(Ang article na ito ay naglalaman ng mga affiliate link.)
English Version (Click Here)
Hindi ko alam kung bakit, pero para sa akin kapansin-pansin ang pamagat ng libro na Personality isn’t Permanent (ni Dr. Benjamin Hardy, PhD). Hindi ko muna ito binili, pero nanatili ito nang matagal sa aking isipan. Buti na lang, pagdaan ng ilang buwan, may malaking discount at naging mas mura ang digital Kindle version nito kaya nabili ko siya agad.
Tama nga ang kutob ko. Mayroon ngang napakahalagang aral doon tungkol sa ating personal growth at self-improvement (pagpapabuti sa ating pagkatao) at natuwa ako nang husto dahil sa mga natutunan ko doon.
Ang pangunahing punto ng librong iyon, kung babasahin mo ang pamagat niya, ay nagbabago ang ating personality o pagkatao habang nagdadaan ng panahon. Kung iisipin mo, totoo naman diba? Ilang matatanda na nagtratrabaho na ngayon ang kapareho pa rin noong nasa high school sila? Ilang mga taong nasa kwarenta anyos na ngayon ang pareho pa rin ang pagkatao noong bente anyos pa lang sila? Malamang kakaunti lamang. Ang mahiyaing introvert ay pwedeng maging matatag na pinuno, at ang mahilig magparty at walang bahala sa buhay ay pwedeng maging mas mapag-isip na intelektwal. Halata naman na ang mga tao ay magiging mas-mature habang tumatanda diba?
Gayunpaman, pag-isipan mo ito.
Ilan ang nagkaroon ng masamang ugali dahil sa trauma na nangyari noong sila ay bata pa? Ilan ang mga na-bully noong kanilang kabataan kaya sila’y naging sobrang mahinhin, o naging mapang-abuso sa trabaho? Ilan ang bumagsak sa mga tests sa iskwelahan, napagalitan ng sobra, naisip sa sarili na “hindi talaga ako matalino” at naitatak ito sa kanilang utak? Ilan ang hindi makasabay sa kanilang mga kaibigan sa sports kaya tumatak ang “hindi talaga ako magaling” sa kanilang self-image o paningin sa sarili? Ilang mga mapang-abusong mga magulang ang naging ganoon dahil inabuso din sila noong sila’y bata pa?
Kung mayroon tayong mga masasamang karanasan at mga trauma katulad ng mga iyon, pinipigilan kaya nila tayong subukan ang ilang panibagong bagay, tulad ng mga mabubuting gawain at libangan (habits and hobbies), na makakapagpabuti nang husto sa ating buhay? Pinipigilan kaya nila tayong magsimula dahil iniisip natin na ang mga epekto ng mga masasamang karanasang iyon ay bahagi na ng ating pagkatao (personality) habang-buhay (permanent)?
Iyon ang pinakamahalagang aral sa librong iyon tungkol sa ating psychology. Nagbabago tayo habang nagdadaan ang panahon, at pwede nating KONTROLIN ang mga pagbabagong iyon. Pwede nating piliin kung anong bahagi ng ating pagkatao ang gusto nating baguhin at pagbutihin. Walang permanente sa ating pagkatao o personality, lalong lalo na ang ating mga masasamang asal at trauma.
Pwede tayong maging mas-confident/malakas ang loob, mas mapagbigay, at mas mature kung ginusto natin. Pwede tayong maging disiplinado at mas matapang upang tayo ay magtagumpay sa mga pinapahalagahan natin sa buhay, tulad ng ating mga career/trabaho, relationships, kalusugang pisikal at emosyonal, at marami pang iba.
Bago natin magawa iyon, kailangan nating isipin kung anong klaseng tao ang gusto nating maging. Kailangan nating seryosohin at pagplanuhang mabuti ang ating magiging pagkatao sa ating kinabukasan.
Bakit Kailangan mong Pag-isipan ang Iyong Pagkatao sa Iyong Kinabukasan
1. Nagbabago ang ating pagkatao, at pwede nating kontrolin ang pagbabago natin.
Ikinahihiya mo ba ang ibang luma mong mga litrato? Paano naman ang mga dati mong post sa social media na lima o sampung taon na? Nakakaramdam ka rin ba ng kahihiyan kapag naaalala mo ang ilang bagay na ginawa mo noon? Malamang hindi mo na gagawin yung mga ginawa mong iyon, at iniisip mo rin kung gaano ka kahiya hiya noong mga panahong iyon.
Nakikita natin doon na ang ating pagkatao ngayon ay hindi na katulad noong tayo ay nasa high school pa. Nagiging mas mature tayo at nagbabago tayo ayon sa ating mga desisyon sa buhay, mga libangan na sinubukan natin, mga bagay na inilalagay natin sa ating tahanan, at mga tao na sinasamahan natin.
