X

Ano ang mga “Anak Mayaman”? (at bakit kailangan mong igalang ang lahat, Mayaman man o Mahirap)

English Version (Click Here)

Minsan, umakyat ako sa Mount Pinatubo, ang isa sa pinakapopular na bulkan sa Pilipinas. Simple at masaya ang pag-akyat sa tabi ng mga ilog at talampas at napakaganda ng crater lake sa tuktok. Sa tabi ng crater at rest stop ay may matarik na hagdanan, at nakakapagod akyatin iyon kung hindi ka palaging nag-eexercise. Siyempre, marami sa aming mga turista ay napapagod doon.

Ang isa sa mga guides, isang local na sanay na sa bundok nagsalita tunkol sa “anak mayaman” gamit ang nakaiinsultong tono. Marami ang nag-iisip ng ganoon: Ang mga anak mayaman ay mahina, masama, at spoiled. Diba nga ganoon sila lahat sa TV?

Napaisip ako noon. Sino nga ba ang mga “anak mayaman” (o mga mayayamang tao)? Kung manghuhula ako…

Anak ng magaling na doktor na makakaligtas ng buhay mo kapag ikaw ay nagkaroon ng malubhang sakit o ikaw ay naaksidente.

Anak ng real estate developer na nagbibigay hanap buhay sa ilang daang trabahador at nagbubuo ng mga bahay para sa ilang-daang pamilya.

Apo ng may ari ng paaralan kung saan ang ilang libong bata (kasama na ang anak mo) ay nag-aaral.

Anak ng grocery store owner na bumibili at nagbebenta ng pagkain para sa ilang-daang pamilya linggo linggo.

Anak ng taong nagbibigay ng sweldo mo.

Totoo nga na ang mga anak mayaman ay nabubuhay at nabibigyan ng lahat ng gusto nila, pero may isa pa tayong tanong: Ano naman ang masama doon?

Ipagpatuloy pa natin ang mga tanong. Saan nagmula ang yaman nila? Lumitaw lang ba ito ng parang bula?

 

“Some people don’t get to succeed in life because they spend most of their energy and time being envious of those who have succeeded, instead of learning from them.” – Edmond Mbiaka

(Marami ang hindi nagtatagumpay dahil ginagamit nila ang lakas at oras nila sa pagkainggit sa mga nagtagumpay kaysa pag-aralan ang mga ginawa nito.)

 

Saan sila nagsimula?

 

Ang Security Guard sa Binondo

Ilang taon na ang nakalipas (2013) noong bumisita ako sa Chinatown ng Binondo para matikman ang kanilang pagkain. Doon, napadaan ako sa isang Kung Fu school (Seven Star Praying Mantis noong nakausap ko ang teacher) sa isang building. Maaga ako ng isang oras kaya nakausap ko muna ang matandang security guard.

Madalas mababa lang ang sahod ng mga guard at malamang ganoon din siya. Ganoon pa man, nagsikap pa rin siya at malamang magaling siyang maghawak ng pera kaya nakapagpaaral at napagraduate niya ang kaniyang dalawang anak sa kolehiyo. Ang isa nakapagtapos bilang Summa Cum Laude at nagkaroon ng magandang career bilang Customs Officer, at ang isa ay nagkaroon din ng mabuting career pagkagraduate niya sa kanyang Business course.

Malamang, aasenso sila at magkakaanak din. Ano ang itatawag ng marami sa mga apo ng security guard? “Anak mayaman.”

 

Ang Sundalo at Mananahi

Mayroong mahirap na mag-asawa na dating nakatira sa probinsya ng Rizal. Ang isa, enlisted na sundalo at ang asawa niya ay mananahi na gumagawa at nagbebenta ng damit bilang hanapbuhay. Mahirap lamang sila at nahirapan din sila sa pagbubudget ng pera. Sabi nga ng anak nilang babae, minsan ang kinakain lang nila ay bagoong at kanin (masama pa doon, minsan kanin at asin lang). Ganoon pa man, pinagpaaral pa rin nila ang apat nilang anak kahit wala silang pera pambili ng sapatos at hindi rin sila makapagbigay ng pera para pambili ng hapunan.

Sabi nga rin pala ng anak nilang babae, nagkaroon siya ng pangarap mula noon: “Ayaw kong maranasan ng mga anak ko ang ganoong paghihirap kaya magsisikap ako ng husto para umasenso.” Sa pagdaan ng panahon, nag-aral ng mabuti ang mga bata at nakapagtapos sila ng kolehiyo.

Ang anak na babae ay nagsikap sa kanyang career at naging mataas na supervisor bago mag-asawa at mag-alaga ng anak.
Ang isang anak na lalaki, umasenso sa career at naging operations manager.
Ang isa pang anak na lalaki, nag-aral sa Philippine Military Academy bago sumali sa Air Force at isang araw naging Pilot Captain ng isang commercial airline.
Ang panganay ay nagtayo ng hardware business at umasenso. Ngayon ang anak niya ay nag-aaral bilang doktor.

