English Version (Click Here)
Mayroon akong isang napakahalagang tanong: Paano ka mag-react kapag sinabihan ka ng mga katotohanang hindi mo gustong marinig?
Agad agad ka bang nagagalit? Ikaw ba ay nagiging defensive? Puro ka ba palusot, nagdradrama, at nagtatantrum o gumagawa ng eksena dahil nasaktan ka sa narinig mo kahit ito ay totoo?
Kung ganoon ka mag-react, pwedeng ikaw ay magdurusa ng husto balang araw, at IKAW ang responsable sa kapalaran mong iyon kahit puro ka palusot at pagtanggi sa katotohanan.
Nakuha ko ang idea para sa article na ito mula sa isang comment na nabasa ko sa isang kawili-wiling video (nasa 24:35). Ipinadala iyon ng kaibigan ko sa isang Facebook group chat. May isang comment doon na nanatili sa aking isipan: “You can tell a person’s character by how much truth they can tolerate”. Malalaman mo ang pagkatao ng iba ayon sa hangganan ng mga katotohanang kaya nilang tanggapin.
(Ang idea na iyon ay nagmula kay Nietzche. Heto ang kumpletong kasabihan:)
The strength of a person’s spirit would then be measured by how much ‘truth’ he could tolerate, or more precisely, to what extent he needs to have it diluted, disguised, sweetened, muted, falsified.
― Friedrich Nietzsche, Beyond Good and Evil
(Pagsasalin sa Tagalog: Ang tibay ng pagkatao ng isang tao ay maaaring sukatin ayon sa hangganan ng kakayahan nilang tumanggap sa katotohanan. Kung titiyakin mo pa, ito’y naaayon sa kung kailangan pa niya itong palabnawin, ikubli, pabangohin, patahimikin, o pekein.)
Napaisip talaga ako doon. Ilan nga ba sa atin ang may kakayahang tanggapin ang mga katotohanang hindi natin gustong marinig? Ilan nga ba sa atin ang tunay na nakikinig kapag pinagsabihan tayo tungkol sa atin mga pagkakamali at kakulangan nang HINDI nagiging emosyonal, nagpapalusot, o nagpapakaapi? Ilan nga ba sa atin ang maninindigan at kukuha ng responsibilidad para sa mga iyon?
Note: Kung ikaw ay mamumuno balang araw (at malamang mangyayari iyon), ito ay isang aral na KAILANGAN mong matutunan.
Paano ka magreact sa katapatan ng iba?
Balikan natin ang video na ibinahagi sa akin ng aking kaibigan. May isang aral doon na hindi ko makalimutan: “In abusive households, honesty is punished.” Sa mga mapang-abusong pamilya, pinaparusahan ang pagsabi ng totoo.
Kung iisipin mo, totoo nga. Anong gagawin ng isang lasinggerong ama o ina na nambubugbog ng bata kung sinabi ng anak nila na bumagsak sila sa kanilang exams? Anong gagawin ng mapang-abuso at masyadong controlling na ina kung nalaman niya na may boyfriend na ang kanyang nagdadalagang anak?
Malamang hindi mabuti ang kanilang magiging reaksyon.
Anong natututunan ng bata sa ganoong pamamahay? Natututo silang magsinungaling. “Ok lang ako sa school.” “Sasama lang ako sa aking mga kaibigan para mag-aral.” “Ok lang ako.” Sa ganoong sitwasyon, pinaparusahan ang pagsabi ng totoo. Bubugbugin ka. Ikukulong ka sa bahay at hindi ka papayagang makita ang iyong barkada at mabuhay nang normal. Kung magsasabi ka ng totoo, puro drama at stress lang ang kahihinatnan nito.
(Ang masama pa doon, natututunan ng bata ang mga mapang-abusong asal na iyon, at hindi nila namamalayang ginagawa na pala nila iyon.)
