English Version (Click Here)
Isang mahalagang katotohanan sa buhay ang katotohanan na ang pinagiisipan natin ay magiging basehan ng ating kinabukasan. Tandaan, gumagalaw tayo ayon sa ating mga pinagiisipan at pinagpupusukan, at ang mga aksyong ginagawa natin ay mayroong mabuti o masamang kahihinatnan. Halimbawa, kung seryoso mong pinagiisipan na magnakaw ng mamahaling cellphone o gadget, makukulong ka at sisirain mo ang iyong kinabukasan. Sa kabilang dako naman, kung pinag-isipan mong magtayo ng sarili mong negosyo o magsikap sa iyong career, edi maaaring umasenso ka kapag inaksyonan mo ang mga pinagiisipan mong iyon.
Babala: Bago natin ituloy ang article na ito, kailangan ko munang klaruhin ang isang bagay. Sa article na ito, ang pagiging “victim” ay hindi tungkol sa mga tunay na biktima ng pangaabuso (emosyonal, pisikal, o sekswal). Ito’y tungkol sa negatibong mindset na puro paghahanap ng palusot, pagsuko, at pagbibitiw kapag may hinaharap tayong mga pagsubok sa buhay. Ang pagiging “victor” naman ay ang positibong mindset kung saan nagpupursigi tayo sa halip ng napakaraming hadlang sa buhay, at ang patuloy na paghahanap ng solusyon hanggang makamit natin ang tagumpay.
May pagkakaiba ang pagkakaroon ng “victim” mentality at “victor” mentality. Alam mo ba kung alin ang meron ka?
Ang Halaga ng mga Pinagiisipan: Isa ka bang “Victim” o “Victor” sa Buhay?
Negative vs. positive self-talk
Negatibo o positibong pakikitungo sa sarili.
Sabi nga ni Henry Ford, “Whether you think you can, or you think you can’t – you’re right.” Isipin mong kaya mo, o isipin mong hindi mo kaya – TAMA KA. Kung pinahina mo ang loob mo bago mo simulan ang isang marangal na gawain, edi sinisigurado mong papalya ka. Isipin mo isang araw natipuan mong tumakbo sa isang marathon dahil nainspire ka ng isang palabas sa TV o kwento sa internet. Kung sinabi mo sa sarili mo na “hindi ko ito kaya, masyado itong mahirap”, edi malamang talo ka na. Hindi ka man lang lalabas ng bahay para subukang tumakbo at malamang sasayangin mo na lang ang oras mo sa panonood ng TV o pagbrowse sa internet.
Sa kabilang dako naman, kung sinabi mo sa sarili mo na “mukhang ok iyon ah! Baka pwede kong subukan!”, edi baka totoo ngang subukan mo ito. Pwede mong simulang magjogging sa labas tuwing weekend, at kung ginusto mo, tuwing umaga. Kung gusto mo talagang makatapos ng isang marathon, baka magtraining ka nang husto para sumali sa una mong official event at subukang kumpletuhin ang buong 42.2 kilometro. Kahit pumalya ka sa unang beses, ipapagpatuloy mo ang iyong training hanggang lumakas nang husto ang iyong katawan at sa wakas ay matapos mo ang marathon.
Magtatagumpay ka sa layuning iyon dahil sa simula pa lang inisip mo na kaya mo, at pinagtiyagaan mo siya.
Paano mo kinakausap ang sarili mo kapag may naisipan kang gawin? Ikaw ba ay ang pinakamagaling na coach ng iyong sarili, o baka hater ka lang?
Focusing on the negatives vs. focusing on the positives
Pagpansin sa negatibo lang, o sa positibo.
Tulad ng pag-exercise o pagsipilyo tuwing umaga, ang ating mga pinagiisipan ay magiging habits din. Kung madalas mong pinagiisipan ang isang bagay tulad ng mga problema sa opisina, tsismis tungkol sa mga paborito mong artista, o problema sa pera, pupunuin ng mga bagay na iyon ang isipan mo araw araw.
Sa kasamaang palad, limitado ang mga bagay na pwede nating pagisipan sa ilang oras araw araw kung kailan tayo ay gising. Kung puro negatibo lang ang iniisip natin, edi hindi na nating pwedeng isiksik pa ang mga positibo. Hindi na natin maisip ang mga mabubuting bagay tulad ng pagpapabuti ng ating mga relationships, pagsisikap sa mga layunin natin sa buhay, paghahanap ng mga solusyon sa problema, pagsisikap para mapigilan ang mga darating na problema, at marami pang iba.
Tandaan natin ang isang payo mula sa Biblia (Philippians 4:8): “Finally, brothers, whatever is true, whatever is noble, whatever is right, whatever is pure, whatever is lovely, whatever is admirable–if anything is excellent or praiseworthy–think about such things.”
