X

Paano mo nakakamit ang iyong Inaasahan: Kung bakit Self-Fulfilling Prophecy ang Buhay

English Version (Click Here)

May popular na 1960’s study kung saan ang isang Harvard professor na nagngangalang Robert Rosenthal ay nagresearch sa epekto ng expektasyon ng mga guro sa mga estudyante. Nagbigay siya ng standard IQ test sa mga batang nasa elementary, random siyang pumili ng mga ordinaryong bata, at sinabi niya sa mga guro nito na ang mga estudyanteng iyon ay magiging napakatalino. Tama sa hinala, matapos ang dalawang taon tumaas ang IQ ng mga napiling estudyante.

Noong nagpatuloy ang pananaliksik ni Rosenthal, natuklasan niya na ang expektasyon ng mga guro ay nakaapekto sa pakikipag-ugnayan nila sa mga random na napiling estudyante. Ang mga inaasahan ng mga guro na magtagumpay ay binigyan ng mas-maraming oras para sumagot sa tanong, mas ispesipikong feedback, at mas maraming papuri: mas-madalas silang humawak, tumango, at ngumiti sa mga batang iyon. Sa madaling salita, ang expectations nila ay nakaaapekto sa kanilang galaw, at ang galaw nila ay nakaaapekto sa kanilang resulta. Inasahan nilang magiging mabuti ang mga bata, kaya sila’y gumalaw sa paraang nakapagpatalino sa mga batang iyon.

Ano ang kinalalaman ng kuwentong ito sa iyo? Simple lang. Ang expektasyon mo sa sarili mo ay makaaapekto sa iyong galawin. Alam mo man o hindi, gagalaw ka sa paraan na magpapakatotoo ng expektasyon mo. Ang buong buhay mo ay sumasalamin sa iyong pag-iisip.

Bakit ito mahalaga? Kung pangarap mong umiwas sa buhay ng pagkatalo at gusto mong umasenso, kailangan mong pag-aralan kung paano kontrolin ang iyong pag-iisip at pagbutihin ang iyong expektasyon.

*Basahin mo ito para sa karagdagang kaalaman tungkol sa study ni Rosenthal.

 
Self-Fulfilling Prophecy – Ano ito?

Isa ito sa pinakanakakatuwang aral na natutunan ko noong nag-aral ako ng basic psychology sa kolehiyo. Ang self-fulfilling prophecy ay kapag ginawang totoo ng isang tao ang kanyang ekspektasyon dahil inaasahan niyang mangyari ito.

Halimbawa, kung maglalaro ka ng basketball kasama ang mga mas magagaling na kalaban at iniisip mong matatalo ka, mawawalan ka ng gana at hindi mo maipapalabas ang tunay mong galing. Hindi mo ititira ang bola ng madalas, hindi mo tatakbuhin ang bola sa bawat pagkakataong meron ka, at hindi ka gaganahang magpagod at gamitin ang lahat ng iyong makakaya dahil “alam” mo namang matatalo kayo. Sa kabilang dako naman, kung iniisip mo na mananalo ka, gagawin mo ang lahat ng kaya mo para manalo. Tatakbuhin mo ng todo ang bola, titira ka at mangunguha ng rebounds, at kahit nalamangan kayo ng kalaban, gagawin mo pa rin ang lahat para baliktarin ito at manalo kayo. Sa paggawa ng lahat ng iyong makakaya, pinapataas mo ang pagkakataong manalo kayo.

Isa pang halimbawa, kung “hinuhulaan” mo na ang bago mong boss ay magiging masama sa iyo, gagalaw ka sa paraan na magpapakatotoo nito. Magiging suplado ka sa kanya, mapanlaban sa mga utos niya, at mababa ang paningin mo sa kanya kapag siya’y nagkakamali. Mahahalata niya na hindi mo siya nirerespeto, at magiging masama din siya sa iyo gaya ng ginagawa mo sa kanya.

Sa kabilang dako naman, kung inaasahan mo na ang bago mong boss ay mabait at mapag-alaga, magiging mas palakaibigan ka sa kanya at malamang babatiin mo siya ng maayos araw araw. Magiging mas masunurin ka sa kaniyang mga utos at payo at magiging mas maunawain ka kapag siya’y nagkakamali. Mahahalata niya na nirerespeto mo siya, at irerespeto ka rin niya.

