X

Tatlong Rason Kung Bakit Karapat-Dapat Kang Yumaman at Umasenso

English Version (Click Here)

Itinanong ni Orison Swett Marden kung ano ang iisipin mo tungkol sa isang prinsipe, ang tigapagmana ng isang mayamang kaharian, na tumakas mula sa palasyo para mabuhay nang naghihirap dahil iniisip niya na hindi siya bibigyan ng kahit anong pamana. Noong nakausap mo ang prinsipeng iyon, nakita mo na kahit binibigyan siya ng kayamanan, pagkain, at mabuting tahanan ng kanyang ama, itinataboy lahat ito ng prinsipe at sabay nagrereklamo siya na minamalas lang talaga siya.

Malamang iisipin mo baka nababaliw na ata ang prinsipeng iyon.

Sa kasamaang palad, marami sa atin ang nabubuhay katulad niya. Nakakakuha tayo ng napakaraming oportunidad at idea, pero iniisip natin na hindi natin sila pwedeng gamitin o hindi tayo karapat-dapat na makagamit sa kanila. Ang iba rin sa atin, iniisip na “banal” ang maghirap.

Dapat kalimutan na natin ang ganoong pagiisip. Narito ang tatlong dahilan kung bakit karapat-dapat tayong mabuhay nang mayaman at masagana.

Tatlong Rason Kung Bakit Karapat-Dapat Kang Yumaman at Umasenso

1. Karapat-dapat kang mabuhay nang mabuti.

May kasabihan ang mga Pinoy, “kapag maiksi ang kumot, matutong bumaluktot”. Ibig sabihin noon, dapat daw tayong masanay sa paghihirap. Kung ganoon tayo mag-isip, malamang mababa lang ang ating makakamit sa buhay. Ang mas mabuting paraan ng pagiisip ay kapag may hindi tayo nagugustuhan sa buhay natin, dapat matutunan nating baguhin at pagbutihin ito.

Walang mabuting rason kung bakit kailangan nating maghirap. Ipinaliwanag ito ni Orison Swett Marden: “The Creator never made a man to be poor. There is nothing in his constitution which fits drudgery and poverty. Man was made for prosperity, happiness, and success. He was not made to suffer any more than he was made to be insane or a criminal.”

Ang Diyos ay hindi gumawa ng tao para siya ay maging mahirap. Wala sa kaniyang pagkatao ang nararapat sa nakakayamot na trabaho at kahirapan. Ang tao ay ginawa para sa kasaganaan, kaligayahan, at tagumpay. Hindi siya ginawa para magdusa gaya ng hindi siya ginawa para maging baliw o kriminal.

Kaysa tanggapin lang natin ang paghihirap at pagdurusa bilang natural na kalagayan, dapat nating alalahanin na kaya nating baguhin at pagandahin ang ating estado sa buhay. Tulad ng kung paano binago ng sangkatauhan ang mundo sa pag-imbento ng mga bagay tulad ng mga sakahan, gamot, at computer, pwede rin nating baguhin at pagbutihin ang ating kalagayan. Kahit napakahirap man itong gawin, ito ay posible pa rin. Binigyan nga naman tayong lahat ng mga biyaya at talento para gawin ito.

Let us be done with thinking of poverty as a virtue. It is a common vice.

— Catherine Ponder, The Dynamic Laws of Prosperity

*Huwag na nating isipin na kabanalan ang pagiging mahirap. Ito ay karaniwang bisyo lamang.

2. Ang mga gantimpala ay madalas napupunta sa mga nararapat.

Kung nabuhay ka nang tapat, nagsisikap para sa nakakamit mo sa buhay, dapat bang MAGDUSA ka? Hindi. Kung ganoon, bakit ang ilan sa atin tumatanggi sa mga biyaya dahil sa maling pagpapakumbaba? May mga tao na tumatanggi sa mga oportunidad para makakuha ng mas mabuting career, oportunidad para magnegosyo, pay raise at promotions at iba pang mga biyaya dahil akala nila hindi sila karapat-dapat, natatakot sila sa bagong responsibilidad o mas mahirap na trabaho, o dahil iniisip nila ibang tao daw ang mas karapat-dapat.

Nakakakuha tayo ng biyaya at oportunidad sa buhay dahil, malamang, karapat-dapat nga talaga tayo para dito. Dapat matutunan nating tanggapin ang mga mabubuting oportunidad tuwing lumilitaw sila. Hindi nga naman nakakamit ang tagumpay nang biglaan. Ito’y nagmumula sa libo-libong maliliit na hakbang sa tamang direksyon, at wala tayong mararating kapag hindi tayo maglalakad patungo sa mga oportunidad na nakalaan para sa atin.

