*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
English Version (Click Here)
May kaibigan o katrabaho ka bang masayang maging kasama? Isang kaibigan na, kapag ikaw ay namomroblema, nariyan sila para tumulong o at least pasayahin ka? Sa kabilang dako, baka may kakilala ka naman na puro negativity lang ang inilalagay sa iyong buhay. Isang tao na pinagtatawanan ka kapag ikaw ay nagkamali o kinokonsenya ka para gawin ang gusto nila. Isipin mo may irerekomenda ka para sa pay raise o promotion. Malamang, irerekomenda mo ang mabuting kaibigan at hindi ang mapang-api. Kung gusto mo ng mabuting karma at magkaroon ng mas maraming magagandang oportunidad sa buhay, kailangan mong maging mabuting kaibigan sa lahat.
Para sa iyong negosyo man o career, o para sa iyong mga kaibigan at pamilya, ang pagiging magaling makisama ay isang kakayahang kailangan para magtagumpay sa buhay at magkaroon ng mabubuting pakikipag-ugnayan sa iba. Sayang lang at napakaraming tao ang nandadaya dito at gumagamit lamang ng pambobola at panloloko. Kung gusto mong magustuhan ka ng mga tao, kailangan gamitin mo ang tamang paraan: ang paggamit ng kabutihan at tapat na kalooban. Ito ang limang aral na kailangan mo ngayong pag-aralan.
5 Paraan para maging Magaling Makisama
-
Magpakita ng Tapat na Pagpapahalaga sa Ibang Tao
Sino ang mas pipiliin mo bilang kaibigan, katrabaho, o pamuno? Ang isang tao na sarili lang ang iniisip, hindi ka pinapansin, at pinupuna ang lahat ng iyong sinasabi at ginagawa, o mas pipiliin mo ba ang isang tao na nagmamalasakit para sa iba, pinapahalagahan ang mga ginagawa mo, at nagbibigay ng tamang payo kapag ikaw ay nagkakamali? Mas gusto mo ba ang isang tao na iniisip nilang mas-mataas sila kaysa sa iyo, o ang isang tao na tinuturi kang parang kaibigan?
Sabi ni Norman Vincent Peale, ang may akda ng The Power of Positive Thinking, may isang katangiang kailangan para magustuhan ka ng iba: “Tapat at tuwirang pagiintindi at pagmamahal sa kapwa tao.” Ito ay, sabi ni Dale Carnegie, iba sa pambobola na simpleng manipulasyon lamang. Ang pagpapahalaga ay isang papuri na ibinibigay dahil gusto mo at hindi dahil may gusto kang makuha.
Magpakita ka ng tapat na pagpapahalaga sa ibang tao at papahalagahan ka rin nila.
-
Piliin mo ang Makabubuti para sa Lahat
Halos walang tao ang gustong maisahan. Kahit natutuwa ka kapag “nanalo” ka sa negosasyon, ang “natalong” panig naman ay iiwas sa iyo (at sasabihin din nila sa iba na mapag-abuso ka). Nanalo ka sa isang laban, pero nawalan ka naman ng mga kaibigan.
Ito ang isang aral na natutunan ko mula sa The 7 Habits of Highly Effective People ni Stephen Covey: Think WIN-WIN. (Mag-isip ka ng paraan para makinabang lahat). Sa pakikitungo mo sa iba, maghanap ka ng paraan kung paano magkakabenepisyo ang lahat. Halimbawa, kung humingi ka ng tulong, magbigay ka ng bagay na katumbas ang halaga o magbigay-tulong ka sa kinabukasan at panindigan mo iyon.
Kapag makikitungo ka sa iba, dapat PALAGI kang tapat: Huwag mong lolokohin ang ibang tao, at huwag ka ring magpaloko.
-
Tumulong ng walang kapalit
Ang ibig-sabihin ng “devil’s bargain” ay isang deal o transaksyon kung saan malaki ang mawawala sa iyo pero kaunti lang ang benepisyong makukuha mo. May mga kilala ka bang tao na, kung humingi ka ng tulong, madalas aabusuhin nila ang iyong utang na loob?
“Sige na, binigyan kita ng P1,000 noong nakaraang linggo noong nangailangan ka ng pera! Baka naman pwede mo akong hayaang manatili sa bahay mo at kainin ang kalahati ng pagkain mo ng isang buwan! Kung ayaw mo, edi hindi ka mabuting kaibigan.”
