English Version (Click Here)
“Bakit kami magsisikap kung bibigyan mo pa rin naman kami ng libre?” Ihanda mo muna ang sarili mo dahil baka masakit ang aral na ito kapag ikaw umasenso na sa buhay (o aasenso pa lang). Kahit ang kayamanan at pag asenso ay magbibigay sa iyo ng kakayanang makatulong sa iba (sa kamag-anak, kaibigan, at pulubi), ang sobra sobrang pagtulong ay nakakasama. Imbis na bigyan mo sila ng pakpak para makalipad, baka pinapaasa mo lamang sila sa iyong limos.
“In general, I am opposed to giveaways and handouts. They take away initiative and responsibility from people. If people know that things can be received ‘free,’ they tend to spend their energy and skill chasing the ‘free’ things rather than using the same energy and skill to accomplish things on their own. Handouts encourage dependence rather than self-help and self-confidence.” – Muhammad Yunus, Creating a World Without Poverty
(Madalas, umaayaw ako sa pagbibigay ng limos. Inaalis nito ang pagkukusa at responsibilidad ng mga tao. Kung alam nila na ang ilang bagay ay makukuha ng ‘libre,’ madalas gagamitin nila ang lakas at galing nila sa paghahanap ng mga ‘libreng’ bagay kaysa gamitin ang parehong lakas at galing para makamit ang mga gusto nila gamit ang sarili nilang pagsisikap. Ang limos ay humihimok ng pagpapasustento kaysa sa pagtulong sa sarili at pagpapalakas ng loob.)
“Pag Asenso” ng Overseas Filipino Workers (OFWs)
Para sa isang third world country kagaya ng Pilipinas, marami sa mga mahihirap o middle class ang nangangarap na umalis sa bansa, kumita ng maraming pera abroad, at magsikap para sa kanilang mga pamilya. Para sa mga Pinoy na nananatili sa bansa, ang pagkakaroon ng kamag-anak na OFW at parang pagkapanalo sa lotto. Kung ang kaunting dolyar ay makakapagpakain na ng isang pamilya, halos kahit anong trabaho sa America o Europe ay pwede na para isipin at maramdaman ng suportadong pamilya na mayaman sila.
Dahil doon, karamihan sa mga OFWs ay tinitignan bilang naglalakad na cash dispenser o ATM kapag nagbabakasyon sila sa tahanan nila sa probinsya. Isipin mo yun: Matapos ang ilang taong sakripisyo, malalaman mo na lang na minamahal ka lang ng pamilya mo kasi nagbibigay ka ng libreng pasalubong.
Kapag Ikaw ay Nagtagumpay
Kapag nagsimula ka sa career bilang mababang empleyado o kapag nagtayo ka ng bagong negosyo, mararamdaman mo na mag-isa ka lang at walang tutulong sa iyo kapag ikaw ay nangangailangan bukod sa iyong mga pinakamalapit na kaibigan at kapamilya. Kapag ikaw ay napromote at naging mataas na executive o kapag ang negosyo mo ay lumaki at kumikita na ng milyon-milyon, biglaan kang papalibutan ng mga “kaibigan” at kamag-anak na hindi mo kilala (mga taong gusto ang laman ng iyong wallet at bank account).
Kapag ikaw ay asenso, masarap “tumulong” sa mga tao gamit ang kaunting pera. Kapag sila’y napahamak (madalas dahil sa kanilang mga luho), ikaw ang palaging lalapitan para iligtas sila. Siyempre, hindi matatapos ang mga “problema” nila dahil hindi sila natututong magsikap at maghawak mabuti ng pera. Paulit ulit silang hihingi ng tulong hanggang wala ka nang pwedeng maibigay pa.
At sasabihin nila na “sakim” o “greedy” ka dahil hindi mo ipinamimigay ang iyong (mukhang walang hanggang) “kayamanan.”
Bakit wala silang utang na loob? Kung palagi kang nagbibigay ng pera, iisipin ng mga tao na karapatan nilang makuha ang pera mo. Kaysa pinapabuti o pinapalakas mo sila, tinuruan mo lang silang manghingi ng libre.
“Gift Giving,” or Economic Outpatient Care
Kung nagbibigay ka ng pera, mas-madalas, sila’y lalong sumasama. Pinag-aralan ito nina Thomas J. Stanley, Ph.D. at William D. Danko, Ph.D., ang dalawang may akda ng “The Millionaire Next Door” at nakita nila na kapag palagi mong binibigyan ang mga anak mo (lalo na mga matatanda mo nang anak) ng pera para “tulungan sila sa buhay,” tinuturuan mo lamang silang manghingi pa. Tinuturuan mo silang maging HINDI successful, at ito ang mga dahilan kung bakit:
- Ang mga cash gifts mo ay gagamitin lang para sa luho o luxuries kaysa sa pag-iipon at pag-invest.
- Iisipin nila na ang kayamanang pinagsikapan mo ay pagmamay-ari nila.
