X

7 Aral sa Buhay mula sa isang usapan noong Weekend

*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.

English Version (Click Here)

Minsan, matututunan mo ang pinakamahahalagang aral sa buhay sa pakikipagusap mo sa iyong mga kaibigan. Noong nakaraang Sabado nakasama ko ang aking dating classmate noong high school na kakagaling lang mula Singapore. Marami kaming napagusapan gaya ng mga ginawa namin noong mga nakaraang taon, mga plano sa aming kinabukasan, mga aral sa buhay na natutunan namin, at marami pang iba. Madalas hindi ko pinag-uusapan ang mga iyon kasama ang aking ibang mga kaibigan, pero may mga exceptions – sila ang nakapagbibigay ng kaalaman at malalim na usapan. Kapag kasama ko sila, ang ilang oras ng usapan ay nakapagbibigay ng halagang katumbas ng isang napakagandang libro.

7 Aral sa Buhay mula sa isang usapan noong Weekend

 

  1. Palagi nating haharapin ang rejection o pagtanggi ng iba. Masanay na tayo.

Isa sa mga napag-usapan namin ng kaibigan ko ay kung gaano kadalas mangyari ang rejection o pagtanggi ng iba. Marami siyang nagawang marketing para sa mga events at professional performer din siya kaya natural lamang na marami siyang karanasan sa pagtanggi (kung nasa sales o business ka, alam mo din iyon – hindi ito maiiwasan sa buhay). Ano mang galing o buti ang gawa mo, hindi ka palaging gugustuhin ng mga tao at hindi mo palaging mahahanap ang tamang lugar para sa iyo. Bukod pa doon, lahat tayo’y may iba-ibang pananaw sa buhay kaya ang mga gawain at desisyon natin ay hindi palaging maiintindihan ng iba. Kapag mag sinubukan tayo o may desisyon tayong ginawa, hindi palaging sasang-ayon ang mga tao at madalas tayong pupunahin ano man ang resultang makamit natin. 

Ang pinakamainam na nating gawin ay matuto mula dito, pagbutihin ang ating sarili, at magpatuloy lamang sa ating buhay.

  1. Walang maling desisyon

Sabi ng kaibigan ko, may malaki siyang desisyong kailangang gawin: Papasukin niya ang isang mahalagang posisyon sa isang startup sa Singapore, o ipagpapatuloy niya ang kanyang break bago mag-aral sa London. Ayos sa kanyang subukan ang trabahong iyon, pero ayaw niya ng “key position” (ibig sabihin: nakakasakal na responsibilidad) at “manatili ng matagal” na bahagi ng trabaho. Papayag siyang tumulong kung iba ang nasa posisyon na iyon, at pinag-iisipan niyang tumanggi sa offer kapag hindi niya makuha ang terms na gusto niya.

Malamang magkakaroon ka din ng mga ganoong mabibigat na desisyon. Sa panahong iyon, alalahanin mo lang ito: Walang maling desisyon.

Huwag kang mag-alala sa pagkabigo o naiwasang oportunidad. Ano man ang mangyari, patuloy pa rin naman ang buhay. Huwag kang matakot tumanggi sa nga “great opportunities” – marami ka namang mahahanap na ganoon, at pwede ka pa ring gumawa ng sarili mong mga oportunidad. Iba nga sila, pero ito’y kasing ganda ng mga ito o mas-mabuti pa.

 

  1. Sumulong ka ayon sa mga gusto mo

Napakaraming talents ng kaibigan ko: siya’y nag ice skating (miyembro siya ng national team ng pitong taon), pagkanta (international performer siya), cheerleading, jazz, ballroom, gymnastics, acting, piano, guitar, poetry, at napakarami pang iba. Sabi niya sakin, kapag may nagustuhan siya, susubukan niya ito ng buong loob, Yun ang dahilan kung bakit gumagaling siya sa mga iyon.

Sabi rin niya sa akin, madalas nararating niya ang puntong pwede na siyang maging propesyonal, pero kapag narating na niya ang puntong iyon, lilipat siya sa susunod niyang gustong gawin. Di ko alam kung bakit, pero naiintindihan ko siya. Kahit gusto mong gawin ang isang bagay, hindi mo naman gustong ialay ang buong buhay mo sa paggawa nito.

Siya nga pala, naiintindihan ko rin yung kutob na “gusto kong gawin ito”: Naaalala ko nanood ako ng isang cooking anime noong kabataan ko kaya sinubukan kong magluto, nanood ako ng fishing anime kaya bumili ako ng fishing gear at sinubukan ko rin iyon (wala akong nahuli), nakita ko si Neji sa Naruto at Ma Gangryong sa Veritas kaya sinubukan ko rin ang martial arts (hindi ako magaling dito), napanood ko ang isang video ng Initial D at kaya ako nag-aral magmaneho ng kotse, nanood ako ng isang video ng napakagandang sword fight kaya sinubukan ko ang Kali/Arnis, at nanood din ako ng isa pang cooking show kaya nag-aaral ako ngayong magluto (nakita niyo ang pattern?).

