English Version (Click Here)
May popular na kasabihan tungkol sa investing na “you must never put all your eggs in one basket”. Huwag mong ilalagay ang lahat ng iyong itlog sa iisang bayong. Tama nga naman. Kapag nahulog mo ang bayong na iyon, pwedeng mabasag ang LAHAT ng dala mong itlog. Katumbas noon, mainam na hindi mo ilalagay ang LAHAT ng pera mo sa iisang investment lamang. Kapag pumalya ang investment na iyon, pwede kang mawalan ng napakaraming pera.
Paano mo ngayon proprotektahan ang pera mo para sa investment? Simple. Dapat matutunan mong i-diversify ang iyong portfolio! Kaysa ilagay mo ang LAHAT ng pera mo sa IISANG investment lamang (isang kumpanya, isang klase ng investment, atbp.), mag-invest ka sa MARAMI!
Narito ang tatlong simpleng paraaan para gamitin ang diversification upang protektahan ang pera mo sa para sa mga investment.
Ano ang Diversification at Paano Protektahan ang Iyong Investment Portfolio
Magbibigay muna ako ng isang disclaimer. Ito ay ilan lang sa mga basic na paraan para idiversify ang iyong portfolio (mga investment na pagmamay-ari mo). Hindi mo dapat ito sundin ng hindi pinag-iisipan, at hindi rin ito gagana palagi. Pwede mong matutunan ang basics dito, pero para gumaling sa pagpili ng investments at paghahawak ng iyong pera, kailangan mo pa ring gumawa ng sarili mong research at maghanap ng mga istratehiya na mapapagana mo. Bukod pa roon, kahit may maaayos na prinsipyo dito, hindi palaging susunod sa ating plano ang buhay at mayroon tayo palaging risk o pahamak na haharapin.
-
Magdiversify sa iba-ibang investment vehicles
Para sa mga beginners: Ang terminong “Investment vehicles” ay hindi tungkol sa pag-invest sa kotse. Ito’y isang termino tungkol sa iba-ibang klase ng investments tulad ng stocks, bonds, real estate, mutual funds, ETFs, money market, at iba pang assets.
Nagcracrash palagi ang mga markets, at bumabagsak sila nang hindi natin inaasahan. Ano ang mangyayari kapag ininvest mo ang LAHAT ng pera mo sa stocks bago bumagsak ang stock market? Paano naman kung naginvest ka sa real estate at bumagsak ang real estate market? Obviously, mapepeligro ka.
Para iwasan ang mga ganoong sitwasyon, dapat matutunan mong ilagay ang pera mo sa iba’t-ibang klase ng investments! Huwag mong ilalagay ang lahat ng pera mo sa stocks lang, o sa bonds lang, o sa money market lang, o mutual funds lang, o real estate lang. Kaysa ilagay ang 100% o lahat ng pera mo sa iisang bagay, paghati-hatiin mo ang budget mo at mag-invest ka sa kombinasyon nito.
Para naman sa kung gaano karami ang dapat mong ilagay sa stocks, bonds, mutual funds, real estate, o ibang investments, magdedepende iyon sa istratehiya mo. Halimbawa, kung bata ka pa lang at marami ka pang pwedeng kitain sa iyong career, pwede kang mag-invest ng mas-marami sa mas-risky na stocks. Sa kabilang dako naman, kung tumatanda ka na at kailangan mo ng mas-stable na portfolio o kaya naman hindi mo kayang sikmurain ang pagtaas-baba ng stock market, pwede kang mag-invest ng mas marami sa bonds habang nag-iiwan ka ng kaunti sa stocks para may kaunti ka pa ring potensyal para magparami ng pera.
-
Magdiversify sa iba-ibang kumpanya at industriya
Ang isa sa pinakamadalas na pagkakamaling nakikita ko na ginagawa ng iba, lalo na sa Pilipinas kung saan ako nakatira, ay inilalagay nila ang lahat ng kanilang ipon sa iisang stock ng kumpanya o iisang mutual fund dahil inirekomenda ito ng kakilala nila… at sa kasamaang palad, kapag bumaba saglit ang halaga noong kumpanya o fund, natatakot sila at nagbebenta ng palugi kaya nawawalan sila ng pera. Masama pa doon, kung maganda naman pala talaga ang kalidad ng kumpanya at tumaas uli ang halaga ng stock o fund sa pagdaan ng panahon, nawalan sila ng oportunidad dahil masyado silang maagang nagbenta.
Tumataas at bumababa ang mga markets at halaga ng investments, at kung hindi ka napakagaling sa pagbabasa ng mga ito, mabuti nang magdiversify at maginvest ka na lang sa iba-ibang DEKALIDAD na stocks at funds ng mga maaayos na kumpanya.
Hindi nga rin pala sapat ang magdiversify at mag-invest sa iba-ibang kumpanya lamang. Kailangan mo ring magdiversify sa iba-ibang industriya din. Isipin mo na lang kung ininvest mo ang pera mo sa sampung kumpanya… pero technology stocks silang lahat at pumutok uli ang tech bubble tulad ng nangyari noong 1990s hanggang 2000s. Isipin mo na rin kapag nag-invest ka sa real estate companies at bumagsak ang real estate market. Kailangan mo talagang mag-invest sa mga magkakaibang kumpanya sa iba-ibang industriya.
Ang lohikang iyon ay magagamit mo rin sa mutual funds (at ETFs). Kung nag-invest ka sa iba-ibang funds na may pare-parehong istratehiya at nagiinvest silang lahat sa magkakaparehong stocks, edi parang hindi ka na rin nagdiversify. Mabuti pa kung nag-invest ka sa iba-ibang klaseng funds, tulad ng paglalagay ng kaunti sa stock index fund, kaunti sa isang agresibong stock growth fund, isang bond fund, at isang money market fund.