Bakit ito nangyayari?

Madalas nating nakukuha ang inaasahan natin. Ayos sa mga natutunan ko sa pagbabasa ng self-improvement at management books, may dalawang mahalagang dahilan kung bakit nangyayari ang self-fulfilling prophecies:

Ang unang dahilan ay Priming. Madalas nating napapansin ang mga hinahanap natin. Para umiwas sa information overload o sobra sobrang impormasyon, ang bahagi ng utak nating tinatawag na reticular activating system ay nagsasala ng impormasyong natatanggap natin at ang napapansin lang natin ay ang mga bagay na mahalaga sa atin. Ito rin ang dahilan kung bakit kailangan nating magtakda ng layunin. Ang isipan mo ay tutulong sa iyong makahanap ng mga oportunidad na tutulong sa iyong makamit ito. Halimbawa, kung gusto mong bumili ng pulang T-shirt at pumunta ka sa isang bentahan ng damit, mapapansin mo ang MARAMING pulang t-shirt at hindi mo mapapansin ang mga purple, green, at gray na damit. Nagmamaneho o nagcocommute ka sa mga mataong highways at kalsada araw araw para makapasok sa trabaho… pero mapapansin mo lang ang mga “apartment for rent” at “house for sale” signs kapag naghahanap ka ng bagong bahay, at mapapansin mo lang ang mga “now hiring” signs kapag ikaw ay naghahanap ng trabaho.

Ang ikalawang dahilan ay Confirmation Bias. Mas pinapansin natin ang mga bagay na nagpapatunay na tama tayo, at hindi natin pinapansin o minamaliit natin ang halaga ng mga bagay na nagpapakita ng ating pagkakamali. Halimbawa, kung iniisip mo na “masama ang mga mayayaman”, mas mapapansin mo ang mga corrupt na negosyante sa news gaya nina Bernie Madoff na gumawa ng isa sa pnakamalaking financial frauds sa buong mundo at iisipin mo na “lahat ng mayaman ay kagaya niya”. Baka isipin mo rin na ang mga “mayayaman” na hindi ka binigyan ng kotse o mansion kahit kaya nilang bumili nito (parang walang hanggan ang pera ng “mayayaman” no?) ay ebidensya na “masama ang mga mayaman.” Malamang hindi mo rin papansinin ang mga mabubuting news tungkol sa kanila, gaya ng pagdala ni singer Akon ng solar energy sa Africa, pagbigay ni Bill Gates ng quality healthcare at edukasyon para sa mga mahihirap, at ang donasyon ni Warren Buffett ng Bilyon Bilyong dolyar sa charity. Hindi mo rin papansinin ang mga napakaraming mabuting halimbawa, gaya ng negosyanteng nagpatayo o gumawa ng ospital, bahay, apartment, airlines, computers, atbp para sa mga tao. Gaya noon, hindi mo rin siguro maaalala yung mga panahong tinulungan ka ng mga mayayaman mong kaibigan noong nangailangan ka ng pera, at minamaliit mo ang kabaitan nila dahil “marami naman silang pera”.

“Many an object is not seen, though it falls within the visual ray, because it does not come within the range of our intellectual ray, i.e., we are not looking for it. So, in the largest sense, we find only the world we are looking for.” – Henry David Thoreau

(Marami ang hindi nakikita, kahit ito’y nasa paningin natin, dahil wala ito sa nasasakop ng ating pinagiisipan, i.e., hindi natin ito hinahanap. Kaya, kapag iisipin nating mabuti, ang nakakamit lang natin ay ang mundong hinahanap natin.)

Self-Fulfilling Prophecies at ang ating Kinabukasan

Ano man ang iniisip at pinaniniwalaan mo tungkol sa mundo, magsasalita at gagalaw ka para magkatotoo ito.

Kung iniisip mo na hindi mo makukuha ang trabahong gusto mo, gagalaw ka na parang hindi mo kayang gawin ang trabaho, magiging parang talunan o mahina ang loob mo sa job interview, at malamang hindi ka kukunin sa trabaho. Sumuko ka na bago ka pa man magsimula. Pagkatapos noon, ipagpapatuloy mo lang ang trabahong meron at kinaaayawan mo, o maghahanap ka na lang ng ibang trabaho na hindi kasing ganda ng pangarap mo.