Sa palagay ko, mahalagang sumubok ng iba-ibang bagay hanggang mahanap ko ang gusto mong gawin habang buhay. Sa “The Millionaire Mind”, sabi ni Thomas J. Stanley“almost all millionaires will tell you that the seed of their wealth is their vocation” (halos lahat ng milyonaryo sasabihin sa iyo na ang buto o pinagmulan ng kanilang kayamanan ay ang kanilang vocation/tungkulin/hanapbuhay). Iyon ay isang aral na natutunan ko sa iba-ibang classic na self-improvement books. Hanapin mo ang iyong tungkulin at subukan mong kumita mula dito. Di gaya ng “trabaho” o hanapbuhay na hindi mo gusto, ikaw ay magprapractice nito sa libre mong oras, mas-tatagal ka dito, at ikaw ay magsasanay at gagaling hanggang ikaw ay maging isa sa pinakamahusay dito (at tataas din ang bayad na pwede mong makuha).

Hanapin mo ang iyong passion o tungkulin at paikutin mo ang buhay mo dito. Yun ang isang paraan para magtagumpay. Ang kailangan mo lang gawin ngayon ay maghanap. Alalahanin mo na malalaman mo lamang kung ano ang iyong tungkuling kapag natagpuan mo ito.

  1. Sundan mo ang iyong kutob

Isang mahalagang aral na natutunan ko sa maraming libro tungkol sa leadership and management ay ang payo na kailangan sundin mo ang kutob mo. Oo, ito’y ginagawa ng mga kilalang CEO kagaya ni Jack Welch (nasa chapter 5 ng kanyang librong, “Winning”). Kung gusto mo ng scientific explanation, sabi ni Daniel Goleman (may akda ng “Focus: The Hidden Driver of Excellence”), ito’y dahil ang subconscious mind mo ay nakakagawa ng napakaraming kalkulasyon na makapagbibigay sa iyo ng pinakamabuting resulta.

Noong sinabi sa akin ng kaibigan ko na gusto niyang mag-aral sa London kahit marami namang talentadong instructors dito sa Pinas dahil may kutob siyang may mahalaga doon, susuportahan ko ang desisyon niya. Hindi ko alam kung ano iyon (at malamang hindi rin niya alam o nakalimutan niyang ikwento sakin), pero kapag sinabi ng intuition niya na iyon ang pinakamagandang gawin, ituloy niya lang.

Magagamit mo din ang payong iyon. Kung sabi sa iyo ng kutob mo na gawin mo ang isang bagay o iwasan mo ang isang bagay, makinig ka.

*Note: Ang “sixth sense” na ito ay ilalayo ka sa pahamak. Kung gusto mong malaman kung paano, subukan mong basahin ang “Left of Bang” ni Patrick Van Horne at Jason A. Riley.

 

  1. Hindi lang resulta ang dapat pag-isipan

“Ano ang punto nito? Bakit ka nagsasanay kung hindi mo naman gustong maging propesyonal para gawin ito habang buhay?” Sabi ng kaibigan ko, palagi siyang natatanong nito at hindi niya iyon gusto. Para sa akin, ang paggawa ng long-term na layunin ay mabuting bagay, pero madalas din naman na may gusto kang gawin dahil gusto mo lang.

Halimbawa, madalas akong bumili ng dekalidad na sangkap at kagamitan para sa mga gusto kong lutuin, nageensayo ako kada umaga (parang yoga), at ako’y gumagawa minsan ng digital art. Ito ba’y dahil gusto kong maging propesyonal na chef, health instructor, o graphic artist? Hindi. Ginagawa ko iyon dahil gusto ko at dahil natutuwa ako.

Kahit sinasabi ng iba na hindi ka dapat magsayang ng oras sa mga “walang kwentang” bagay (at gamitin ang oras sa pagkita ng pera), dapat ding maglaan ka ng oras para gawin ang mga gusto mong gawin. Kahit ang dating American president na si Dwight D. Eisenhower ay nagpapainting kahit busy siya para mawala ang stress at maliwanagan ang kanyang mga pinag-iisipan.

Mabuting gamitin ang oras sa mga bagay na mahalaga o pinagkakakitaan (hal. iyong career, pag-iipon at pag-invest, pagpapabuti ng sarili, atbp.), pero hindi nito ibig sabihin na gamitin mo ang LAHAT ng oras mo sa mga iyon. Basta wala kang nasasaktan, mabuting gamitin mo rin ang iyong oras sa mga bagay na gusto mo. Malay mo… baka mahanap mo ang iyong tungkulin mula doon!

