X

Paano Gumawa ng Business Plan

English Version (Click Here)

Sa pagluluto, ang mga pinakamagagaling na chef ay sumusunod sa konseptong “mise en place” (lahat nasa tamang lugar). Ibig sabihin noon, kailangan naintindihan mo na ang mga instructions o tagubilin sa pagluluto at inihanda mo na ang lahat ng sangkap bago ka magsimula. Kung hindi mo siniguradong ihanda ang lahat ng kailangan, ang mga nakalimutan mong gawin ay pwedeng makasira sa lasa ng iyong niluluto. Ang konseptong ito ay pwede mo ring gamitin sa pagsisimula ng negosyo. Kailangang planado mo na ang lahat para makita mo ang mga bagay na pwedeng pagmulan ng problema at iresolba mo sila bago ka magsimula, at ililista mo rin ang mga bagay na kailangan mong gawin para mas mataas ang pagkakataong magtagumpay ang iyong negosyo.

Bukod sa paghahanda para sa mga problemang pwedeng harapin, kapag nangangailangan ka ng loans sa bangko o kailangan mo ng investors na magbibigay ng pera o kapital para sa iyong negosyo, malamang gugustuhin muna nilang makita ang iyong business plan. Isipin mo lang, kung may nanghihingi sa iyo ng sampung libong dolyar (halos P500,000), ang negosyanteng alam ang kailangan nilang gawin para magtagumpay ang kanilang negoyso ay mas nararapat bigyan ng pagkakataon kumpara sa isa pang negosyanteng nanghuhula lang.

Maraming ibang mas detalyadong guides tungkol sa pagsulat ng business plan sa internet. Ang article na ito ay maglalaman lang ng basics. Ang pangunahing dahilan kung bakit isinulat ko ito ay dahil hindi ganoon karami ang mga guides na nakasulat sa Tagalog. Kapag kailangan mong magsimulang gumawa ng business plan, basahin mo lang ito para makita ang ilang mga bagay na kailangan mong pagisipan.

Paano Gumawa ng Business Plan

Executive summary

Madalas ito ang pinakaunang bahagi ng business plan pagkatapos ng title page. Ang executive summary ay naglalaman ng mga pinakamahalagang impormasyon tungkol sa iyong kumpanya.

  • Ano ang ginagawa ng kumpanya mo?
  • Ano ang iyong mga produkto o serbisyong ginagawa?
  • Ano ang mission statement ng kumpanya mo?

Ano ang iyong pinakamahalagang competitive advantages at disadvantages (mga ginagawa ninyo kung saan mas magaling kayo kumpara sa ibang kumpanya, at mga bagay na hindi mo magawa nang kasing husay nila) pati na rin operational strengths at weaknesses (mga nagagawa niyong mabuti sa negosyo at mga problema niyo sa pagpapatakbo ng negosyo)? Ang lahat ng iyong at iba pa ay dapat nakabuod sa bahaging ito.

Bukod pa roon, sabi ng iba kailangan mo ring sabihin dito ang mga bagay na kailangan mo mula sa mga taong magbabasa ng iyong plan. Kapag kailangan mo ng investment na pera para sa kung ano mang bagay, pwede mo silang ilarawan dito. Siguraduhin mo lang na kaaya-aya ito para sa mga investors.

Ang isa pang payo na ibinibigay ng mga tao ay dapat mo raw isulat ang executive summary pagkatapos mong isulat ang iba pang bahagi ng iyong business plan. Kung mayroon ka nang klarong overview o pagtanaw ng iyong negosyo, saka ka lang makakapagsulat ng summary na magbubuod nito ng maayos.

Business or company description

Kailangan nakalagay dito ang mga pinakamahalagang detalye ng iyong industriya at kumpanya. Gaano kalaki ang iyong organisasyon? Nasaan ang opisina ninyo? Ano ang pangunahing ginagawa ng iyong kumpanya? (i.e. manufacturing products, services and repairs, atbp.)

Kailangan mo ring ilagay dito ang pinakamagagandang impormasyon tungkol sa kumpanya niyo. Sabihin mo ang mga bagay kung saan mahusay ang kumpanya niyo at anong mga factors o mga bagay ang nakakatulong sa iyong negosyo tulad ng iyong mga competitive advantages, operational strengths, technological advantages, at iba pa.

Organization and management

Ano ang legal structure ng iyong kumpanya? (Sole proprietorship? Corporation?) Sino sino ang iyong pinakamatataas na executives at team members? Mayroon ba sa inyong may special skills o experience na mabuting malaman ng mga investors? May mga tauhan ka ba na mga celebrities, influencers, o mga mahusay na entrepreneur na makatutulong nang husto sa iyong kumpanya na magtagumpay sa negosyo?

