ENGLISH Version (Click Here)
“Ang edukasyon ang pinakamalakas na sandatang pwede mong gamitin para baguhin ang mundo.”
– Nelson Mandela
6pm o 7pm na kapag papauwi ako mula sa trabaho. Sa paglakad pauwi, napapadaan ako sa isang overpass na dinadaanan ng maraming tao.
Doon sa lapag, nakikita ko siya ilang beses kada linggo. Nakaupo sa daan, ang kaniyang mga binti ay nakatupi at nakatago sa maruming damit. Ang kaniyang balat ay marungis, buhok niya’y kulot at mahaba na sa kawalang-alaga, at ang kaniyang mukha ay hindi umiimik. Sa kamay niya ay may maruming plastic na baso, gamit na at itinapon ng iba, at palagi niya itong inaabot sa mga dumadaan. Tahimik lang siyang nanlilimos.
Naghuhulog ako ng limang-piso habang naglalakad pauwi.
Kada-linggo ilang beses ko siyang nakikita sa parehong lugar, parehong damit, at ganoon pa rin ang ginagawa. At naghuhulog uli ako ng limang-piso.
Linggo-linggo nakakakuha siya ng barya mula sa mga naglalakad. Linggo-linggo andoon lang siya. Magkano pa kaya ang kailangan nating ibigay para makabili siya ng maayos na damit? Magkano para makabili siya ng maayos na bahay? Magkano para makabili ng mabuting kabuhayan?
Magkano man ang ibigay natin, andoon pa rin siya, nakaupo sa kalsada at nanlilimos.
Karamihan sa atin, lalo na mga middle-class, ay katulad din noong pulubi.
Nagtratrabaho tayo palagi, pero gaano man tayo kasipag magtrabaho, marami pa rin tayong hindi mabili at makamit. Pangarap natin iyong bagong kotse, computer, o iba pang kagamitan. Pangarap nating makamit ang mas-mabuting pagkain at mas-magandang bahay. Pangarap nating maglakbay at lubusin ang oras natin sa buhay… pero kagaya noong pulubi, hindi natin ito kaya. Iba nga ang presyo, pero iisa lang ang problema.
Naisip ko lang…
“Bigyan mo ng isda ang isang tao at mapapakain mo siya ng isang araw; turuan mo siyang mangisda at makakakain siya habang-buhay.”
Paano kung ang pulubi ay matutong magluto at magbenta ng pagkain?
Paano kung ang pulubi ay matutong gumawa ng kagamitan, magtayo ng bahay at apartments, o matuto ng Medicine at magpagaling ng mga may sakit?
Paano kung ang pulubi ay matutong magtayo ng negosyo at palakihin ito para magbenta ng mga produkto sa iba-ibang bansa?
Kakailanganin pa kaya noong pulubing manlimos kapag kumikita siya ng milyon-milyon kada buwan? Hindi na siguro.
Ngayon, paano kung IKAW ay natutong maging mas-magaling sa trabaho at natuto ng leadership at management skills para ma-promote?
Paano kung natutunan mo kung paano magtayo ng side-business at gamitin ito para doblehin o triplehin ang iyong kinikita ngayon, o higit pa?
Paano kung natutunan mong mag-invest sa stocks, bonds, real estate, at iba pang mga assets para kumita ng milyon-milyong piso?
Paano kung natutunan mo kung paano mapapagsikapan ang pangarap mong kabuhayan?
Sabi nga ni Nelson Mandela, ang edukasyon ang pinakamagaling na sandatang pwede mong gamitin para baguhin ang mundo. Naniniwala ako na ang PAG-AARAL ang UNANG susi sa magarang tagumpay, at iyon ang dahilan kung bakit ko itinayo itong blog na ito:
Your Wealthy Mind (Ang Iyong Mayamang Isipan): Nagpapaunlad ng Buhay at Pumupuksa sa Kahirapan sa bawat Aral.
Ang kaalaman ay nakakatulong lamang sa nakakaalam nito, at hindi ito makakatulong sa iba kung hindi natin ito ituturo. Dito ko iipunin at isusulat ang mga aral na magagamit natin para makamit ang kasaganaan. Ang iilang aral ay hindi man magamit ng iba, pero ang parehong mga aral na iyon ay makakapagpaunlad ng buhay ng milyon-milyong ibang tao.
Baka balang araw ang isang simpleng kasulatan, talata, o IDEA ang magsisindi ng inspirasyon sa iyong puso at isipan at masisinagan ang daan patungo sa mas-magandang kinabukasan. Nagdadasal ako na ang liyab na iyon ay makakarating din sa mga pulubi.
Naniniwala ako na LAHAT TAYO ay kayang makamit ang ating mga Pangarap kapag NATUTUNAN natin kung PAANO ito Pagsisikapan.
“Kung walang kaalaman, madaling mawala ang kayamanan sa naghahawak nito, pero kapag may kaalaman, makukuha ang kayamanan ng mga wala nito.”
– George S. Clason