mo ang isang construction company para magtayo ng mansion para sa iyo. Ang problema mo lang, kailangan alam mo kung paano kumita ng maraming pera upang mabayaran sila. Kung hindi mo alam kung paano gawin ang mga iyon, malabo na makakapagtayo ka ng matibay at matatag na bahay. Ang prinsipyong ito ay pwede mong gamitin sa iba pang bagay. Para makamit mo ang pangarap mo, kailangan mong ALAMIN o PAG-ARALAN ang mga kailangan mong gawin para pagsikapan sila.

3. Confidence o Lakas ng Loob

Sinabi ni Orison Swett Marden, ang heneral na nagiisip ng pagkatalo ay matatalo. Ang pagasam niya sa pagkatalo ay mararamdaman ng kanyang hukbo, pinapahina ang loob nito sa simula pa lang, at nagiging imposible para sa mga tauhan na gawin ang lahat ng kanilang makakaya. Kung inisip mong hindi mo kayang manalo, hindi ka mageensayo ng todo at hindi ka rin maglalaro ng seryoso. Kung hindi mo ibinigay ang buo mong lakas, malamang tatalunin ka palagi ng ibang taong nagbibigay ng lahat ng kanilang makakaya dahil iniisip nila na kaya nilang manalo. Sila ang palaging magtatagumpay habang ikaw ay mananatili sa pinakamababang rango kung saan nasa isip mo ay nararapat kang manatili.

 

4. Action o Pagsisikap

Pwede mong alamin kung paano magsolve ng equations, pwede mong pag-aralan ang iba’t ibang engineering principles, at pwede mong pag-aralan ang pagnenegosyo, pero kapag hindi ka nagsikap para gamitin ang mga nalalaman mo, edi wala ring kwenta ang lahat ng natutunan mo.

Alalahanin mo ang itinuro ni Jack Canfield: Hindi ka sinusuweldohan ng mundo dahil sa kaalaman mo, ikaw ay kumikita mula sa gawain mo. Ang tao na gumagawa at nagbebenta ng ordinasyong upuan ay kumikita. Ang tao na natutunang gawin ang “pinakamagandang upuan sa mundo” ngunit wala namang ginagawa ay hindi.

 

5. Perseverance o Pagtitiyaga

Naaalala mo pa ba ang mga unang beses mong sinubukang magluto? Malamang nasunog mo ang pagkain, o hilaw pa pala ito, o naglagay ka ng masyadong maraming asin, o hindi sapat ang seasoning. Paano naman ang mga una mong pagsubok sumakay ng bisikleta o skateboard? Malamang napatid o nahulog ka pero hindi ka pa rin tumigil.

Hindi natin maiiwasan ang pagkabigo. Mapapatid tayo, mapapagod, at papalya. Hindi natin iyon maiiwasan. Ganoon pa man, kapag may isang bagay na nararapat nating gawin, edi ayos lang kung hindi tayo mahusay dito sa simula. Kailangan lang nating magpatuloy hanggang gumaling tayo, at magpatuloy hanggang tayo ay maging dalubhasa dito. Kapag alam mong tama ang iyong pinupuntahan, malamang mararating mo ang pangarap mong marating. Kailangan mo lang magpatuloy sa paglalakad at huwag kang susuko.

 

6. Create Value o Gumawa ka ng Mabuti

Bakit nga ba ang ibang tao ay yumayaman at nagtatagumpay? Maraming rason para dito at isa na ito doon. Pagmasdan mo ang lahat ng mga kagamitang mayroon ka at mga serbisyong ginagamit mo. Ang iyong computer, ang software na ginagamit mo para buksan ito, at marami pang iba. Magkano sa tingin mo ang kinikita ng mga taong gumawa nito dahil sa paglikha nila ng mga mabubuting produkto na ginagamit ng mga taong katulad natin?

Binabayaran mo ang bus dahil kailangan mong makarating sa isang lugar ng mabilisan. Bumibili ka ng tickets sa sinehan dahil nalilibang ka sa mga palabas. Binabayaran mo ang doktor o pharmacist dahil gusto mong gumaling sa sakit. Ano nga pala ang ginagawa mo sa iyong opisina? Malamang sumusuweldo ka dahil sa trabahong ginagawa mo para sa kumpanya. Gumawa o lumikha ka ng mga bagay na gusto o kailangan ng iba at gagantimpalaan ka nila ng pera o kabutihan. Kakailanganin mo ang mga iyon para makamit ang iyong mga layunin at pangarap.

7. Pag-isipan mo ang Kinabukasan

Alam mo ba kung ano ang pagkakatulad ng paggawa ng layunin (goals), paggawa ng produktibong bagay, at mabuting paggamit ng oras at pera (pagiipon at pag-invest)? Sila ay madalas ginagawa para makakuha tayo ng mabubuting bagay o resulta SA DADATING NA PANAHON.

Isipin mo na lang ang mga tao na hindi pinag-iisipan ang kalalabasan ng kanilang mga gawain. Sila ang mga naguubos ng pera sa pagsusugal at umaasang manalo pero hindi naman nangyayari, nababaon sila sa utang dahil gusto nilang bumili ng mga luho o gadgets NGAYON (at nakakalimutan nilang kailangan nilang bayaran ang mga utang), at sila rin madalas ang mga nandaraya o nagnanakaw dahil “hindi nila naisip” na mahuhuli sila balang araw.

