X

Sampung Payong Natutunan ko Tungkol sa Success at Kung Paano Maging Matipid

English Version (Click Here)

Ang ating mga magulang, kaibigan, at karanasan noong ating kabataan ang una nating guro na nagturo satin kung paano maghawak ng pera, at ang mga natutunan natin noon ay madalas mananatili hanggang sa ating paglaki. Hindi nito ibig sabihin na hindi natin kayang magbago at mas-gumaling pa. Sinwerte ako at marami akong natutunang mabubuting aral tungkol sa success at sa kung paano maging matipid noong bata ako. Dahil doon, isinulat ko ang aking top 10 tips dito.

 

10 Payong Natutunan ko Tungkol sa Success at Kung Paano Maging Matipid

  1. Mabuhay nang Masinop (Live Within Your Means)

Marami akong kakilalang kaibigan at kamag-anak na mahilig bumili ng mamahaling branded at luxury na kagamitan. Sayang lang at sila’y lower-middle class katulad namin at ang paglagpas nila sa kanilang budget ay nagdudulot sa kanila ng NAPAKARAMING problema sa pera (na hilig nilang ikwento sa amin kapag bumibisita sila). Sila’y naging halimbawa ng mga gawaing dapat iwasan. Sa kabilang dako naman, ang mga magulang ko ay naging mabubuting halimbawa ng kung paano mabuhay sa maayos na budget.

 

  1. Iwasan ang mga Mapang-Abusong Tao

Naaalala mo yung mga kaibigan at kamag-anak na mahilig gumawa ng sarili nilang problema sa pera? Hulaan mo kung sino ang una nilang pinupuntahan tuwing kailangan nila ng sasalo sa kanila. Tama, KAMI ang pinupuntahan nila. Hindi kami mayaman, pero dahil magaling maghawak ng pera ang mga magulang ko, mayroon sila palaging perang naiipon… na halos palagi ding “hinihiram” ng iba (at hindi naisasauli). Sila’y napakalaking dahilan kung bakit nahirapang umasenso ang pamilya namin. Mag-ingat ka sa mga mapang-abuso. Kapag may kaunti kang napagsikapan, dadating sila para kunin iyon. Huwag mo itong hayaang mangyari. Iwasan mo sila para sa kapakanan at kinabukasan ng iyong pamilya.

 

  1. Iwasang Magpahiram ng Pera sa Mga Hindi Nagbabayad

Nagsulat na ako tungkol dito sa article kong “Bakit Hindi ka Dapat Magpahiram ng Pera.” Ilang beses ko nang nakita ang aking ina na naloko ng mga taong “nangangailangan” ng pera (mga kamag-anak na inubos ang pera nila sa pagbili ng mga luho gaya ng mas-malaking TV set), at sinabi ko sa sarili ko na hindi ko uulitin ang ganoong pagkakamali. Natutunan kong umiwas magpahiram ng pera sa mga hindi naman ito kailangan. Lagi namang bukas ang mga bangko para makakuha ng loans. Tama lang na tumulong sa iba kapag sila’y nangangailangan, pero HINDI tama ang pagsuporta sa mga mapang-abusong tao at sa kanilang masasamang diskarte.

 

“One of the greatest disservices you can do a man is to lend him money that he can’t pay back.” – Jesse H. Jones

(Ang isa sa pinakamasamang pwede mong gawin sa isang tao ay pahiramin mo siya ng perang hindi niya kayang bayaran.)

 

  1. Iwasan ang Hindi Mabuting Pag-utang

Wala akong maalalang panahon kung kailan ang mga magulang ko ay nanghiram ng pera para bumili ng walang kwentang luho at karangyaan. Kapag sila’y nagkaroon ng problema sa pera, ang ina ko’y nagsasangla muna ng kanyang mga alahas para makakuha ng emergency cash (at kapag nagkapera muli, binabayaran at kinukuha niya ang mga alahas na sinangla niya). Ito’y ibang iba sa ginagawa ng iba kong mga kamag-anak at kaibigan na nanghihiram lang ng pera (at “nakakalimutang” magbayad) kapag sila’y may kaunting problema.

 

  1. Katapatan at Integridad (Lalo na sa Panghiram ng Pera)

Noong namatay ang tatay ko, nagtayo ng military supply business ang aking ina para makapag-aral kami ng kapatid ko. Kadalasan nagbebenta siya ng mga damit, hammock/duyan, ammo belts, at iba pang gear na tinatahi niya kasama ng mga empleyado niya sa garahe. Ang isang tao na minsan ikinukuwento niya sakin ay yung matandang intsik/Chinese na nagpapahiram sa kanya ng pera kapag siya’y nangangailangan, walang tanong o walang collateral na kailangan. Bakit? Dahil PALAGING nagbabayad ang ina ko, on time na at buo pa.

