X

Paano Gumaling sa Paggamit ng Pera (Ang Aming Number 1 Tip)

English Version (Click Here)

Pag-usapan natin ang isang tanong na kailangan mong isipin bago mo gastusin ang perang pinaghirapan mo. Kapag nagsimula ka nang mag-aral tungkol sa personal finance at tamang paghawak ng pera, matututunan mo kung paano mag-ipon muna (“pay yourself first”) at paano mag-invest. Matututunan mo rin kung paano magbayad ng mga utang at paano iwasan ang pagkabaon dito, ang pagkakaiba ng mga pangangailangan at kagustuhan lang (needs vs wants), assets at liabilities, insurance, taxes, at iba pa.

Ang aral dito sa article na ito ay tungkol naman sa kung paano mo dapat gamitin ang iba mo pang pera. Matapos mag-ipon at mag-invest, paano mo magagamit ng mabuti ang natitira mong pera sa sweldo.

Paano Gumaling sa Paggamit ng Pera

Kung may panahon ka, tignan mo ang mga kagamitan mo ngayon. Ang iyong lagayan ng mga damit, iyong mga kagamitan sa aparador, mga sapatos, appliances, mga gamit mo sa garahe o sa kwartong tinatambakan niyo, at iba pa. Malamang makakahanap ka ng mga kagamitan na ginastusan mo ng marami… pero hindi naman ginamit madalas. Yung iba, malamang binili mo nang hindi pinagplanuhan, ginamit iilang beses, tapos iniwan lang sa tabi hanggang ito’y tuluyan nang masira.

Sayang ang perang iyon, lalo na pag hindi mo naman sila kinailangan at binili mo sila nang hindi pinag-isipan.

Kung hindi mo napansin, mas malala pa pala ang sitwasyon. Ang mga nahanap mo ay ang mga bagay na nasa iyo pa. Malamang hindi mo na maaalala ang iba pang gamit na itinapon mo na. Mga mamahaling consumables na isahang gamit lang tulad ng sobrang mahal na alak, perang naubos sa kakapasyal o sugal, at iba pa.

Paano mo mapipigilan ang pagsasayang ng pera tulad nito? Paano mo mapipigilan ang sarili mo sa pagaaksaya ng pera sa mga kagamitang hindi sulit? Simple lang. Itanong mo sa sarili mo ito kapag nakahawak ka ng perang nais mong gastusin:

Ano ang makapagbibigay sa akin ng pinakamaraming benepisyo sa matagal na panahon?


Paano ko ginamit itong aral na ito:

Dati nakatanggap ako ng kaunting perang hindi ko pa pala nawiwithdraw mula sa isa sa aking investment accounts (na hindi ko na pwedeng ireinvest). Matapos mag-ipon ng kaunti para sa retirement at sa mga emergencies, may natira pa akong salapi. Doon ko naalala ang isang mahalagang aral mula sa librong Money and Sense na isinulat nina Dan Ariely at Jeff Kreisler.

“Opportunity costs are what we SHOULD think about as we make financial decisions. We should consider the alternatives we are giving up by choosing to spend money now. But we don’t think about opportunity costs enough or even at all. That’s our biggest money mistake and the reason we make many other mistakes.

(Pagsasalin: Ang opportunity costs ay ang DAPAT nating pag-isipan kapag magdedesisyon tayo tungkol sa pera. Kailangan nating pag-isipan ang mga alternatibong hindi natin makakamit kapag pinili nating gastusin ang pera ngayon. Pero madalas hindi natin naiisip ang mga opportunity costs [oportunidad na iniiwan natin], o hindi talaga natin ito naiisip. Ito ang pinakamalalang pagkakamali natin tungkol sa pera at ang dahilan kung bakit marami tayong nagagawang ibang pagkakamali.)

Tuwing naiisip nating gastusin ang pera natin sa isang bagay, hindi natin naiisip ang iba pang mas mabuting pwede nating paggamitan ng perang iyon.

Halimbawa, kung nakita natin na ang magandang shirt o blouse na nagustuhan natin ay naka-SALE, at mayroon naman tayong pera sa pitaka natin para mabili iyon, ang “desisyon” lang sa isipan natin ay kung bibilhin natin iyon ngayon, bibilhin ito sa ibang panahon, o kung hindi natin ito bibilhin.

Bihira natin pag-isipan ang mga alternatibo: Investments, retirement, tuition o pangmatrikula para sa mga anak, pantalon, sports equipment, gym membership, pambayad sa SSS, pambayad sa utang natin sa ating kaibigan/katrabaho/pinsan, bagong piesa para sa ating computer, bagong cellphone, at iba pa. Ang “desisyong” naiisip lang natin ay kung bibilhin ba natin ang shirt na gusto natin o hindi.

Kung tayo ay natutukso talaga, pwede nating mabili iyon kahit hindi naman natin ito kailangan. Pwede ngang maganda nga talaga iyong shirt na iyon, pero pwede sana nating magamit ang perang iyon sa iba pang mas mabuting bagay.