Isang henerasyon ng pagsisikap ang kinailangan nila, pero ang pamilya ay nakaahon mula sa kahirapan. Mabuti ang ginawa noong matandang mag-asawa sa probinsya. Siyempre, kilalang kilala ko sila. Sila ang aking lolo’t lola.

Pag-isipan mo ang sarili mong pamilya…

Isipin mo ang iyong mga anak at apo. Anong klaseng buhay ang gusto mong ipamana sa kanila?

Gusto mo bang maging pulubi at magutom sa langsangan ang mga anak mo? Gusto mo ba na ang mga apo mo ay mamalimos lang sa kalsada? Gusto mo ba silang makitang magnakaw ng wallet at cellphone?

O baka naman…

Gusto mong makita ang pamilya mo na nakatira sa maganda at malinis na bahay, kumakain ng masarap at masustansyang pagkain, at magkaroon ng pera para mabili ang lahat ng kailangan nila? Gusto mo bang makita ang mga anak at apo mo na nag-aaral at nag-graduate sa pinakamagagandang unibersidad sa bansa at umasenso sa kanilang mga career at negosyo? Gusto mo ba na kumita sila ng maraming pera at matupad nila ang kanilang mga pangarap?

 

Anong klaseng buhay ang gusto mong ipamana sa iyong mga anak at apo?

 

Sino nga ba ang mga “Anak Mayaman”?

Kung ipinanganak ka sa mahirap o lower-middle class na pamilya, malamang naranasan mo na ang paghihirap ng kakulangan ng pera sa pambili ng pagkain, walang pera para mabayaran ang doktor at panggamot kapag ikaw ay nagkasakit, at walang pera para mabili ang gusto mo o makapunta sa mga pangarap mong puntahan. Hindi ka sinwerte na maging anak mayaman.

Ano ang ginawa mo?

Kinailangan mong MAGSIKAP. Nagsikap ka sa iyong trabaho para mapromote at lumaki ang sahod, o baka nagtayo ka ng sarili mong negosyo para kumita ng maraming pera. Ginawa mo ang lahat ng iyon para umasenso at mabigyan ang iyong pamilya, ang iyong mga anak at apo, ang lahat ng kakailanganin at gusto nila: magandang bahay, masarap na pagkain, magandang damit, at marami pang iba…

 

…at lalaitin lang ng iba ang mga anak mo dahil sila’y “anak mayaman.”

 

(Marami ang nagsasabi ng totoo kapag sinabi nilang ayaw nila sa kayamanan, pero ang tinutukoy talaga nila ay ang kayamanang pinagsikapan at pagmamay-ari ng iba.)

 

May isa pa akong tanong sa iyo:

Gusto mo bang maliitin ng iba ang iyong mga anak at apo? Gusto mo bang isipin nila na *spoiled o masama ang mga anak mo kahit alam mong pinalaki mo ng mabait at matapat? Malamang ayaw mo ng ganoon… kaya huwag mo iyong gagawin sa iba.

Kung paano mo tratuhin ang iba, mayaman man sila o mahirap, ay ang magiging pagtrato nila sa iyo. Aanihin mo ang iyong itinanim, kaya irespeto mo ang iba at irerespeto ka rin nila. Sila ma’y mahirap… o mayaman.

*Sa karanasan ko, ang mga “masasamang anak mayaman” ay nasa TV lamang. Kung may mahanap ka man na isa, malamang hindi mo naaalala ang ilang-daan mabubuti. At baka hindi mo rin naaalala ang mga “masasamang anak mahirap”.

 

Uulitin ko…

Ano ang mga anak mayaman?
Sila ay mga ANAK NAGSIKAP.

 

Sila ang anak ng mga nagsikap araw-araw at gabi-gabi ng ILANG TAON para mabigyan ng mabuting kabuhayan ang kanilang pamilya. Mga taong nagsikap sa kanilang trabaho at negosyo. Mga taong katulad mo.

 

Sino nga ba ang mga anak mayaman?
Sila ang mga ANAK AT APO MO kapag ikaw ay umasenso.

 

“Tamang tama at hindi mali na ikaw ay maging mayaman. Malamang, hindi ka pwedeng maging masaya kapag ikaw ay mahirap, at hindi mo kailangang maghirap. Ito’y kasalanan. Ang kahirapan ay isang uri ng impiyerno na nanggagaling sa pagkabulag ng tao sa walang-hanggang kabutihan o kasaganaan na ibinibigay ng Diyos.

– (Translated quote ni) Catherine Ponder, The Dynamic Laws of Prosperity


Sana nagustuhan mo ang aral dito sa article na ito! Kung nais mong makapagbasa pa ng iba, i-click mo lang ang “Like” button sa YourWealthyMind Facebook Fanpage sa ibaba!
Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.