 

8. Mabuting Paghawak ng Pera

Ano ang mangyayari sa iyo kapag sinayang mo ang lahat ng perang mayroon ka sa walang kwentang bagay, tulad ng pagsusugal at pagkalugi sa casino o mabaon sa utang? Mamumulubi ka at mawawalan ka ng bahay. Kahit may umaasenso pa rin sa kabila ng masamang kalagayan, mas mahirap umasenso at magtagumpay kapag natutulog ka sa lansangan at namamatay ka sa dysentery kumpara sa kapag may maayos kang pinagkakakitaan at may ilang milyon ka sa bangko na handang gamitin sa mabubuting negosyo o investment.

Kailangan mong matutunang ang mabuting paghawak ng pera. Ito ay napakahalagang bagay na kakailanganin mong gamitin para makamit ang tagumpay.

 

9. Discontentment o Kayamutan sa Kasalukuyang Kalagayan

Sabi nga, kahibangan ang paguulit-ulit ng isang bagay at umasa na may ibang resultang mangyayari. Paulit ulit ka ba sa mga trabaho o “pagsisikap” na ginagawa mo at umaasa ka bang bigla ka na lang “magtatagumpay”? Kung paulit ulit ka sa gawain mo habang hindi mo naman ito pinapabuti, hanggang ganyan na lang ang perang kikitain mo. Walang masama sa pagiging kontento, pero kailangan mong alalahanin na kapag ang mga bagay ay hindi na lumalaki o umaasenso, sila ay unti unti nang namamatay. Sabi nga, “If you don’t keep getting better, you’ll stop being good.” Kung tumigil ka sa pagpapabuti sa iyong sarili, hindi ka na magiging magaling sa iyong gawain.

Huwag kang maging kontento sa ano mang mayroon ka ngayon. Magsikap ka at mangarap ka ng mas mataas kaysa dito.

10. Integrity o Katapatan/Integridad

Mahaba at napakahirap ng daan patungo sa tagumpay, at madalas ito’y nangangailangan ng ilang dekada ng walang katapusang pagpupunyagi. Dahil doon, napakaraming tao ang naghahanap ng “shortcuts” sa pamamagitan ng pagsisinungaling, pandaraya, o pagnanakaw ng mga bagay na pinagsikapan ng iba. Iyon ang isang dahilan kung bakit marami ang nakukulong… o namamatay. Huwag mong gagawin iyon. Magsikap ka ng maayos, gumawa ka ng mabuti, at tumulong ka sa iba habang ikaw ay nagpupnyagi patungo sa iyong pangarap. Ang mahaba at mahirap na paglalakabay patungo sa tagumpay ay mas mabuti kaysa sa mabilisang landas patungo sa kapahamakan.

 

Habang ang listahang ito ay naglalaman ng ilan sa pinakamahalagang payo, hindi pa ito kumpleto. Napakarami pang ibang kailangang matutunan, at marami doon ay bukodtangi para sa iyo at sa kasalukuyang kalagayan mo. Malamang kakailanganin mo silang tuklasin mag isa, o kakailanganin mo ang tulong ng mga guro na maggagabay sa iyo at sa iyong pagsisikap. Kung may mga natutunan ka na, ikwento mo lang sa comments section sa ibaba! Malamang makakatulong ka sa iba na nagsisimula pa lamang!

Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.

View Comments (6)

  • na touch ako sa sampung bagay upang magtagumpay sa buhay na inyong ibinahagi, okay na sana ang binigay niyong tips, kaso ang pinaka mahalaga talaga don ay hindi niyo isinali at kinalimutan niyooo! ANG DIYOS! ANG ATING PANGINOON! wag na wag niyo naman kalimutan yon! dahil kapag inilalagay mo siya sa una mong paghuhugutan ng lakas at pinagkakatiwalaan mo, AY UUNLAD KA! WALANG IMPOSSIBLE SA KANYA! SIYA ANG SUSI NG ATING TAGUMPAY! kaya sana naman wag na wag niyo siyang kalimutan! ? Put God in the center of your life and your plans will be succed! AMEN!

  • This is very helpful , because I realized na dapat maging masikap ka at alalahanin mo ang darating pang araw , you need to be strong and knowledgeable everyday to overcome the challenges that you'll face in your life

  • This is very helpful and I realized that you must to be knowledgeable and strong person to overcome the all challenges that you'll face in your life 😇😇😇

  • Napakaganda ng mga nakasaad dito, kung iaaply mo lang tlga lahat to sa sarili mo talagang makakamit mo lahat o tagumpay para sayo .. sabayan din tlga ng dasal para sa lht ng bagay ❤

  • I need work and house please help me dahil wala na po ako matitirahan kasi po ako po ay maraming kasalanan kahit na ako pa yung lagi sinasabihan ng Mali Pero saakin wala naman po ako sinasabing Mali kasi po totoo naman po yung mag sinasabi ko po. Kung kailangan po na manihihi ok po ako gagawin ko po. Para rin po ito saakin at sa mag tumulog po saakin.

    I need house and work po dahil ang totoo po iyan wala na po ako matutuloyan po kapag wala na po tatangap po saakin. Kayo na po bahala Jesus Christ sa akin. Kung saan po ako totunguin sa aking paa at pangako ko po hindi po ako mag iisip ng masama sa kapwa ko at hindi narin po ako mag sasalita sa dati kung buhay kasi po kapag po ako nag salita lahat po ay masasabi ko po Sana itong bibig kung ay hindi na po mag sasalita sa dati ko pung buhay. Ayaw kuna po balikan yung masasama ko pung Gawain.

    Thank you po Jesus Christ I love you.

    I am start today na baguhin ko po lahat.