Ang sikreto sa tagumpay ay ang maingat na pagpili sa mga bagay na inilalagay natin sa ating buhay, at sa pagpili ng mga bagay na makakapagpabuti sa ating pagkatao.
Pwede nating suriing mabuti ang pangmatagalang kahihinatnan ng ating mga gawain. Pwede nating subukan ang mas makabubuti at mas malikhaing mga libangan imbis na sayangin lang natin ang ating oras sa social media. Pwede tayong bumili ng mas masustansyang mga pagkain imbis na puro sitsirya lamang. Pwede nating samahan ang ating mga mabubuting kaibigan at kamag-anak kaysa sa mga taong mapang-abuso.
Ang lahat ng gawain natin ay may kahihinatnan pagdating ng panahon. Kung nais nating maging mas mabuti, mas matalino, mas maunawain, mas malusog, at mas matagumpay sa buhay, kailangan nating pagplanuhan ang lahat ng iyon ngayon pa lang. May kasabihan sa Ingles, “if we fail to plan then we plan to fail“. Kung hindi tayo gagawa ng plano, edi plano nating mabigo. Kailangan nating magtakda ng goal o layunin para sa ating kinabukasan, tapos kailangan natin iyong gawing basehan ng ating mga desisyon.
Our plans miscarry because they have no aim. When a man does not know what harbor he is making for, no wind is the right wind.
Seneca
(Pagsasalin: Ang ating mga plano ay pumapalya dahil wala silang direksyon. Kapag hindi ka sigurado sa daungan na nais mong ountahan, walang hanging panlayag ang nararapat sa iyo.)
2. Totoo ang self-fulfilling prophecies. Gamitin mo silang mabuti.
Noong nag-aaral ako ng psychology sa kolehiyo, ang isang mahalagang aral na natutunan ko ay tungkol sa mga self-fulfilling prophecies. Prophecies na propesiya panghuhula, at self-fulfilling na ibig sabihin ikaw ang nagpapatupad nito. Kung iniisip natin na mangyayari ang isang bagay o iniisip natin na may ganitong katangian ang isang tao, hindi natin namamalayan na tayo pala ang nagpapatupad sa mga iniisip natin dahil sa sa mga galaw, gawain, at pakikitungo natin sa mga iyon.
Halimbawa, kung iniisip natin na karamihan sa mga tao na hindi natin kakilala ay masasama at gusto lang tayong lokohin, baka maging suplado o mapanghusga ang pakikitungo natin sa kanila. Dahil sa nga aksyon nating iyon, magiging masama o bastos din ang pagtrato nila sa atin. Sa kabilang dako naman, kung sa isip natin karamihan sa mga tao ay mababait at mabubuti, malamang matapat ang pagngiti natin (hindi plastik) at mabait ang pakikitungo natin sa kanila. Dahil doon, malamang magiging mabait din sila sa atin. Ito nga pala ay isang halimbawa ng Pygmalion effect.
Tulad noon, ang expectations o pagtingin natin sa ating sarili ay nakaaapekto din sa ating mga kakayahan. Halimbawa, kung iniisip natin na magtatagumpay tayo sa isang bagay, malamang itotodo natin ang ating pagpupursigi at magpapatuloy tayo kahit pumalya tayo nang ilang beses. Magiging mas mahusay tayo sa gawaing iyon dahil sa ating patuloy na pagpupursigi, at dahil doon maaari tayong magtagumpay. Sa kabilang dako naman, kung iniisip natin na HINDI tayo magaling sa isang bagay (hal. “hindi ako malakas o athletic” dahil inasar tayo noong tayo ay bata pa), malamang saglit lang natin iyong susubukan, mawawalan tayo ng gana, at susuko tayo agad kung hindi natin agarang nakamit ang mabuting resulta.
Ang ating pagiisip tungkol sa mundo natin at sa sarili natin ay tunay na nakaaapekto sa kalidad ng ating buhay. Kung gusto nating umasenso at gumanda ang ating kalagayan, kailangan nating manalig sa sarili nating kakayahang makamit ang mga pangarap natin sa buhay. Magsimula ka sa pananalig sa iyong sarili at malamang dadating din ang mabuting resulta.
Thou shalt also decree a thing, and it shall be established unto thee; And light shall shine upon thy ways.
Job 22:28 KJV
(Pagsasalin: Ikaw nama’y magpapasiya ng isang bagay, at ito’y matatatag sa iyo; at liwanag ay sisilang sa iyong mga daan. – Tagalog: Ang Dating Biblia (1905))
3. Gawin mo ito para sa sarili mong kaligayahan.
Habang ang karamihan sa atin ay ayaw maging malungkot o magdusa, minsan mayroon tayong mga kakulangan sa ating pagkatao at mga masasamang bisyo na maaaring magdulot ng napakaraming problema. Maaari tayong mawalan ng kaligayahan sa buhay dahil sa mga iyon. Isipin mo na lang yung mga lasinggero o mga adik sa droga na ayaw magparehab (therapy o rehabilitation), o iyong mga sobrang pesimista na ayaw subukan ang ilang munting pagbabago na pwedeng magdulot ng napakalaking pag-asenso sa kanilang buhay.