Huwag kang maging ganoon. Inaayawan ang mga mapang-abuso at aayawan ka din kapag ginawa mo iyon. Isipin mo: Mahilig ka bang magbigay ng favors para makakuha ng benepisyo? Mahilig ka bang gumamit ng itang ng loob ng iba kapag ginusto mo? Tumigil ka na. Kapag tutulong ka sa iba, gawin mo dahil tama lang iyong gawin at hindi dahil may gusto kang makuha.
Sa kabilang dako naman, ang pagsakripisyo ng kapakanan mo (at ng pamilya mo) para tumulong sa iba ay hindi rin nakabubuti. Ibebenta mo bahay mo para matulungan ang isang kaibigan? (at magrereklamo ka kapag hindi niya ito gagawin para sa iyo?) Huwag! May mga paraan para tumulong ng hindi nagsasakripisyo: Magbigay ng lakas ng loob at pag-asa, mga contacts, idea, o iba pang paraan ng pagtulong para malutas nila ang sarili nilang problema.
Alalahanin mo ang sinabi ni Malcolm S. Forbes: “You can easily judge the character of a man by how he treats those who can do nothing for him.” (Madali mong malalaman ang pagkatao ng iba mula sa pagtrato niya sa mga taong walang magagawa para sa kanya). Tumulong ka dahil mabuti kang tao, hindi dahil may gusto kang makuha.
-
Pag-aralan mo kung paano maging “Charismatic”
Sabi ni Olivia Fox Cobane, ang may-akda ng The Charisma Myth: How Anyone can Master the Art and Science of Personal Magnetism, mayroon daw tatlong mahahalagang sanhi ng pagiging Charismatic: Presence, Power, at Warmth.
Ang “Presence” ay ang tunay na pakikinig at pakikitungo sa iba. Malalaman mo ang kawala nito kapag may kinakausap ka at alam mong hindi sila nakikinig kasi may iba silang iniisip. Malamang pakiramdam mo nabastos ka dahil doon, kaya iwasan mong gawin iyon sa ibang tao.
Ang “Power” charisma ay ang kakayahang ipahiwatig sa iba na kaya mong baguhin o aksyonan ang mundong kinagagalawan mo (at kung magagamit mo ang abilidad mo para tulungan sila). Ito’y napakalapit sa tinatawag nating “confidence.”
Ang “Warmth” naman ay ang kagustuhan mong tumulong sa iba (bahagi nito ang ikatlong payo). Madalas, ito ang ginagawa ng tunay na leader: mabait sila sa kanilang mga empleyado. Sa kabilang dako naman, ang mga boss na nananakot ng empleyado at pumupuwersa sa kanila na magtrabaho ay kulang sa “warmth.”
Pag-aralan mong gamitin ang tatlo: Bigyan mo ng pansin ang ibang tao, mabuhay ka ng may tiwala sa sarili (confidence), at magpakita ka ng kagandahang loob sa iba. Ang mga iyon ay mga kakayahan kung saan pwede kang maging dalubhasa. Kailangan mo lang maghanap ng mabuting libro at mag-practice.
-
Magkaroon ng Positibong Pag-iisip
Malamang narinig mong karamihan sa komunikasyon ay nonverbal (hindi sa salita lamang). Mararamdaman mo madalas ang nakatagong intensyon kapag kinakausap ka ng mga taong mahilig magmanipula ng iba. Ito ma’y mula sa tono ng kanilang boses, ang kanilang ngiti, o pagtingin nila sa iyo, alam mong may ibang ibig-sabihin ang sinasabi nila. Kahit magsalita sila na “Gusto kitang tulungan” (pero may kailangan kang gawin para sa akin mamaya) o “Maganda ka ngayon ah” (pwedeng pahiram ng pera?), mararamdaman mo na ang ibang tao ay gusto ka lamang gamitin at kinaaayawan mo sila dahil doon.
Mararamdaman din iyon ng ibang tao kapag IKAW ang gumawa noon kaya iwasan mo ito kahit anong mangyari.
Ito ang susi na magpapagana sa naunang apat na payo: hindi ang mga salitang ginagamit mo ang mahalaga kundi ang pag-iisip o mindset na mayroon ka. Kailangan mo ng mabuting intensyon, tapat na pagpapahalaga sa iba, at tunay na intensyong tumulong.
