English Version (Click Here)
Sa pagluluto, ang mga pinakamagagaling na chef ay sumusunod sa konseptong “mise en place” (lahat nasa tamang lugar). Ibig sabihin noon, kailangan naintindihan mo na ang mga instructions o tagubilin sa pagluluto at inihanda mo na ang lahat ng sangkap bago ka magsimula. Kung hindi mo siniguradong ihanda ang lahat ng kailangan, ang mga nakalimutan mong gawin, tulad ng paghanda ng grated cheese o pagsukat ng kalahating tasa ng sauce, ay pwedeng makasira sa lasa ng iyong niluluto. Ang konseptong ito ay pwede mo ring gamitin sa pagtatayo ng negosyo. Kailangang planado mo na ang lahat para makita mo ang mga bagay na pwedeng pagmulan ng problema at iresolba mo sila bago ka magsimula. Ililista mo rin ang mga gawaing kailangan mong tapusin para mas mataas ang pagkakataong magtagumpay ang iyong negosyo.
Bukod sa paghahanda para sa mga problemang pwedeng harapin, kapag nangangailangan ka ng loans sa bangko o kailangan mo ng investors na magbibigay ng kapital para sa iyong negosyo, malamang kakailanganin muna nilang makita ang iyong business plan. Isipin mo lang, kung may nanghihingi sa iyo ng sampung libong dolyar (halos P500,000), ang negosyanteng alam ang gusto nilang simulan at alam din ang kailangan nilang gawin para magtagumpay ang negoyso ay mas nararapat bigyan ng pagkakataon kumpara sa isa na nanghuhula lang.
Kahit maraming ibang mas detalyadong business plan guides sa internet, ito naman ay naglalaman lang ng basics. Ang isa pang rason kung bakit isinulat ko ito ay dahil hindi ganoon karami ang mga guides na nakasulat sa Tagalog. Ganoon pa man, kapag kailangan mong magsimulang gumawa ng business plan, basahin mo lang ito para makita ang ilang kailangan mong pagisipan.
Paano Gumawa ng Business Plan
Executive summary
Madalas ito ang pinakaunang bahagi ng business plan pagkatapos ng title page. Ang executive summary ay naglalaman ng mga pangunahin at pinakamahalagang impormasyon tungkol sa iyong kumpanya.
- Ano ang ginagawa ng kumpanya mo?
- Ano ang iyong mga produkto o serbisyong binebenta?
- Ano ang mission statement ng kumpanya mo?
Ano ang iyong pinakamahalagang competitive advantages at disadvantages (mga ginagawa ninyo kung saan mas magaling kayo kumpara sa iba, at mga bagay na hindi mo nagagawa ng kasing husay nila) pati na rin operational strengths at weaknesses (mga nagagawa niyong mabuti sa negosyo at mga problema niyo sa pagpapatakbo ng negosyo)? Ang lahat ng iyong at iba pa ay dapat nakabuod sa bahaging ito.
Bukod pa roon, sabi ng iba kailangan mo ring pag usapan dito ang mga bagay na kailangan mo mula sa mga taong magbabasa ng iyong plan. Kapag kailangan mo ng investment dahil sa iba ibang bagay, pwede mo silang ilarawan dito. Siguraduhin mo lang na kaaya-aya ito para sa mga investors.
Isa pang payo na ibinibigay ng mga tao ay dapat mo raw isulat ang executive summary pagkatapos mong isulat ang iba pang bahagi ng iyong business plan. Kung mayroon ka nang klarong overview o pagtanaw ng iyong negosyo, saka ka lang makakapagsulat ng summary na magbubuod nito ng maayos.
Business or company description
Kailangan nakalagay dito ang mga pinakamahalagang detalye ng iyong industriya at kumpanya. Gaano kalaki ang iyong organisasyon? Saan kayo nakabase o nasaan ang opisina ninyo? Ano ang tunay na ginagawa ng iyong kumpanya? (i.e. manufacturing products, services and repairs, atbp.)
Kailangan mo ring ilagay dito ang pinakamagagandang impormasyon tungkol sa kumpanya niyo. Sabihin mo ang mga bagay kung saan magaling ang kumpanya nyo at kung anu anong bagay ang nakakatulong sa iyong negosyo, tulad ng mga competitive advantages, operational strengths, technological advantages, at iba pa.
Organization and management
Ano ang legal structure ng iyong kumpanya? (Sole proprietorship? Corporation?) Sino sino ang iyong pinakamatataas na executives at team members? Mayroon ba sa inyong may special skills o experience na mabuting makilala ng mga investors? May mga tauhan ka bang makatutulong ng husto sa iyong kumpanya upang magtagumpay?