(Pagsasalin sa Tagalog: Sa huli, mga kapatid, kung ano man ang makatotohanan, marangal, matuwid, dalisay, maganda, kahanga-hanga–kung anong bagay ay napakabuti at kapuri-puri–ito ang pagisipan natin.)
Pagtuonan mo ng pansin ang mga mabubuting bagay sa iyong buhay, at ang mga iyon ang iyong mga makakamit: mga biyaya at oportunidad.
Resenting facts vs. accepting limitations
Pagdamdam sa mga bagay na hindi natin kayang baguhin, o pagtanggap sa ating mga limitasyon.
Sayang naman at hindi ako matangkad. 5’3″ o 1.6 meters lang ako. Hindi rin ako ganoon kalakas o katalino, at hindi rin ako ganoon ka gwapo kagaya ng mga artista na sina Chris Evans o Ryan Reynolds. Sa ngayon, hindi pa rin ako milyonaryo.
Kailangan nating harapin ang katotohanan. Wala sa atin ang ipinanganak na perpekto at malamang hindi tayo ang pinakamaganda, pinakagwapo, pinakamatalino, o pinakamayayamang tao sa buong kalawakan. Eto ang kailangan nating alalahanin. Dapat ba tayong madismaya dahil doon? Dapat bang gamitin natin iyon na palusot para sa lahat ng ating mga kapalpakan sa buhay? Hindi.
May mga bagay nga na hindi natin mababago… pero napakarami ring bagay ang PWEDE nating baguhin, tulad ng ating mga pinagiisipan at ang ating mga gawain. Ang mga limitasyon ng ating katawan ay maaari ngang magdulot ng napakaraming problema at pwede itong maging seryosong hadlang sa pagkamit ng ilang bagay, pero ang ating mga pinagiisipan, salita, at gawa ang may mas mahalagang epekto sa ating kinabukasan kumpara sa ating hitsura at pisikal na kakayahan.
(Ang ating kasalukuyang kalagayan ay hindi basehan ng ating patutunguhan. Ito’y simula lamang.)
Blaming circumstances vs. taking responsibility
Ikamuhi ang ating kalagayan, o maging responsable para sa ating kinabukasan.
Kakaunti lang sa atin ang ipinanganak sa pinakamabuting kalagayan sa buhay kung saan mayroon tayong mayaman at mapagmahal na mga magulang, mabubuting kaibigan at kamag-anak, at napakagagandang oportunidad sa paligid natin. Madalas, ordinaryo lang ang ating mga magulang, trabaho, at buhay at nakadikit dito ang mga pangkaraniwang problema sa buhay. Iyon ang mga problemang mas madaling malulunasan kapag may mas marami tayong pera, mas mabubuting mga kaibigan at kapamilya, at mas maayos na oportunidad.
Napakadaling gamiting dahilan ang ating mga pinoproblema at ang ating ordinaryong katayuan sa buhay para sa ating kakulangan at hindi pag-asenso. Napakadaling gawin lang ang lahat ng mga itinuro sa atin noong bata pa tayo, ipagpatuloy ang mga nakasanayan nating gawin, at makamit ang mga bagay na palagi nating nakakamit.
Gayunpaman, kailangan nating maalala na may mga bagay na pwede nating ibahin. Hindi natin dapat hayaang hadlangan tayo ng ating nakaraan. Kailangan nating kuhanin ang responsibilidad para sa ating buhay. Huwag na nating isisi sa ating mga magulang at masasamang karanasan ang mga problema natin sa kasalukuyan.
Moping around vs. attempting to change or improve
Magluksa lamang at madismaya, o subukang pagbutihin ang sarili.
Mabuting humingi tayo ng tulong kapag kinakailangan, pero ibang usapan na iyon kapag nagpapapansin ka lang at nanghihingi ng simpatya para sa iyong mga problema. Ang mga taong hindi matagumpay ay mahilig magreklamo tungkol sa kanilang mga sakit sa katawan, problema sa pera, masasamang relationships, at iba pa, at marami silang nahahanap na taong katulad nila na makikinig at makikisabay rin sa pagrereklamo.
Sa kasamaang palad, ang mga taong puro pagrereklamo lang ang inaatupag ay walang nakakamit. Mananatili ang mga problema natin (at madalas lalala pa) kung hindi natin ito susubukang baguhin at ayusin. Mananatiling masama ang kalusugan natin kung hindi tayo mageexercise at kakain ng masustansyang pagkain, magkakaproblema tayo sa pera kung hindi tayo magsisikap sa ating trabaho o negosyo at kung hindi natin aayusin ang ating mga bisyo, at mananatiling masama ang mga relationships natin kung hindi natin iiwasan ang mga toxic na tao at kung hindi tayo maghahanap ng mga kaibigang mas makabubuti para sa atin. Hindi rin magbabago at gaganda ang mundo natin kung palagi tayong magpapauto sa mga mapagsinungaling at nagtatapang-tapangan na pulitiko.