Hindi ito nakikita lang sa mga pamilya. Anong mangyayari kapag sinabihan mo ang iyong mapang-abuso at ganid sa kapangyarihan na boss na puro palpak siya sa kaniyang trabaho at siya ang pinagmulan ng mga problema ng iyong team? Anong mangyayari kung sinabi mo sa isang masyadong sensitibong boyfriend o girlfriend na pakiramdam mo sinasamantala ka na nila at hindi mo maramdaman ang effort niya sa inyong relationship?
Malamang, huwag ka nang umasa na maayos ang pagsagot nila sa iyo.
Ikaw ba’y patungo sa isang bangin?
Heto ang isa pang thought experiment. Isipin mo may taong nagpacheckup at ayon sa medical tests siya daw ay prediabetic. Sabi ng doktor, kailangan niyang iwasan na ang mga sitsirya at hindi healthy na pagkain at kailangan na rin niyang magsimulang mag-ehersisyo dahil baka magkaroon siya ng mga napakaseryosong sakit pagdating ng panahon. Binalaan siya ng doktor na kung ipinagpatuloy niya ang kaniyang mga nakasanayang gawain na nakaaapekto sa kaniyang kalusugan, pwede siyang magkaroon ng diabetes na nagbibigay ng mga problema tulad ng mga sugat na hindi gumagaling, nerve damage, organ failure, pagkabulag, at marami pang iba.
Ngayon, isipin mo na ayaw niyang marinig ang katotohanan. Gusto niyang isipin na wala siyang problema, kaya siya’y nagdrama, inaway ang mga doktor na nagbigay ng magkaparehong tamang diagnosis, at ipinagpatuloy lang niya ang pagkain ng sobra sobrang sitsirya. Tapos, pagdaan ng panahon, nagkaroon nga siya ng malubhang diabetes. Tapos noon iiyak, magrereklamo, at maninisi lang siya ng iba dahil naging mas-malala ang kaniyang kalusugan.
Ang totoo, naiwasan sana niya ang sakit na iyon… kung pinakinggan niya ang katotohanan at naging responsable para sa sarili.
Ganoon ka rin ba?
Nanghihingi ka ba ng payo, papuri, at pagpapatunay mula sa iba, pero nagagalit, nagiging defensive, at nagdradrama ka lang kung sinabihan ka ng mga facts o katotohanan (at tunay na facts o katotohanan, hindi opinyon lang) na hindi mo gustong marinig?
Mag-ingat ka. Mananawa ang mga tao sa pagdradrama mo.
Tulad ng bata na lumaki sa mapang-abusong pamilya, ang mga kaibigan at kamag-anak mo ay magpapatamis ng kanilang mga salita, palalabnawin at ikukubli ang katotohanan, at pepekein ang kanilang mga tugon at payo sa iyo para lang manahimik ka. Sa madaling salita, MAGSISINUNGALING SILA para hindi ka magdrama at maginarte. O pwede ring mananahimik lang sila at iiwasan ka.
Tapos noon, ipagpapatuloy mo lang ang iyong masasamang ugali at ika’y magiging mas masahol pa habang tumatagal. Magpapatong-patong ang iyong mga pagkakamali at mga bisyo, tatamaan ka ng karma mo, at magiging miserable ang buhay mo. At alam mo, kapag mas lumala ang buhay mo, sisisihin at idadahilan mo ang lahat ng bagay sa mundo bukod sa sarili mong mga pagkukulang. Malamang, hindi mo mamamalayan na IKAW pala talaga ang sanhi ng iyong mga problema.
“Don’t kill the messenger” (Huwag patayin ang tagapagbalita)
Kung sinabihan ka ng mga katotohanang ayaw mong marinig at ang una mong reaksyon ay magdrama, magpalusot, at maginarte na parang ikaw ay inaapi para pangatwiranan ang iyong mga kakulangan at pagkakamali, kailangang kailangan mo nang iwasan ang gawaing iyon mula ngayon.