Ang isang pinakamahalagang aral na itinuro sakin palagi ng aking ina ay dapat PALAGI kang MATAPAT at PALAGI mong tutuparin ang iyong mga pangako.  Gawin mo iyon at hindi ka mauubusan ng mga taong tutulong sa iyo. Huwag mong gagawin ang ginagawa ng ilang abusadong kamag-anak at kaibigan na nagiiyak-iyakan at nanloloko lang ng ibang tao para makakuha ng kaunting pera. Kapag ikaw ay kilala bilang mapang-abuso, liliit ang mundo mo at mauubusan ka ng mga oportunidad sa buhay.

 

  1. Iwasan mo ang Temptation na Magmukhang Mayaman

Kahit hindi mayaman ang pamilya ko, kami ng aking kapatid ay parehong iskolar. Dahil doon, nagawa naming mag-aral sa pinakamagaganda  (at pinakamamahaling) paaralan sa bansa. Ang mga kaklase ko ay mga anak ng pinakamatataas na opisyal sa gubyerno, milyonaryo, at iba pa, at palagi silang mayroong mga gamit na pinapangarap ko lang magkaroon. Natural na gusto ko rin ang mga mayroon sila, pero hindi ito kayang bilhin ng aking pamilya.

Noong ang mga popular na bata ay nagkaroon na ng mga cellphones at ginusto ko din ito, doon ako nagkaroon ng malaking rebelasyon: Kahit ibenta ko man ang aking kidney, isang laruan lamang ang mabibili nito. Sila kaya nila palaging bilhin ang susunod na magandang bagay ng paulit-ulit habang ang aking resources (at lamang-loob) ay limitado lamang. Hindi iyon sulit. Doon ko tunay na natutunan na walang kwentang makisabay sa mga mayayaman. Sabagay, wala naman silang pakialam kung wala ako ng mga kagamitan katumbas ng sa kanila at magkakaibigan pa rin naman kaming lahat.

 

“A rich man is nothing but a poor man with money.” – W. C. Fields

(Ang mayaman ay walang iba kundi isang mahirap na may pera.)

 

  1. Ang “Masamang Mayaman” na Stereotype ay Kathang-isip (na pinapanatili kang MAHIRAP)

Sa hula ko, mga 90% ng Filipino Teleserye ay palaging may “mahirap na bida” at “masama/abusadong mayamang kontrabida”. Bilang isang scholar na nakipag-aral at nakakilala ng mga pinakamayayamang tao sa bansa, natutunan ko ng direkta na hindi totoo ang ideang “masasama ang mayayaman.” Sila pa nga ang pinakamababait na nakakakilala ko. Totoo nga may mga masasamang mayayaman, pero huwag nating kakalimutan na may mga masasamang mahihirap din (hal. magnanakaw, holdaper, mamamatay-tao, atbp.).

Ito’y isang aral na kinumpirma ni Russell H. Conwell sa Acres of Diamonds:

“‘Oh,’ but says some young man here to-night, ‘I have been told all my life that if a person has money he is very dishonest and dishonorable and mean and contemptible.’

My friend, that is the reason why you have none, because you have that idea of people. The foundation of your faith is altogether false. Let me say here clearly, and say it briefly, though subject to discussion which I have not time for here, ninety-eight out of one hundred of the rich men of America are honest. That is why they are rich. That is why they carry on great enterprises and find plenty of people to work with them. It is because they are honest men.

Says another young man, ‘I hear sometimes of men that get millions of dollars dishonestly.’ Yes, of course you do, and so do I. But they are so rare a thing in fact that the newspapers talk about them all the time as a matter of news until you get the idea that all the other rich men got rich dishonestly.

It is an awful mistake of these pious people to think you must be awfully poor in order to be pious.”

Tagalog Translation:

“‘Ah’ sabi ng ng isang batang lalaki ngayong gabi, ‘sa buong buhay ko, sinabi sa akin na kung may pera ang isang tao siya’y sinungaling at marungis at maramot at napakasama.’

Kaibigan, yan ang dahilan kung bakit wala kang pera, dahil ganoon ang pag-iisip mo tungkol sa mga tao. Ang pundasyon ng iyong pinaniniwalaan ay mali. Sasabihin ko dito ng klaro, at maiksi, pero pwedeng pagdiskusyonan kahit wala akong panahon ngayon, na siyamnapu’t-walo sa isang daang mayayaman sa America ay matapat. Yun ang dahilan kung bakit sila yumaman. Yun ang dahilan kung bakit napapatakbo nila ang malalaking negosyo at nakakahanap sila ng napakaraming tao para magtrabaho kasama nila. Ito’y dahil matapat sila.

Sabi naman ng isa, ‘naririnig ko na minsan ang iba nakakakuha ng milyon-milyong dolyar gamit masasamang paraan.’ Oo, siyempre naman, at ako din naririnig ko ang balita. Pero sila’y napakabihira na gusto ito palaging ikwento ng mga dyaryo bilang balita hanggang maisip mo na lahat ng ibang mayayaman ay umaasenso mula sa kasamaan.

