English Version (Click Here)
*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
Sa isang punto ng iyong career, malamang ipropromote ka sa isang posisyon ng pamumuno. Bukod pa doon, kung nagtayo ka ng sarili mong negosyo, kakailanganin mo talagang mamuno sa iyong kumpanya. Kapag naging leader o pinuno ka, magiging responsable ka sa napakaraming bagay at ang tagumpay o pagpalya ng iyong organisasyon ay nakasalalay sa kung gaano ka kagaling mamuno ng ibang tao.
Sa librong The Art of the Start: The Time-Tested, Battle-Hardened Guide for Anyone Starting Anything ni Guy Kawasaki, sinabi ng may-akda nito na ang mabubuting leaders o pinuno ay hindi nagaalangan sa paggamit nitong apat na parirala o phrases na ito: “I don’t know” (hindi ko alam), “Thank you” (salamat), “Do what you think is right” (gawin mo ang sa tingin mo ay tama), at “It’s my fault” (kasalanan ko ito). Kahit hindi ito ipinaliwanag nang husto ni Guy, ito ay itinuro din naman ng ibang mga leader. Bakit napakahalaga nitong apat na kasabihang ito? Eto ang dahilan kung bakit…
Mga Sinasabi ng Mabubuting Leaders: Apat na Parirala ng Mga Leaders na Dapat Mong Matutunan
-
-
“I don’t know.” (Hindi ko alam.)
-
Tanong ni T. Harv Eker: Ano ang tatlong pinakamapahamak na salita sa ingles?
Answer: “I know that.” (Alam ko na yan.)
Sa libro niyang Secrets of the Millionaire Mind, itinuro ni T. Harv Eker na ang mga matagumpay na tao ay patuloy na nagaaral o natututo (hindi lang sa iskwelahan). Sa kabilang dako naman, ang mga talunan sa buhay ay nagkukunwaring “alam na nila” ang lahat ng kailangan nilang malaman. Bilang isang pinuno, kailangan humble o mapagpakumbaba ka at dapat tanggapin mo na hindi mo alam ang lahat ng bagay. Malamang, mas may alam ang iba kaysa sa iyo.
Kung nagkukunwari kang alam mo ang lahat dahil sa pride o kayabangan, sa pagdaan ng panahon makakagawa ka ng mga napakalubhang pagkakamali dahil dito. Ang napakaraming pagkakamali na iyon ay pwedeng maiwasan kung pinakikinggan mo ang mga taong mas nakakaalam kaysa sayo, tulad ng iyong mga empleyado, katrabaho, at boss na direktang nasa aksyon at sa mga taong mas nakakaalam sa sitwasyon.
Iilang pagkakamaling ganito lang ang kailangan mo bago maglaho ang kredibilidad mo sa mga taong kailangan mong pamunuan. Isipin mo na lang ito. Pakikinggan mo ba ang boss na hindi alam ang tunay na nangyayari sa negosyo niyo at hindi ka pakikinggan kapag may mahalaga kang sasabihin? Malamang hindi, kaya iwasan mong maging ganoon na boss at dapat mapagpakumbaba ka at tanggapin mo kapag may mga hindi ka alam.
Ito rin ang dahilan kung bakit ang mga leader ay pinagsasabihan na dapat kumuha sila ng mga tauhang mas magaling kaysa sa kanila. Isipin mo na lang ang isang restaurant manager na kumukuha ng chef na hindi kasing galing niyang magluto at waiters na hindi niya kasing galing sa paglilingkod sa mga customers. Malamang hindi magiging maganda ang pagtakbo ng restaurant na iyon.
-
“Thank you.” (Salamat)
Gusto mong kamuhian ka ng iyong mga katrabaho at empleyado? Sabihin mong ikaw ang may gawa ng mga proyekto nila at huwag mong papasalamatan ang mga ginawa nila. Sa kabilang dako naman, ang isang simple pero epektibong paraan para imotivate ang mga tao ay ang pagpapasalamat sa kanilang mga nagawang mabuti.
Sabi ni Jack Welch, ang dating CEO ng General Electric at may-akda ng librong Winning, “leaders also establish trust by giving credit where credit is due. They never score off their own people by stealing an idea and claiming it as their own.” Ang mga leader o pinuno ay nagpapalaganap ng tiwala sa pagbibigay ng karangalan kung saan ito nararapat. Hindi nila iniisahan ang ibang tao sa pagnanakaw ng mga idea ng iba at pagsabing sila ang nakaisip nito.
