*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
English Version (Click Here)
Pag-isipan mo itong mabuti: Ano na ang narating mo sa buhay? Nakamit mo na ba ang lahat ng pangarap mo? May mga gusto ka pa bang gawin o makamit bago ka mamatay?
Nasasakal ka ba dahil andiyan ka pa rin sa parehong trabaho, sahod, bahay, kotse, o lugar ng ilang taon? Naisip mo na ba na, kapag ipinagpatuloy mo iyan, tatanda ka lang na wala pang ibang narating sa buhay?
Ano ang mga pangarap mo? Ano ang mga gusto mong makamit?
Isipin mo ang sarili mo na 80 years old na, masyado nang matanda at mahina para magtrabaho at pinagsisisihan mo na lang ang mga ginawa mo “sana” noong bata ka pa.
Isinulat ko sa isang nauna kong article na marami tayong pangarap pero kakaunti lang sa atin ang nakakakamit nito.
Ano ang solusyon? Eto ang tatlong susi mula kay W. Clement Stone, ang may akda ng “The Success System that Never Fails.” (Click Link for the Book)
Tatlong Susi ng Tagumpay mula kay W. Clement Stone
-
Inspirasyon para sa Aksyon
“Ang simula ng lahat ng tagumpay ay KAGUSTUHAN. Tandaan mo ito. Ang mahinang paggusto ay nagdadala ng mahinang resulta, gaya ng maliit na apoy na nagbibigay ng kaunting init.” – Napoleon Hill, Think and Grow Rich
Tanong: Ano ang kabaliktaran ng “Inspired”?
Sagot: “Komportable.”
Kapag komportable ka na sa ano mang ginagawa mo o ano mang meron ka, wala ka nang gagawin o makakamit pang iba.
Marami ang komportable sa simpleng bahay, tatlong beses na pagkain araw-araw, at maliit na pamilya. Hindi koportable sa kanila ang pagiging mahirap, at hindi rin komportable sa kanila ang pagsisikap para yumaman.
Ang iba naman, komportable na lang sa pagiging mahirap at pagtira sa lansangan, pagkain mula sa basurahan, at panlilimos (para makakain, at makabili ng alak at sigarilyo). Ang pagsisikap para sa desenteng pamumuhay ay hindi komportable para sa kanila.
Ang iba rin ay hindi komportable sa pagiging mahirap at pagiging ordinaryo. Sila ang mga nagsisikap magpayaman para makamit nila ang tagumpay sa buhay at mabuhay ng mapayapa at masagana ang kanilang pamilya.
Ito ang dahilan kung bakit kita tinanong tungkol sa buhay mo. Kapag mayroon doong hindi kasing-ganda ng pinapangarap mo, kapag pwede ka pang UMASENSO, mainam na pagsikapan mo iyon.
Ang solusyon sa pagiging komportable sa paghihirap o pagiging ordinaryo ay inspirasyon:
Isipin mo ang masaganang buhay na hindi mo pa nakakamit. Ang pamumuhay ng mga mayayaman at mga sikat na nagsikap para sa kanilang kasaganaan? Makakamit mo rin iyon sa tamang pagsisikap.
Kapag komportable ka na sa pagkabigo o pagiging pangkaraniwan, hindi ka magtatagumpay sa buhay.
Kapag HINDI ka komportable sa kung ano man ang meron ka at nagkaroon ka ng malalaking pangarap na nakakapagpalakas ng iyong loob, magkakaroon ka ng “go power” para magtagumpay.
Huwag mong kakalimutan ang iyong mga pangarap. Pagandahin mo sila para mahanap mo ang lakas ng loob at makamit ang mga ito.
“Kapag gusto, maraming paraan…” (If desired, there are many ways…)
-
Kaalaman
“Kapag mas marami ang nababasa, mas marami ang nalalaman. Kapag mas marami ang natutunan, mas malayo ang mararating.” – Dr. Seuss
Kapag may pangarap ka at hindi mo alam kung paano ito makakamit, malamang mayroong pwedeng magturo sa iyo ng mga kailangan mo para doon.
Kung pangarap mong magtayo ng restaurant, magtanong ka sa mga successful restaurant owners kung paano ka makakapagtayo noon at basahin mo ang mga librong isinulat nila para malaman mo kung paano nila nagawa iyon.
Kung pangarap mong magkaroon ng malakas na katawan, magtanong ka sa mga atleta at mga health experts kung paano mo makakamit ang malakas na katawan at basahin mo ang mga librong isinulat nila para malaman mo kung paano nila nagawa iyon.
Kung pangarap mong yumaman mula sa pag-invest, magtanong ka sa mga mayayamang investors kung paano ka makakapag-invest ng mabuti at basahin mo ang mga librong isinulat nila para malaman mo kung paano nila nagawa iyon. (“Mula Libro Patungong Kayamanan”)
Sa dati kong article (“Ang Presyo ng Kamangmangan”), nagsulat ako tungkol sa kung paano marami sa atin ang nagsasayang ng oras at pagod dahil mayroon tayong hindi nalalaman. Ang isang solusyon doon ay pag-aralan kung ano ang mga KAILANGAN mong malaman para maiwasan mo ang pagkakamali at makamit ang mga mabubuting resulta.
“Kung hindi ka umaasenso, ang ibig sabihin lang noon ay mayroon kang hindi nalalaman.” – From T. Harv Eker’s Secrets of the Millionaire Mind
-
Know-how (Karunungan)
“And oportunidad ay hindi nakikita ng karamihan dahil ito’y nagbabalat-kayo bilang trabaho.” – Thomas A. Edison
Pwede kang magkaroon ng pinakamagagaling na guro, pinakamahahalagang libro, at pinakamabuting edukasyon sa buong mundo, pero wala rito ang makakatulong sa iyo kapag hindi mo palaging gagamitin ang mga natutunan mo.