Malamang napakahirap ito, lalo na kapag nakasanayan mo iyong gawin mula pagkabata, pero kailangan mo nang maging responsable para sa bisyong iyon kung ayaw mong lumala ang buhay mo.
Matutong harapin ang katotohanan, kahit hindi mo ito gustong pakinggan. Kung gusto mong umasenso sa buhay, kailangan mong makinig sa mga facts o katotohanan at sa mga payo ng iba, kahit ito’y nakakasakit. MAS LALO MONG KAILANGANG MAKINIG kapag ito’y nakakasakit sa iyong damdamin.
Kahit ang iyong mundong ginagalawan, iyong kinatatayuan sa buhay, at ang mga tao sa buhay mo ay toxic o mapang-abuso, at sila ma’y mga bagay na hindi mo kayang kontrolin, alalahanin mo palagi na pwede mong kontrolin ang iyong mga aksyon at reaksyon sa mga masasamang bagay at pangyayari sa iyong buhay… at dito nakasalalay ang iyong kinabukasan.
Kung sinasabi sa iyo ang iyong mga kakulangan at nagbibigay naman sila ng mga solusyon, huwag kang magdrama at magpalusot. Ang lahat ng tao ay nagkakamali at lahat ay may mga pagkukulang, pero ang mga nakikinig sa katotohanan at hindi nagdradrama at ipinagkakaila ito ang mga natututong magbago at umasenso.
Feedback is the breakfast of champions.
— Ken Blanchard
(Pagsasalin sa Tagalog: Ang pagpuna ang almusal ng mga kampeon.)
Tanggapin ang katotohanan, at maging responsable sa sarili
Ano ang mangyayari kapag sinimulan mong makinig at tumanggap ng mga mapapait na katotohanan? (At ang ibig kong sabihin dito ay tunay na pagtanggap, hindi iyong nakinig lang kuno pero nagmamaktol at umaangal ka pa rin.) Maraming mabubuti:
- Agad-agaran mong nalalaman ang mga posibleng maging problema mula sa mga babala ng iba.
- Mababawasan ang mga pagkakamaling nagagawa mo. Kakausapin ka ng mga tao at babalaan ka bago ka magkamali.
- May pagkakataon kang ayusin ang iyong mga pagkakamali bago ito lumala at maging napakalaking problema. Diba nga, kung hindi ka na sinasabihan ng iba tungkol sa mga pagkakamali mo dahil alam nilang magdradrama ka, magpapatong-patong ang mga mali mo hanggang matabunan ka ng lahat ng ito.
- Mas pinagkakatiwalaan ka ng iba. Alam nilang nakikinig ka at maaasahan ka nila na gagawin mo ang tama (at hindi mo sila aawayin dahil nasaktan ka sa katotohanan).
- Nagiging matibay ang loob mo at ikaw ay nagiging mas-mature. Ikaw ay magiging mas-mabuting leader o pinuno.
Tandaan: “Truth hurts”. Masakit ang katotohanan, pero ito’y mas mabuti kaysa sa mabuhay sa kasinungalingan. Ang katotohanan, kapag hinarap mo nang maayos, ay hindi biglaang sasabog at sisirain ang buhay mo tulad ng buhay na puno ng kasinungalingan. Matutong tanggapin ang katotohanan nang may dignidad, at huwag kang maging emosyonal at madrama.
Sana marami kang natutunan mula dito sa article na ito. Bago tayo magtapos, mayroon akong isang huling (medyo nakakatuwang) kasabihan na nabasa ko sa kung saang sulok ng internet:
Being constantly offended doesn’t mean you’re right.
It just means you’re too narcissistic to tolerate opinions different than yours.
Source unknown
(Pagsasalin sa Tagalog: Kung lagi kang nasasaktan sa mga salita o gawain ng iba, hindi nito ibig sabihin na tama ka. Ang ibig sabihin lang nito, masyado ka lang makasarili kaya hindi mo matanggap ang mga opinyong naiiba sa iyo.
Salamat sa iyong dalaw! Hanggang sa muli!
View Comments (0)