Simulan mo sa mindset o pag-iisip na mabuti kang tao at gumagawa ka ng napakabuti para sa mundo. Kapag natutunan mong paniwalaan iyon, mararamdaman ng iba ang mabuti mong intensyon at magiging mabait din sila sa iyo.
Sabi ni John Maxwell, kakaunti ang nagtatagumpay sa mundo kung hindi sila gustong pagtagumpayin ng maraming tao. Yun ang dahilan kung bakit kailangan mong pakinggan itong payo ni Zig Ziglar: “You can have everything in life you want, if you will just help other people get what they want.” (Makukuha mo ang kahit anong gusto mo kapag tinulungan mo ang ibang tao na makuha nila ang gusto nila.)
View Comments (6)
Hi!po.marami po ako natutunan.sa payo nyo po.isasabuhay ko po lahat NG natutunan ko.positive Lang po talaga lagi.at wag intindihin Ang sinasabi NG ibang tao.
Thank you Maricel! Mabuti nakatulong yung article na isinulat ko, at tama nga, wag makinig sa masasamang salita at paninira ng iba.
I’m struggling sa pakikisama sa iba. Bata palang ako nabubully na ko hanggang nagcollege mas sanay na lang akong mag isa. Ngayong may work na ko nahihirapan ako. Iniiwasan ako. I think ako talaga may problema. Nagpapakatotoo naman ako sakanila pero ganon pa din ?
Sadly kapag toxic ang ibang tao o ang mga tao sa workplace, mas mabuti nang iwasan na lang sila. Pwede rin kailangan mong ipractice ang assetiveness at confidence para mabawasan ang mga nambubully sa iyo. Bukod pa roon, sana makilala mo rin ang mga tao na mabait at magalang at hindi ka ibubully. Magkatulad rin tayo noon, pero buti na lang noong highschool may mga nakilala akong tatlong kaibigan na kasundo ko. Mga nerds kami noon, pero dahil isang grupo kami, hindi na kami nabubully. Sana makahanap ka rin ng mga mabubuting kaibigan.
papaano kung may kasamahan ka na magaling magmanipula sa pamamagitan ng panglilibre palagi at kayang baligtarin ang sinasabi mo dahil nga mas pinapaniwalaan nila ito. Kausapin ko ba sila para sabihin ang totoo?o hayaan na lang?
Hello po,
Personally, yan yung kailangang unti unti nang iwasan. Yan po yung uri ng tao na kailangang tanggalin sa buhay.
1. "magmanipula sa pamamagitan ng panglilibre palagi" = Ang tawag po diyan according to psychology ay "Love Bombing". Inaabuso po niyan ang human nature na magreciprocate ("reciprocity") or tumulong sa tumutulong sa atin.
Ang TUNAY na tulong o taos pusong pagbibigay, hindi nanghihingi ng kapalit. Ang panlilibre, pagtulong, pagbibigay nang may nakataling kapalit (na madalas mas malaki ang hinihingi na kapalit) ay pang aabuso. May kakilala po kaming ganyan. Paminsan minsan magpapadala ng isang maliit na kahon ng pagkain o prutas, pero next week magkukunwaring naghihirap sila at manghihingi ng P30,000. Iniiwasan na namin yung tao na iyon.
2. "kayang baligtarin ang sinasabi mo" = Sa psychology, may iba iba pong tawag at estilo sa uri ng pagmamanipula na yan, tulad ng "Gaslighting", "Guilt Tripping", atbp. Sa pagkakaalam ko po, isang tactic yan ng mga narcissist para ipamukha sa iba na sila ang tama o sila ang biktima, kahit sila talaga ang may kasalanan o sila ang nananakit ng iba.
Para sa akin po, kung sa tingin niyo magbabago siya at magiging mas mabuting tao, pwedeng subukang kausapin. Pero dahil sa number 2, at kung buong buhay na silang ganoon, baka malabo nang magbago sila. Bakit naman sila magbabago kung sa pangmamanipula nila ng iba nakakakuha sila ng iba't ibang advantage sa buhay diba?
Malamang hayaan at iwasan na lang kung ganon. Iyon din po ang payo ko sa mother ko dahil may kakilala siyang mga ganyan.
Iwasan sila dahil kahit sa isip mo "kaibigan" sila, hindi talaga kaibigan ang mga ganyan. Sila'y mga abusers.
Yun lang po ang opinyon ko. Sana po nakatulong.
Regards,
Ray L.
YourWealthyMind.com