Napakalaking pagkakamali ng mga maka-diyos ang pag-iisip na kailangan mong maging napakahirap upang maging maka-diyos.”

Ang pag-iisip na “masasama ang lahat ng mayayaman” ay kathang-isip lamang, at maghihirap ka kapag pinaniwalaan mo ito. Diba nga, hindi mo gugustuhing maging katulad ang mga ayaw mo. Kung iniisip mo na masasama ang “mayayaman,” ikaw ba’y aasenso at yayaman din? Hindi. Kahit kailan, HINDI. Tandaan mo yan.

Ano nga ba ang mga “anak-mayaman?” Ano ang mga mayayaman? Sila’y mga tao din katulad natin, pero sila’y nagsikap gumawa at magpalago ng negosyo (mga bagay na kailangan at ginagamit mo ngayon, lugar na pinagtratrabahuhan mo, atbp.), nagpapractice ng law o medicine, o iba pang gawaing mataas ang bayad.

 

“If you would know what the Lord God thinks of money, you have only to look at those to whom he gives it.” – Maurice Baring

(Kung gusto mong malaman ang iniisp ng Diyos tungkol sa pera, kailangan mo lang pagmasdan ang mga ginagantimpalaan niya nito.)

 

  1. Bumili ng Dekalidad/Quality

Ang isang bahagi ng mabuting paggamit ng pera ay ang paggamit nito para bumili ng dekalidad na kagamitan sa mabuting halaga. Habang ang ibang kamag-anak ko ay bumibili ng bagong sapatos, bags, damit, at iba pang mamahaling gamit kada ilang buwan, ang mga magulang ko naman ay bihirang bumili ng bago kung hindi naman kinakailangan. Kapag bumili naman sila, sinisigurado nila na ito’y napakaganda ang quality at mainam ang presyo. Isipin mo nga naman, ang paulit-ulit na pagbili ng mumurahing sapatos na nasisira kada buwan ay MAS-MAHAL kumpara sa pagbili ng mamahalin pero mataas ang kalidad na sapatos na tatagal ng ilang taon.

 

  1. Maghanda at Mag-ipon para sa Malalaking Gastusin

Naaalala ko ang aking ina na nag-iipon tuwing summer vacation para makapaghanda ng pangmatrikula sa dadating na school year. Kahit parang hindi mahalaga ang detalyeng iyon, ito’y napakalaking aral na rin: NAGHAHANDA siya para sa malalaking gastusin. Sa kabilang dako naman, minsan naririnig ko siyang nagkukuwento tungkol sa mga kamag-anak na HINDI naghahanda ng pangmatrikula para sa kanilang mga anak (pero may bagong-bili silang magandang TV noong panahong iyon), at nanghihiram na lang ng pera mula sa kanya. Ang mga kamag-anak naming iyon ay kumikita ng mas-marami kaysa sa amin kaya dapat kayang kaya nilang mabayaran ang pangmatrikula ng kanilang mga anak. Dito mo makikita na hindi ganoon kahalaga ang iyong kinikita kung hindi mo ito ginagamit ng maayos.

 

  1. Hindi Permanente ang Kahirapan

Ito ang isa sa pinakamahalagang aral na natutunan ko mula sa aking magulang. Ang ina ko kasi ay dating MAHIRAP, katulad ng iba niyang kasama sa probinsya. Ang pinagkaiba nga lang niya ay hindi siya pumayag na MANATILING mahirap at ayaw din niyang magdusa sa kahirapan ang kanyang mga anak. Yun ang dahilan kung bakit siya’y nag-aral ng mabuti (muntik na siyang hindi makapag-aral), at kung bakit siya’y nagsikap ng husto matapos magtapos ng kolehiyo. Hindi lang siya ang nakaahon sa kahirapan dahil iilan din sa mga kaklase niya ang nakagawa din noon. Marami sa mga kaibigan niya ang nakapagtapos at naging engineer, manager, negosyante, at iba pa.

Ito ang aral na pangarap kong ituro sa lahat: ang kahirapan ay panandaliang paghihirap lang. Ang tanging paraan para maging permanente ito ay kapag wala kang ginagawa para baguhin ang iyong kinatatayuan. Ito ang dahilan kung bakit ako nagsusulat ng self-development, personal finance, at iba pang aral na makakatulong sa iba na umasenso sa buhay. Kung may idea na makakatulong sa mga tao para umasenso, kailangan itong ituro sa lahat.

 

“Empty pockets never held anyone back. Only empty heads and empty hearts can do that.” – Norman Vincent Peale

(Walang nahahadlangan ng kawalan ng pera. Ang kawalang-laman ng isip at puso lamang ang nakakagawa noon.)

 

Ikaw naman. Mayroon ka bang mga payo tungkol sa success at kung paano maging matipid na gusto mong ipahiwatig? Sabihin mo lang sa comments section sa ibaba!
Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.