English Version (Click Here)
Ipinapaubaya natin ang ating kaalaman at karunungan sa susunod na henerasyon gamit ang mga libro, articles, video, at iba pang media. Iyon ang paraan kung paano umuunlad ang sangkatauhan at kung paano mas-bumubuti ang mundo. Sa pag-aaral ng kaalamang nakamit ng iba mula sa kanilang mga karanasan, nilalagpasan natin ang ilang taong paghihirap mula sa trial and error. Nagagamit natin ang mga natutunan nila upang makagawa ng mas-mabuting mga bagay. Sa pagpuhunan sa kaalaman, dumadami ang pagkakataon nating magtagumpay. Kapag mas-marami tayong nalalaman, mas-marami tayong oportunidad na magagamit at malilikha.
May isang hadlang lang tayong kailangang alalahanin at ito ang dahilan kung bakit napakaraming “matatalino” ang hindi umaasenso. Huwag kang magkakamaling mag-isip na “knowledge is power.” Hindi ito totoo dahil kulang ang kaalaman lang.
Bakit ang Pagbasa ng Libro ay Hindi Nakasisigurado ng Tagumpay
Dati nabasa ko na bukod sa stocks/equities at negosyo, ang real estate at rental properties ay napakabuting investments. Dahil doon, bumili at nagbasa ako ng ilang libro tungkol dito. Makakatulong nga ang pag-alam sa paggamit ng partnerships, lease options, seller financing at iba pa. Sa mabuting pag-invest sa real estate, pwede kang kumit ang ilang libong piso sa bawat deal.
May isa lang problema. Nagdesisyon akong hindi mag-invest sa real estate sa ngayon.
No amount of reading or memorizing will make you successful in life. It is the understanding and application of wise thought that counts.
— Bob Proctor, You Were Born Rich
(Walang pagbabasa at pagkabisado ang makapagbibigay sa iyo ng tagumpay. Ang pag-intindi at paggamit ng mabuting karunungan ang mahalaga.)
At naroon ang nakapalaking hadlang. Pwede mo ngang kabisaduhin ang mga engineering books at physics formulas, pero kung hindi mo sila gagamitin para lumikha ng mga bagay, edi halos lahat ng natutunan mo ay walang kwenta. Pwede mong kabisaduhin ang color theory, and ratios ng mga mukha at iba pang bahagi ng katawan, at kung paano gumamit ng iba-ibang lapis at brush, pero kung hindi ka guguhit o gagawa ng art, wala ring kwenta ang kaalamang na iyon.
Kung hindi mo gagamitin ang mga natutunan mo, katumbas nito ang pagtago ng kotse sa iyong garahe. Pwede mo sana itong gamitin para makapaglakbay sa mga malalayong lugar, pero dahil hindi mo ito ginagamit, kinakalawan lang ito at nabubulok hanggang ito’y makalimutan lamang. Pwede mo ngang bilhin ang lahat ng librong makapagtuturo sa iyo ng lahat ng kailangan mo para magtagumpay sa isang bagay, pero kung hindi ka magprapractice gamitin ang kaalamang iyon, hindi ito makakatulong.
I hear and I forget. I see and I remember. I do and I understand.
— Confucius
(Naririnig ko at ako ay nakakakalimot. Nakikita ko at ako ay nakaaalala. Ginagawa ko at ako ay nakakaintindi.)
Gayunpaman, KAILANGAN Ipagpatuloy Mo ang Iyong Pag-Aaral
Sa mga naisulat ko dito, baka isipin mo na TUMIGIL magbasa ng libro at huwag nang manood ng mga instructional videos. Huwag. Tandaan mo na ang punto ko lang dito ay makakatulong lang ang kaalaman kapag GINAGAMIT mo ito. Di ba nga, kaya mo lang nagagawa ang trabaho mo ngayon ay dahil NATUTUNAN mong gawin ito. Hanggang doon lang din ang kikitain mo dahil iyon LANG ang natutunan mong gawin.