Gaya ng pagkakaroon ng mga recipe ng mga award-winning dishes, hindi ka magiging award-winning chef kung hindi ka mag-eensayo at palaging magluluto.
Ganoon din sa health, management, sales, business, investing, atbp.
Ang mga KAKAYAHAN/SKILLS o “know-how” na kailangan mo para gumaling ay makakamit lang sa ilang taon ng pageensayo at disiplinadong paghahasa ng sarili. Lilipas din ang mga dekada sa iyong buhay kaya magsimula ka na ngayon!
“Ang pagsisikap ay nagpapakita ng pagkatao ng marami: ang iba naghahanda, ang iba hindi namamansin, at ang iba naman ay hindi sumusulpot.” – Sam Ewing
Ang Nakatagong IKAAPAT na Susi
“Alam mo man o hindi, lahat tayo ay may pilosopiya o pananaw sa buhay. Ang buhay mo ay resulta ng iyong pag-iisip.” – W. Clement Stone, “The Success System that Never Fails” p. 148
Lahay tayo ay may pananaw sa buhay. Bilang halimbawa, ito ang tatlo sa ginagamit ko:
“Ang Pag-aaral/Learning at Pag-iisip at nagbibigay ng napakaraming oportunidad at posibilidad. Kaya mong maging, makamit, o gawin ang kahit anong gusto mo sa buhay kapag natutunan mo kung PAANO. Malamang, matututunan mo na ang kabutihan ay nagbibigay ng kasiyahan, at matututunan mo ring iwasan ang kasamaan dahil ito’y nagbibigay ng pagdurusa.”
“Nararapat lang sa atin ang ano mang mayroon tayo ngayon. Kung pangarap nating umasenso, kailangan nating MAGSIKAP. (Ang umaayaw dito ay mga masasama at tamad. Ang mga mabubuti at masisipag ay sumasang-ayon dito.)
“Maging mabait, patas, at makatarungan sa lahat, pati na rin sa sarili. Huwag maging mapagpaimbabaw (hypocrite). Huwag ring kakalimutan na ang mabuting tao ay hindi palaging maawain. Dapat maibigay sa lahat ang nararapat sa kanila.”
Ang Iyong Pananaw sa Buhay
“Ang buhay ng isang tao ay sumasang-ayon sa pag-iisip niya.” – Emperor Marcus Aurelius
Ang pananaw mo sa buhay ay sumasang-ayon sa iyong pagkatao. Gaya rin ng sinabi ni Stephen Covey (The 7 Habits of Highly Effective People
Kapag nag-iisip ka ng mabuti, na aasenso at yayaman ka sa tamang pagsisikap, at ang pagiging mayaman at matagumpay ay makakatulong sa marami (nagbibigay ng trabaho at makakatulong kapag sinuportahan mo ang mga tao dahil binili mo ang mga gawa nila), malamang, yayaman ka at magiging mabuti ang buhay mo.
Kapag iniisip mong magnakaw para makakuha ng “easy money,” na yayaman ka lang sa pagnanakaw, at masama ang mayayaman, malamang magiging talunan ka lang sa buhay o malala pa roon, nakakulong o namatay dahil sa krimen.
Ano man ang pinaniniwalaan mo o pananaw mo sa buhay, ito’y nakaaapekto sa iniisip, ginagawa, at makakamit mo sa buhay. Siguraduhin mo na ito’y nakabase sa kabutihan at pagmamahal.
Inspirasyon + Kaalaman + Kakayahan/Know-how + Mabuting Pananaw sa Buhay = Tagumpay
Sabi nga ni W. Clement Stone, ang mga susi na iyon ay parang mga numero sa combination lock. Kung mayroon man doon ang mali o nawawala, hindi ka magtatagumpay sa ginagawa mo.
Gamitin mo silang mabuti at malamang makakamit mo ang pangarap mo. Kung hindi, garantisadong mabibigo ka.
Ikaw naman ang pipili. Magagamit ng kahit-sino ang mga susi ng tagumpay, pati na rin ikaw. Gamitin mo man o hindi, ang kapalaran mo ay nasa sa iyo lamang.
LifeWork (parang homework… pero para sa tagumpay mo sa buhay!):
Ano ang pumipigil sa iyo mula sa pagkamit ng iyong mga pangarap?
- Kung wala ka pang napipiling layunin o meron na pero hindi ka pa nagsisimula, baka kulang ka lang sa inspirasyon. Isulat mo ang pangarap mo sa buhay at pag-isipan mo ito:
- “Gaano kasaya ang buhay ko kapag nakamit ko na ito?”
- “Gaano kasakit ang pagsisisi ko kapag tumanda na ako at mamamatay na?”
- Kapag nagsisikap ka pero hindi ka umaasenso, baka may kulang ka lang na kaalaman. Pag-aralan mo ang ginawa ng iba at basahin mo ang mga librong isinulat nila. Baka makahanap ka ng kaalamang makakatulong sa iyong makaiwas sa trahedya at makapagpapabilis pa sa pagkamit mo sa pangarap mo.
- Kapag alam mo ang pangarap mo at kung paano mo ito makakamit, kulang pa rin ang dalawang iyon: Kailangan mong magsikap ng maigi para magkaroon ka ng tamang kakayahan at karunungan para magtagumpay dito.
- Ang pananaw mo sa buhay o ang iyong pagkatao ang magbubuo ng pag-iisip, gawain, at pamumuhay mo. Ingatan mo ang ito dahil isa ito sa pagbabasehan ng kapalaran mo.