X

Natatakot ka ba sa Tagumpay?

English Version (Click Here)

Marami sa atin ang nangangarap na tumira sa malaki at magandang mansion, kumita ng napakaraming pera, magkaroon ng maraming kaibigan, at magkaroon ng mapagmahal na pamilya… pero ang isang dahilan kung bakit hindi natin ito nakakamit ay dahil marami sa atin ay lihim na natatakot sa tagumpay.

Kung titiyakin ko pa, marami sa atin ang natatakot sa kailangan nating gawin upang magtagumpay. Natatakot tayong iwanan ang mga nakasanayan natin at natatakot din tayong sumubok sa mga bagong gawain upang makamit ang mas-nakabubuti.

Kapag iniisip natin ang masaganang buhay, pinagdududahan din natin ang ating sariling kakayahan at naiisip lang natin ang mga dahilan kung bakit HINDI natin ito kaya. Ang mansion, ang kayamanan, at ang masayang pamilya ay nagmumukhang imposibilidad at ang iniisip natin ay “Paano kung nalugi ako sa negosyo? Paano kung nag-invest ako at nawala ang pera ko? Paano kung hindi ko gusto ang bago kong trabaho o patalsikin lang ako? Paano kung ayaw nila sa akin? Bakit hindi ko masabi sa pamilya ko na mahal ko sila? Paano kung mawala ang lahat ng mayroon ako ngayon?” Dahil doon, nananatili tayo sa kasalukuyan nating kalagayan, ginagawa lang ang nakasanayan natin, at nakukuha lang natin ang palagi nating nakakamit.

Bukod pa sa lahat ng iyon, marami ang nangangarap ng mabuting pagbabago, pero kakaunti lang ang gustong GAWIN ang mga pagbabagong iyon. Marami ang nangangarap magtagumpay at yumaman, pero iilan lang ang gustong gumawa ng pagsisikap na kinakailangan. Milyon-milyong katao ang nabibigo sa buhay dahil natatakot silang sumubok.

Ano ang gagawin mo? Paano mo haharapin ang takot? Paano mo mapagsisikapan ang pangarap mong buhay?

Natatakot ka ba sa Tagumpay?

Nasubukan mo na bang…

Magbisikleta?

Bumaba sa pool slide?

Sumakay sa carnival ride o roller coaster?

Tumalon sa diving board?

Magmaneho ng kotse?

 

Nabigo ka na ba?

Nasaktan ka na? Nadapa ka na ba habang tumatakbo? Nahulog ka na ba mula sa bisikleta? Naisip mo ba na kahit nasaktan ka, natuwa ka pa rin?

…at paulit-ulit mo pa rin itong sinubukan…?

…tapos saka ka naging magaling dito.

Mayroon din isa pang sikretong hindi mo napansin.

Nakita mo ang isang tao na nagbibisikleta. Nakita mo kung paano sila umupo, paano nila hinahawakan ang handlebars, at paano nila inaapakan ang pedal.

Nakita mong magslide ang isang tao o paano sumakay sa roller coaster.

Nakita mo ang ibang tao na nagdive mula sa diving board papunta sa pool.

Natutunan mo kung paano magkabit ng seatbelt, pihitin ang susi sa ignition, kontrolin ang steering wheel o manibela, magshift ng gears, at tapakan ang gas pedals, clutch, at preno.

Dahil natutunan mo na masaya ito at natutunan mo kung paano ito ginagawa ng iba, ginusto mo rin itong subukan.

Kapareho nito ang Pagnenegosyo, Pag-Invest, at kahit ano pa.

Kapag nagsimula ka, malamang hindi ka pa magaling. Malamang nagagawa mo ang maraming bagay na hindi mo dapat gawin, gaya ng pagkalimot sa pagbubudget, pagsunod sa mga nauusong negosyo, o tumataya sa mga short-term market movements. Kapag nabigo ka, kailangan mong pag-aralan ang pagkakamali mo at subukan mong muli. Ipagpatuloy mo ang pag-aaral upang gumaling ka sa gusto mong gawin: Magbasa ka ng mga librong isinulat ng pinakamagagaling sa iyong field, sumali ka sa mga seminars at mga forums, o magpatulong at magpaturo ka sa iba.