3. Mas marami kang matutulungan kapag ikaw ay yumaman at umasenso.

Ang ibang tao may maling pag-iisip na ang mga mayayaman ay yumaman lang dahil nandaya o nangabuso sila. Kung ganoon ka mag-isip, malamang magkakaproblema ka sa iyong career at financial life. Bakit? Dahil hindi tama ang mindset mo para sa tagumpay. Ang kayamanan ay nakakamit sa paggawa ng mabuti, at ang mga mandaraya ay madalas napaparusahan. Ang TUNAY na kayamanan ay nagmumula sa pagtulong sa iba.

Isipin mo ikaw ay ang may ari ng isang coffee shop o kapihan. Magkano ang kikitain mo kapag nagbenta ka ng ordinaryong kape sa sampung customers kada araw? Malamang kaunti lang. Isipin mo magkano naman ang kikitain mo kapag nagbenta ka ng kape sa 100 customers kada araw? Malamang mas marami kumpara sa naunang halimbawa. Paano naman kung nagbenta ka ng kape sa isang milyon o isang-daang milyong customers araw araw? Malamang napakalaki ng kinikita mo.

Ang parehong prinsipyo ay pwedeng magamit sa iba pang uri ng career o negosyo. Ang performer na nakakapagpasaya sa isang milyong manonood ay malamang mas malaki ang kinikita kumpara sa isang performer na ilang dosena lang ang manonood. Ganito rin sa isang ahente na ang mga proyekto ay nagagamit ng milyon milyong katao kumpara sa ahenteng iilan lang ang nakakagamit sa proyekto niya. Pwedeng magkaiba ang resulta kapag super premium ang serbisyo o produkto tulad ng pinakamagaling na surgeon sa mundo o isang world-renowned na pintor o painter, pero madalas kapag mas marami ang natutulungan o nabibigyan mo ng serbisyo, mas marami ang iyong kikitain.

Gusto mo pa ng prueba kung paano kapag mas-matagumpay tayo mas marami ang ating natutulungan? Pansinin mo lang ang ating mga pangkaraniwang kagamitan. Ang ating computer, cellphone, kotse, at marami pang iba. Sino ang mga lumikha o nagbuo nito? Sa tingin mo ba ang mga may ari ng kumpanya at pabrika ay mahirap ngayon? Ano kaya ang magiging kalagayan ng buhay natin kapag hindi nagawa ang mga produkto nila? Malamang hindi ito kasing ganda ng kalagayan natin ngayon.

Sabi ng dalubhasang pintor na si Michelangelo, “The greater danger for most of us lies not in setting our aim too high and falling short; but in setting our aim too low, and achieving our mark.” Ang mas malalang panganib para sa ating lahat ay hindi dahil masyadong mataas ang ating pangarap at hindi natin ito nakamit; pero dahil masyadong mababa ang ginawa nating pangarap, at hanggang dito lang ang nakamit natin. Dapat mas taasan natin ang ating pangarap sa buhay. Kapag naging mas-matagumpay tayo, mas marami ang makikinabang sa kabutihang nagawa natin.

 

Bago tayo magtapos, magiiwan ako ng isang huling kasabihan mula kay Catherine Ponder, ang may-akda ng The Dynamic Laws of Prosperity:

It is shockingly right instead of shockingly wrong for you to be prosperous.
Obviously, you cannot be very happy if you are poor, and you need not be poor. It is a sin.
Poverty is a form of hell caused by man’s blindness to God’s unlimited good for him.

*Tamang tama at hindi maling mali na ikaw ay mabuhay ng masagana. Malamang, hindi ka liligaya ng lubusan kung ikaw ay naghihirap, at hindi mo kailangan maging mahirap. Ito’y kasalanan. Ang kahirapan ay isang uri ng impiyerno na nagmumula sa pagkabulag ng tao sa walang-hanggang kabutihang ibinibigay ng Diyos para sa kanya.

Karapat-dapat tayong yumaman at mabuhay nang masagana. Karapat-dapat tayong maging masaya. Ang pagintindi doon ay hindi lang makatutulong sa sarili nating kapakanan, pero sa kapakanan din ng iba.

Natuwa ka ba sa pagbabasa ng article na ito? Kung gusto mo pang matuto ng iba pang aral, tignan mo lang ang YourWealthyMind Facebook Fanpage sa link na ito!

Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.