Nararanasan natin ang ganoong sitwasyon. Para makaiwas sa pagaaksaya ng pera, kailangan mong itanong sa sarili mo:

Sa perang naiisip kong gastusin ngayon, ano ang magbibigay ng pinakamaraming benepisyo sa matagal na panahon?


Noong mayroon akong extra na pera, marami akong pinag-isipan:

  • Pwede kong idagdag ito sa retirement, SSS, atbp., pero nagawa ko na iyon. May mga bagay akong pwedeng makuha ngayon na makabubuti nang husto sa buhay ko ngayon.
  • Wala naman akong utang kaya hindi ko kailangang alalahanin iyon.
  • Pwede akong bumili ng mga bagong libro tungkol sa investing at self-improvement, pero kailangan ko pang balikan ang mga dati ko nang nabasa.
  • Pwede akong bumili ng mga bagong damit, pero sapat na ang laman ng aking aparador at sisikip lang ito kung bumili ako ng mga bago. Hindi ko na rin naman kailangang lumuwas nang ganoon kadalas.
  • Pwede rin akong bumili ng hiking gear tulad ng trekking poles para hindi sumakit ang aking tuhod at mabawasan ang pagkakataong ako ay mapinsala, pero hindi naman ako ganoon kadalas mag-hike sa bundok para mangailangan noon ngayon.
  • Pwede akong bumili ng bagong sapatos, pero sapat naman na ang aking waterproof leather at waterproof hiking shoes.
  • Pwede akong bumili ng bagong kagamitan para sa pagluluto tulad ng isang cast-iron na pan o isang Kiritsuke knife, pero hindi naman ako ganoon kadalas magluto para gumastos ng ganoon/
  • Ang iba pang kagamitan tulad ng health at outdoors equipment ay pinagisipan ko rin, pero hindi ko naman sila kailangan ngayon.

Itinanong ko uli sa sarili ko kung ano ang makapagbibigay sa akin ng pinakamaraming benepisyo.

Sa huli, naalala ko ang isang bagay na ginusto ko, at alam kong gagamitin ko ito araw-araw sa maraming taon. Dahil hindi ako makatulog nang maayos sa aking lumang luma na unan, nagdesisyon akong bumili ng bago. Isang latex cervical pillow. Sa panahong iyon, iyon ang isa sa pinakamabuting pwede kong paggamitan ng pera, at hanggang ngayon sulit pa rin para sa aking ang nabili ko.


Ikaw naman:

Baka naiisip mong hindi naman tama ang halimbawa ko dahil hindi naman sulit PARA SA IYO ang pagbili ng bagong unan, pero ito ay mainam para sa akin. Tandaan, magkaiba ang buhay nating dalawa. Sa tanong na ano ang makapagbibigay sa atin ng pinakamalaking benepisyo, may napakalaking pagkakaiba sa ating mga pangangailangan at kagustuhan.

Isipin mo ito.

  • Hindi sulit para sa atin ang pagbili ng isang kahon ng insulin shots, pero para sa isang diabetic ito ay napakahalaga.
  • Hindi sulit para sa atin ang pagbili ng isang dosenang lata ng infant formula o gatas para sa bata, pero para sa isang magulang na may sanggol ito ay pangangailangan.
  • Hindi sulit para sa atin ang bumili ng isang pares ng climbing shoes na higit sa P15,000 ang halaga, pero para sa isang mountaineer o mountain guide, nakataya ang buhay niya sa mga kagamitan nila tulad nito.
  • Hindi sulit para sa atin ang bumili ng mamahaling videogame, pero para sa isang streamer sa Twitch na kumikita mula sa viewer donations, subscribers, at sponsorships, ito ay kanilang hanapbuhay.

Pwede nga namang magbago ang sitwasyon kapag tayo ay diabetic, may bagong anak, mountaineer, o videogame streamers, pero malamang naintindihan mo na ang punto.

Tandaan, ito ay PAGKATAPOS nating magipon muna para sa investments, retirement, emergencies, utang, at iba pa. Kung gusto mong tumigil sa pagaaksaya ng pera, kailangan itanong mo ito sa sarili mo bago mo ito gastusin.

Ano ang magbibigay sa akin ng pinakamaraming o pinakamalaking benepisyo sa matagal na panahon?

Oo nga pala, ito pa ang isang payo. Hindi mo rin naman kailangan gamitin agad ang pera ngayon! Pwede mo ring itago ito sa isang emergency/opportunity, investment, o retirement fund hanggang makahanap ka ng pinakamainam na gamit para dito.


O siya, dito na muna tayo magtatapos. Sana nagustuhan mo ang aral dito sa article na ito! Hanggang sa muli!

Oo nga pala. Kung gusto mong matuto ng iba pang mabubuting aral, iclick mo lang ang mga link sa ibaba!

Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.