Ipagpatuloy mo at pag-aralan mo saka ka gagaling dito.

Pagdaan ng panahon, magtatagumpay ka.

 

Ano ang kailangan mong gawin kapag natatakot ka sa tagumpay?

Simple:

Pag-aralan mo ang iyong kailangan.

Simulan mo.

Ipagpatuloy mo lang hanggang magtagumpay ka!

Kapag may kinatatakutan ka, pag-aralan mo ang ginagawa ng ibang mas-magaling sa iyo at subukan mo lang! Maraming magagaling na magmaneho ang dating natatakot sa mga highway at maraming nagsikap maging milyonaryo ang dating natatakot magtayo at magpalaki ng kanilang negosyo at investments.

Ang bundok-bundok na pagsisikap na kailangan mong gawin ay nakakatakot sa simula, pero kapag nagsimula ka nang umakyat at nagpatuloy ka, malamang balang araw makakarating ka rin sa tuktok. Kapag nakita mo ang pananaw mula sa itaas at nakamit mo ang bunga ng lahat ng iyong pagsisikap, malalaman mo ang sarap ng lahat nito.

Tapos saka ka maghahanap ng mas-malaking bundok na iyong aakyatin.

 

“Our deepest fear is not that we are inadequate. Our deepest fear is that we are powerful beyond measure. It is our light, not our darkness that most frightens us. We ask ourselves, ‘Who am I to be brilliant, gorgeous, talented, fabulous?’ Actually, who are you not to be? You are a child of God. Your playing small does not serve the world. There is nothing enlightened about shrinking so that other people won’t feel insecure around you. We are all meant to shine, as children do. We were born to make manifest the glory of God that is within us. It’s not just in some of us; it’s in everyone. And as we let our own light shine, we unconsciously give other people permission to do the same. As we are liberated from our own fear, our presence automatically liberates others.”

– Marianne Williamson, A Return to Love: Reflections on the Principles of “A Course in Miracles”

(Ang pinakang kinatatakutan natin ay hindi ang ating kakulangan. Ang kinatatakutan natin ay ang katunayan na tayo ay ubod ng lakas. Ang ating liwanag at hindi ang ating kadiliman ang nananakot sa atin. Pinagdududahan natin ang ating sarili, ‘Sino nga ba ako upang maging matalino, maganda, talentado, magara?’ Sino ka nga ba para hindi maging ganoon? Ikaw ay anak ng Diyos. Ang iyong pagmamaliit sa sarili ay hindi nakatutulong sa mundo. Walang katalinuhan ang pag-urong at pagtago para hindi maging insecure o mabuway ang iba. Lahat tayo ay nararapat na maglabas ng ating liwanag, gaya ng lahat ng kabataan. Ipinanganak tayo upang ipasabuhay ang kaluwalhatian ng Diyos na nasa loob nating lahat. Hindi lang ito matatagpuan sa kakaunti; ito’y nasa ating lahat. Kapag hinayaan nating lumabas ang ating liwanag, palihim na pinapayagan natin ang iba na gayahin tayo. Kapag tayo ay nakalaya sa ating takot, ang pagdalo natin ay nakakapagpalaya rin sa iba.)


Siya nga pala, mag-subscribe ka rin sa aming newsletter! Ilagay mo lang ang email address mo sa ibaba at mag-sign up!
Categories: Tagalog
Ray L.: Ray is the main writer behind YourWealthyMind.com. He is a proponent of self-improvement and self-education, and he believes that anyone can achieve their goals once they learn the knowledge and skills they need to attain them. He considers it his mission to enrich lives and end poverty by teaching people lessons they may need to succeed.