Ayos lang na malungkot paminsan minsan. Lahat tayo nagkakaproblema, pero kung magrereklamo lang tayo at wala tayong gagawin, edi walang mangyayari sa atin. Walang mabuting pagbabago ang magaganap, at patuloy lang tayong magdurusa.
Complaining vs. committing to act
Pagrereklamo lang, o paggawa ng tunay na aksyon.
Kung inuubos mo ang oras mo sa paninisi at pagrereklamo at kung ang palagi mong iniisip ay ang mga bagay na kinamumuhian mo, mawawalan ka ng oras para magpasalamat sa mga biyaya at oportunidad na mayroon ka sa buhay. Kung makahanap ka ng mga bagay na gusto mong ireklamo, pag-isipan mo ang mga bagay na pwede mong gawin tungkol dito.
Kung hindi mo mababago ang isang bagay, pag-isipan mo kung paano mo ito magagamit. Maraming produkto at negosyo ang nilikha dahil sa mga hindi natin magawa. Hindi makalipad ang mga tao? Lumikha tayo ng mga eroplano. Hindi natin makausap agad ang ibang tao sa malalayong lugar? Lumikha tayo ng telepono.
Sa iba pang mga bagay na hindi natin kayang baguhin, pwede naman natin silang hindi pansinin. Wala naman sa atin ang nagrereklamo dahil nahuhulog ang mga bagay dahil sa law of gravity diba? Tinatanggap lang natin ito sa buhay.
Oo nga pala, mag-ingat ka sa mga taong mahilig magreklamo. Pwede nilang pahinain ang iyong pokus sa buhay at hihilahin ka nila pababa. Kung napapadalas kang makinig sa kanila, mas lalo mong sinusuportahan ang paglaki ng kanilang mga problema at kapalpakan sa buhay. Hindi mo sila natutulungan. Pinapalala mo lang ang kalagayan nila.
Hanging out with complainers vs. working with other successes
Pakikisama sa mga reklamador, o magsikap kasama ng ibang dalubhasa.
Sabi dati ni Jim Rohn, “we are the average of the five people we hang out with the most”. Tayo ang average o katampatan ng limang taong pinakamadalas nating kasama. Kahit naiiba ang lebel ito sa bawat tao, ang mga kaibigan at kamag-anak na palagi nating kinakasama ay higit na nakakaimpluwensiya sa ating mga pinag-iisipan at ginagawa sa buhay.
Kung palagi tayong nakikisama sa mga lasinggero, magiging lasinggero rin tayo. Kung nakikisama tayo sa mga mahilig mag-exercise, malamang magugustuhan din nating mag-exercise. Kung nakikisama tayo sa mga taong pinupuna tayo kapag nangarap tayong gumawa ng mga marangal na bagay tulad ng pagbabago ng career, pagsimula ng bagong negosyo, maging mas-healthy, atbp., edi hindi tayo aasenso. Para lang silang mga talangka na hinihila tayo pababa. Sa kabilang dako naman, kung nakikisama tayo sa mga taong nagpapalakas ng ating loob kapag gagawa tayo ng mabubuting bagay (dahil ginagawa rin nila ang mga ito), malamang magiging matagumpay rin tayo sa buhay katulad nila.
Piliin mong mabuti ang iyong mga kaibigan at iwasan mo ang mga kaibigan at kamag-anak na humihila sa iyo pababa. Mahalagang gawin mo ito para pagbutihin ang iyong kinabukasan.
Sa kabuoan, ang iyong mga pinag-iisipan ang pinakamahalagang bagay sa iyong buhay.
Ang mga bagay na palagi mong pinag-iisipan at ang mga bagay na nakasanayan mong gawin ay nakakaapekto hindi lang sa pagresponde mo sa mga problema sa buhay, pero naaapektuhan din nito ang pagplano mo sa iyong kinabukasan. Ang lahat ng bagay ay may mga kahihinatnan, at habang ipinagpapatuloy mo ang mga nakasanayan mong isipin, padagdag nang padagdag ang epekto ng mga ito sa buhay mo. Kung mabuti o masama ang kahihinatnan ng lahat ng ito, ikaw na ang bahala diyan.
Kailangan mong alalahanin na dapat mong piliing mabuti ang iyong mga pinag-iisipan. Sa ganoong paraan, pipiliin at at kokontrolin mo ang iyong kinabukasan.
View Comments (0)