Kung iniisip mo na KAYA mong makuha ang mabuting trabahong pangarap mo, isusuot mo ang pinakamaganda mong damit, magiging excited at malakas ang loob mo sa interview, at gagalaw ka ng parang ikaw ang pinakamabuting kandidato para sa trabaho. Dahil doon, mas-malaki ang pagkakataon na kunin ka sa trabaho. Kung hindi ka man bagay sa job opening, malamang patuloy kang maghahanap para makuha mo ang SUSUNOD na pinakamabuting trabaho hanggang makahanap ka ng kasing ganda nito o higit pa. Ganoon ka mananalo bago ka nagsimula.

Kung iniisip mo na karamihan ng mga tao ay masama, magiging suplado ka sa mga hindi mo kilala, hindi ka tutulong sa iba dahil iisipin mong lolokohin ka lang, at iisipin mo ring nagyayabang ang ibang tao kapag ikinukuwento nila ang mga nagawa nila at saka mo sila kokontrahin. Malalaman agad ng iba na hindi ka mabuting kasama kaya hindi ka na nila iimbitahin, hindi ka rin nila tutulungan kasi hindi ka tumutulong, at hindi ka nila kakausapin at mamaliitin ka nila dahil iyon din ang ginagawa mo sa kanila.

Kung iniisip mo na mababait ang mga tao, ngingitian at kakausapin mo sila ng tama, tutulong ka kapag may nangangailangan dahil iniisip mo na ang iba ay tutulong din sa iyo kapag ikaw naman ang napahamak, at papalakasin mo ang loob nila tao kapag sila’y nagkakaproblema. Dahil doon, gagawin din ng iba ang mga iyon para sa iyo. 

Kung iniisip mo na hindi ka magtatagumpay sa buhay, tatanggapin mo na lang ang kung ano man ang mayroon ka ngayon. Magrereklamo ka tungkol sa iyong nakakabagot na trabaho, mababang kita, at lahat ng iyong problema dahil wala ka namang magagawa tungkol sa kanila. Tatanggapin mo na lang ang mga ito at aasa na sana umasenso ka, pero hindi ito mangyayari dahil hindi ka naman nagsisikap para umasenso. Dahil doon, magrereklamo ka lang muli habang walang nagbabago.

Kung iniisip mo na KAYA mong magtagumpay, mas madali kang makakaisip ng paraan para umasenso sa buhay. Magtatakda ka ng mabuting layunin at magplaplano ka ng susunod mong career move o negosyo, pag-aaralan mo ang mga bagay na makakapagpabuti sa iyo para alam mo ang pwede mong gawin para umasenso, at hindi mo hahayaang hadlangan ka ng iyong mga problema dahil makakahanap ka naman ng mga solusyon. Magsisikap ka para umasenso, at kahit mabagal, sigurado namang ito’y nagagawa mo. Unti unti ang pag-asenso mo sa buhay hanggang makamit mo ang pinapangarap mong tagumpay (o higit pa).

Ang buhay mo ay sumasalamin sa iyong pag-iisip. Ano man ang pinag-iisipan mo at pinaniniwalaan mo tungkol sa mundo, gagalaw ka upang magkatotoo ito. Ikaw ang responsable para sa iyong buhay, at ikaw ang responsable sa lebel ng iyong tagumpay… o pagkatalo.

Huwag mong kalilimutan ang aral na ito: Kaya mong pagbutihin ang kalidad ng iyong buhay sa pagpapabuti ng kalidad ng iyong pag-iisip. Kailangan asahan mong mananalo ka bago ka magtagumpay.

Your beliefs become your thoughts,

Your thoughts become your words,

Your words become your actions,

Your actions become your habits,

Your habits become your values,

Your values become your destiny.

– Mahatma Gandhi

(Ang pinaniniwalaan mo ay magiging pag-iisip mo,

Ang pag-iisip mo ay magiging salita mo,

Ang mga salita mo ay magiging mga gawain mo,

Ang mga gawain mo ay makakasanayan mo,

Ang mga nakasanayan mo ay magiging katangian mo,

Ang mga katangian mo ay magiging kapalaran mo.)

 


Sana nagustuhan mo ang aral dito sa article na ito! Kung nais mong makapagbasa pa ng iba, i-click mo lang ang “Like” button sa YourWealthyMind Facebook Fanpage sa ibaba!
Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.