 

  1. Ano man ang isipin mo, tama ka.

Palagi kong iniisip na madali lang ang personal finance. Ito’y pagkita ng pera, pag-iipon, at pag-invest. Noong sinabi sa akin ng kaibigan ko na nakakatakot ang salitang “finance” para sa kanya at marami ring natatakot dito, nagulat ako. Pero naiintindihan ko din naman kung bakit. Kapag may hindi ka alam o hindi pinapractice, minsan nakakatakot ito. Halimbawa, medyo takot akong mag-perform o kumanta sa stage dahil malamang mapapahiya ako, pero para sa mga propesyonal na performers gaya ng kaibigan ko, madali lang ito.

Ito’y isang aral na naaalala ko mula kay Robert Kiyosaki (“Rich Dad, Poor Dad”): Imbis na isipin mong “hindi mo kaya”, itanong mo kung “PAANO.” Kung may hindi tayo kayang gawin o kinatatakutang gawin, pwede naman natin itong PAG-ARALAN.

*Siya nga pala no, nakaisip ako ng bagong article dahil sa kanya: “Personal finance para sa mga beginners.” Baka isulat ko iyon balang araw.

  1. Sa mga inconsistencies at kontradiksyon: Gawin mo lang ang iniisip mong tama

Medyo nagulat ako noong sinabi ng kaibigan ko na “sinukuan” niya ang mga self-help books. Naalala ko ito’y dahil marami sa mga payo ay sumasalungat sa isa’t isa at marami din sa mga iyon ay parang hindi ganoon kabuti. Sinabi niya sa akin na sabi sa isang libro “kung may problema ka sa iyong kasintahan, dapat magpanggap ka na normal lang ang lahat” (sa madaling salita, dapat passive-agressive ka). Hindi ko rin nagustuhan ang payong iyon, lalo na dahil nagbasa ako ng mga leadership books na idinidiin ang katapatan, integridad, at malayang komunikasyon.

Marami akong nabasang self-help at self-improvement books at marami ngang nagkokontrahang payo sa mga iyon. Sabi ng iba, sabihin mo palagi ang iniisip mo na tama, sabi rin ng iba dapat manahimik ka muna at magpanggap na pareho ang iyong iniisip (“maging baliw kagaya ng karamihan kaysa maging matalino mag-isa” sabi ni Baltasar Gracian). Sabi ng iba ikwento mo ang mga layunin mo sa iyong mga kaibigan, pero sabi naman ng iba dapat sikreto mo lang sila. Sabi ng iba dapat ikalat at ipromote mo ang sarili mo at ang iyong mga kakayahan, ang iba naman sabi dapat itago mo ang iyong kayang gawin.

Siguro natutunan ko lang maging komportable sa magkakaibang idea at inconsistencies (hal. iba-ibang “best stock investing techniques”). Mula sa natutunan ko, kailangan gamitin mo lang ang iniisip mong tama. Halimbawa, dapat maging bukas at matapat ka sa iyong pinaniniwalaan, pero kapag kasama mo ang ibang tao na may kakaiba pero mabuti ring opinyon, iwasan mong makipagtalo para pahiyain sila. Pwede mong sabihin ang layunin mo sa mga taong susuporta sa iyo, pero hindi mo naman ito kailangang ipagkalat. Dapat ipromote mo ang iyong mga kakayahan, negosyo, at serbisyo sa mga pwedeng mangailangan nito at mga pwedeng makatulong, pero hindi mo naman kailangang ipalabas ang LAHAT ng tungkol sa sarili mo.

Pwede mong pag-aralan ang ginawa ng iba para magtagumpay, pero alalahanin mo din na ang mga ginawa nila ay pwedeng hindi gumana para sa iyo. Gaya ng itinuro ni Bruce Lee, dapat pag-aralan mo ang lahat ng kaya mo at itago mo lang ang pwede mong gamitin.

 

May kasabihan: “ikaw ang average o kalagitnaan ng limang tao na palagi mong kasama.” Makisama ka sa mga taong mas-magaling kaysa sa iyo, at magiging kasing-galing mo sila o higit pa. Marami akong natutunan mula sa kaibigan ko, at malamang marami rin tayong matututunan mula sa isa’t isa.

May mga aral sa buhay ka bang nalalaman na gusto mong ituro sa iba? Sabihin mo sa comments section sa ibaba!
Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.

View Comments (2)

  • hi sir ray. Gusto ko yung mga aritcles mo kasi tagalog. madaling intndihin. hindi boring basahin kasi para ka lang nakikipagusap sa reader ninyo. tsaka may pagka sense of humor din hehehe ^_^ kakadiscover ko lang sa blog niyu. nainspire ako sa inyu. keep writing sir!

    • Thank you Adrian! Kaya ako nagsisikap gumawa ng Tagalog translations para sa post ko ay kasi gusto kong makatulong sa kapwa kong pinoy. Mabuti nakatulong at nainspire ka sa aking posts. I'll keep writing, and thank you for reading!