Isipin mo lang: bakit sila magsisikap kung nandiyan ka naman para ibigay ang lahat ng gusto nila? Hindi iyon masayang pakinggan diba? Kung ayaw mo iyong mangyari o gusto mo itong itigil, eto ang isang aral mula sa isang popular na basketball star na nagdaan na diyan.
“Letter to my Younger Self” ni Kobe Bryant
Kapag ikaw ay naging isa sa pinakamayaman at pinakamatagumpay na tao sa mundo, ano ang gagawin mo kapag ibinigay mo na ang lahat para sa iyong mga mahal sa buhay, mga bagay na pinapangarap lamang ng iba… at sinabi lang nila na “kulang pa ito”?
Pinagdaanan na ni Kobe iyan, at eto ang payo niya:
“…you need to figure out a way to invest in the future of your family and friends. This sounds simple, and you may think it’s a no-brainer, but take some time to think on it further. I said INVEST. I did not say GIVE.”
(maghanap ka ng paraan para mag-invest sa kinabukasan ng iyong pamilya at kaibigan. Mukhang simple lang, at iisipin mo na ito’y hindi kailangang isipin, pero maglaan ka ng oras para pag-isipan ito. Sabi ko INVEST. Hindi ko sinabing MAGBIGAY.)
“…you want them to live a beautiful, comfortable life, right?… But the day will come when you realize that as much as you believed you were doing the right thing, you were actually holding them back.”
(…gusto mong mabuhay sila ng maganda at komportable diba?… pero dadating din ang araw na malalamang mong kahit ginusto mong isipin na tama ang ginagawa mo, hinahadlangan mo lang talaga sila.)
“…You were adding material things to their lives, but subtracting the most precious gifts of all: independence and growth.”
(…nagdadagdag ka ng mga materyal na bagay sa buhay nila, pero inaalis mo ang pinakamahahalagang regalo sa lahat: kalayaan at paglago.)
Basahin mo yun uli: Hindi ka lang dapat nagbibigay. Dapat mag-INVEST ka sa kakayanan nilang pagsikapan ang sarili nilang tagumpay. (Basahin mo ang kumpletong sulat sa link na ito)
“Use your success, wealth and influence to put them in the best position to realize their own dreams and find their true purpose. Put them through school, set them up with job interviews and help them become leaders in their own right. Hold them to the same level of hard work and dedication that it took for you to get to where you are now, and where you will eventually go.” – Kobe Bryant
(Gamitin mo ang iyong tagumpay, kayamanan at kapangyarihan para ilagay sila sa pinakamagandang posisyon para makamit nila ang sarili nilang pangarap at tunay nilang layunin. Pag-aralin mo sila, tulungan mo sila sa mga job interviews at tulungan mo silang maging leaders gamit ang sarili nilang kakayanan. Kailangan manindigan sila sa kaparehong pagsisikap at dedikasyon na kinailangan mo para marating ang tagumpay mo ngayon, at ang patutunguhan mo sa kinabukasan.)
Ano nga ang kailangan mong gawin?
Sabi nga ni Kobe Bryant, “INVEST in your family.” Sa mga milyonaryong pinag-aralan ni Thomas Stanley, ang mga batang naging pinakamagaling at pinakamatagumpay ay hindi nakatanggap ng mga cash gifts at tulong… MALIBAN lamang sa kanilang college education. Ano nga ba ang mas-magandang asset bukod sa sarili nilang kakayanang magsikap?
Sa mga OFW naman, napakaraming mga Filipino finance teachers at bloggers ang nagtuturo sa kanila kung paano mag-ipon ng pera at mag-invest sa stocks o real estate. Kasama na sa mga aral na ito ang pagtayo ng sarili nilang negosyo. Ang mga kontratang malaki ang bayad ay matatapos din agad at ang pinakamabuting paraan para maghanda para doon ay ang pagtatayo ng mga bagay na magpapayaman sa iyo NGAYON at sa kinabukasan mo.
Ngayon, pag-isipan mo na muna ang iyong sitwasyon. Paano ka mag-iinvest sa iyong pamilya at kaibigan?
Bibigyan mo ba sila ng mga business contacts at opportunidad? Maituturo mo ba sa kanila ang mga bagay na nakatulong sa iyong pag asenso? Paano mo matutulungan ang iyong pamilya (at kaibigan) na magtagumpay gamit ang sarili nilang kakayanan? Ikaw lamang ang makakasagot diyan.
“When the best leader’s work is done the people say, ‘We did it ourselves.'” – Lao Tzu
(Kapag tapos na ang gawain ng pinakamagaling na pamuno, sasabihin ng mga tao ‘Kami ang gumawa niyan.’)
Siya nga pala, kung kailangan mo itong ituro sa mga umaasa sa iyo, mabuti nang i-share mo itong article na ito at ipakita mo ito sa kanila. Hindi nga ito madaling gawin, pero maiintindihan din nila ito balang araw.