Market strategy or market analysis

Pagusapan mong mabuti ang mga kasalukuyang nangyayari sa iyong industriya at ang market na gusto mong pasukin. Maraming tao ba ang bibili ng mga produkto o serbisyo mo? Papatok ba ang negosyo mo sa kasalukuyang panahon? May mga bagong trends ka bang maaaring gamitin? Mayroon din bang mga bagong pangyayari na pwedeng magdulot ng mga problema? Alin naman doon ang magagamit mo para maging mas matibay ang posisyon ng iyong negosyo?

Anong klaseng tao (o organisasyon) ang nasa iyong target market (mga pagbebentahan mo)? Sinu sino ang iyong pinakamahahalaga mong customers? Sino ang mga taong bibili ng iyong produkto o gagamit ng iyong mga serbisyo?

Bago pa iyon, kailangan mo ring alamin kapag may malaking market para sa iyong produkto o serbisyo, at kung kayang suportahan ng mga produkto mo ang pangangailangan ng mga customers mo. Kapag mali ang kalkulasyon mo dito, baka matulad ka sa mga kumpanyang nagbebenta dati ng mga segway at “hoverboards”. May maganda nga silang produkto, pero hindi naman pala ganoon kalaki ang market (walang masyadong bumibili).

Competitor analysis

Ang isang mahalagang business tip na natutunan ko ay mabuti kapag mayroon kang kompetisyon. Kapag may mga kakompetensya kang mga kumpanya na gumagawa ng produkto o serbisyong katulad ng iyo, ibig sabihin noon may market nga para sa produkto mo. May mga taong bumibili ng mga bagay na gusto mong ibenta, at marami ang bumibili kaya may mga negosyong nabubuhay at umaasenso dito.

Ang tanong naman ngayon, ano ang pwede mong matutunan sa iyong mga kakompetensya? Ano ang ginagawa nila? May mga trends ba silang sinusundan o sinisimulan? Ano ang pinagkaiba mo sa kanila? Bakit naman ikaw ang pipiliin ng mga customers at hindi ang kakompetensya mo?

Products and services

Ilarawan mo nang mabuti ang mga produkto o serbisyong ibebenta mo. Ano ang mga ito at ano ang espesyal sa gawa mo? Paano ito ginagawa? May mga kaparehong produkto ba sa market? Gaano kabuti ang iyong produkto kumpara sa iba? Bukod sa lahat, pag usapan mo kung bakit gugustuhin ng mga customers ang iyong produkto. Anong pangunahing benepisyo ang ibibigay ng iyong produkto o serbisyo sa ibang tao?

Marketing strategy

Anong niche o specialization ang papasukin mo? Sinu sino ang iyong mga ideal customers (tamang tama sa pangangailangan nila ang produkto mo)? Paano mo ipropromote o iaadvertise ang iyong produkto sa iyong mga customers? Paano mo ibebenta ang produkto mo? Anong mga tindahan ang magiistock nito? Ibebenta mo ba ito online? Paano mo gagawin ang pagtanggap ng orders at delivery? Ang lahat ng iyon at maraming pang ibang detalye ay dapat kasama sa iyong marketing strategy.

Financial plan/analysis/projections

Kung nangangailangan ka ng funding o pera, dito ang pinakamainam na lugar kung saan mo pwedeng ilagay iyon. Ilarawan mo ang halagang kakailanganin mo, saan mo ito gagamitin, mga kondisyong gusto mo, at marami pang iba. Gumawa ka ng napakaayos at detalyadong estimates ng posibleng cash flow, income statements, balance sheets at iba pa tungkol dito.

Isang payo na natutunan ko mula sa What They Don’t Teach You at Harvard Business School ni Mark McCormack ay para sa mga entrepreneur na nagsisimula pa lang, doblehin mo ang expected overhead projections (ang budget mo para sa iyong gastusin sa darating na taon). Gaano ka man kametikuloso sa iyong pagplano, may mga lilitaw na hindi inaasahang gastusin kang babayaran.

Habang sinasabi ng iba na nawawalang kwenta ang battle plans kapag nakaharap mo na ang kalaban at ang mga business plan ay nagiging walang kwenta kapag nakaharap mo na ang mga customers, kailangan mo pa ring gumawa ng business plan. Sabi nga naman ng iba, ang mga hindi gumagawa ng plano ay nagplaplanong mabigo. Kailangan mo lang maging flexible at magbago ng mga plano kapag kinakailangan. Ang business plan nga naman ay isang mabuting simula para sa mga bagay na kailangan mong gawin AT ito rin ay mabuting dokumento kapag naghahanap ka ng mga investors.

Siya nga pala, bukod pa sa article na ito, narito ang ibang sources na pwede mong basahin tungkol sa paggawa ng business plan:

Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.

View Comments (2)

  • Very informative and easy to understand especially that it's written in Tagalog. Would like to have a permission to use (include) this in my lesson for my grade 10 students. Since it's modular distance learning and they have to study on their own, they were having a difficulty in understanding the lesson especially if it's written in English. I'll be giving them this link so that they will be able to understand the concept and the components of a business plan.

    • Hello Teacher Jo,

      Sure! Please go ahead and use it! I hope your students find it useful.

      Regards,
      Ray L.
      YourWealthyMind.com