Habang masarap isipin na nakamit natin ang ating pangkasalukuyang antas ng pag-asenso dahil sa sarili nating pagsisikap, sa katotohanan, nakamit natin ang kalagayan natin ngayon dahil din sa tulong ng ibang tao. Habang hindi ko maalala kung saan ko narinig itong aral na ito (at hindi ko rin mahanap sa Google), kailangan alalahanin natin itong aral na ito kung gusto nating mamuno nang mabuti: ang mga matatagumpay na leader ay nagtatagumpay dahil ginusto ito ng maraming tao.
-
“Do what you think is right.” (Gawin mo ang sa tingin mo ay tama.)
“The best executive is the one who has sense enough to pick good men to do what he wants done, and self-restraint to keep from meddling while they do it”, sabi ni Theodore Roosevelt, ang ika-26 na presidente ng United States. Ang pinakamabuting executive ay alam pumili ng mga mabubuting tao para gawin ang mga kailangan niyang ipagawa, at may kontrol sila sa sarili para hindi nila abalahin ang mga tao habang ginagawa nila ang mga dapat gawin.
Iilan nga ba sa atin ang ayaw magdelegate o magbigay ng trabaho sa iba dahil sa tingin natin tayo lang ang makakagawa nito nang “tama”? Iyon ay isang bagay na dapat mo nang kalimutan.
Sa “Redefine time” lesson ng The Success Principles ni Jack Canfield, itinuro niya na dapat magbigay ka ng panahon o ilang “free days” para sa sarili mo kung saan hindi ka pwedeng abalahin ng mga katrabaho mo kung walang tunay na emergency o pahamak. Bigyan mo ng sapat na training o karunungan at responsibilidad ang mga tao mo para magawa nila ang mga dapat gawin kahit wala ka roon. Kapag ginawa mo iyon, sila’y magiging mas mahusay, mas confident, at mas may tiwala sa kanilang mga sariling kakayahan.
Bilang mga leader, gusto nating gumaling ang mga tao natin at maging leader din sila. Pwede nating simulan ang prosesong iyon sa pagbibigay sa kanila ng sapat na training, duties, at responsibilidad, pati na rin kalayaan para gawin nila ang mga dapat nilang gawin.
-
“It’s my fault.” (Kasalanan ko ito.)
Ito ay isa pang aral mula kay Jack Welch. Itinuro niya na “in bad times, leaders take responsibility for what’s gone wrong.” Sa mga masasamang panahon, kinukuha ng mga leaders ang responsibilidad sa mga nangyaring masama.
Kahit palagi tayong makakahanap ng palusot at pwede nating sisihin ang ibang tao o ibang bagay sa ating mga pagkakamali, hindi natin ito dapat makasanayang gawin kung gusto nating gumaling sa pamumuno. Ang paninisi ng iba ay madaling makabawas ng tiwala at kabutihang loob. Sino nga naman ang susuporta sa mga taong ibabackstab sila at maninisi ng problema sa kanila diba?
Kung pangarap nating magtagumpay, kailangan nating maging responsable para sa ating mga resulta. Kailangan iresolba natin ang mga problema sa paglitaw pa lamang nila kahit ibang tao ang may kasalanan, kailangan nating matuto mula rito upang pigilan ang mga darating na pahamak, at kailangan nating maging responsable sa paggawa ng mga kailangang gawin, ito man ay gawain natin o gawain ng mga pinamumunuan natin.
Kung pangarap nating maging mabuting leader o pinuno…
Kailangan mapagpakumbaba tayo at dapat nating bigyan ng karangalan ang kaalaman, pagsisikap, at karunungan ng iba…
Kailangan nating magpasalamat sa tulong ng iba…
Kailangan nating magtiwala sa ibang tao at hayaan silang gawin ang mga dapat nilang gawin nang hindi natin inaabala…
…at kailangan nating kunin ang responsibilidad kapag may pagkakamali.
Ang pamumuno ay isang napakalawak na bagay na kakailanganin natin ng buong buhay para matutunan nang husto. Sa ngayon, ang magagawa muna natin ay matutunan ito sa paisa-isang aral.
Dito muna tayo magtatapos. Kung gusto mong matuto pa, basahin mo lang ang iba naming leadership at management articles dito:
- Management and Leadership Skills: Ilang aral para sa Career Success
- Limang Mahalagang Aral Tungkol sa Leadership na Kailangan mong Matutunan
- Mayroon ka bang Leadership Habit?