Paano makakapagbigay ng kaligayahan ang pagpapabuti sa iyong sarili (pisikal, mental, at emosyonal)?
Una sa lahat, kung tunay mong babaguhin ang sarili mo at aalisin mo ang mga toxic o negatibong aspeto ng iyong pagkatao, madali mong kakaibiganin (kaysa itaboy) ang mga mabubuting tao na pwedeng maging positibong impluwensya sa buhay mo. Madali mo ring itataboy ang mga toxic o mapang-abusong tao na nagmamanipula sa iyo gamit ang mga kahinaan ng iyong pagkatao.
Ikalawa, kung tinuruan mo ang sarili mo na maging matatag at malakas ang loob (at sigurado may mga psychological skills para doon), mas kakayanin mong harapin ang mga problema sa buhay at hindi ka maglulukmok at magrereklamo lamang.
At ikatlo, ikaw ay magiging mas maligaya kapag natutunan mong magpasalamat para sa mga biyayang mayroon ka sa buhay, lalong lalo na ang mga biyayang hindi mo na napapansin (mga mabubuti mong kaibigan at kamag-anak, ang pagiging edukado kaya nauunawaan mo ito, atbp).
Alalahanin mo na kung negatibo ang iyong pananaw sa buhay, mas mapapansin mo ang mga kakulangan at kabiguan at hindi ka mauubusan ng mga bagay na iyong kaiinisan. Sa kabilang dako naman, kung sinubukan mong magkaroon ng mas positibong personality o pagkatao at positibong pananaw sa buhay, hindi ka mauubusan ng mga bagay na ikatutuwa at pasasalamatan. Ito’y mas lalo mong mapapansin kung taos puso mong sinusubukang paunlarin ang iyong sarili at nagsisikap ka palagi para makamit ang iyong mga layunin. Palagi mong makikita ang mga positibong pagbabago at madali mong matatanaw ang utang na loob para sa mga iyon.
If being happy is important to you, try this: instead of regretting all you lack, celebrate all you’ve got.
Brian Vaszily
(Pagsasalin sa Tagalog: Kung mahalaga sa iyo ang pagiging maligaya, subukan mo ito: kaysa manghinayang ka sa mga bagay na hindi mo makamit, magdiwang ka para sa mga bagay na mayroon ka.)
Lilipas din ang panahon, kaya simulan na nating pagbutihin ang ating sarili!
Ang ating personality o pagkatao ay nakaaapekto sa kalidad ng ating buhay. Ang mga nakasanayan nating gawin at isipin ay nakaaapekto sa kung paano natin haharapin ang ating mga problema, paano tayo babawi kapag tayo ay pumalya o kapag may humahadlang sa atin, at kung gaano katatag ang ating loob sa pagpasok (at paglikha) sa mga bagong oportunidad.
Ang pinakamahalagang aral dito ay kaya mong baguhin ang iyong sarili, ang iyong personality o pagkatao, at pagbutihin ito. Ang ating personality nga naman natin ay hindi permanente. Oo, kasama doon ang mga trauma at bisyo na nakatanim sa ating kalooban. Ang mga pangyayari sa ating nakaraan ay hindi na pwedeng baguhin, pero pwede nating baguhin ang ating mga kasalukuyang reaksyon sa mga iyon, ang mga epekto nila sa atin, at ang mga masasamang pagiisip at gawain na naging resulta nila. Tayo nga naman at lumalaki at nagiging mas mature sa pagdaan ng panahon. Kaya talaga nating kontrolin kung paano tayo magbabago kung pagsisikapan natin ito, at kung pagaaralan natin kung paano (gamit ang mga libro, therapy, self-improvement, atbp).
Ang isa sa pinakamabuting paraan para siguraduhing magbabago tayo para umasenso ay kung gagawin natin itong layunin, taos puso nating paniniwalaan na kayang kaya natin ito, at patuloy nating pagsisikapang pagbutihin ang ating sarili.
(Pagsasalin sa Tagalog: Ang pinakamahalagang bagay na natuklasan ng ating henerasyon ay ang katotohanan na kaya nating baguhin ang ating buhay gamit ang pagbabago ng ating saloobin o ang ating pananaw sa buhay.)
(Pagsasalin sa Tagalog: Huwag kang matakot sa pagdaloy ng buhay. Paniwalaan mo lang na ang buhay ay nakabubuti para sa atin, at ang ito’y magkakatotoo dahil sa iyong paniniwala.)
View Comments (0)