Market strategy or market analysis
Pagusapan mo nang mabuti ang mga pangyayari sa iyong industriya at ang market na gusto mong pasukin. Maraming tao ba ang bibili ng mga produkto o serbisyo mo? Papatok ba ang negosyo mo sa kasalukuyang panahon? May mga bagong trends ka bang pwedeng gamitin? Mayroon din bang bagong developments o posibilidad na pwedeng magdulot ng masamang epekto sa iyong negosyo? Alin naman doon ang magagamit mo para lumakas ang posisyon ng iyong negosyo?
Anong klaseng tao (o organisasyon) ang nasa iyong target market (mga pagbebentahan mo)? Sinu sino ang iyong pinakamahahalaga mong customers? Sino ang mga taong bibili ng iyong produkto o gagamit ng iyong mga serbisyo?
Bago pa iyon, kailangan mo ring alamin kapag may malaking market para sa iyong produkto o serbisyo, at kung kaya nitong suportahan ang pangangailangan niyo. Kapag mali ang kalkulasyon mo dito, baka matulad ka sa mga kumpanyang nagbebenta dati ng segway at “hoverboards”. May maganda nga silang produkto, pero hindi naman pala ganoon kalaki ang market (walang masyadong bumibili).
Competitor analysis
Ang isang mahalagang business tip na natutunan ko ay mabuti kapag mayroon kang kompetisyon. Kapag may competitors ka na gumagawa ng produkto o serbisyong katulad ng iyo, ibig sabihin noon may market nga para sa produkto mo. May mga taong bumibili ng mga bagay na gusto mong gawin, at marami ang bumibili kaya may mga negosyong nabubuhay at lumalago dito.
Ang tanong naman ngayon, ano ang pwede mong matutunan mula sa iyong competitors? Ano ang ginagawa nila? May mga trends ba silang sinusundan o sinisimulan? Ano ang pagkakaiba mo sa kanila? Bakit ka naman pipiliin ng mga customers at hindi ang kakompetensya mo?
Products and services
Ilarawan mo ng mabuti ang mga produkto at serbisyong ibebenta mo. Ano ang mga ito at ano ang benepisyong naibibigay nila? Paano ito ginagawa? May mga kaparehong produkto ba sa market? Gaano kabuti ang iyong produkto kumpara sa iba? Bukod sa lahat, pag usapan mo kung bakit gugustuhin ng mga customers ang iyong produkto. Anong pangunahing benepisyo ang ibibigay ng iyong produkto o serbisyo sa ibang tao?
Marketing strategy
Anong niche o specialization ang papasukin mo? Sinu sino ang iyong ideal customers (mga taong tamang tama para sa kanila ang iyong produkto)? Paano mo ipropromote o iaadvertise ang iyong produkto sa iyong mga customers? Paano mo ibebenta ang produkto mo? Anong mga tindahan ang magiistock nito? Ibebenta mo ba ito online? Paano mo gagawin ang pagtanggap ng orders at delivery? Ang lahat ng iyon at higit pa ay dapat kasama sa iyong marketing strategy.
Financial plan/analysis/projections
Kung kinakailangan mo ang funding, dito ang pinakamainam na lugar kung saan mo pwedeng ilagay iyon. Ilarawan mo ang halagang kakailanganin mo, saan mo ito gagamitin, ang mga terms na gusto mo, at marami pang iba. Gumawa ka ng napakaayos at detalyadong estimates ng posibleng cash flow, income statements, balance sheets at iba pa dito.
Isang payo na natutunan ko mula sa What They Don’t Teach You at Harvard Business School ni Mark McCormack ay para sa mga entrepreneur na nagsisimula pa lang, doblehin mo ang expected overhead projections (ang budget mo para sa iyong gastusin sa darating na taon). Gaano ka man kametikuloso, mayroon palaging nakatagong babayaran na susurpresahin ka.
Habang sinasabi ng iba na nagiging walang kwenta ang battle plans kapag nakaharap mo na ang mga kalaban at ang mga business plan ay nagiging walang kwenta kapag nakaharap mo na ang mga customers, kailangan mo pa ring gumawa ng business plan. Sabi nga naman ng iba, ang mga hindi nagplaplano ay nagplaplanong mabigo. Kailangan mo lang maging flexible at handang magbago ng ibaibang bagay kapag kinakailangan. Ang business plan nga naman ay isang mabuting simula para sa mga bagay na kailangan mong gawin AT ito rin ay mabuting dokumento kapag naghahanap ka ng mga investors.
Siya nga pala, bukod pa sa article na ito, narito ang ibang sources na pwede mong basahin tungkol sa paggawa ng business plan:
[…] Tagalog Version (Click Here) […]