-
Magdiversify sa pagdaan ng panahon: “Dollar-cost averaging”
Ito ang ikalawang bahagi ng pagkakamali na nagagawa ng karamihan. Marami ang naeenganyong magsimulang mag-invest kapag tumataas ang presyo ng mga stocks, kaya bumibili sila ng shares kapag overpriced o masyado nang mataas ang presyo. Ang tumataas ay bumababa rin, at kapag bumaba ang presyo sa “tamang” halaga (“correction” ang tawag sa pangyayaring ito), natatakot silang mawalan pa ng pera, nagbenenta sila, at nalulugi.
Dollar cost averaging, na tinatawag na “money cost averaging” o “peso cost averaging” sa Pilipinas, ay isang paraan para bawasan ang epekto noon.
Paano mo magagamit ang technique na ito? Simple. Kaysa mag-invest ng napakalaking halaga nang isang bagsakan (hal. mag-invest ng P12,000 nang isang beses), mag-invest ka ng nakatakdang halaga sa mabuting investment ayon sa nakatakdang schedule, tulad ng pag-invest ng P1,000 buwan buwan, o P3,000 kada quarter. Kailangan ipagpatuloy mo ito kahit umaakyat man o bumababa ang market.
Gumagana ang technique na ito dahil nakakabili ka ng mas-kakaunting shares kapag sobra silang mahal, pero nakakabili ka ng mas-maraming shares kapag mura sila.
Bihirang mangyari ito sa totoong buhay, pero gagamitin natin ang hypothetical o imaginary na halimbawang ito para ipakita kung paano gumagana ang technique:
- Sa Hunyo, ang shares ng isang kumpanyang gumagawa ng pagkain ay nagkakahalaga ng P50 bawat isa. Nag-invest ka ng P1,000 at nakabili ka ng 20 shares. (Total: P1,000 invested, 20 shares.)
- Sa Hulyo, tumaas ang presyo at naging P100 bawat shares kaya nakabili ka ng sampu lamang. (Total: P2,000 invested, 30 shares.)
- Sa Agosto, BUMAGSAK ang presyo at naging P20 lang bawat isa, at NALUGI ka. Nag-invest ka pa rin ng P1,000 dahil ayon sa research mo maganda pa rin naman ang pagtakbo ng kumpanya at nakabili ka pa rin ng 50 shares. (Total: P3,000 invested, 80 shares.)
- Sa Septiyembre, tumaas uli ang halaga ng shares sa normal na presyong P50. Nag-invest ka uli ng P1,000 para makakuha ng 20 shares.
Ano ang iyong total na financial standing doon? Nag-invest ka ng P4,000 para makakuha ng 100 shares… pero ang 100 shares sa halagang P50 ay magiging P5,000 sa iyong portfolio! Kumita ka ng P1,000 kahit bumalik lang sa orihinal na presyong P50 ang bawat share!
Uulitin ko, sa pag-invest ng nakatakdang dami ng pera sa isang schedule, pwede mong bawasan ang epekto ng pagtaas at pagbaba ng market. Mas-kakaunti ang nakukuha mo kapag sobrang taas ng presyo kaya mas-kaunti ang nawawala sa iyo kapag bumaba ang presyo nito, at mas-marami ang nabibili mo kapag mura ang halaga ng shares kaya mas-marami din ang kikitain mo kapag tumaas uli sa tamang halaga ang presyo ng mga ito.
Alalahanin mo nga lang na tulad ng iba pang mga investing tip, HINDI ito gagana sa mga MASAMANG investment at scams. Mabuting technique ito para sa mga beginners, pero kailangan mo pa ring gumawa ng sarili mong research.
Ang diversification ay isang maayos na paraan para pababain ang risk, pero pinapababa din nito ang pwede mong kitain. Kaysa ilagay mo ang pera mo sa kakaunti at pinag-aralang mabuti na mga investments na may malaking pagkakataong kumita ng marami, ikinakalat mo ito sa maraming iba-ibang investment para hindi ka malugi ng husto kapag may pumalya sa mga napili mo. Kung baguhan ka pa naman, mas mabuti nang maging safe kaysa malugi. Tandaan, sa ngayon malamang wala ka pa masyadong experience para makita kung ang “napakagandang investment” na inirekomenda ng kaibigan mo ay mabuti o masama, kaya wag mong isugal ang iyong pera.
Dito muna tayo magtatapos, at alalahanin mo na bago ka mag-invest dapat magresearch ka muna! Huwag kang maniwala nang basta basta sa mga sinasabi ng iyong mga kakilala. Magbasa ka ng mga libro, mga articles, at mag-invest ka lang kapag mainam mag-invest. Pera mo ang pinaguusapan natin dito. Kapag mas-marami kang nalalaman, mas-malaki ang iyong pwedeng kitain, at mas-mababa ang pagkakataong maloko ka lamang.
Sana nagustuhan mo ang article na ito! Kung gusto mong matutunan ang iba pang mga bagay, basahin mo lang ang ilan sa iba pa naming personal finance articles sa ibaba:
- Paano Mag-Invest para sa mga Baguhan: Limang Investments na Dapat Mong Alamin
- Basics ng Personal Finance: Ang Beginner’s Guide tungkol sa kung Paano Palaguin ang Pera
- Paano pumili ng Stocks: 10 Terms na kailangan mong matutunan