X

Ang Sikreto ng mga Matagumpay: Pagplano at Pag-iisip para sa Kinabukasan

English Version (Click Here)

Pwede kang mabuhay ng matagumpay, o pwede kang mabuhay ng walang katuturan. Paano mo malalaman kung alin ang iyong makakamit? Ito ang isang paraan: Kapag mas-malayo sa hinaharap ang pinag-iisipan o pinagplaplanuhan mo, malamang magiging matagumpay ka.

Marami sa atin ang iniisip na edukasyon, pagiging anak-mayaman, talino, atbp. lamang ang nagbibigay-tagumpay, pero ayon sa research ni Dr. Edward Banfield, hindi iyon totoo. Matapos pag-aralan ang napakaraming matagumpay o mayaman na tao, nakita niya na ang pinakamahalagang bagay ay ang isang paraan ng pag-iisip: Ang mga matagumpay sa buhay ay may mas-matagal na “time perspective.” (Mainam na basahin mo ang BrianTracy.com Article na ito)

Ano nga ba iyon? Simple lang: Ang mga nagtatagumpay sa buhay ay nag-iisip tungkol sa kanilang kinabukasan. Pinag-iisipan nila ang kapalaran nila sa bawat desisyon at planong ginagawa nila, habang ang mga hindi successful ay nag-iisip lang tungkol sa panandaliang katuwaan at nakakalimutan nila ang mga negatibong epekto ng kanilang mga ginagawa.

Ang Pag-iisip tungkol sa madaling panahon lang ay nagdadala ng pagkabigo

Sabi nga ni Brian Tracy, sa pinakamabababang levels ng lipunan, ang mga taong kagaya ng mga lasingero at drug addict ay nag-iisip lang tungkol sa madaling panahon at katuwaan. Ang nasa isipan at mga layunin nila ay tungkol lamang sa susunod na inuman o “shot” ng droga.

Isa pang halimbawa ay ibang pinakamahirap sa bansa. Dahil napakasama ng kondisyon nila sa buhay, ang naiisip lang nila ay “survival” at hindi na nila naiisip ang mga paraan kung paano umahon mula sa kahirapan.

May isa pa akong halimbawa na mas-madaling makita sa opisina. Maraming trabahador at empleyado ay nag-iisip lang tungkol sa susunod na sahod, at kapag nakuha na nila ito iniisip naman nila kung saan ito gagastusin. Sa trabaho, ginagawa lang nila ang pinakakaunting kailangan para hindi sila matanggal sa trabaho at nakakalimutan nilang pag-isipan ang kailangan nilang gawin para umasenso.

Ang mga hindi nagplaplano, hindi alam na pinaplano nilang mabigo.

Marami ang nabubuhay na nagrereact lang sa problema kaya wala silang nakakamit na mabuti buong buhay nila.

 

Siya nga pala, mayroon din isang lugar kung saan nagplaplano at nag-iisip ng mabuti ang mga pinakamahirap sa bansa: Ang edukasyon ng kanilang mga anak. Nagsisikap sila araw-araw para siguraduhing mag-graduate at magkaroon ng mabuting trabaho ang mga anak nila, at marami sa kanila ang nagtatagumpay doon.

Paano naman yung ibang nagplaplano ng ibang bagay sa buhay? Ang mga gumagawa at nagsisikap para sa magagandang pangarap? Hindi sila nananatiling mahirap.

 

 

Ang mga Matagumpay ay Nag-iisip tungkol sa kanilang kinabukasan

Ang mga nagtatagumpay sa buhay ay may nakatakdang pangarap o layunin at pinag-iisipan nila palagi ang kanilang kinabukasan kapag sila ay nagdedesisyon. Ginagawa nila ang mga bagay na nagbibigay ng mabubuting resulta at iniiwasan nila ang mga bagay na nakakasama.

Kaysa ubusin nila ang kinikita nila, nag-iinvest sila sa mga bagay na kumikita ng pera.

Kaysa ubusin nila ang oras nila sa katuwaan (TV, mobile games, Facebook/social media, internet videos, atbp.), ginagamit nila ang oras nila para pag-aralan ang mga mabubuting libro, inaalagaan nila ang kalusugan nila, pinapalago nila ang negosyo nila, at marami pang iba.

Pinagplaplanuhan nila ang career nila, tumatanggap sila ng iba-ibang trabaho o duties para makakuha ng mahahalagang skills, at nagsisikap sila para maging mahalaga sila sa kumpanya (kaya mas-madali silang i-promote).

Sila ang mga nangangarap ng mabuti, nagplaplano para sa kinabukasan, at unti-unting nagsisikap para sa kanilang mga pangarap. Ginagawa nila ito araw-araw at minu-minuto, kahit tinatamad sila, at iyon ang dahilan kung bakit sila ay nagtatagumpay.

 

Ano ang Pinag-iisipan mo palagi?

Ano ang papanoorin sa TV mamaya? Ang game sa cellphone mo? Gaano pa katagal bago uwian?

Ilang araw pa bago mag-weekend? Saan makakahiram ng pera para sa gadget na gusto mong bilhin? Paano mabubuhay hanggang sa susunod na sweldo?

Anong insurance ang kailangang bilhin? Magkano ang kailangang ipunin para sa emergency fund? Anong asset ang kailangan mong bilhin para kumita ka pa ng husto?

Pinag-iisipan mo ba kung paano umasenso sa career mo? Ano ang kailangan mong matutunan para tumaas ang iyong kinikita? Anong negosyo ang kailangan mong simulan?

Naisip mo na bang magsimula o magpalaki ng iyong negosyo? Pinag-iisipan mo ba kung paano ito aasenso? Pinaplano mo ba kung mag-eexpand ka sa buong bansa o maging international?

Ang mga nag-iisip tungkol sa kanilang kinabukasan kapag nagplaplano at nagdedesisyon ay ang mga madalas maging matagumpay. Ano ang pinag-iisipan mo araw-araw? Pinag-iisipan mo ba ang kinabukasan mo?

Ano na ang nakamit mo 20 o 30 years mula ngayon? Ano ang mga nakamit mo kapag 65 o 70 years old ka na? Ano na ang gagawin mo kapag tapos ka nang magtrabaho? Ano ang mga ipapamana mo sa mga anak at apo mo? Paano mo sisiguraduhin na mabubuhay sila ng maayos kahit wala ka na?

Ano ang iiwan mo sa mundo kapag sumakabilang buhay ka na?

“Baguhin mo ang iniisip mo, at mababago mo ang kapalaran mo.”

– Joseph Murphy

Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.

View Comments (0)