English Version (Click Here)
Magfocus ka sa isang gawain, pero magpahinga ka nang madalas. Kahit madalas isipin ng mga managers na “productivity” ang pagtratrabaho paggamit ng maraming oras (plus overtime) sa trabaho, ang katotohanan ay ang pagtrabaho nang hindi nagpapahinga ay nakakapagpapagod lamang. Nagtratrabaho ka nga nang mas matagal, pero pagkalipas ng ilang oras bumababa ang kalidad ng iyong nagagawa at nababawasan ang iyong natatapos.
Huwag mong kakalimutan na hindi mahalaga ang dami ng oras na ginamit mo sa trabaho. Ang mas mahalaga ay ang kung ilang importanteng gawain ang natapos mo at kung gaano mo kabuti silang nagagawa. Paano mo nga naman papagbutihin ang gawain mo sa opisina (o sa iskwelahan)? Subukan mong gamitin ang Pomodoro technique na inimbento ni Francesco Cirillo noong 1980s. Narito ang paraan kung papaano mo magagamit ang technique na ito upang maging mas epektibo.
Paano gamitin ang Pomodoro Technique
Ang pomodoro technique ay napakasimple at ito ay may pitong pangunahing hakbang. Unang una, siguraduhin mong walang manggugulo sa iyo bago ka magsimula! Kung ikaw ay dapat nagtratrabaho o nagaaral at maraming programs ang tumatakbo sa iyong computer at smartphone, iclose mo ang mga videogame, email, at messenger apps kung kailangan. Ang kahit anong bagay na makakasira sa iyong focus (o ang tinatawag na “flow” state) ay kailangang alisin dahil kung hindi mo ito ginawa maaaring masira ang iyong productivity o kakayahang magtrabaho nang mabuti.
Ito ang mga pangunahing hakbang para sa pomodoro technique:
- Isipiin mo ang bagay na kailangan mong tapusin. (Halimbawa: Isang report, homework, paggawa ng company emails.)
- Magset ka ng timer na may 25 minuto. (Ang clock app ng phone mo ay malamang may timer feature.)
- Simulan mo ang timer at magsimula kang magtrabaho nang hindi tumitigil at may 100% focus. Huwag mong hayaan ang sarili mo na maistorbo ng mga emails at chat messages.
- Pagkatapos ng timer, magpahinga ka ng limang minuto. Maglakad lakas ka sandali, uminom ka ng tubig, o gumawa ka ng ibang bagay.
- Pagkatapos ng iyong pahinga, ulitin mo uli mula sa step 1.
- Gawin mo ang lahat ng iyon ng apat na beses. Pagkatapos ng apat na 25-minute work periods, magpahinga ka nang mas matagal, mga 20 hanggang 30 minutos (o higit pa pero huwag masyadong matagal dahil malamang nagpapaliban ka na lang noon).
- Ulitin mo ang lahat ng iyon hanggang lunch break o hanggang matapos ang iyong workday.
Simple lang ang pomodoro technique pero ang prinsipyo sa likod nito ay napakaepektibo kaya napakaraming tao ang patuloy na nagrerekomenda nito. Mas mabuti ito kaysa sa “pagtratrabaho” (magbrowse sa Facebook habang nagkukunwaring may ginagawang trabaho) araw araw dahil kapag ginamit mo ito makakapagfocus ka sa mahahalagang gawain habang ikaw ay nagtratrabaho, at ang mga pahinga ay makakapagpabalik ng iyong mental energy kaya pwede kang magpatuloy magfocus sa mga kailangan mong gawin. Sa paggamit ng dalawang iyon, mas marami kang matatapos sa mas kakaunting oras.
Hindi mo nga pala kailangang manatili sa 25-minute trabaho, 5-minute pahinga format. Pwede mo pa itong baguhin para pagbutihin ang iyong focus. Bago iyon…
Ilang payo para pagbutihin ang kalidad ng iyong pahinga:
(Ayon sa “Why and How You Should Take Breaks at Work” article ng Psychology Today.)
- Dapat hindi mo iniisip ang iyong trabaho kapag ikaw ay nagpapahinga. Kung iniisip mo pa rin ang iyong mga problema sa trabaho habang nagpapahinga ka, hindi bumababa ang pagod o fatigue at nagiging hindi ganoon kaepektibo ang iyong pagpapahinga.
- Gumawa ka ng nakakatuwang bagay. Ayon sa mga studies na binanggit sa Psychology Today article na iyon, ang mabubuti o positive na emosyon ay nakakabawas sa masamang epekto ng trabaho (Trougakos et al, 2008) at nakakapagpadami ng daloy ng dugo sa mga bahagi ng ating utak na ginagamit natin para magfocus (Lee et al., 2015).
Gayunpaman, pwede mo pa ring baguhin at pagbutihin ang pomodoro technique. Kung sa tingin mo hindi sapat ang 25-minute pomodoro, pwede mong gamitin ang mas-bagong 50-minute version na nadiskubre ng Desktime.com. “The most productive people work for 52 minutes, then break for 17 minutes.” Ang pinakaproductive na mga tao ay nagtratrabaho ng 52 minutes at saka sila nagpapahinga ng 17 minutes. Mas marami kang oras sa loob ng “flow” o focused state, at ang mas mahabang pahinga ay nagbibigay ng mas maraming oras para makabawi ang iyong isipan.
Kapag masyado kang nasanay sa “magtrabaho buong araw habang nagbrobrowse ng Facebook habang nakikipagtsismis sa mga katrabaho” na istratehiya, itong “magtrabaho ng may 100% focus habang nagpapahinga madalas” na technique ay malamang hindi komportable kapag kakasimula mo pa lamang. Ito ay mainam na subukan mo pa rin lalo na kapag gusto mong makadiskubre ng paraan upang makatapos ng mas maraming trabaho sa mas kakaunting oras.
Huwag mong kakalimutan. Ang productivity ay hindi nagmumula sa kung gaano karaming oras ang nagamit mo sa “pagtratrabaho”, ito ay nagmumula sa kung gaano karami ang iyong matatapos sa loob ng oras na mayroon ka. Ang pomodoro technique ay iisang paraan para magawa mo iyon. Subukan mo ito ng ilang beses at pagmasdan mo ang pagbabagong maidudulot nito, at kapag kailangan mong iadjust ang technique na ito subukan mo rin hanggang mahanap mo ang technique na gumagana para sa iyo.
Success is the sum of small efforts, repeated day in and day out.
— Robert Collier
(Ang tagumpay ay nagmumula sa kabuoan ng lahat ng maliliit nating pagpupunyagi na inuulit natin araw araw.)