Sabi nga, “repetition is the key to mastery”. Ang paguulit-ulit ng isang bagay ang susi sa pagiging dalubhasa dito. Kung seryoso ka sa pagpapabuti ng iyong sarili at sa pagkamit ng tagumpay sa buhay, malamang alam mong hindi sapat ang pananatili sa paggawa ng alam mo na at limitahin ang sarili sa nakasanayang gawin. Kailangan mong matuto pa para kumita pa at umasenso.
Kung mahalaga ang pag-aaral ng bagong bagay, bakit mo kailangang balikan ang mga lumang libro at guides? Bakit mo babasahin o titignan uli ang mga nabasa at natutunan mo na? Pag-aralan mo lang sandali ang article na ito upang malaman kung bakit.
Kung Bakit Dapat mong Balikan ang Iyong Mga Lumang Libro
Kapag naintindihan mo ang halaga ng pagapabuti sa sarili sa pagpupunyagi para makamit ang tagumpay, malamang marami ka nang librong nakolekta at nabasa, na-save na articles, napanood na video tutorials, at iba pang guides sa iyong bahay.
Hindi man masisigurado ng mga libro ang iyong tagumpay, mapapataas nga naman nila ang iyong pagkakataong makamit ito. Di ba nga, makakamit mo lang ang tagumpay kapag NATUTUNAN mo ang kailangan mong gawin para makuha ito. Narito ang ilang dahilan kung bakit kailangan mong basahin muli ang mga bagay na natutunan mo na.
1. Matututunan mo ang iyong mga nakaligtaan.
Noong nagaaral pa ako sa kolehiyo, nabasa ko ang librong Rich Dad, Poor Dad ni Robert Kiyosaki at sobrang nagustuhan ko ang mga aral dito. Sa panahong iyon, nagdesisyon ako na hindi ko susundin ang landas ng karaniwang “corporate slave” na nabubuhay lang ng isang kahig isang tuka (“living paycheck to paycheck”). Sa kasamaang palad, iyong iisang aral lang na iyon ang naalala ko noon. Hindi ko naintindihan ang iba pang mga aral at payo tungkol sa paghahawak ng pera (personal finance) at pagnenegosyo hanggang lumipas ang matagal na panahon.
Iilan lang sa atin ang makakaalala sa bawat isang mabuting payo sa ilang-daang pahina ng mga libro. Sa pagbabalik at pagreview ng mga libro at guides na nabasa natin, nakikita natin muli ang mga aral, kaalaman, at impormasyong hindi natin napansin dati.
2. Maaalala mo ang iyong mga nakalimutan.
Minsan marami tayong natututunang mabuting payo mula sa mga libro. Sa kasamaang palad, dahil mahirap baguhin ang lahat ng ating nakasanayan para gamitin ang mga bago nating natutunan, titigil tayo sa paggamit ng ilang mga payo hanggang tuluyang makalimutan natin sila. Halimbawa, sa ilang mga self-improvement books matututunan natin kung paano gumawa ng goals o layunin, paano alalahanin ang atng goals, paano at kailan natin dapat i-visualize at magmeditate tungkol sa pag-asenso at tagumpay, at marami pang iba. Kung hindi natin magawang makasanayan sila, malamang makakalimutan lang natin ang mga ito.
Ang pagbabasa at pagbabalik sa mga natutunan mo na ay magbibigay sa iyo ng isa pang pagkakataong magamit at masanay sa mabubuting habits na malamang ay nakalimutan mo.
3. Makakakuha ka uli ng inspirasyon.
Ang isang dahilan kung bakit mahilig akong magbasa ng mga self-improvement at self-help books ay dahil bukod sa mga praktikal na payo, madalas mayroon silang mga kuwento at halimbawa ng mga taong nagsikap at nagtagumpay kahit napakahirap ang kanilang sitwasyon.
Halimbawa, sa librong The Success Principles ni Jack Canfield, naroon ang kuwento ni Shun Fujimoto noong siya ay nagperform ng gymnastics routine at nakagawa ng perfect landing sa olympics… kahit nabali ang kaniyang tuhod. Dahil tiniis niya ang sakit at ginawa niya ng maayos ang kanyang routine, nanalo siya ng gold medal.
Naroon din ang isang kuwento tungkol kay Marilyn Tam, ang dating divisional manager ng Miller’s Outpost, noong nakipagkita siya kay Phil Knight, ang CEO ng Nike para sa isang business deal. Bago ang meeting, nagresearch si Marilyn para makakuha ng mas-maraming impormasyon tungkol sa Nike. Nakita niya na ang apparel line (mga damit) sa Nike, di tulad ng kanilang dekalidad na sapatos, ay hindi ganoon kaganda ang kalidad dahil nagmula sila sa iba’t-ibang manufacturers at hindi consistent ang kanilang kalidad. Kaysa manahimik, sinabi ni Marilyn ang nakita niya kay Phil. Tapos agad ang meeting nila noon.
Pagdaan ng panahon, napag-isipan naman ni Phil ang nakuha niyang impormasyon. Dahil doon, si Marilyn ay nabigyan ng posisyon bilang VP for apparel ng Nike. Malaking kabutihan nga naman ang naibibigay ng pagsabi ng totoo.
Dadalawa lang iyon sa nakita ko noong binuksan ko ang libro, at napakarami pa ang nandoon.
Minsan, ang kaalaman sa mga libro ay pwedeng makapagpagana sa atin para magsikap pa ng husto. Sa kasamaang palad, naglalaho ang epekto nito sa pagdaan ng panahon at bumabalik tayo sa nakasanayan nating performance o pagsisikap. Ang mabilisang pagbabalik-tanaw sa natutunan natin ay pwedeng makapagpalakas muli ng ating loob at ganahan tayong magpunyagi pa ng husto. Ang ilang minuto ng pagreview ng mga inspirational stories ay nakabubuti ng husto, lalo na kapag palagi natin itong ginagawa.
Sa kabuoan…
Iyon ang tatlong dahilan kung bakit kailangan mong ireview ang mga bagay na natutunan mo na. Kahit kailangan nating matutunan ang mga pinakabagong techniques at teknolohiya, hindi naman natin kailangang gumastos palagi sa mga bagong bagay, tulad ng mga bagong guide o bagong educational workshop. Pwede naman nating balikan ang mga nabili na natin.
Makikita natin ang mga aral na hindi natin napansin, matututunan natin ang ating mga nakalimutan, at makakakuha uli tayo ng inspirasyon mula sa gawa ng iba.
Dito muna tayo magtatapos. Sana nagustuhan mong basahin ang article na ito! May mga libro ka ba sa bahay na hindi mo nabasa kamakailan lang? May mga libro at articles ka bang hindi pa natatapos basahin? Bakit hindi mo sila balikan ngayon at tignan kung ano ang iyong mga matututunan?
Baka may mahanap ka muling aral na napakahalaga.
Siya nga pala, kung gusto mong matuto pa, basahin mo lang ang iba naming articles sa recommendation section sa ibaba!
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.