Ang tanong ngayon, ano ang susunod mong aalamin o pag-aaralan? Kung ang alam mo lang ay magtype ng documents at gumawa ng trabahong pang opisina, ang pinakamabuting makukuha mo lang ay sahod ng empleyado. Kung natutunan mong mamumo at magmanage ng 300 office workers, makakamit mo ang mas-mataas na sahod ng manager. Kung natutunan mo namang magtayo ng negosyo gamit ang isang produktong meron ka at naimarket mo ito para makapagfill ng demand para sa produktong ito, edi depende sa kung gaano ka kagaling magbenta makakamit mo ang mas-mataas na sahod ng negosyante o CEO.
Inuulit ko, ano ang susunod mong aaralin? Kailangan mong pumili ng isang bagay na magagamit mo at magpractice ka dito. Bukod sa pagbabasa para sa pangkatuwaan (mahilig akong magbasa tungkol sa science/agham at biology), huwag kang magsayang ng oras sa pagbabasa ng mga bagay na hindi mo naman talaga gagamitin. Alalahanin mo na ang pag-alam ng maraming bagay ay hindi kasiguraduhan na magiging mas-matalino o mas-matagumpay kaysa kumpara sa iba.
Magbasa Para Makahanap ng Mga Posibilidad/Oportunidad
Ngayon sasabihin ko na sa iyo kung bakit nagbasa ako tungkol sa real estate kahit wala naman akong planong mag-invest dito ngayon. Gusto ko lang matutunan pa ito para makita kung gugustuhin ko ba talaga itong gawin.
Para sa karamihan, nakakatakot ang mga bagay na hindi natin alam. Dahil hindi alam ng maraming tao kung paano gumagalaw ang stock market at naririnig nila ang mga kwento tungkol sa mga nalulugi sa “pagtaya” dito, natatakot sila. Ang mga katulad ko naman, interesado dito dahil sa potential returns o kita. Sasabihin ko sa iyo ito. Hindi nakakatakot ang stock market kapag natutunan mo ang risks o panganib dito… at kung paano ito maiiwasan para palakihin ang iyong pwedeng kitain.
Katulad lang nito ang pagsakay sa bisikleta. Nakakatakot sa simula, pero kapag natutunan mong sakyan ito ng maayos, matutuwa ka dito.
Kung hindi mo pinag-aralan ang stocks, bonds, mutual funds, real estate, venture capitalism, o iba pang paraan para kumita ng pera gamit ang perang mayroon ka, edi hindi mo magagamit ang mga oportunidad at vehicles na iyon. Kaysa kumita ng milyon milyon mula sa apartment rental income, ang bakanteng lote sa ulo mo ay mananatiling bakante.
Sabi ni Warren Buffett, ang risk o panganib ay nagmumula sa pagiging ignorante tungkol sa mga ginagawa mo. Tama nga, ang paglapag ng ilang milyon sa “investment” na hindi mo naiintindihan ay mapanganib. Dahil doon ginusto kong pag-aralan pa ang real estate. Posibilidad ito para sa akin ngayon, pero dahil hindi ko kayang harapin ang risks mula dito, hindi ko muna ito gagamitin.
Ganoon pa man, huwag mong kalilimutan na mahahanap at magagamit mo lang ang mga oportunidad kapag NATUTUNAN mo sila. Ipagpatuloy mo ang pagbabasa, pag-aaral, at pagsisikap sa buhay. Kung hindi mo ginawa ito, iiwanan ka lang ng mundo. Kung nakasanayan mo naman ito, malamang ikaw ay aasenso at magtatagumpay.
Ang kaalaman ay magiging kapangyarihan lamang kapag natutunan mong gamitin itong mabuti.
The more that you read, the more things you will know. The more that you learn, the more places you’ll go
— Dr. Seuss
(Kapag mas-marami kang binasa, mas-marami kang malalaman. Kapag mas-marami kang alam, mas-marami kang mararating.)